Sabado, Hunyo 28, 2008

Sanaysay: Bata Noon at Ngayon - ni Norma Rebolledo

BATA NOON, BATA NGAYON

ni Norma S. Rebolledo

Araw ni Bonifacio nang isulat ko ito. Kahit sa sobrang tensyon, naging madalas .ang sakit ng ulo ko, pero gusto kong magkaroon pa ng bahagi sa pahina ng aklat na ito. Madaling araw, nagising ako. Inumpisahan kong isulat ang kalagayan ng kabataan, noon at sa ngayon. Ito ay batay sa totoong karanasan ko sa palagian kong pagbisita sa mga komunidad na iniikutan.

1982, madalang pa ang mga batang gumagala sa kalye, maging sa ugali. Ganoon din, may mga bata pang may respeto sa mga nakakatanda, kahit di pa lantaran noon ang sobrang kahirapan. Maging ang mga suliraning pangkomunidad. Makikita mo ang iba’t ibang kabataan ng may paggalang pa sa tao at pagsuporta pa sa mga nagaganap na mga protesta.

Subalit sa ngayon, 2007, kaiba na halos 90% na ang mga batang nasa labas na palagiang gumagala para lamang mabuhay. Merong namumulot ng mga basura, bakal, plastik, bote at iba pa. Ang iba naman ay nagnanakaw na lang. may mga batang babae, edad 13 anyos, nagbebenta ng laman. Awa ang sobra kong nararamdaman para sa kanila. Naiisip ko na halimbawa sa akin o sa pamilya ko naganap ang ganoon, hindi ko kayang matanggap ang ganoon!

Sistema pa rin ang dapat na mabago. Kung nagaganap lang ang pantay na karapatan, pantay na hustisya sa ating lipunan, nakikita ko na malaki ang magaganap na pagbabago. Umuunlad ang teknolohiya, pero di nakakasabay ang kamulatan ng tao. Sa halip nababaon ang tao sa kabubuhan at sobrang walang pagpapasya. Kaya ang malaking apektao ang murang mga kabataan. Sila ang todong nagdurusa sa mga nagaganap na sobrang bulok na mga sistema ng mga namumuno. Ayon nga sa isang kasabihan,”Ang mali ng nakakatanda ay tama raw sa paningin ng mga bata.”

Kung patuloy ang ganito, baka malusaw at mawala ang sinabi ni Jose Rizal na ang kabataan ang pag-asa ng bayan. Nakalulungkot, nakakahimagsik lahat na ng emosyon sa aking dibdib? Paano ba?

Magigising ang mga mulat pero bulag sa nagaganap. Ayaw pang magbago.

Meron na ngayong mga komunidad na dating mulat sa nagaganap, pero ngayon, sila ay nabubulagan na dahil lamang sa mga interes na kanya-kanya. Minsan dumalaw ako sa komunidad nila. Di na nila pansin ang tulad kong makulit na kumakausap sa kanila. Sa halip ang mga bata ang laging lumalapit sa akin at nag-i-entertain o umiistema. Sa pagdalaw sa lugar nila, palagi silang busy sa mga bisyo, alak, sesyon, bingo session, tong-its, sabong, at iba pa. Sa ngayon, ganito ang larawan ng mga komunidad.

Ang resulta, pati ang mga bata, nahahatak sa kanilang mga gawain. Nagulat pa nga ako, sa madalas kong makita ang mga bata, karaniwan na kasama pa nila sa ganuong bisyo, kahanay pa ng mga kagurangan. Ang tingin ko sa kanila, matatandang mga bata pa ang mukha. Alam na nila ang gawain ng mga matatanda at mga propesyunal pa humawak ng bote ng alak, baraha at sigarilyo.

May napansin pa akong may mga dalang patalim. Akala ko laruan, totoo palang patalim. Tinanong ko kung saan galling yung dalang patalim. Patago raw ng tatay niya para iuwi sa bahay nila.

May isang bata naman na lumapit sa inay niya na nagsusugal, kasi gutom na raw siya. Inabutan naman ng ina ng limang piso. Sinundan ko ang bata, di bumili ng pagkain. Ang punta naman sa kabilang sesyon, binguhan. Doon niya dinala ang limang pisong bigay ng ina niya.

Binati ko at tinanong bakit doon siya nagpunta. Sagot sa akin, palalaguin daw niya kasi wala daw mabibili ang limang piso.

Marami akong nasaksihan na iba na sa ngayon ang kamulatan ng tao. Dahil sa sobrang kahirapan, nalilimutan na ang mga obligasyon na kanilang dapat harapin.

Akala ko, kapag ang Pilipino ay makaramdam ng gutom, magkukusa na silang makialam kung bakit ganito ang sistema ng lipunan. Sa nararanasan ko, sa totoo lang, bilang volunteer leader, mahirap humanap ngayon ng isang magkukusa para lamang sa pangarap nating sosyalismo.

Sa tingin ko, kailangang sagipin ang mga kabataan sa ngayon para di sila mahatak sa bulok na sistema.

Natatakot ako na maubos sila o makain ng mga nakakatandang nagpapasakop na sa kasalukuyang bulok na sistema, at sila pa ang naitayong mga makinarya nito, para lumakas ang ganito.

Nananawagan ako sa mga magulang, kapatid, kasama, religious groups at iba pa na magtulungan para masagip ang kabataan.

Ayokong maging totoo ang masama kong panaginip na tayo ay nilalamon na ng mga dambuhalang alaga ng nakaupo sa trono.

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.