Natitipon dito ang iba't ibang sulatin hinggil sa mga isyu ng maralita, tulad ng karapatan sa pabahay, paglaban sa demolisyon, kahirapan, ang adhikaing pagbabago ng sistema, pagsusulong ng sosyalismo, at iba pa; inilathala bilang aklat na "KOMYUN: Katipunan ng Panitikang Maralita", na nakapaglathala na ng dalawang aklat (Unang Aklat - Disyembre 2007, Ikalawang Aklat - Disyembre 2008), at inilathala ng Aklatang Obrero Publishing Collective.
Linggo, Hunyo 29, 2008
Mula Danger Zone Hanggang Death Zone
Pahayag Laban sa Demolisyon
Sabado, Hunyo 28, 2008
Sanaysay: Sosyalisadong Pabahay - ni Ka Pedring Fadrigon
SOSYALISADONG PABAHAY
ni Ka Pedring Fadrigon
Ang programa sa sosyalisadong pabahay ang lulutas sa partikular na problema ng mga maralita ng lunsod. Sa pamamagitan nito, magagarantiyahan ang seguridad sa tirahan sa mga pook residensyal na ilalaan at irreserba sa ganitong layunin at gamit. Matitiyak na ang mga pook na ito ay paborable sa mga maralita ng lunsod – ligtas, malapit sa lugar ng trabaho, may sapat na pasilidad at sistema ng serbisyong sosyal – at tuluy-tuloy pang napapaunlad. Gayundin, matutulungan ang mga maralita na magkaroon ng tirahang sapat sa pangangailangan, sa presyo at kondisyong kakayanin ng masa.
Kung ang lugar ay lupang pampubliko, ipapamahagi ito sa aktwal na naninirahan o di kaya ay gagamitin para sa mga proyektong pabahay. Kung pag-aari ng malalaking kapitalista at panginoong maylupa, ang lupa sa pook residensyal ay dapat kumpiskahin at ipamahagi ng gobyerno sa aktwal na naninirahan o kaya’y gagamitin sa mga proyektong pabahay.
Sa iba pang kaso, dapat bilhin ng gobyerno ang lupa sa nagmamay-ari sa makatwirang presyo at ipagbili sa murang halaga sa mga naninirahan. Maglalaan ang sosyalistang gobyerno ng sapat na pondo para sa mga housing projects at housing loans. Titiyakin ding mura, matibay, sapat ang sukat at angkop sa pangangailangan ang itatayong mga yunit sa mga proyektong pabahay.
Titiyakin din ang pagmimintina at pagpapaunlad ng mga pook tirahan sa pamamagitan ng organisasyon ng mga maralita ng lunsod at ng gobyerno. At sa panghuli, kung kinakailangan, itatransporma ang ibang mga pasilidad tulad ng hotel at mga kondominyum bilang murang pabahay para sa maralita.
Makasalalay sa saligang pagbabago ng lipunan ang tagumpay ng programa sa sosyalisadong pabahay. Ang ekonomyang nagsisilbi sa mamamayan ang magpapaunlad sa kakayahan ng masa at ng sosyalistang gobyerno at lipunan na tustusan ang programa sa sosyalisadong pabahay. Ito ang magbibigay garantiya sa mamamayan na kamtin ang karapatan para sa makataong paninirahan.
Kasabay ng pagbabago ng lipunan ay ang pagbabago ng kalagayang pang-ekonomya. Kapag ang sistemang pang-ekonomya ay nagsisilbi na sa nakararami, ang mga walang trabaho ay magkakaroon ng trabaho. Darami ang pagkakakitaan sa lunsod at hanggang sa kanayunan at mapipigilan ang pagdagda ng mga tutungo sa lunsod. Darami, huhusay ang kalidad at bababa ang presyo ng mga produkto na kailangan natin para mabuhay. Sasapat ang kita, iikli ang oras ng paggawa at bubuti ang kalagayan ng maralita.
Magagamit ang yamang malilikha ng mga manggagawa para tugunan ang mga batayang pangangailangan tulad ng sosyalisadong pabahay, serbisyong pangkalusugan, libreng edukasyon, at iba pang serbisyong panlipunan. Mapapawi ang kahirapan at pagdarahop, sasagana ang buhay ng mamamayan at matitiyak ang kinabukasan ng susunod na henerasyon.
Kapag napaunlad ang sistemang pampulitika na nagsisilbi sa nakararami, magagarantiyahan ang ating mga karapatan, kabilang na ang ating karapatan sa paninirahan. Maibabasura ang mga patakaran, programa at batas na pumipinsala sa kapakanan ng mga maralita ng lunsod. Matitigil ang di-makatwirang demolisyon at matitiyak ang malakas na boses at aktibong papel sa pagbubuo at implementasyon ng mga desisyon na magpapabuti sa buhay ng mamamayan at katayuan sa lipunan sa pamamagitan ng ating mga organisasyon at ng sosyalistang gobyernong tumatangkilik sa ating interes. Sa unang pagkakataon, magkakaroon ang mga maralita ng lunsod ng tunay na kapangyarihan na maggamit sa kapakanan ng mga maralita at iba pang mamamayan.
Tula: Mangarap at Kumilos - ni Ramon Miranda
ni Ramon B. Miranda
Nais mong maabot lipunang malaya
Ibig mong makamit kaginhawaan ng madla
Nangarap kang ang lupa’y ibigay sa timawa
At masaganang buhay para sa manggagawa.
Paano mo mararating ang pangarap na ito
Kung bulag ka sa nangyayari sa paligid mo
Tainga mo nama’y bingi sa karaingan ng tao
Di mo pinapansin ang kanilang pagsusumamo.
Pananaw mo sa buhay, bakit ba ganyan?
