PAHAYAG NG PAGKAKAISA
LABAN SA DEMOLISYON
mula sa Koalisyon Kontra Demolisyon
(Ang Pahayag na ito ay binasa at pinagkaisahan ng tatlumpu’t dalawang [32] lokal na organisasyon ng maralita na siyang bumuo ng Koalisyon Kontra Demolisyon [KKD] noong Oktubre 14, 2002 sa KKFI, P. Paredes St., Sampaloc, Manila. Ang pahayag na ito’y nabuo sa naitatag na Anti-Demolition Task Force noong 1994 at muling isinaayos upang gamitin ng mga maralita noong 2002.)
Tawag namin sa sarili ay mga maralita ng lunsod. “Squatters” kami ayon sa gobyerno. Nagsama-sama kami ngayon bilang isang koalisyon: Koalisyon Kontra Demolisyon.
Ang aming komunidad sa kasalukuyan ay binubuo ng halos 70,000 pamilya na halos 350,000 kataong gigibain ang mga bahay dahil may desisyon ang gobyernong Arroyo na kami ay alisin.
At kung kami ay hindi papayag na umalis, tiyak na kami ay gagamitan ng dahas. Pwersahang ebiksyon. Marahas na demolisyon.
Ang aming katanungan: Tama bang daanin kami sa dahas ng gobyerno?
Iligal daw ang aming paninirahan sa aming mga komunidad. Kami raw ay naninirahan sa mga pribadong lupain, mga danger zones, at mga lugar na may proyekto ang gobyerno. At sa mga dahilang ito, kami raw ay dapat alisin, kakasuhan at pwersahan kung kinakailangan. Ibig sabihin ba nito, kami ay mga kriminal? Ang maging squatter ba ay katumbas ng pagiging kriminal?
Ang sagot namin: Hindi kami mga kriminal!!! Wala kaming ginawang krimen dahil hindi namin kasalanan ang maging mahirap. Kasalanan bang ipinanganak na mahirap? Ang alam namin, kami’y mga biktima. Biktima ng isang lipunang punung-puno ng inhustisya. Biktima ng deka-dekadang kapabayaan at kabulukan ng pamahalaan.
Hindi krimen ang maging mahirap. Ang kriminal ay kung sino ang may kagagawan ng ganitong kahirapan ng mamamayan. At sino pa kundi ang nagpalit-palit na gobyernong di mabigyan ng kaunlaran ang taumbayan at ang inaatupag lamang ay ang kanilang pansariling kapakanan.
Kung hindi kasalanan ang maging mahirap, at ang may kagagawan nito ay ang pamahalaan, bakit kami dadaanin sa dahas, sapilitang gigibain ang aming mga bahay, pwersahang demolisyon ang kanilang patakaran?
Sagabal daw kami sa pag-unlad. At ang mga lupaing aming kinatitirikan ay mas nababagay daw na gawing lupaing komersyal at industriyal. Sayang lang daw ang mga lupaing ito kung titirhan lang daw ng mga hampaslupang tulad namin. Kailangan daw ito para sa mga proyekto ng pamahalaan, ng mga shopping centers, golf courses, memorial parks at iba pang proyektong pamprogreso raw.
Hindi kami tutol sa progreso. Pero humihingi kami ng hustisya. Hindi dapat na mangyaring sa interes ng progreso ay sasagasaan ang interes ng hustisya. Ang progreso at hustisya ay dapat na laging magkaagapay.
Kailanman ay hindi magiging makatarungan ang kami ay dahasin sa ngalan ng progreso, kung progreso mang matatawag ang mga proyekto ng gobyerno.
Kailanman ay hindi magiging makatarungan ang ipwersa ng estado ang kanyang gusto, kahit pa may mando ang husgado, kung ito ay labag sa kalooban ng tao.
Kailangang magkasundo, gaano man kahirap, ang mamamayan at gobyerno at hindi pwede ang patakaran ng karahasan.
Bakit hindi magawa ng gobyerno ang kami ay matyagang kausapin at unawain, imbes na puro banta’t ultimatum, pwersahang ebiksyon at marahas na demolisyon?
Kung “mahirap” man kaming “kausap”, simple lang ang paliwanag: Dahil walang makatarungang alok ang pamahalaan. Puro pampalubag-loob. Walang alam sabihin kundi “iligal” kami at “mabuti nga’t binibigyan pa kami ng konsiderasyon”. Para bang wala na kaming karapatan at nagmamagandang-loob lang ang pamahalaan.
Hindi kami nanghihingi ng awa’t limos, ang hinihingi namin ay hustisya.
Kung sa ngalan ng progreso, kami ay gigibain, sa ngalan ng hustisya, kami ay lalaban. Sa labang ito, kami ay koalisyon na magkakapit-bisig. Laban ng isa, laban ng lahat. Lahat para sa bawat isa. Kung kami ay hiwa-hiwalay, kami ay iisa-isahin. Kung sama-sama ang may 70,000 pamilya, ang 350,000 katao ay isang malakas na pwersa para sa makatarungang pakikipaglaban.
Sa pamahalaan, aming hinihiling: Una, absolutong ipagbawal ang pwersahang ebiksyon at marahas na demolisyon. Ikalawa, negosasyon, hindi demolisyon, ang tamang proseso sa paghanap ng solusyon sa problema ng maralita.
Ayaw namin ng karahasan. Gusto namin ng negosasyon. Pabor kami sa progreso, pero dapat kalakip nito ay hustisya. Kung nakikipagnegosasyon ang gobyerno sa mga armadong kilusan upang magkasundo, kailangan din ba naming mag-armas para magkaroon ng negosasyon at itigil ang marahas na demolisyon? Kung may negosyador ang gobyerno sa mga armadong kilusan, humihingi rin kami ng negosyador na makauunawa sa kaapihan ng maralita at ipaglalaban ang kapakanan at hustisyang panlipunan.
Para sa progreso at hustisya, mabuhay ang mga maralita ng lunsod.
Taliba ng Maralita
Oktubre-Disyembre 2002
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento