BAHÂ
Sanay na nga ba tayo sa bahâ
kaya wala tayong ginagawâ?
Sanhi rin iyang trapong kuhilâ
na dinistrungka'y kaban ng bansâ.
Sa baha, huwag tayong masanay!
Pagsingil ay gawin nating pakay.
Alalahaning bahay at buhay
ang ipinagtatanggol nating tunay!
Ginawang proyekto'y paliparan
ngunit ang nangyari'y palubugan.
Nilubog sa baha ang lansangan
pati na aming mga tahanan!
Singilin natin lahat ng sangkot
sa isyung flood control na'y managot!
Tiyakin nating may malalagot
at dito'y walang makalulusot!
Mga lingkodbayang palamunin
ng manggagawa'y dapat alisin!
Lahat ng maysala'y panagutin
at mga nagrarali ay dinggin!
- gregoriovbituinjr.
09.03.2026
* litrato mula sa google






















