BAT PEOPLE
ni Joy Canon
Malimit kong madaanan ang mga tinatawag na “bat people” bago ako pumunta ng opisina. Ang tinatawag na “bat people” o “taong paniki” ay yaong mga nakatira sa ilalim ng tulay. Kahit alam nilang delikado, kahit risko ang paninirahan, ay doon sila nakatira sa ilalim ng tulay. Nakatirik na doon ang ginawa nilang tahanan. Ang kanilang kisame ay ang mismong sementadong tulay. At hindi na sila doon makatayo dahil mauuntog sila sa sementadong kisame. Grabe ang kanilang kalagayan, ngunit hindi sila makaalis doon dahil nga wala silang mapupuntahan.
Ang trabaho nila ay sapat lang sa pagkain nila. Paano pa ang pambayad nila sa tubig, ilaw, at upa ng bahay?
Pag may dumaang trak, hindi sila makatulog dahil umaalog. Akala mo ay lumilindol. Pero kahit delikado at mapanganib sa kabataan, tingin nila, tahanan na nila iyon. Sa hirap ng buhay, nagkasya na lamang silang buuin ang kanilang mga pangarap sa ilalim ng tulay.
Hindi sila dapat nandoon, kung maayos lang ang sistema ng lipunan, kung hindi pangunahin ang interes ng mga ganid na pulitiko’t mayayaman, kung sadyang makatao ang pinaiiral ng gobyernong ito. Kung talagang hindi na maaasahan ang gobyernong ito, panahon na upang magsama-sama ang mga maralita para itindig nila ang kanilang karapatan at kinabukasan ng mga maralita, at itayo ang tunay na gobyernong kakalinga sa kanila.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento