Martes, Setyembre 1, 2026

Sa sama-samang pagkilos

SA SAMA-SAMANG PAGKILOS

pinaniwala
tayo sa isang
tagapagligtas

imbes na tayo'y
sa sama-samang
kilos umasa

ganyan ang diwa
ng isang Batman
o ng Superman

paniwala ko'y 
walang bayani
tulad ni Darna

kundi ang bida
ay taumbayan,
ang sambayanan

sa Unang Alsa
ng mamamayan
doon sa Edsa

sa sama-samang
kilos ng masa
nagawa nila

ang mapatalsik
ang diktadura!
kaya ng masa!

isang aral na
ating patnubay
tungong tagumpay

dagdag ko lamang
uring obrero
at magsasaka

kung sama-sama
silang kikilos
ang magbabago

nitong sistemang
mapang-api na'y
bulok pa't bugok

- gregoriovbituinjr.
09.01.2026

Sesura sa tulang lalabindalawahin

SESURA SA TULANG LALABINDALAWAHIN

ang sesura / ay Espanyol / sa paghati
sa taludtod / sa pagtulang / binahagi

isang saglit / na paghinto / sa pagbasa
kapag tula'y / binibigkas / nitong masa

at sa tulang / labindal'wa / ang pantigan
may sesura / sa pang-apat / o anim man

sa Florante / ng makatang / si Balagtas
labindal'wa / ang pantigan / pag namalas

anim-anim / ang sesurang / naroroon
mula unang / saknong hanggang / huling saknong

isang katha itong / aking halimbawa
ang sesura rito'y / mali, di lang wala:

isang kawatan ang / nagnakaw ng halik
dalaga'y hinagkan / niyang patiwarik

- gregoriovbituinjr.
09.01.2026

Kahapon pa-Malolos

KAHAPON PA-MALOLOS
‎pasya kong sa rali ay dumalo
‎at di basta matulog lang ako
‎sa bahay, naglakbay nang totoo
‎nang nasa loob, ipahayag ko
‎alas-kwatro, matapos magbanlaw
‎lakad hanggang Edsa nang maginaw
‎sa bus carousel agad sumakay
‎sa Trinoma, P2P'y hinintay
‎alas-sais nang dumating ang bus
‎naglakbay, narating ang Malolos
‎baha roon, ako'y pumanaog
‎sa pagkilos ay sadyang marubdob
‎at iniwasan namin ang baha
‎nang maglakad kasama ang madla
‎ang galit nila'y mahahalata
‎sa programa ako'y nagsalita
‎ikako'y mayroong paliparan
‎ngunit nangyayari'y palubugan
‎lubog sa baha ang mamamayan
‎galit ang mga taga-Bulacan
‎kailan titigil ang korapsyon?
dahilan pa'y yaong reklamasyon!
‎sa mga nagtipon-tipon doon
suma‎saludo ako, padayon!
‎- gregoriovbituinjr.
‎09.01.2026

Inuna'y tula kaysa kumain

INUNA'Y TULÂ KAYSA KUMAIN
‎madalas ganito ang gawain
‎kaya ramdam ko'y halos gutumin
‎una'y pagtula kaysa kumain
‎inuna'y tula kaysa pagkain
‎paggising, pagbalikwas, ganito
‎babangon, susulat agad ako
‎nasa ulo'y itipang totoo
‎para bang naging bisyo na ito
‎kung si misis ay di pa nawalâ 
‎tiyak ako'y sasabihang sadyâ:
‎"kumain muna bago tumulâ
‎magpalakas kaysa matulalâ"
‎sa panahon ay kulang talaga
‎kaya nasa diwa'y isulat na
‎salamat sa payò, aking sinta
‎na hanggang ngayon ay tanda ko pa

naku, di pa ako nag-agahan
at ngayon na'y manananghalian
baka mangyari'y mag-altanghapan:
almusal, tanghalian, hapunan
‎- gregoriovbituinjr.
‎09.01.2026

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.