Sabado, Hunyo 28, 2008

Sanaysay: Kabute ng Lunsod - ni Ramon Miranda

KABUTE NG LUNSOD

ni Ramon B. Miranda

Samu’t sari ang suliraning dinaranas ng ating lipunan. Isa na rito ang lumalalang problema sa paninirahan. Marami sa ating kababayan ang nangangarap na lamang sa isang sulok ng kamaynilaan. Sila’y makikita natin kahit saan. Sila ang tinatawag nating maralitang tagalunsod o “Iskwater sa Sariling Bayan”.

Kung ating pagmamasdan at bibigyang pansin, sila’y tila mga kabuteng nagsusulputan na nakakalat sa kalunsuran. Ang pinagtagpi-tagping basura na nagsilbi nilang tahanan ay tamang-tama lang sa kanila para hindi abutin ng atake ng init at lamig ng kalikasan. Ito ang nagsisilbing pananggalang sa kanilang animo’y mga kawayang pangangatawan dahil na rin sa kakulangan ng pambili ng mga masusustansyang pagkain na dapat sana’y nasa kanilang hapag-kainan katulad ng mga kinakain ng mga taong nakaririwasa sa buhay. Sa tingin ng iba nating kababayan, ang mga tulad nila ay dumi sa ating lipunan na nagbibigay-dungis sa gubat ng kalunsuran. Tinatawag silang sakit sa mata o “eyesore” ng mga dayuhang turista na namamasyal sa ating bayan. Ikinahihiya sila ng mga kinauukulan sapagkat sila’y tila nagsisilbing putik sa isang malinis na damit ng mga maharlika sa isang kaharian.

Bakit ganito na lang ang pagtrato ng ilan nating mga kababayan, partikular na ang mga may tangan ng kapangyarihan? Nasuri na ba nila ang puno’t dulo ng kanilang karalitaan? Kung hindi naman, dapat nilang pag-aralan ang pinagmulan o pinag-ugatan nito. Ang karamihan sa tinatawag nating “Iskwater sa Sariling Bayan” o “Kabute ng Lunsod” ay karaniwang biktima ng mga ganid at mapagsamantalang mangangamkam ng lupa doon sa kanayunan. Sila ang mga dating magsasaka na may sariling lupa na pinagpapala na dati-rati’y kumikita nang sapat-sapat para mabuhay.

Sa iba’t ibang mga kadahilanan, maraming mga kaganapan sa kanilang buhay ang halos magpaputi ng kanilang buhay. Nariyan ang pagpasok ng iba’t ibang mayayamang may-ari ng kompanya na biglang magpapakita ng titulo ng lupa sa kanilang sinasaka. Nariyan ang mga panukala para sa pagpapalit-anyo ng sistema ng pamumuhay sa kanayunan na walang iba kundi ang di-mapigilang pagsulong ng industriyalisasyon.

Kung pakasusuriing mabuti, ang mga lupaing pinagtataniman ng mga magsasaka ng iba’t ibang mga produkto upang pakainin ang lipunang Pilipino ay hindi na magiging produktibo dahil isasakongkreto na ang mga ito para pagtayuan ng mga pagawaan. Dahil nga kulang sila sa lakas at impluwensya, marami ang walang kakayahang maipaglaban ang kanilang mga lehitimong karapatan bilang tao. Ang abang kapalarang ito ang nagsisilbing ugat ng pagdami ng maralitang tagalunsod sa ating bayan.

Ngayon nga’y sa lunsod sila nagdagsaan at natatanaw natin kahit saan. Sa tabi ng riles, estero at basurahan o di kaya ay sa ilalim ng tulay at mabahong tambakan. Sila’y nagpipilit mamuhay sa kabila ng karalitaan. Sa kasamaang-palad, sila ang kadalasang nagiging biktima ng mabangis na kalunsuran. Kahit sa ganitong kalunus-lunos na kalagayan, makikitaan mo pa rin sila ng kaunting kasiyahan dahil kahit papaano ay nararanasan nila ang tahimik na pamumuhay.

Subalit ang kadalasan, ang mga katulad nila ay hindi nakatatakas sa pangil ng kalunsuran sapagkat ang pamahalaan ay maraming balakin at programa para sa ikauunlad at ikagaganda ng kapaligiran. Isa sa mga halimbawa nito ay ang Luntiang Pangkalinisan o ang tinatawag na “Clean and Green Project” ng mga lokal na pamahalaan. Sa layuning ipakita sa mga dayuhang turista ang natutulog na kagandahan ng kalunsuran, masasaksihan sa lunsod ang walang katapusang gibaan ng mga tahanan ng maralita na itinuturing nilang nagpaparumi sa kalunsuran, partikular na yaong nasa tabi ng riles, estero, ilalim ng tulay, at tabi ng mabahong tambakan ng basurahan. Sa ganitong kalagayan, ang mga maralitang lunsod ay natutong mangatwiran sa kinauukulan. Biktima na nga sila ng karahasan sa kanayunan, pati ba naman sa kalunsuran ay hindi pa sila titigilan? Paano matatahimik ang buhay ng mga nilalang na ito kung sa bawat tinitirikan ng kanilang bahay ay lagi na lamang pinalalayas at pinandidirihan ng mga kinauukulan?

Kailan kaya malulunasan ang suliranin sa pananahanan ng mga pulitikong halal ng bayan? O talagang walang utang na loob ang mga pulitikong iyan na matapos mapakinabangan ang mga boto ng mga maralitang mamamayan hindi man lang nila bigyang pansin ang kanilang karaingan. Kung palaging ganito ang mararanasan ng mga mahihirap nating kababayan, mawawala ang tiwala nila sa pamahalaan lalo na sa mga inihalal ng bayan.

Kung hindi susuriin at reresolbahin ang ugat ng kahirapan sa ating lipunang ginagalawan, ang “Kabute ng Lunsod” ay lalo pang darami at lalo pang magsusulputan at sila’y masisilayan natin saan mang dako ng kalunsuran.

Kapag nangyari ang ganito, pati mga pambansang tanggapan o maging ang mga pambansang lansangan ang magsisilbi nilang tulugan hanggang sa makamtan nila ang minimithing maayos at disenteng tahanan. Ito ang araw ng pagbangon ng kanilang kamalayan upang pigtasin ang tanikala ng kahirapan.

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.