Biyernes, Setyembre 4, 2026

Pagninilay

PAGNINILAY
‎di ko hilig iyang makipagdigmaan
‎maliban kung sa chess makipagtagisan
‎ng estratehiya at mga taktika 
‎at di sa giyerang kayraming biktima
mabuti't natuto akong manindigan
turo ng magulang, tama'y ipaglaban!
tanong sa sarili'y mga nakikita
laksa-laksa'y bakit kawalang hustisya?
‎bakit may mahirap? bakit may mayaman?
‎sa kaibutura'y laging katanungan
‎bakit nagdarahop silang magsasaka?
‎gayong buong bansa'y pinakain nila!
bakit manggagawa'y aliping sahuran?
gayong nililikha'y yaman ng lipunan!
hirap din ang vendor at namamasada
bigas na'y kaymahal, pati gasolina!

sistemang bulok nga'y sinirang tuluyan
itong kalikasang pinagkakitaan
bundok, gubat, dagat, lupa'y minimina
para sa negosyo at malaking kita
gawin ang marapat, huwag mang-iiwan
dapat masang api'y matutong lumaban
‎kaya nangalsada ako't nakiisa
‎laban sa pag-api't pagsasamantala!
‎- gregoriovbituinjr.
‎09.04.2026

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.