Nais mong tumulong ikaw nama’y nag-aalinlangan
Ikaw ba’y natatakot iyong karapata’y ipaglaban?
O iniisip mo lamang ang sarili mong kapakanan?
Kung sa dibdib mo’y takot ang namamahay
Pangarap mong lipunan di maipagtatagumpay
Kaya nakasalalay sa iyong mga kamay
Taos-pusong pakikilahok sa pakikibaka ng buhay.
Kaibigan halina’t mag-aral at mag-isip
Tayo nang bumangon sa pagkakaidlip
Karapatan natin kailangang masagip
Sa kuko ng mapagsamantala, gahaman at sipsip.
Sa sistemang bulok, huwag aksayahin
Itong kinabukasang tinataglay natin
Ang ating mga teorya’y dapat pagyamanin
Buhay ay gugulin sa magandang adhikain.
Gawaing pagmumulat ay mahirap talaga
Sanlaksang pilosopo sa iyo ay dadagsa
Kung magtitiyaga ka lamang sa pag-oorganisa
Hanay ay mabibigkis, lipunan ay lalaya.
Nasa pagkilos ang ating paglaya
Hindi sa pangarap at patunga-tunganga
Kung hindi ngayon, kailan pa
Kaya kilos na, baka masayang ka!
Tula: Parang Ibon - ni Sammy Arogante
PARANG IBON
ni Sammy Arogante
Nagmula sa nayon
Nangarap umahon
Parang ibong langay-langayan
Dapo dito, dapo doon
II
Tulad ng maralita
Tirik dito, tirik doon
Kahit masikip, ito’y tinitiis
Estero, kalsada, kami’y nakatirik
Kahabaan ng Boulevard
Inyo kaming masisilip
Tahanang tagpi-tagpi
Ito’y masisikip
III
Bata ay masasaya, panganib di alintana
Tangkang demolisyon, sa kanila’y balewala
Basta’t makapaglaro, sila’y masaya na
Mga dyip, trak, kanilang kaulayaw
Murang kaisipan ay wala pang alam
Kung anong sasapitin ng abang kalagayan
IV
Araw man o gabi, kami’y di mapakali
Dahil ang panganib, lagi naming katabi
Lugar na tinitirikan, malapit sa aksidente
Sa hirap ng buhay, nakikipagsapalaran lagi.
V.
Mabuti pa ang ibong langay-langayan
Maraming madadapuan
Pero kaming maralita
Madalas walang tirahan
Lagi pang binubulabog
Ng pesteng pamahalaan
Kaya nagtitiis na lang kumubli
Maging sa ilalim ng tulay
Kailan pa sila tutulungan
Ng pamahalaan
Ang kanilang pamumuhay?
Tula: Batang Manggagawa - ni Antonio Pesino
BATANG MANGGAGAWA
ni Antonio Pesino
Mabangis ang lamig sa paghihintay ng bukang liwayway
Tinutuhog ito ng ideyang makamit ang tagumpay
Na sa bawat minuto’y may kapalit na gintong mahukay
na papawi sa paghihikahos ng kalamnan at buhay.
Mula sa init ng araw, katawang paslit ay pinanday
Kaakibat nitong nagpupumiglas ng damdaming taglay
Paano makawawala sa tanikalang pumapatay?
Sa panahong dapat ay isang maayos na pamumuhay.
Delubyo ang haring araw, sa lakas paggawa’y sumabay
Tagaktak ang pawis, sa balikat ‘tong mundo’y nakasampay
At bawat pagnanais ay di makaahon sa pagkampay
At bawat pagnanais makarating ay di magtagumpay.
Ni pag-angkin sa karapatan ay walang kamalaymalay
Kahit paglalaro ay walang puwang kahit sa bahay
Kaligayahan ay ang salaping pinagpagurang tunay
Tumatawid sa kahirapan kahit walang gumagabay.
Ngunit di sa dapithapon natatapos ang paglalakbay
Hindi lamang sa pagbubungkal ng lupa iwawagayway
Hindi sa basurahan, palaisdaan nakasalalay
BATANG MANGGAGAWA, dapat lang sa eskwelahan ilagay.
- labing pitong pantig
oct. 07, ’07, Villa Consuelo
Sanaysay: Kabute ng Lunsod - ni Ramon Miranda
KABUTE NG LUNSOD
ni Ramon B. Miranda
Samu’t sari ang suliraning dinaranas ng ating lipunan. Isa na rito ang lumalalang problema sa paninirahan. Marami sa ating kababayan ang nangangarap na lamang sa isang sulok ng kamaynilaan. Sila’y makikita natin kahit saan. Sila ang tinatawag nating maralitang tagalunsod o “Iskwater sa Sariling Bayan”.
Kung ating pagmamasdan at bibigyang pansin, sila’y tila mga kabuteng nagsusulputan na nakakalat sa kalunsuran. Ang pinagtagpi-tagping basura na nagsilbi nilang tahanan ay tamang-tama lang sa kanila para hindi abutin ng atake ng init at lamig ng kalikasan. Ito ang nagsisilbing pananggalang sa kanilang animo’y mga kawayang pangangatawan dahil na rin sa kakulangan ng pambili ng mga masusustansyang pagkain na dapat sana’y nasa kanilang hapag-kainan katulad ng mga kinakain ng mga taong nakaririwasa sa buhay. Sa tingin ng iba nating kababayan, ang mga tulad nila ay dumi sa ating lipunan na nagbibigay-dungis sa gubat ng kalunsuran. Tinatawag silang sakit sa mata o “eyesore” ng mga dayuhang turista na namamasyal sa ating bayan. Ikinahihiya sila ng mga kinauukulan sapagkat sila’y tila nagsisilbing putik sa isang malinis na damit ng mga maharlika sa isang kaharian.
Bakit ganito na lang ang pagtrato ng ilan nating mga kababayan, partikular na ang mga may tangan ng kapangyarihan? Nasuri na ba nila ang puno’t dulo ng kanilang karalitaan? Kung hindi naman, dapat nilang pag-aralan ang pinagmulan o pinag-ugatan nito. Ang karamihan sa tinatawag nating “Iskwater sa Sariling Bayan” o “Kabute ng Lunsod” ay karaniwang biktima ng mga ganid at mapagsamantalang mangangamkam ng lupa doon sa kanayunan. Sila ang mga dating magsasaka na may sariling lupa na pinagpapala na dati-rati’y kumikita nang sapat-sapat para mabuhay.
Sa iba’t ibang mga kadahilanan, maraming mga kaganapan sa kanilang buhay ang halos magpaputi ng kanilang buhay. Nariyan ang pagpasok ng iba’t ibang mayayamang may-ari ng kompanya na biglang magpapakita ng titulo ng lupa sa kanilang sinasaka. Nariyan ang mga panukala para sa pagpapalit-anyo ng sistema ng pamumuhay sa kanayunan na walang iba kundi ang di-mapigilang pagsulong ng industriyalisasyon.
Kung pakasusuriing mabuti, ang mga lupaing pinagtataniman ng mga magsasaka ng iba’t ibang mga produkto upang pakainin ang lipunang Pilipino ay hindi na magiging produktibo dahil isasakongkreto na ang mga ito para pagtayuan ng mga pagawaan. Dahil nga kulang sila sa lakas at impluwensya, marami ang walang kakayahang maipaglaban ang kanilang mga lehitimong karapatan bilang tao. Ang abang kapalarang ito ang nagsisilbing ugat ng pagdami ng maralitang tagalunsod sa ating bayan.
Ngayon nga’y sa lunsod sila nagdagsaan at natatanaw natin kahit saan. Sa tabi ng riles, estero at basurahan o di kaya ay sa ilalim ng tulay at mabahong tambakan. Sila’y nagpipilit mamuhay sa kabila ng karalitaan. Sa kasamaang-palad, sila ang kadalasang nagiging biktima ng mabangis na kalunsuran. Kahit sa ganitong kalunus-lunos na kalagayan, makikitaan mo pa rin sila ng kaunting kasiyahan dahil kahit papaano ay nararanasan nila ang tahimik na pamumuhay.
Subalit ang kadalasan, ang mga katulad nila ay hindi nakatatakas sa pangil ng kalunsuran sapagkat ang pamahalaan ay maraming balakin at programa para sa ikauunlad at ikagaganda ng kapaligiran. Isa sa mga halimbawa nito ay ang Luntiang Pangkalinisan o ang tinatawag na “Clean and Green Project” ng mga lokal na pamahalaan. Sa layuning ipakita sa mga dayuhang turista ang natutulog na kagandahan ng kalunsuran, masasaksihan sa lunsod ang walang katapusang gibaan ng mga tahanan ng maralita na itinuturing nilang nagpaparumi sa kalunsuran, partikular na yaong nasa tabi ng riles, estero, ilalim ng tulay, at tabi ng mabahong tambakan ng basurahan. Sa ganitong kalagayan, ang mga maralitang lunsod ay natutong mangatwiran sa kinauukulan. Biktima na nga sila ng karahasan sa kanayunan, pati ba naman sa kalunsuran ay hindi pa sila titigilan? Paano matatahimik ang buhay ng mga nilalang na ito kung sa bawat tinitirikan ng kanilang bahay ay lagi na lamang pinalalayas at pinandidirihan ng mga kinauukulan?
Kailan kaya malulunasan ang suliranin sa pananahanan ng mga pulitikong halal ng bayan? O talagang walang utang na loob ang mga pulitikong iyan na matapos mapakinabangan ang mga boto ng mga maralitang mamamayan hindi man lang nila bigyang pansin ang kanilang karaingan. Kung palaging ganito ang mararanasan ng mga mahihirap nating kababayan, mawawala ang tiwala nila sa pamahalaan lalo na sa mga inihalal ng bayan.
Kung hindi susuriin at reresolbahin ang ugat ng kahirapan sa ating lipunang ginagalawan, ang “Kabute ng Lunsod” ay lalo pang darami at lalo pang magsusulputan at sila’y masisilayan natin saan mang dako ng kalunsuran.
Kapag nangyari ang ganito, pati mga pambansang tanggapan o maging ang mga pambansang lansangan ang magsisilbi nilang tulugan hanggang sa makamtan nila ang minimithing maayos at disenteng tahanan. Ito ang araw ng pagbangon ng kanilang kamalayan upang pigtasin ang tanikala ng kahirapan.
Sanaysay: Paralegal at Maralita - ni GBJ
PARALEGAL AT MARALITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Libu-libong mga maralita ang pinalalayas na lamang na parang hayop sa mga pampubliko at mga pribadong lupa, sa mga lupang tatayuan ng proyekto ng gobyerno, tulad ng imprastruktura, tulad ng kalsada, tulay, at iba pa. Winawasak ang kanilang mga tahanan dahil nakatirik sa mga delikadong lugar, tulad ng estero, tabing-ilog, riles, at bangketa. Sila umano’y masakit sa mata ng gobyerno’t mga kapitalista, lalo na’t may bumibisitang “importanteng” dayuhan sa bansa. Kailangan silang idemolis at itapon sa malalayong lugar. Parang pusang gala ang tingin sa kanila ng mga matapobreng nasa poder ng kapangyarihan. Winawasak ng mga nasa kapangyarihan ang mismong dignidad ng maralita. Dinedemolis ang tahanan ng maralita ng walang “due process of law”, walang “equal protection of the laws”, at walang makatarungang kumpensasyon. Ang matindi pa rito, mabilisan ang pagpapatupad ng desisyon kapag ito ay hindi pabor sa mga tao.
Sa ganitong kadahilanan, tama lamang na malaman ng maralita ang ilang mga batas na may kaugnayan sa kanila at sa lipunang ginagalawan upang kanilang maipagtanggol ang kanilang karapatang mabuhay ng maayos at marangal, karapatang magsalita at magpahayag, karapatang magkaroon ng disenteng paninirahan, karapatang magkaroon ng sapat na trabaho, karapatang ituring na tao at hindi basura, at iba pang karapatang nasusulat sa Universal Declaration of Human Rights (1948), International Covenant on Civil and Political Rights (1966), International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights (1966), Konstitusyon ng Pilipinas (1987), at iba pa. Ang batas ay dapat kumiling sa maralita, pagkat sa katayuan pa lang ay agrabyado na sila. Sila ay mahirap, habang ang nagpapademolis sa kanila ay mayaman, o kaya’y makapangyarihan, o nasa poder. Kaya nararapat lamang idepensa ng maralita ang kanilang sarili, laluna ang kanilang komunidad, kung sila’y idedemolis at sapilitang palalayasin sa lugar ng hindi dumaan sa makataong proseso.
Kadalasan, nabibigla na lamang ang maralita na may demolition order mula sa korte. At ang asal ng mga nagdedemolis sa mga maralita ay katulad ng mataderong kumakatay ng baboy. Wala silang pakialam sa maralita, kahit na lalong mapariwara ang dati nang aping buhay nito.
Pero dapat may gawin ang maralita. Dapat niyang ipagtanggol ang kanyang dignidad na matagal nang ninakaw ng sistemang panlipunang umiiral. Sistemang ang tingin sa mga maralita ay hayop na walang karapatang mabuhay.
Narito ang ilang ibinahaging kaalaman sa mga maralita hinggil sa usaping paralegal. Ang paralegal ay ang pag-alam at paggamit ng sinumang hindi abogado ng mga batas na umiiral sa layuning ipagtanggol o idepensa ang sinuman sa ngalan ng hustisyang panlipunan.
Ilan sa mga batas na may kaugnayan sa maralita ay ang mga sumusunod:
a. Artikulo XIII, Seksyon 9 at 10 ng Konstitusyon ng Pilipinas ng 1987
b. Artikulo III, Bill of Rights ng Konstitusyon ng Pilipinas ng 1987
c. Republic Act 7279, mas kilala sa tawag na UDHA (Urban Development and Housing Act), o Lina Law
d. Executive Order 152
Mga maaaring isampang kaso pagkatapos ng sapilitang pagdemolis.
a. Kasong kriminal – maaaring sampahan ng kasong kriminal ang mga nagdemolis kung lumabag ang mga ito sa batas-kriminal, tulad ng damage to property, theft, robbery, grave threats, grave coercion, atbp, kung saan maaaring mabilanggo ang mga nagdemolis at magbayad ng multa
b. Kasong sibil – maaari ding pagbayarin ng damages, tulad ng disturbance fee at moral damages, ang mga nagdemolis dahil sa perwisyong kanilang naidulot.
c. Kasong administratibo – maaari ding kasuhan ang mga nagdemolis ng kasong administratibo, tulad ng reprimand o warning, suspension, at dismissal.
Dapat na tandaan na lahat ng ito ay may legal forms, o mga kasulatang tumatalakay o nagsasabi hinggil sa bawat transaksyon, kasunduan, ligal na liham, apidabit, subpoena, resibo, at iba pa. At hindi dapat katakutan ang anumang legal forms, kundi unawaing mabuti ang nilalaman.
Dapat din nating maunawaan ang iba’t ibang doktrina ng pag-aari ng lupa, tulad ng Regalian na noong panahon ng Kastila, lahat ng pampublikong lupa sa Pilipinas ay pag-aari ng Espanya (ngayon ay wala na ang batas na ito, dahil wala na tayo sa panahon ng mga Kastila). Nariyan din ang
Halimbawa namang idinemolis na ang bahay ng maralita, dapat niyang idemanda ang nagpademolis kung hindi ito sumunod sa tamang proseso. Dapat ding humingi ng disturbance fee ang mga maralita.
Kapag nasira ang mga kagamitan ng maralita, sampahan nila ng kasong damage to property ang mga nagdemolis. Kapag nangawala ang mga kagamitan ng maralita dahil sa mga demolition teams, dapat silang magsampa ng theft o robbery. O kung sapilitang kinumpiska o inagaw ng sinuman sa demolition teams ang kanilang mga ari-arian, kailangan nilang magsampa ng qualified theft.
At ang mahalaga ay ang paggamit natin ng mga metalegal na pamamaraan, tulad ng rali, barikada, atbp., upang depensahan ang ating karapatang mabuhay sa lipunang ito.
Sanaysay: Diyalektika
Sanaysay: Vendors, Wowowee - ni Pedring Fadrigon
VENDORS, MARALITA, WOWOWEE AT KAHIRAPAN
ni Ka Pedring Fadrigon
(nalathala sa Taliba ng Maralita, Marso 2006, p. 3)
Matindi ang krisis pang-ekonomya bunga ng epekto ng globalisasyon. Patunay dito ang nangyaring stampede sa unang anibersaryo ng programang Wowowee sa ABS-CBN kung saan 74 katao ang namatay habang mahigit 300 ang nasugatan dahil sa pag-aagawan sa tiket na ira-rafol para manalo ng jeep, tricycle at isang milyong piso at mga consolation prizes.
Masakit isipin ang sinasabi ng iba na ang mga biktima ng stampede ay mga maralitang umaasa na lamang sa jackpot at ayaw magtrabaho, mga tamad. Hindi katamaran ang dahilan ng kahirapan! Napakasisipag ng mga vendors at gumigising ng madaling araw para lamang magtinda, pero ano ang ginagawa ng Metro Manila Development Authority (MMDA)? Isa sa dapat sisihin dito at singilin sa nangyaring trahedyang ito ay si Bayani Fernando, ang tinaguriang Hitler ng mga vendors, lalo na ang kanyang polisiyang panununog sa mga paninda ng mga kaawa-awang vendors. Daan-daan, kundi man libu-libong vendors ang tinanggalan niya ng karapatang mabuhay ng marangal. Dahil sa kanya, maraming mga vendors ang nawalan ng puhunan dahil sa pagkumpiska niya at ng kanyang mga bataan sa mga paninda ng mga vendors. Nais ng mga vendors magtrabaho ng marangal, nagsisikap at nagsisipag upang may maipakain sa kanilang mga anak, maipagpaaral at maipanggastos sa pang-araw-araw. Umaasa ang mga maralita sa jackpot para lamang may maipandagdag sa kapos na kinikita, at hindi dahil sila’y tamad.
Batay sa mga datos, milyun-milyon sa kasalukuyan ang walang tiyak na trabaho bunga ng malawakang tanggalan sa mga pagawaan. Milyun-milyon din ang walang tiyak na pangkabuhayan bunga rin ng mga patakarang kontra-maralita. Walang malinaw na
Ang humigit-kumulang sa 100,000 vendors sa Kalakhang Maynila ay nilapastangan at winalis ng mga berdugong tauhan ng MMDA. Itinuring kaming mga pobreng vendors na mga basura sa lansangan. Kailangang itapon at sunugin. Ganyan ang kalunus-lunos na sinapit ng mga vendors sa Kalakhang Maynila.
Sa tuwing maririnig namin ang mga balita at usap-usapan, wala man lang nagsabing kami ay nakakatulong sa ekonomya ng bansa; nakakatulong sa gobyernong hindi makatulong sa maralita; nakakatulong sa gobyerno pagkat hindi na nila kung paano kami magkakatrabaho. Bagkus kami ay sasabihan pang mga illegal vendors at abala lang sa trapiko. Di kaya ang dahilan ng trapiko ay ang sobra-sobrang sasakyan. Di kaya ang makipot na kalsada? Di kaya problema ng gobyerno na wala siyang nakalaang paglalagyan ng mga maghahanapbuhay?
Kung ang usapin ay ilegal, mas ilegal ang pagkakaupo ng pekeng pangulo! Kung ang usapin ay pagiging ilegal, mas ilegal ang gutumin mo ang sambayanang naghihirap! Ang panawagan ng pamahalaan ay magsikap daw ang lahat, ngunit ano ang mangyayari sa mga pagsisikap kung tayo ay gagamitan ng mga batas na kontra sa ating mga pagsisikap? Kapag tayo naman ay mangangatwiran at lumaban, humingi ng alternatibo, kung di ka mapukpok sa ulo, ikaw ay makukulong. At kapag mukha kang bisaya o muslim, ang sasabihin sa iyo, kung di ka rebelde, ikaw ay terorista. Iyan ang buong karanasan nating mga mahihirap. Maliit ang pagtingin sa atin. May pwersa tayo at lakas na hindi natin ginagamit, kaya ang nakikita ng gobyerno ay ang ating pagkakawatak-watak.
Napakarami ng mga vendors, dangan lamang ay di tayo organisado. Hindi tayo solido, kaya kahit ang ating mga problema ay hindi natin maipaglaban at maipagtanggol. Kaya ang ating panawagan ay magtayo ng organisasyon ng mga vendors sa kalunsuran.
Bunga nitong mahirap na kalagayan, ang tanging solusyon dito ay mag-organisa sa mga vendors. May naitayo na dati, ang Metro Manila Vendors Alliance (MMVA), kung saan ang inyong abang lingkod ang unang tagapangulo.
Ang itatayo nating organisasyon ng mga vendors mula sa iba’t ibang komunidad ng maralita ay hindi lamang pagsuporta sa MMVA, kundi ito’y pagpapaigting pa sa klaradong direksyon ng mga maralita sa pagbabago ng bulok na sistema.
Abutin ang pinakasulok na mayroong mga vendors at pagkaisahin sa iisang layuning makapagtayo ng isang sentrong organisasyong daluyan ng mga problema ng mga vendors sa kanayunan at kalunsuran para isulong ang ating mga laban sa mga batayang kahiligan, at mairehistro dito sa kasalukuyang gobyerno.
Sa stampede sa Wowowee, hindi dapat makalusot sa batas ang tulad ni Bayani Fernando, na umagaw sa kabuhayan ng maraming mga vendors at mahihirap na pamilya.
Katarungan sa lahat ng mga nangamatay sa stampede sa Ultra! Singilin ang MMDA sa mga kasalanan nito sa mga vendors! Itayo ang transisyunal na rebolusyonaryong gobyerno (TRG)!
Sanaysay: Relokasyon Para Kanino - ni Ka Pedring Fadrigon
RELOKASYON
Sa tao, sa mamamayan, o sa pulitiko
ni Ka Pedring Fadrigon
Ganito ang malaking katanungan na gumugulo sa isip ko. Taong 1995 nagsimula ang kaguluhan sa Brgy. Calumpang sa
1998. Nagsikap ang mga pamunuan na mag-unite para masimulan ang proseso para matiyak na mapunta sa mga relocatees ang nasabing relokasyon. Subalit sa tuwing mabubuo ang kaisahan, tila ba laging may sumisirang anay sa loob mismo ng kaisahan. Kaya back to zero na naman ang hangarin.
