Biyernes, Disyembre 28, 2018

Sa relokasyon

di ibig sabihing nalipat ka sa relokasyon
tapos na ang problema mo't titira na lang doon
kayraming bayarin, bagong problema'y masusunson
ngunit maganda nang simula't kayo na'y naroon

bagong simula, bagong problema, bagong paglaban
bagong mga bayarin ay paano babayaran?
bagong buhay, bagong hamon, bagong inaasahan
bagong pakikibaka sa bago ninyong tirahan

sa relokasyon, dapat kayong nagkakapitbisig
magtulong-tulong kahit wala pang kuryente't tubig
doon bubuuin ang bagong buhay ninyong ibig
sa problemang kinakaharap, huwag magpalupig

- gregbituinjr.

Martes, Disyembre 18, 2018

Kapalpakan ng Gobyerno, Huwag Isisi sa mga Mahihirap

KAPALPAKAN NG GOBYERNO, HUWAG ISISI SA MGA MAHIHIRAP
ni Ka Pedring Fadrigon

Dito lang yata sa Pilipinas nangyayaring kapag nagkakaroon ng kapalpakan na nangyayari sa gobyerno, lagi’t lagi na lang isisi sa iba. Dapat pag-isipan, pag-aralang mabuti ang mga bagay na nagaganap kung bakit ito nangyari at solusyunan. Tulad halimbawa ng problema sa mga maralitang lungsod. Alam naman ito ng mga matatalino sa gobyerno kung bakit patuloy ang pagdagsa ng mga squatters sa sariling bayan. Kalukuhan kung sabihing hindi nila ito alam. Di na natin iisa-isahin ang mga dahilan, sadyang ayaw lang talagang solusyunan, samantalalang nasa batas naman. Nasa ating Saligang Batas, Art 13, Seksyon 9 at 10.

Kapag bumaha gawa ng kalikasan, isisisi sa mga mahihirap na squatters. Bakit nakaharang ba sila sa mga kanal at ilog? Kapag nagka-traffic, isisisi rin sa mga mahihirap na manininda. Bakit? Nasa kalsada ba ang tindahan ng mga vendors? Solusyon diyan, paramihin ang palengke hindi ang mall o di kaya sobra-sobra na ang ating sasakyan. Kulang na ang kalsada? Bukod pa dito pati ang ating mga mahihirap na kung tawagin nila ay pulubi na namamasko sa tuwing sasapit ang pasko ay magiging kriminal na pinahuhuli nila. Wala na yung kaugaliang magbigayan sa tuwing sasapit ang pasko. Ang magnakaw ay kasalanan, pati ba naman ang mamamasko ay kasalanan? 

Ngayon lang Disyembre 2018 lumabas sa pahayagan ang pagbaha ng naparaming basura sa Manila Bay dala ng agos at alon. Ano ang sabi dito? Ito ay gawa ng mga maralita sa iba’t ibang bayan. Matagal na nating problema ang basura. Gawa tayo ng solusyon. Kasi baka isisi pa rin sa maralita ang pagkamatay ni Jose Rizal.

Sa halip na gumawa ng solusyon, napakarami ng paraan. Mayroon nang taong nakarating sa buwan, bunga ng pag-unlad ng siyensya at teknolohiya. Pero yaong problema ng mga maralita ay hindi masolusyunan. Hindi tokhang ang solusyon upang mawala ang mga maralita. Kailangan itong isabay sa pag-unlad ng lipunan. Kung ang build build build ay napupunduhan, bakit ang pabahay at kabuhayan ay hindi mapaglalaanan? Pitong milyon (7M) na ang kakulangan sa pabahay. Ibig lang sabihin nito ay walang plano na lutasin ang karalitaan. Sapagkat wala nang aalipinin ang mga kapitalista kapag ang mga mahirap ay umunlad pa.

Linggo, Disyembre 16, 2018

Ang mahirap, lalong pinahihirapan

ANG MAHIRAP, LALONG PINAHIHIRAPAN
Ni Kokoy Gan

Sabi nga... "Ang mayaman lalong yumayaman at ang mahirap lalong naghihirap.” Bakit nga ba may ganitong salita. Totoo ba ito? Pero may isang nakakarinding panunuya ng mga mayaman. Kaya raw may mahirap dahil tamad at walang walang diskarte sa buhay. Hindi raw nagsusumikap. Pero may mga iba diyan may mga ilang pinalad at naging instant yaman.

Bulnerable talaga ang mahirap, dahil may mga pagkakataon na nagagamit ng mayaman ang mahirap. Nagagawang alipin dahil sa kakarampot na salapi para sa kanyang pangangailangan para mabuhay. Ang iba nasasadlak sa kumunoy,naipagpapalit ang dangal at puri dahil pag hindi nya ginawa ito siya ay unti unting mamatay. 

Isa lamang iyan sa mga dinadanas ng mga mahihirap na hindi man iyan maitatanggi dahil kitang kita iyan sa mga nangyayari. Pero ang mayaman ay nagsasamantala sa mahirap, ginagamit ang pera para sa kanilang kapakanan at kapritso.

Hindi kapani-paniwala, meron ding taong mayaman na ipinapantay niya ang kanyang pamumuhay para lasapin o pantayan ang maging mahirap sapagkat ito lang ay pagkukunwari. Hindi ko sinasabi na ang mahirap ay madaling mabili lalo na sa mga panahon ng eleksyon pero may patunay naman lalo sa mga kanayunang mataas ang antas ng kahirapan. Sa tuwing halalan, bumabaha ang salapi at nanalo ang kandidatong nakakalamang ang yaman.

Pero hindi pa iyon ang mga politikong trapo lalo na sa mga mambabatas ang ginagawa nila para mapanatili sa poder ng kapangyarihan at yaman. Nakikipag-alyado sa mga malalaking bilang na pareho ng kanilang interes. Ang siste pa, gagawa sila ng mga batas na pumapabor sa mayaman. Isang kahibangan at kitang-kita na inilusot nila ang chacha na sa pormang federalismo. Nakakarindi at nakakatakot ang ganitong nakikita natin sa ganitong resulta, ipinagpapalit na ang kapakanan ng bayan at ng kanilang dignidad. 

Ang nakakatakot pa tiyak gagamitin ng mga kaalyado ang kanilang pondo para siguraduhing pag nagkaroon ng plebisito, lalansihin ng mga birador ang mayorya ng mahihirap para sa kanilang kapakanan. Ano ba ang mga binago nila sa mga probisyon na ginawa ng constitutional convention na paglimita sa 3 terms na ginawa nilang no term limit at tuloy ang political daynasty. Pag nangyari iyon tuloy-tuloy ang kanilang kasawapangan na kahit batas ang kanilang gagawin ay malaya na nila itong magagawa dahil maglalagay na sila ng mga regulasyon para sa kanilang proteksyon.

Kitang-kita naman ang kanilang balak. Magkakadugtong ang pulitikong trapo at kapitalistang namumuhunan sa panahon ng eleksyon, para pag naipanalo na, magiging proteksyon na sa kanilang negosyo na ang iba pa sa kanayunan ang mga politikong nakaupo ay kinukontrol ang negosyo sa kanilang lugar. Yong mga serbisyo gaya ng tubig, cable at kung anu-ano pa ay kanilang pinapasok para magpayaman at pag may eleksyon uli may pambili n naman ng boto??

Bakit may may manluluko at naluluko? Sabi nga kung walang magpapaluko walang manluluko. Bakit ang mahirap nagpapauto sa mayaman at pulitikong trapo? Samantalang may mga batayan na. Saan ba dapat matuto? Di ba sa karanasan at pagtuklas? Matuto na ‘yong mga uring api. Huwag magpa-bodol-bodol sa mapanlinlang na ang hangad lamang ay kanilang sariling interes. Bagamat nandiyan ang kamay ng neoliberal na huhugpong. 

Dapat nating ipakita ang pagkakaisa bilang mayorya at labanan ang pang-aapi sa mahirap.

Huwebes, Nobyembre 29, 2018

Pahayag hinggil sa RA 9507 na anti-maralita

ITAGUYOD ANG KARAPATAN SA PANINIRAHAN!
HOUSING CONDONATION AND RESTRUCTURING ACT OF 2008,
PAHIRAP SA MARALITA!

Balita ang isyung bantang padlocking at ejectment ng mga bahay sa relokasyon ng hindi nakakabayad sa kanilang buwanang obligasyon. Upang maiwasan ang nasabing problema, inalok ng NHA ng bagong "tulong" ang mga naninirahan sa relokasyon. Ang solusyon: Pumaloob ang mga maralitang pamilya sa Kondonasyon at Pagreistruktura ng pagkakautang.

Ano ba itong condonation and restructuring program?

Ang sinasabing solusyon ang laman ng Republic Act (RA) 9507 o Socialized and Low Cost Housing and Restructuring Program na ipinasa ng Senado noong Agosto 27, 2008 at ng Mababang Kapulungan ng Kongreso noong Agosto 26, 2008, at nilagdaan ni dating pangulong GMA noong Oktubre 13, 2008. Binigyan ng 18-buwang palugit ang lahat ng mga may pagkakautang at noong Pebrero 13, 2010 ay natapos na ang palugit.

Layunin ng programa na solusyunan ang lumalaking problema ng hindi pagbabayad sa mga proyektong pabahay ng pamahalaan at maging mekanismo ang paglalapat ng disiplina sa lahat ng mga may pagkakautang sa pabahay.

Ang KONDONASYON ay pumapatungkol sa pagbabawas at pagkaltas sa interes at multang ipinataw dahil sa di pagbabayad sa takdang panahon. Samantalang ang PAGREISTRUKTURA naman ay pumapatungkol sa pagsasaayos ng bagong kwenta ng bayarin at mga bagong kondisyon sa kontrata.

Sa madaling salita, ito ay DAGDAG-BAWAS na programa sa usaping pabahay. Babawasan ang kasalukuyang obligasyon ng mga maralita sa relokasyon (penalty, delinquency fee, at diskwento sa interes) at pagkatapos ay lalagumin ang naturang pagkakautang kasama ang halaga ng prinsipal na pinatawan ng bagong interes, na siyang bubuo sa reistrukturadong utang na babayaran.

Tunay na pangtulong ba ito sa mga aralita sa mga relokasyon at resettlement areas?

HINDI! Umaalingasaw ang katotohanang ang sumatotal ng programang KONDONASYON at REISTRUKTURANG utang sa pabahay ay mas mataas na bayarin sa mas malaking panahon ng pagbabayad. Paano ngayon nakatulong ang programa? Kung sa P250 kada buwan ay hindi tayo makapagbayad, paano pa ang reistrukturadong bayarin na sa pinakamababa ay umaabot sa P600 kada buwan?

Ikalawa, labas sa mataas na bayarin, nakasaad din sa programa na hindi nito sakop ang mga pamilyang hindi nakabayad kahit minsan. Nasa 80-90% ng mga aralitang nasa relokasyon at resettlement ang hindi nakabayad kahit minsan dahil sa pagkabigo ng gobyernong ibigay ang programang pagkabuhayan. Kaya kung tutuusin, ang programang ito ay programa rin ng malawakang pagpapalayas sa mga maralitang pamilya sa mga relokasyon at hindi totoong pantulong.

Ikatlo, dudulo pa rin ito sa malawakang padlocking at ejectment ng mga maralitang papaloob sa programa dahil maliwanag na nakasaad sa batas na ang sinumang hindi makababayad sa loob ng tatlong buwan ay papailalim pa rin sa padlocking at ejectment.

Sa madaling salita, maging bahagi man o hindi ng programa ang isang maralitang pamilya, walang ibang kinabukasan ang mga ito kundi ang mapalayas sa kanilang mga tahanan. Ang maralitang pamilya sa ilalim ng programang kondonasyon at pagreistruktura ay maihahalintulad sa isang bibitayin na pinahaba lamang ng panahon ngunit sa dulo ay bibitayin pa rin.

DAPAT TUTULAN at HUWAG TANGKILIKIN ang RA 9507 at programa nitong KONDONASYON AT PAGREISTRUKTURA sa ating bayarin sa pabahay.

Ito ang dapat nating maging tindig sa programa dahil malinaw na dagdag pahirap ito at instrumento lamang para sa malawakang pagpapalayas sa mga mahihirap na nasa relokasyon.

Ang mga laman at probisyon ng RA 9507 ay lumalabag sa ating Konstitusyon na nagtitiyak na obligasyon ng pamahalaan ang pagbibigay ng abotkaya at disenteng paninirahan sa mga maralita. Panggigipit sa maralita ang laman at intensyon ng batas at hindi pagpapagaan sa kahirapan. Hindi nito sinasagot ang tunay na dahilan ng kawalan ng kakayahan ng maralitang bayaran ang kanyang buwanang bayarin - ang kawalan ng tiyak na trabaho at kabuhayan.

Ang mga relokasyon at resettlement ay itinayo upang paglakagan ng mga maralitang napaalis sa mga komunidad upang bigyang daan ang mga proyektong pangkaunlaran. sa madaling salita, isang serbisyo ang pabahay sa relokasyon. Ngunit sa RA 9507, binabago nito ang pananaw na ang pabahay ay isa nang negosyo.

HUWAG PUMASOK SA PAIN NG CONDONATION AND RESTRUCTURING PROGRAM!

TIYAK NA KABUHAYAN, HINDI KONDONASYON!

ANG RELOKASYON AY SERBISYO, HINDI NEGOSYO!

Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)
Zone One Tondo Organization (ZOTO)
Nobyembre 14, 2018

Lunes, Oktubre 29, 2018

Kwento - Pagbabalik ng Taliba, pagbabalik sa Taliba


PAGBABALIK NG TALIBA, PAGBABALIK SA TALIBA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Higit isang dekada na rin nang mawala ako bilang staff ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) noong Marso 2008, at nakabalik lamang sa KPML nang mahalal na sekretaryo heneral nito noong Setyembre 16, 2018.

Kaya nang mahalal ako’y agad kong sinabi kay Ka Pedring Fadrigon, ang pambansang pangulo ng KPML, na muli kaming maglabas ng dyaryo ng KPML, ang Taliba ng Maralita.

“Sige, Greg, ilathala muli natin ang Taliba ng Maralita,” ani Ka Pedring, “ikaw naman ang dating gumagawa niyan. Ikaw na humawak diyan.”

“Okay po, mas maganda po kung may kolum kayo, Ka Pedring.” Sabi ko, na sinang-ayunan naman niya.

Kaya isinama na namin sa plano ang paglalathala ng Taliba. Kung noon ay isang beses kada tatlong buwan, o apat na isyu ng Taliba kada taon, ang balak ko ay isang beses sa isang buwan upang labingdalawang isyu ng Taliba sa loob ng isang taon. Palagay ko’y kaya naman dahil sa dami ng paksang matatalakay at dami ng laban at isyung kinakaharap ang maralita.

Ang kasanayan ko bilang manunulat mula sa kampus o sa kolehiyo bilang editor ng pahayagan ng mag-aaral, hanggang sa paglalabas ng dalawang isyu ng magasing Maypagasa ng Sanlakas, hanggang sa pagsusulat at pagle-layout ng pahayagang Obrero ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), hanggang sa magasing Ang Masa ng Partido Lakas ng Masa (PLM), marami na rin akong karanasan bilang isang dyarista. Bukod pa ang hilig sa pagkatha ng maikling kwento at tula, alamat at pabula, at marahil sa mga susunod na panahon ay maging isang ganap na nobelista. Nais kong kumatha ng nobelang ang bida ay ang uring manggagawa. O mas pinatatampok ay ang kolektibong pagkilos ng sambayanan.

Isang maramdaming tagpo para sa akin ang ipahawak sa akin muli ang pagsusulat at paglalathala ng Taliba ng Maralita, dahil natigil na ang paglalathala ng Maypagasa, Obrero at Ang Masa, at tanging ang Taliba ng Maralita na lamang ang aking pinagsusulatan sa ngayon kaya sabi ko sa sarili ko, paghuhusayin ko ang pagsusulat dito.

Isa sa mga maikling kwentong nalathala ko sa Taliba ay ilang ulit nang nilathala sa dyaryo. Pinamagatan iyong “Ang Ugat ng Kahirapan”. Una iyong nalathala sa nalathala sa Taliba ng Maralita sa isyu ng Hulyo-Setyembre 2003, na higit labinglimang taon na rin ang nakararaan. Nalathala rin iyon sa pahayagang Obrero ng BMP, bandang 2007 o 2008 (wala na akong sipi niyon), sa magasing Ang Masa ng Partido Lakas ng Masa (PLM) noong Oktubre 2011, at sa muling paglathala ng Taliba nitong Setyembre 2018, sa nakaraang isyu lang.

Ang una ngang Taliba ng Maralita na ginawa ko ay ang isyung Abril-Hunyo 2001, ilang buwan matapos paslangin si Ka Popoy Lagman, na dating pangulo ng BMP. Ang pagtalakay sa kanya ng isang tagasugid na tagahanga ay nalathala sa Philippine Daily Inquirer noong Pebrero  14, 2001, na isinalin ko sa wikang Filipino, at siyang tampok na balita sa isyung iyon. Sa pahina 4 din ng isyung iyon ay isinulat ko naman ang talambuhay ni Ka Popoy Lagman.

Malaking bagay na nakabalik ako sa Taliba ng Maralita, dahil nga wala na akong pinagsusulatang pahayagan sa kasalukuyan, dahil hindi na rin sila nagtuloy. At dito sa Taliba, bilang bagong sekretaryo heneral ng KPML, ay pag-iigihan ko na ang bawat pagsusulat ng sanaysay, pahayag ng KPML, pananaliksik ng mga balita’t batas hinggil sa isyu ng maralita, maikling kwento at tula. Kaya asahan ninyo ang aking pagsisikap upang mapabuti ang ating munting pahayagan ng maralita.

Baka rito sa Taliba ng Maralita ko masulat ang pangarap kong nobelang naiisip kong sulatin, isang nobelang hinggil sa maralita, manggagawa, mga api, at pinagsasamantalahan sa lipunan. Nobelang kakampi ng masa para sa karapatang pantao at panlipunang hustisya.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Oktubre 2018, pahina 18-19.

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.