Martes, Mayo 25, 2010

Hanggang Di Mahanap ang Pag-asa - ni Anthony Barnedo

Hanggang di Mahanap ang Pag-asa
ni Anthony Barnedo

Kung ang isang umaga ay 'sing dilim ng isang malalim na balon
Paano pa ang gabi kung may bagyong maghahari...
At kung di mapapawi ang pighati sa unos
Patuloy bang magdurugo ang sugatang puso?

Tatakas na lang ba at di maghahanap ng lunas
Iiwas sa hagupit, sa galit at poot...
Hayaan na lang yumuko't magmakaawa
Magpapasaklaw sa kapangyarihan, magpapasakal!

Paano na, ang mahihina ay patuloy na magiging mahina...
Ang naghahari ay patuloy na maghahari...
Hanggang saan ang katapusan, may simula bang mauulit...
May pagbabago ba, hanggang saan ang pag-asa?

Umasa ng umasa...
Umasa ng umasa...
Umasa ng umasa...
Umasa ng umasa...


Haggang di mahanap ang pag-asa!


July 16, 2007

Hindi Ikaw ang Dahilan - ni Anthony Barnedo

HINDI IKAW ANG DAHILAN
ni Anthony Barnedo

Ang mundo ay alipin ng ‘sang laksang dusa
Na nagmumula sa kaunlaran ng gamit at sandata
Pilitin mo mang sumabay sa rumaragasang lawa
Dugo at sakripisyo ang tangi mong pag-asa.

Ang segundo ay dumadaan at di mapipigilan
Katulad ng pagdaranas sa uring namuhunan
Ito man ay ikamatay ng kaawa-awang katawan
Wala silang pakialam basta’t tubo’y makamtan.

Ang kita’y magtatawid ng uhaw at kagutuman
Ngunit ito’y di magpapawi ng linaw sa kahirapan
Subukin mong maging masipag at matiyaga man
Iilan pa rin ang magkakamal ng iyong pinagpaguran.

Hintayin mo’t ang pangako’y wala kang mapapala
Magaling man sila’t matalino, di pa rin sila iba
Sa mga naunang imahe ng hunyango’t buwaya
Na sa kaban ng bayan sila-sila ang nagtamasa.

Kaya’t wag mong isisi sayo ang ‘yong kahirapan
Sapagkat ang opurtunidad ay kanilang pinipigilan
Wala silang alam kundi magpalago ng yaman
Kahit na nadurungisan ang iyong karapatan.

Ang tulang ito ay nabuo sa pansamantalang opisina ng DAMPA 775 Inc. March 06, 2010

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.