DIGNIDAD NG MARALITA
ni Ka Joel Pontawe
Mahalaga sa bawat isa sa atin ang dignidad, sapagkat nakasalalay dito ang ating karangalan, ang ating pagkatao. Kung walang dignidad ang isang tao, siya’y masahol pa sa hayop. Kaya dapat nating pangalagaan at ipaglaban ang ating dignidad.
Totoo na mahirap lang tayo, pero hindi ibig sabihin nito’y malaya na ang iba upang apihin tayo, hamakin tayo, lalo na ng mga taong hindi natin kapwa mahirap. Lahat tayo’y nagnanais ng buhay na mapayapa, buhay na marangal at buhay na walang iniisip na mga problemang nagpapasakit ng ating ulo, nagpapadugo ng ating puso at sumusugat sa ating mga laman.
Alam nating ang tawag natin sa ating mga sarili ay “maralita”, ngunit ang tawag ng iba sa atin ay “squatter”. Bakit ganito? Bakit ang mga sariling kababayan ang itinuturing na squatter? Dahil ba tayo’y limang kahig, isang tuka?
Napakaliit ng tingin nila sa ating mga mahihirap. Napakaliit. Ang biglaang pagdemolis ng mga tahanan ng mga mahihirap ay isang halimbawa ng pagwawalang-bahala nila sa ating iniingatang dignidad. Karaniwan na bigla na lamang pinapalayas ang mga maralita sa kanilang mga tirahan nang wala man lamang maayos na negosasyon. Itinataboy ang mga mahihirap na parang mga daga o askal (asong kalye), at para bang sila’y hindi tao kung ituring.
May dignidad ba ang maralita kung siya’y itinataboy na parang hayop sa isang demolisyon? Na kadalasan nama’y walang relokasyon. Kung may relokasyon man, karaniwan ay mas masahol pa ang kalagayan nila sa paglilipatan kaysa sa kanilang pinagmulan.
Ilang beses na bang maraming nalagas na buhay dahil sa demolisyon? Ilan pang buhay ang dapat mawala dahil inaagaw ng iilan ang ating kinabukasan? Dapat ba tayong dahasin? Totoo, nais ng gobyernong tanggalin ang mga maralita sa mga danger zones pagkat totoo namang mapanganib tumira sa ganoong mga lugar. Pero ang tanong: Bakit may mga taong napilitang tumira sa mga ganoong pook na peligroso? Hindi ba nila alam sa simula’t simula pa na peligroso ang lugar na tinitirhan nila?
Alam ng mga maralita na delikado ang tumira sa mga pook na peligroso. Pero bakit sila napilitang tumira doon? Simple lang ang sagot ng mga maralita: Kahirapan ang nagtulak sa kanila para tumira doon.
Pero ang mga matatalinong nasa gobyerno ay pilit na gumagawa ng solusyon sa mga bagay na hindi nila alam kung ano talaga ang pinag-ugatan. Ngunit ang sagot ng gobyerno sa kahirapan ay demolisyon.
Ngunit ang demolisyon ay di lang simpleng pagwasak ng bahay. Higit sa lahat, ito’y pagtataboy sa maralita kung saan sila nabubuhay. At saan sila pupunta kung sila’y itinaboy? Sa relokasyon ba na gutom ang karaniwang inaabot ng mga itinaboy na maralita? Tatanggalin nga sila sa mapanganib na lugar para ilipat sa mas mapanganib na lugar na wala pang kasiguruhan. Kumbaga, mula danger zone patungong death zone. Napilitan silang tumira sa mga peligrosong lugar dahil sila’y itinulak sa ganoong sitwasyon ng kahirapan. Kahirapang di nila kasalanan. At ito ang unang dapat resolbahin ng gobyerno: ang KAHIRAPAN.
Ang mga bagay na ito ang dapat tugunan ng gobyerno upang pagbatayan nila ng kanilang mga gagawing aksyon!
Dapat na ang gobyerno mismo ang mangalaga sa kanyang mamamayan, pero hindi niya ito ginagawa. Pinababayaan niyang parang mga hayop ang kalagayan ng maralita. Mahalagang ipaglaban natin ang ating dignidad bilang mga mahihirap. Hindi tayo dapat ituring na parang mga hayop o basahan, na karaniwang tingin sa atin ng mga elitista. Hindi dahil mahirap lang tayo’y wawasakin na nila ang ating kinabukasan at pagkatao.
Ngunit makakamit ba natin ang minimithing dignidad sa ganitong uri ng sistema ng lipunan na ang mga pinahahalagahan ay ang tubo, ang kapital, at walang ni isang butil na pagpapahalaga sa dignidad ng maralita bilang taong may buhay at humihinga? Ito ang klase ng lipunan na ang mas pinahahalagahan ay ang makabili o makakuha ng malalawak na lupain para magkamit pa lalo ng yaman, pero walang butil na pagpapahalaga sa buhay ng tao na parang hayop kung ituring ng mga may-ari ng lupa sa pamamagitan ng sapilitang demolisyon. Marami nang pagkakataong hindi pinahahalagahan ang buhay, makuha lang ang lupa, makapagdemolis, at mapalayas ang mga tao sa payapang tahanang tinitirhan nila.
Ang dignidad ng bawat tao, lalo na ang dignidad ng mga mahihirap, ay mapangangalagaan at mapoprotektahan lamang sa pag-iral ng isang lipunang pantay-pantay at walang pagsasamantala ng tao sa tao. Sa lipunang ito na may respeto ang bawat isa. Sa lipunang ang mga kagamitan sa produksyon ay pag-aari ng buong lipunan.
At ito ang hamon sa atin: ang itayo ang lipunan para sa atin, ang gobyerno para sa mahihirap, kung saan kinikilala ng lipunang ito ang dignidad ng bawat isa ng walang pagtatangi. Halina’t ating tahakin ang landas patungong sosyalismo.
Taliba ng Maralita, KPML
Tomo VIII, Blg. 2, taong 2003
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento