Biyernes, Enero 1, 2010

Bawat Tagaktak ng Pawis

BAWAT TAGAKTAK NG PAWIS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

bawat tagaktak ng pawis ay tanda
ng sipag at tyaga ng manggagawa
bawat tagaktak ng pawis ng dukha
tanda ng isang kahig isang tuka

ngunit ang pawis ng kapitalista
ay tanda ng tusong tatawa-tawa
muli na naman siyang nakaisa
at dumaming muli ang kanyang pera

may dahil bawat tagaktak ng pawis
merong api, merong bumubungisngis
merong salat, merong kabig ay labis
nasang ang problema nila’y mapalis

ngunit kung pawis ay may halong dugo
habang binubuhay ang maluluho
mag-aaklas na sila nang mahango
sa dusa silang lagi nang nakayuko

Mga Natutulog sa Bangketa

MGA NATUTULOG SA BANGKETA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

bangenge na naman ang mga batang lansangan
baka muling nag-rugby nang gutom ay maibsan
gegewang-gewang na sila’t tulala na naman
at pati nga bangketa’y ginawa nang tulugan
tanging karton lang ang pansamantalang tahanan

silang natutulog sa bangketa’y buto’t balat
sila’y tulog na ngunit mata’y mistulang dilat
mapupula, bilog na bilog, nakamulagat
kayhimbing ng tulog kahit araw na’y sumikat
gigising ng gutom kahit ramdam nila’y bundat

sadyang kaytagal na nilang laman ng lansangan
mula pagkasilang doon na pinabayaan
sa kanila’y inutil itong pamahalaan
at walang magawa sa kanilang kalagayan
salot nga ba sila o biktima sa lipunan?

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.