Sabado, Hunyo 28, 2008

Sanaysay: Sosyalisadong Pabahay - ni Allan dela Cruz

SOSYALISADONG PABAHAY

ni Ka Allan Dela Cruz

Ang programa sa sosyalisadong pabahay ang lulutas sa partikular na problema ng mga maralita ng lunsod. Sa pamamagitan nito, magagarantiyahan ang seguridad sa tirahan sa mga pook residensyal na ilalaan at irreserba sa ganitong layunin at gamit. Matitiyak na ang mga pook na ito ay paborable sa mga maralita ng lunsod – ligtas, malapit sa lugar ng trabaho, may sapat na pasilidad at sistema ng serbisyong sosyal – at tuluy-tuloy pang napapaunlad. Gayundin, matutulungan ang mga maralita na magkaroon ng tirahang sapat sa pangangailangan, sa presyo at kondisyong kakayanin ng masa.

Kung ang lugar ay lupang pampubliko, ipapamahagi ito sa aktwal na naninirahan o di kaya ay gagamitin para sa mga proyektong pabahay. Kung pag-aari ng malalaking kapitalista at panginoong maylupa, ang lupa sa pook residensyal ay dapat kumpiskahin at ipamahagi ng gobyerno sa aktwal na naninirahan o kaya’y gagamitin sa mga proyektong pabahay.

Sa iba pang kaso, dapat bilhin ng gobyerno ang lupa sa nagmamay-ari sa makatwirang presyo at ipagbili sa murang halaga sa mga naninirahan. Maglalaan ang sosyalistang gobyerno ng sapat na pondo para sa mga housing projects at housing loans. Titiyakin ding mura, matibay, sapat ang sukat at angkop sa pangangailangan ang itatayong mga yunit sa mga proyektong pabahay.

Titiyakin din ang pagmimintina at pagpapaunlad ng mga pook tirahan sa pamamagitan ng organisasyon ng mga maralita ng lunsod at ng gobyerno. At sa panghuli, kung kinakailangan, itatransporma ang ibang mga pasilidad tulad ng hotel at mga kondominyum bilang murang pabahay para sa maralita.

Makasalalay sa saligang pagbabago ng lipunan ang tagumpay ng programa sa sosyalisadong pabahay. Ang ekonomyang nagsisilbi sa mamamayan ang magpapaunlad sa kakayahan ng masa at ng sosyalistang gobyerno at lipunan na tustusan ang programa sa sosyalisadong pabahay. Ito ang magbibigay garantiya sa mamamayan na kamtin ang karapatan para sa makataong paninirahan.

Kasabay ng pagbabago ng lipunan ay ang pagbabago ng kalagayang pang-ekonomya. Kapag ang sistemang pang-ekonomya ay nagsisilbi na sa nakararami, ang mga walang trabaho ay magkakaroon ng trabaho. Darami ang pagkakakitaan sa lunsod at hanggang sa kanayunan at mapipigilan ang pagdagda ng mga tutungo sa lunsod. Darami, huhusay ang kalidad at bababa ang presyo ng mga produkto na kailangan natin para mabuhay. Sasapat ang kita, iikli ang oras ng paggawa at bubuti ang kalagayan ng maralita.

Magagamit ang yamang malilikha ng mga manggagawa para tugunan ang mga batayang pangangailangan tulad ng sosyalisadong pabahay, serbisyong pangkalusugan, libreng edukasyon, at iba pang serbisyong panlipunan. Mapapawi ang kahirapan at pagdarahop, sasagana ang buhay ng mamamayan at matitiyak ang kinabukasan ng susunod na henerasyon.

Kapag napaunlad ang sistemang pampulitika na nagsisilbi sa nakararami, magagarantiyahan ang ating mga karapatan, kabilang na ang ating karapatan sa paninirahan. Maibabasura ang mga patakaran, programa at batas na pumipinsala sa kapakanan ng mga maralita ng lunsod. Matitigil ang di-makatwirang demolisyon at matitiyak ang malakas na boses at aktibong papel sa pagbubuo at implementasyon ng mga desisyon na magpapabuti sa buhay ng mamamayan at katayuan sa lipunan sa pamamagitan ng ating mga organisasyon at ng sosyalistang gobyernong tumatangkilik sa ating interes. Sa unang pagkakataon, magkakaroon ang mga maralita ng lunsod ng tunay na kapangyarihan na maggamit sa kapakanan ng mga maralita at iba pang mamamayan.

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.