2001. Eleksyon. Tahasang sinabi ng mayor na kami ang bahala sa inyong lahat dahil kung may kaso, kami ang unang makukulong. Kung kaya, sa resulta ng eleksyon, namayani pa rin ang kagustuhan nila at ang naging papel ng mga presidente bago mag-eleksyon ng 2001. sunud-sunuran sa dikta at atas ng LGU hanggang 2004. Eleksyon muli na namang namayani ang mga trapong pulitiko na gamit pa rin ang halos lahat ng pamunuan sa mga relokasyon.
Hanggang sa ngayon, walang inilulunsad na mga eleksyon sa mga pamunuan, inugatan na sa panunungkulan, katulad din ng LGU, noon at ngayon.
2006. Bago mag-eleksyon, nagkapirmahan ng isang memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng LGU, land owner at mga lokal na samahan.
Matapos ang lokal na eleksyon, nag-laps ang MOA. Kahit na tinangkilik ng mga tao sa komunidad ang kanilang team sa eleksyon, wala naman itong bisa sa pag-laps ng MOA. At ngayon, may dagdag na problema na naman, dahil bago na uli ang officer-in-charge (OIC) ng Marikina Settlement Office (MSO), tagapamahala sa mga settlement.
May iba na namang gusto. Ano ba ‘yan! Sa tuwing magpapalit ng OIC ang MSO, may iba’t ibang taktika para ma-delay ang proseso sa palupa. Panginoon, kailan mo ba kami bibigyan ng tunay na tao para maging lingkod ng mamamayan?
Hindi lamang ang Balubad ang may ganitong problema, kahit ang Tumana, Doña Petra, 54 samahan, pati ang Bagong Sibol sa Con Uno. Ang pangako: Huwag kayong mabahala. Hangga’t ako ang mayor, hindi kayo mapapaalis at matitinag diyan sa inyong kinatitirikang bahay.
Kung kayo ang babasa sa sitwasyon, nakikita ba ninyo o nararamdaman na may pag-asang mapunta sa mga tao ang relokasyon. Samantalang 18 taon na nanungkulan sila. At itong 2010, kailangan at obligado na silang bumaba sa pwesto. E, ‘yung isa ngang konsehal mula pa sa manggagawa, siyam na taon sa konseho, ngayon konsehal uli, wala ding nagawa. Puro porma, laging nakadikit sa kusina. Sana’y may mapulot kayong ideya at karanasan sa aking mga tanong? Sila pa bang mga pulitiko ang gusto nating manungkulan sa 2010.
Mamamayan, mag-isip-isip tayo. Huwag na tayong pabola at paloko sa mga trapong pulitiko. Ibasura na rin natin si Kabayan at si GMA.
Ang mga ginawang hakbang at paraan ay ang mga sumusunod:
Una, itinayo ang core group. Binigyan ng mga pagsasanay.
Ikalawa, nagtatag ng working committee. Ang gawain ay management, monitoring, trouble shooting, nego at pangunahing pwersa.
Ikatlo, pagtatayo ng komite bawat lugar. Gawain: finance project, networking, alliance at media work
Ikaapat, regular GA at covenant sa mga kasapi.
Tula: Batas at Metro Manila - ni Tek Orfilla
ANG BATAS AT ANG METRO
ni Silvestre “Tek” Orfilla
Laban sa manggagawa, laban sa maralita
Laban sa manininda, sa karapatan ng tao ay labag pa
MMDA pala ang sinasabing Metro Manila.
Maganda sa pandinig na talagang may batas nga
Ang batas na ito, kanino nga kaya
Bakit kapag si Fernando ang nagpapatupad na
Ang mga batas na sinasabi ay nginunguya pa.
Kay Bayani Fernando’y walang batas talaga
Pagkat siya ay makapangyarihang tao na
Walang pumipigil, walang sumisita
Ngunit ang kawawang vendor sa kalsada’y tinutuligsa pa.
Ang Metro Manila ay puno ng mga dalita
Manininda, mga manggagawa at mga maralita
Ngunit sa kamay ni Fernando’y kawawang-kawawa
Sa kanya’y walang batas, Korte Suprema nga’y walang magawa!!!
Ano itong mga batas, ano itong Metro Manila
Bakit ang taong bayan ay walang magawa
Wala na ngang kinakain, mga tinig ay wala nga
Hanggang kailan, Metro Manila, kayo ay makapagtitiyaga.
Tula: Hibang - ni Antonio Pesino
HIBANG
ni Antonio Pesino
Umiibig ako sa isang bayan na puno ng kaguluhan
Nagmamahal ako sa isang bayan na aking pinagmulan
Dito sa silangan na puno ng perlas at kalikasan yamang
Puno ng droga, mga buwaya sa kalsada, terorista, kidnapan.
Umiibig ako sa isang bayan na walang tigil ang karahasan
Nagmamahal ako sa isang bayan na manhid sa katiwalian
Sa sentrong aking kinagisnan na nagkalat ang holdapan
Mga paslit sa lansangan, mga katutubong nakikipagsapalaran.
Umiibig ako sa isang bayan na bulok ang pamahalaan
Nagmamahal ako sa isang bayan na naglipana ang kahayukan
Mula sa bansang nagmulat sa akin sa kahirapan
Hubad na katawan, mga kapitalista, mga pulitikong hayok sa kapangyarihan.
Namumuhay ako’t nagmamahal sa bayang aking sinilangan
Kahirapan at kamanhidan, bangungot na aking pinaglalaban
Hibang daw ako, sabi ng iilan
Hibang daw akong magamot, sakit ng pinakamamahal kong bayan.
Disyembre 5, 2007, San Andres Bukid, Maynila
Tula: May Debate sa TV - ni Antonio Pesino
MAY DEBATE SA TELEBISYON
ni Antonio Pesino
May isyu na naman, sa kapamilya nabungaran
May kapusong umapela, sila raw kunong una
Mula noong dekada nubenta walang tigil sa kakabenta
Tila itlog at manok, di malaman kung anong nauna
Banga-bangayan, parang sabungan, nag-uungusan sa pataasan
May debate sa telebisyon! Sinong tama? Sinong
May bulag na pulubi, namalimos sa may kalye
May buwayang parak, nangotong sa may tabi
May isang estudyante, ang taas ng tuition fee
May isang guro, ang baba ng talent fee
Sumigaw si pareng Ted, gumising ka na raw!
May debate sa telebisyon! Pag-unlad ba o pagbabago?
May negosyanteng intsik, sa broadband namuhunan
Iilang linta sa gobyerno ang tanging nakinabang
Si among Ed naabutan, ‘sang bandel ng kayamanan
Ininguso sa taong bayan, buking ang malawakang suhulan
Naglipanang mga nilalang, mga ganid sa malakanyang
May debate sa telebisyon, maniwala ka o sa hindi.
May naghuhugas ng kamay, kailangan, magkaisa na raw
Hinatulan si Asiong Salonga, saka malayang pinalipad sa hawla
Magdalo, muling sumigaw, pagbabago patuloy na hinahanap
Naalarma hanay ni Gloria, boses ng media tinatali na
Nasaan na ang mga bida? Nangagampanya, namumulitika
May debate sa telebisyon! Panawagan! Hindi taguan!
May nag-iisip sa salitaan, umaayon, tumututol,namamagitan
Ilang hati, ilang pangkat, ilang grupo ang nagsisigawan
May nagpapalitan ng kuro-kuro, kanya-kanyang paniniwala
Iba-ibang opinyon, liko-likong direksyon.
Karapatan para sa adhikain! Kapatawaran para sa kaligtasan?
Kapangyarihan ng taong bayan, nasaan ang tunay na kalayaan?
Sino ba si Rizal? Uy, wala ka bang pakialam?
Sino ba si Macoy? Nakakarinding walang alam!
Si Ninoy pinatay, karahasang gumising sa bayan!
Si ka Pops may naiwang aral, REBOLUSYON sagot sa katiwalian!
Kailan pa ba ang panahon? Maralita’y lugmok na sa putikan!
May debate sa telebisyon, sasama ka ba o tatahimik na lang!
- Disyembre 6, 2007, San Andres, Maynila
Tula: Paalam, Joel - ni Norma Rebolledo
PAALAM, JOEL
ni Norma Rebolledo
Nagbuwis siya ng buhay
lumisan nang mapayapa
di nakayanan, gumuho
yaring katawan dahil sa kahirapan
siya ay biglang lumisan
bayani siyang alaala
dahil sa kanyang ginawa
tanging pagbabago na
maganap – sosyalismo
laging bukambibig na kataga
buhay pa ba? Kung sakaling
mabago ang bulok na sistema
siya, si Joel Brondial,
tuluyan nang lumisan,
bayaning di malimutan
alaala mo, buhay ka sa iyong
iniwang mga ginawa
saludo kami, kahit na ikaw
ay pumanaw
(Si Ka Joel ay isang magaling na organisador ng maralita na kumikilos sa Dagat-Dagatan, namatay sa bangungot)
Tula: Abang Kalagayan ni Juan - ni Tek Orfilla
ABANG KALAGAYAN NI JUAN
ni Silvestre “Tek” Orfilla
Saan ka man tumingin, iyong matatanaw
Barong-barong ni Juan, laging napapag-initan
Salat na nga sa kita, hirap pa sa kalagayan
Kawawang si Juan, walang mapuntahan.
May mga tao naman, mababait at magagalang
Ano mang oras ay handa kang tulungan
Matataas ang posisyon sa ating pamahalaan
Dangan nga lamang ay mga tutang sa amo’y sunud-sunuran.
Ang kaawa-awang si Juan, sa kanyang abang kalagayan
Ginigiba na ang bahay siya pa ang pinagagalitan
Tutang mga pulis, mga nakatunganga naman
Pagkat sila ay huwad na nagsisilbi sa bayan.
Sino pa kaya ang pwedeng malapitan
Saan pa tutungo, wala na yatang mapupuntahan
Sino pa ang magtutulungan kundi tayo-tayo lamang
Ilunsad ang rebolusyong mapagpalaya, sa abang kalagayan ni Juan.
Tula: Hustisya - ni Tek Orfilla
HUSTISYA
ni Silvestre “Tek” Orfilla
Sadyang napakaganda sa bansang may hustisya
Taas ang noo mong naglalakad sa kalsada
Hindi nangangamba sa anumang aberya
Pagkat nakasisiguro ka, patay kang bata ka!
Hustisya sa bansa’y napakaganda talaga
Sa kalsada’y naglalakad, ang noo’y nakababa na
Anumang aberya at anumang pangamba
Patay ka na nga, minumura ka pa.
Ang ganitong hustisya, dapat ay pantay-pantay na
Mangyayari lamang ito kung talagang magkakaisa
Manggagawa’t maralita, magsama-sama na
Upang hustisya sa bansa, sa’ting kamay ay ilagay na!!!
Tula: Mumunting Dampa - ni Anthony Pesino
MUMUNTING DAMPA
ni Antonio Pesino
Sa isang mumunting dampa
ay masaya ang pamilya ko
Kahit tagpi-tagping dingding
at bubungang lata man ito
Di man sapat ang nakahain,
busog naman itong puso
Sa kabila ng kahirapan,
buhay ang damayan dito.
Sa aming mumunting dampa,
iskwater kung kami ay ituring
Sa pang-aagaw ng karapatan,
ito raw ang aming galing
Mananakop ng may lupa,
sa amin ito ang paratang
At lahat ng kasalanan,
sa ami’y ibinibintang.
Paano ang aming buhay
sa aming mumunting dampa?
Kung ipagkakait sa amin
itong kapirasong lupa
Sasapat pa kaya itong
isang kahig isang tuka
Kung itong mumunting dampa
ay siyang mawawala.
- Disyembre 8, 2007
Tula/Awit: Batang Marcelo - ni Randy Labong
BATANG MARCELO
ni Randy Labong
[Ang tulang ito ay nalikha sa isang palihan (workshop) hinggil sa paggawa ng
Araw-araw sa paggising ko
Iniisip ka batang Marcelo
Trabaho na iniatang sa’yo
Ito ba ay pang-aabuso?
Si Nena’y isang paslit
Isang timba kanyang bitbit
Sa fishport mang-uumit
Isdang ulam, kahit maliit
Otso anyos itong si Emong
Sa fishport pinapalusong
Pag walang isda o tahong
Pamilya’y tiyak magugutom
Di ko lang maintindihan
Dapat bata’y sa iskwelahan
Sumpa ba ng kapalaran
O dala ng kahirapan?
Ito ba ay pang-aabuso?
Batang Marcelo
pahayagang Taliba ng Maralita
Tomo X, Blg.3, Taon 2005
Sanaysay: Papel ng Papeles - ni GBJ
ANG PAPEL NG PAPELES
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Sa isang hearing na aking nadaluhan minsan hinggil sa kaso ng isang lider-maralita, dumating ang mga arresting officers at may dalang warrant of arrest laban sa lider-maralitang napagbintangan. Ipinakita ng mga arresting officers ang warrant sa clerk of court bilang patunay na may arrest warrant ang nasabing lider-maralita. Sinuri ng clerk of court ang warrant, ngunit hindi inaresto ang akusado. Bakit? Nakita ng clerk of court na kumpleto ang detalye ng search warrant – nakalagay ang pangalan ng akusado, ang kaso, ang judge na pumirma, atbp. Ngunit xerox lamang ang arrest warrant, kaya sinabihan niya ang mga arresting officers na dapat ay certified true copy ang arrest warrant bago hulihin ang tao. Dahil dito, ang nasabing lider maralita ay hindi dinakip.
Sa kalakaran ng ating mundo ngayon, malaking bahagi ay papeles. Ang papeles ay anumang uri ng dokumento na nagpapatunay sa isa o maraming transaksyon o usapan. Ang mga halimbawa nito’y resibo, subpoena, sedula, lisensya, sertipiko, atbp.
Pagkapanganak pa lang, nariyan na ang birth certificate, isang papeles na nagpapatunay kung ano ang pangalan ng bata, kung saan at kelan siya ipinanganak, at sino ang tunay niyang mga magulang.
Meron ding certificate para sa binyag, kumpil, pagtatapos ng bata sa kinder, diploma, Nariyan din ang death certificate para sa mga namatay. Sa pangingibang-bansa ay naririyan ang visa at passport. Anupa’t umiinog ang ating mundo sa tambak na papeles. Sa madaling salita, dapat na may katunayan tayo ng anumang pagkakakilanlan o transaksyon upang hindi tayo maagrabyado sa anumang labanan.
Malaking bahagi ng laban ng maralita ay nakasalalay sa papeles. Sa usapin ng paninirahan, nariyan ang titulo ng lupa, resibo ng bilihan, notice for demolition, entry pass sa relocation site, atbp. Marami ang natatakot, napapalayas, o kung minsan ay namamatay, dahil sa kawalan ng papeles, at kung meron man ay pagmamaniobra naman ng malakas sa mahihina pagdating sa papeles. Halimbawa, sa Barrio Kangkong, marami ang natakot nang nakarinig na may dumating na sulat na nag-aatas umano ng demolisyon sa isang takdang panahon, gayong hindi muna ito nabasa at nasuri. Gayong ang nakasulat ay hindi demolisyon, kundi humihingi muna ng negosasyon ang may-ari, o kaya’y imbes na Barrio Kangkong ang idedemolis ay Barrio Kalabasa pala ang nakasulat, nagkamali lang ng pinadalhan. Noong 1997 sa Sitio Mendez, may demolition order na galing umano kay Mayor Mathay, pero nang suriin ang papeles, hindi iyon pirma ni Mathay at wala siyang inorder na demolisyon
Huwag tayong matakot magsuri ng papeles, dahil kadalasan buhay at kamatayan ang dulot nito ay di pa natin alam. Totoo ba ang Transfer Certificate of Title (TCT) na nasa kamay ng nagpapalayas sa inyo? Nasaliksik at nasuri nyo bang ang papeles ng nagpapalayas sa inyo ay mula sa Original Certificate of Title (OCT) hanggang sa nagpalipat-lipat na TCT? Dapat mabasa muna at masuri ng maigi ang buong papeles bago mag-panic.
Hindi dapat matakot, malito, o magpanic ang sinuman, kapag nakatanggap ng anumang papeles. Ang dapat nating gawin ay suriin ito, pag-usapan ng nasasangkot, at iberipika sa kinauukulang ahensya kung gaano ito katotoo. Dahil kung hindi, baka mga manlolokong sindikato sa palupa ang magpalayas sa inyo, o kaya’y magbenta sa inyo ng lupa. Kaya ingat.
Tungkol sa Akin
- kolektib
- Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.