Linggo, Oktubre 27, 2019

Ang "Ako ang Daigdig" ni Alejandro G. Abadilla at ang "Tayo ang Daigdig" ng U.S.A. for Africa


ANG "AKO ANG DAIGDIG" NI ALEJANDRO G. ABADILLA AT ANG "TAYO ANG DAIGDIG" NG U.S.A. FOR AFRICA
Maikling sanaysay at salin ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nitong Oktubre 19-20, 2019 ay nagkaroon ng palihan o workshop upang mabuo ang isang cultural network sa loob ng kilusang pangkarapatang pantao.

May mga mang-aawit, makata, manunulat, mananayaw, at aktibistang dumalo. Nariyan ang mga kasapi ng Teatrong Bayan, Teatro Pabrika, at Teatro Proletaryo. Nariyan ang mga gitarista. Karamihan ay mga kasapi ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) at In Defense of Human Rights and Dignity Movement (IDefend), kung saan sila rin ang nag-inponsor ng nasabing aktibidad.

Binuo ang apat na pangkat ng palihan para sa apat na napiling paksa. Sa ikalawang araw ay pagpaplano, at napag-usapan ditong gumawa ako ng salin ng We Are The World. Iminungkahi ito ni Ate Evelyn ng Teatro Pabrika. Gagamitin daw ito sa araw ng karapatang pantao sa Disyembre 10, 2019.

Dahil dito, inumpisahan kong isalin ang awiting We Are The World o Tayo ang Daigdig. Naalala ko tuloy ang tula ng sikat na makatang nag-umpisa ng modermismo sa panulaan sa Pilipinas, si Alejandro G. Abadilla. dahil sumikat noon ang kanyang tulang AKO ANG DAIGDIG (sa Ingles ay I Am The World) noong kanyang kapanahunan.

Halina't basahin ang tulang "Ako ang Daigdig" ni AGA.

AKO ANG DAIGDIG

ako

ang daigdig

ako

ang tula

ako

ang daigdig

ang tula

ng daigdig

ako

ang walang maliw na ako

ang walang kamatayang ako

ang tula ng daigdig

Sa tulang ito sumikat ang pangalan ni Abadilla nang sinulat niya ito noong 1940 na nalathala sa magasing Liwayway, at kasama sa nalathala niyang aklat noong 1955. Noong una'y tinanggihan ng mga kritiko ang nasabing tula dahil hindi ito sumusunod sa tradisyonal na tula na gumagamit ng sukat at tugma. Ayon sa isang lathalain, "Maituturing ang tulang “Akó ang Daigdíg” bilang pinakatanyag na likha ni Alejandro G. Abadilla, na siyáng kinikilálang “Ama ng Makabagong Panulaang Tagalog.” Una itong nalathala sa Liwayway noong 1940. Kabilang ito sa unang aklat ng mga tula ni Abadilla, ang Ako ang Daigdig at Iba Pang Tula (1955)."

Ang awiting "We Are The World" (na isinalin kong "Tayo ang Daigdig") ay isang awiting nilikha noong Enero 28, 1985 at sama-samang kinanta ng mga kilalang mang-aawit sa Estados Unidos, na karamihan ay itim. Ginawa nila ito bilang tugon sa matinding taggutom sa Africa. Tinawag ng mga mang-aawit ang kanilang sarili na USA for Africa (United Support of Artists for Africa). Ang "We Are The World: The Story Behind the Song" ay isang dokumentaryong tinalakay kung paano isinulat ang kanta, kung paano hinikayat ng prodyuser na si Quincy Jones at mga manunulat na sina Michael Jackson at Lionel Richie ang ilan sa mga pinakasikat na mang-aawit sa Amerika na ibigay ang kanilang serbisyo para sa proyekto.

Kasama sa mga nagsiwawit sina Ray Charles, Bruce Springsteen, Tina Turner, Bob Dylan, Stevie Wonder, Billy Joel, Willie Nelson, Paul Simon, Bette Midler, Diana Ross, at marami pa. Umano'y nasa sampung milyong kopya ng awit ang naibenta sa buong mundo.

Kaya nang sabihan ako sa cultural workshop sa karapatang pantao na isalin ang We Are The World ay agad kong tinanggap. Isang malaking karangalan sa akin na ako ang pinagtiwalaang magsalin nito sa wikang Filipino.

Narito naman ang aking salin ng We Are The World:

TAYO ANG DAIGDIG
ng United Support of Artist for Africa
Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.

Darating ang panahong tutugon tayo sa tiyak na panawagan
Upang ang sangkatauhan ay magsama-sama bilang isa
May mga taong namamatay
At panahon nang akayin sila sa buhay
Na pinakadakilang handog sa lahat.

Hindi tayo maaaring magpanggap araw-araw
Na sinuman, saanman, ay may pagbabagong magaganap
Tayo'y bahagi ng malaking pamilya ni Bathala
At ang katotohanan, alam mo ba
Tanging pag-ibig ang ating kailangan

Tayo ang daigdig
Tayo ang mga anak
Tayo ang nagbibigay liwanag sa buhay
Kaya, simulan na nating magbigay.

May pinipili tayong magagawa
Upang sagipin ang sariling buhay
Tunay nang mas mabuting araw ang malilikha natin,
Ng ikaw lang at ako.

