Linggo, Hunyo 29, 2008

Mula Danger Zone Hanggang Death Zone


MULA DANGER ZONE HANGGANG DEATH ZONE

(Ito ang nilalaman ng polyetong inilabas noong Abril 2003, sa kalahating bond paper, back to back)

Mula sa delikadong lugar, tungo sa lugar ng kamatayan! Iyan ang buod ng programa ng gubyerno para sa ating mga maralitang lungsod. Nakakasa na ang plano ng gubyerno upang alisin ang tinatawag nila ng iskwater ang Metro Manila at mga karatig-pook.

Totoong delikado ang lugar na tirahan naming maralita. Riles, ilalim ng tulay, gilid ng ilog at dagat, tambakan, kariton sa mga plasa at bangketa. Delikadong masagasaan, tangayon ng agos, matabunan ng bundok ng basura, makasinghot ng masamang amoy at maruming hangin. Delikadong lahat sa buhay ng tao.

Alam natin iyan. Noon pang bago tayo magpasyang tumira rito. Hindi na kailangang sabihan tayo ng kung sinong Pilato.

Totoong hindi atin ang lupang ating tinirikan. Lupa ng gobyerno. O kaya, lupa ng mayaman. Dahil hindi atin, pwede tayong palayasin. Pwede tayong kasuhan.

Alam natin iyan. Noon pang bago tayo magpasyang tumira rito. Hindi na kailangang sabihan tayo ng kung sinong Pilato.

Totoong hindi disente ang ating tirahan. Nakakahiya sa mata ng iba. Laluna sa mata ng mayayaman at gubyerno ng mayayaman.

Alam natin iyan. Noon pang bago tayo magpasyang tumira rito. Hindi na kailangang sabihan tayo ng kung sinong Pilato.

Ang totoo nga e parang impyerno ang buhay natin kung ikukumpara sa buhay ng mayayaman at matataas na opisyal ng gubyerno.

Alam natin iyan. At alam din iyan ng gubyerno. Alam iyan ng gubyernong dapat maglingkod sa mga kagaya natin.

Ngunit sa halip na hanguin tayo sa mala-impyerong kalagayan, mas gusto pa ng gubyernong ito na itaboy tayo kung saan-saan o kung suswertehin ka'y unti-unti kang patayin sa mga relocation sites na walang tubig, walang kuryente at, pinakamatindi, walang hanapbuhay!

Mas malala pa ito sa danger zone o delikadong lugar. At least sa danger zone ay malaki ang tsansang mabuhay. At tayo nga dito'y nabubuhay.

Sa gusto nilang pagdalhan sa atin matapos gibain ang ating mga bahay ay walang tsansang mabuhay. Unti-unti kang pinapatay. Walang tubig. Walang kuryente. Walang hanapbuhay. Paano ka mabubuhay dyan?

Hindi natin ginusto ang ganitong buhay. Ang pagtira sa delikadong lugar, ang pagtirik ng bahay sa hindi natin lupa, ang di disenteng pamumuhay ay hindi natin ginusto. Hindi nga natin ito pinangarap. Hindi natin inambisyon.

Ang inambisyon natin noon ay katulad din ng iba na nag-ambisyon ng disente at masaganang buhay. Pero tayo'y nasadlak sa ganitong buhay. Sapagkat hindi natin kontrolado ang mga bagay na nagpapagalaw sa lipunan na siyang pinag-uugatan ng ganitong kalagayan. Pinakamalaking papel dito ang gubyerno na dapat ay nangangalaga sa kapakanan ng taumbayan. Pero naging dahilan pa ng paghihikahos ng maraming mamamayan.

Dahil ang gubyerno noon at ngayon ay hindi ginagawa ang tungkulin nito sa kanyang mamamayan. Kung seryoso ang kasalukuyang gubyerno, dapat nitong gawin ang mga sumusunod:

1. Ihanap ng relokasyon ang lahat ng idedemolis. Bigyan ng hanapbuhay sa malilipatan. At gumawa ng imprastruktura para sa tubig at kuryente, kasama rito ang social cost dahil sa dislokasyon ng mga inilipat.

2. Patigilin ng gubyerno ang paniningil ng PPA. Dahil hikahos na tayong mga maralita ay sinisingil at magbayad sa kuryenteng hindi naman ginamit. At huwag nang payagang magtaas ng presyo ng kuryente at tubig upang di lalong maging impyerno ang ating buhay.

Ito ang ating pananaw sa gubyerno sa okasyon ng Araw ng Paggawa sa Mayo Uno. Kasama ng mga kauri natin sa pabrika, ating ihahayag sa Malakanyang ang mga kahilingang ito.

Kung di ito magawa, walang kwenta ang gubyernong ito. Tulad din ito ng mga nagdaang gubyerno. Paghandaan na natin ang pagtatayo ng isang bagong-bagong gubyerno. Yung gubyerno ng manggagawa at maralita.

Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML)
Zone One Tondo Organization (ZOTO)
Koalisyon Kontra Demolisyon (KKD)
Abril 2003

Ang KKD ay itinayo noong Oktubre 14, 2002 sa KKFI, P. Paredes St., Sampaloc, Manila.

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.