KOMYUN, Ikalawang Aklat
ISANG GABING BANGUNGOT SA KAMAY NG BERDUGO
ni Bernardo Itucal
Sa katahimikan ng gabing aking kapiling
Pilit akong inagaw ng dahas ng karimlan
Sa layuning patahimikin ang nagagalit kong damdamin
At mapasunod sa nais ng mapang-alipin.
Wala akong karapatan sa harap ng kalupitan
Itinuring nila akong parang hayop na walang pandamdam
Nais nila’y durugin katawan ko’t paninindigan
Na inilaan ko na sa kapwa at sa bayan.
Sa gabi ng kawalang pag-asa na aking nararanasan
Sa kamay ng mga berdugong uhaw sa dugo ng bayan
Laging nakakintal sa aking damdamin at isipan
Na ito’y bahagi lamang ng buhay at karanasan.
Isang gabing bangungot sa kamay ng mga berdugo
Isang napakahabang gabing tanging dilim ang naging saksi
At kahit buhay ko ma’y maglaho sa pagsapit ng liwanag
Pangarap ko’t prinsipyo’y mananatiling buhay kailanman.
(Sinulat sa loob ng kulungan ng Bicutan)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento