PAGDALO SA 'KALBARYO NG KAWALAN NG KATARUNGAN' NG FIND
Maikling sanaysay at tulâ ni Gregorio V. Bituin Jr.
Umaga ng unang araw ng Abril, dumalo muna ako sa Kalbaryo ng Kawalang Katarungan, isang aktibidad ng FIND (Families of Victims of Involuntary Disappearance) sa Bantayog ng mga Bayani.
Nagsimula ang programa ng ikasampu ng umaga, kung saan binasa ang walong pahinang pampleto, na binasa sa harap ng apat na estatwa ng desaparesido na nilikhâ ni National Artist Toym Imao.
Matapos ang programa, nagbigay kami ng repleksyon. Doon ay binigkas ko ang isang tulang kinathâ ko, na pinamagatang "Hustisya sa mga Desaparesidos":
wala kaming puntod na titirikan ng kandila
hanggang ngayon, sa mahal namin ay nangungulila
sila'y aktibistang nagsikilos upang lumaya
mula sa pagsasamantala ang bayan at dukha
inorganisa ang kababaihan, manggagawa
magsasaka, kabataang estudyante, ang madla
ang guro, manininda, abugado, mangingisda
subalit sila'y dinukot, sinaktan, iwinala
hinanap ng pamilya ang kanilang katauhan
nagtungo sa mga ospital, presinto, kulungan
nagbabakasakaling may bakas silang naiwan
sinong saksi, sinong maysala o may kagagawan
sa paghahanap sa kanila'y di dapat mabagot
sa nangyaring pagkawala, sinong dapat managot
krimen at pangyayaring ganito' y dapat malagot
mga naiwang katanungan ay dapat masagot
hustisya'y aming sigaw, sa kampo, korte, kalsada
saanmang lugar, panawagan namin ay hustisya
mga desaparesidos sana'y matagpuan na
mga mahal naming iwinala, sana'y makita
Matapos iyon ay isinagawa ang kasunod na aktibidad. Binitbit namin ang mga litrato ng mga desaparesido o yaong iwinala sa panahon ng Batas Militar. Ang napunta sa akin ay ang litrato nina Jessica Sales at Rizalina Ilagan. Tumayo kami paikot at binigkas ang mga pangalan sa kwadrong aming tangan, at sabay-sabay kaming sumagot ng 'Presente!'.
Matapos iyon ay nagpiktyuran kami sa plakard na ang nakasulat ay "Release Khurram Parvez Now!" na nakalagda ay AFAD (Asian Federation of Involuntary Disappearances). Si Parvez, taga-Kashmir, ang tagapangulo ng AFAD, na ikinulong dahil sa kanyang adbokasya sa karapatang pantao.
Natapos ang programa bago mag-alas dose ng tanghali, at kami'y nagsikain na ng inihandang pananghalian. Maraming salamat sa FIND at AFAD!
04.01.2026