Martes, Setyembre 1, 2026

Kahapon pa-Malolos

KAHAPON PA-MALOLOS
‎
‎pasya kong sa rali ay dumalo
‎at di basta matulog lang ako
‎sa bahay, naglakbay nang totoo
‎nang nasa loob, ipahayag ko
‎
‎alas-kwatro, matapos magbanlaw
‎lakad hanggang Edsa nang maginaw
‎sa bus carousel agad sumakay
‎sa Trinoma, P2P'y hinintay
‎
‎alas-sais nang dumating ang bus
‎naglakbay, narating ang Malolos
‎baha roon, ako'y pumanaog
‎sa pagkilos ay sadyang marubdob
‎
‎at iniwasan namin ang baha
‎nang maglakad kasama ang madla
‎ang galit nila'y mahahalata
‎sa programa ako'y nagsalita
‎
‎ikako'y mayroong paliparan
‎ngunit nangyayari'y palubugan
‎lubog sa baha ang mamamayan
‎galit ang mga taga-Bulacan
‎
‎kailan titigil ang korapsyon?
dahilan pa'y yaong reklamasyon!
‎sa mga nagtipon-tipon doon
suma‎saludo ako, padayon!
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎09.01.2026

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.