Linggo, Hulyo 18, 2010

Tula ng Kahirapan

Tula ng Kahirapan
kathanimona

Sinulat ni Mona, dating manggagawa ng Temic na ngayon ay nasa New York na

Kaming mga dukha
Sa baryo Binagoongan
Galunggong, kangkong
Tanghalian, hapunan

Pagkaing karne
Tanging pangmayaman
Almusal ay pandesal
Mantikilyang palaman

Pamutat ay saging
Bukayo paminsan
Walang reklamo
Makaraos lamang

Ngayon ang dukha
Sa aking bayan
Kahit tuyo, isda
Di makapag ulam

Sagad sa kahirapan
Gumagawa ng paraan
Basura kinakain
Malamnan lang
Ang tiyan

Kay sakit isipin
Ang yaman ng bansa
Di pakinabangan
Ng maralita

Anong ginagawa
Inutil na pamahalaan
Korapsiyon ,mag umit
Sa kaban ng bayan

Meron bang konsiyensiya
Sa mundo ng burgesya
Silang naghahari
Bulok na burukrasya

Nakita ko si ineng
Pumasok sa iskwela
Butas ang tsinelas
Tagpian ang palda

Lapis niya ay pudpod
Kuwaderno ay kulang
Sikmurang mahapdi
Masakit kumakalam

Walang pamasahe
Utak nagugulumihan
Sustansiya ay salat
Pag aaral ay nabalam

Musmos na mukha
Nagkalat sa lansangan
Nanghihingi ng limos
Damit ay basahan

Ano na ang mangyayari
Sa anak ng bayan
Nalimutang tao
Na may pangangailangan

Sila ay biktima
Gobyernong mapanlinlang
Tanging adhikain
Sarili mapayaman

Sa dulo ng tulay
Mayroon hangganan
Di maglalaot
Maaalsa,lalaban

Silang nagugutom
Daigdig ang pasan
Pulang rebolusyon
Maglilibing sa gahaman

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.