BAHA
Magkaka-lestospirosis / pag sa akin ay lumusong
Ang babae man o batang / di na kayâ pang umurong.
Pataas na ng pataas / ang tubig na bumabalong.
Mapapaluha na lang ba / pagkat walang tumutulong?
Halos libo-libo na raw / ang nagka-dengue't kolera.
Kahit na mga lamesa / ay nagkakaalipunga.
Kung sa akin ay matagal / na mabababad ang paa,
Ay tiyak magkakasakit / kahit mayaman mang masa.
Kayrami na ang pinaslang / nina Yolanda at Bising;
Nawalan na ng tahanan, / may nalunod pa't nalibing.
Gayunman, mag-ingat kayo / pag lumusong na sa akin.
Baka may bukás na manhole, / at ang anak mo'y lunurin.
Kargahin ang inyong anak / at magbota pag lalabas.
Tumangan sa mga bakod / at baka kayo madulas.
Ngunit tandaan n'yo lamang, / di ako ang tamang landas.
Manatili muna kayo / sa lugar na matataas.
- gregoriovbituinjr.
09.12.2026
* litrato mula sa google


Walang komento:
Mag-post ng isang Komento