Puso mo'y ipadala sa kanila upang batid nilang may nagmamalasakit
At nang buhay nila'y mas lumakas at maging malaya
Tulad ng pinakita ng Diyos sa atin na bato'y ginawang tinapay
kaya tulong nating lahat ay ialay.

Tayo ang daigdig
Tayo ang mga anak
Tayo ang nagbibigay liwanag sa buhay
Kaya, simulan na nating magbigay.

May pinipili tayong magagawa
Upang sagipin ang sariling buhay
Tunay nang mas mabuting araw ang malilikha natin,
Ng ikaw lang at ako.

Pag dama mo'y pagkasawi't wala na
Na tila wala nang pag-asa
Ngunit kung maniniwala ka lang
Walang dahilang bumagsak tayo
Kaya nga 
Mababatid nating darating ang pagbabago
Kung sama-sama tayong titindig bilang isa

Tayo ang daigdig
Tayo ang mga anak
Tayo ang nagbibigay liwanag sa buhay
Kaya, simulan na nating magbigay.

May pinipili tayong magagawa
Upang sagipin ang sariling buhay
Tunay nang mas mabuting araw ang malilikha natin,
Ng ikaw lang at ako.

Kung si AGA ay may "Ako ang Daigdig" na sikat niyang tula, ang "We Are The World" naman ay sikat na awitin sa buong mundo. Subalit ang bersyon nito sa wikang Filipino ay aawitin pa ng cultural network na nabuo, at sana'y maibidyo ito, mapanood, at maiparinig sa higit na nakararami, dahil sa mensaheng taglay nito. At nawa'y matuloy ang pag-awit nito sa pagkilos sa darating na ika-72 anibersaryo ng Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao.

Pinaghalawan:
https://genius.com/Usa-for-africa-we-are-the-world-lyrics
https://en.wikipedia.org/wiki/We_Are_the_World
https://en.wikipedia.org/wiki/Alejandro_G._Abadilla
https://philippineculturaleducation.com.ph/aklatang-bayan-2/

Sabado, Hulyo 27, 2019

Bakit laging dapat lumaban silang maralita?

bakit laging dapat lumaban silang maralita?
dahil ba ang dama nila'y wala silang dignidad?
dahil dama nilang inaapakan silang lubha?
dahil ba isinilang na silang dukha at hubad?

dahil ba salat sa yaman, dapat silang apihin?
dahil ba walang pribadong pag-aari'y alipin?
dahil laging marusing basta sila gugulpihin?
dahil tahanan ay iskwater, tatapakan na rin?

dahil isinilang na salat, ito'y kapalaran?
dahil wala silang makain, ito katamaran?
dahil walang pinag-aralan, ito'y kamangmangan?
dahil kayrami nila, ito'y populasyon naman?

kaya may dukha, pribadong pag-aari ang sanhi
at siya ring dahilan kung bakit may mga uri
upang maibsan ang kahirapan, ang ating mithi
ay pawiing tuluyan ang pribadong pag-aari

- gregbituinjr.

Martes, Hulyo 23, 2019

Maralita at Kontraktwalisasyon

MARALITA AT KONTRAKTWALISASYON
Sinulat ni Greg Bituin Jr.

Pabor ba sa maralita ang kontraktwalisasyon dahil kahit papaano'y nakakasingit siya ng trabaho kahit 5-months, 5-months lang? Hindi naman magkalayo ang bituka ng manggagawa at maralita upang gustuhin ng maralita ang maging kontraktwal kaysa naman walang trabaho. Nais ba ng maralita ng mumo kaysa walang makain? Bituka ba at hindi karapatan kaya nais niyang maging kontraktwal? Sawa na siya sa 555 na sardinas, ngayon ay nais niyang magtrabaho ng 5-5-5 months bilang kontraktwal.

Maraming benepisyo at katiyakan sa trabaho (security of tenure) ang mga benepisyong hindi tinatamasa ng mga manggagawang kontraktwal. Na hindi rin tatamasahin ng maralitang naging manggagawang kontraktwal.

At ang maralitang kontraktwal ay magiging manggagawa na rin. At hindi niya maiiwasang mamulat bilang manggagawa bunsod ng labis na kaapihan at pagdurusa sa kalupitan ng mga kapitalista, at sa kalaunan ay maunawaan niya ang katumpakan ng makauring pagkakaisa at harapin ang mga hamon ng kasaysayan. Hanggang sa matanto ng maralitang kontraktwal na hindi lamang dahil sa kagustuhang magkatrabaho ay magbibingi-bingihan na siya sa karaingan  ng  kanyang  mga kapwa manggagawa.

Nanaisin tiyak ng maralitang naging kontraktwal na ipaglaban din, hindi lamang ang ilalaman ng kanyang tiyan, kundi ang karapatan nila bilang manggagawa.

Matatransporma sa kalaunan ang kamalayan ng maralitang kontraktwal upang yakapin niya ang kanyang uring pinagmulan - ang uring walang pag-aari kundi ang kanyang lakas-paggawa - ang uring manggagawa. 

Kaya hindi lamang pabahay at laman ng tiyan ang nasa kanyang isipan kundi ang karapatan niya sa loob ng pagawaan ay maipaglaban, at ang kanyang dignidad bilang tao (hindi makina) ay kanyang maipagtanggol at mapanghawakan.

* Nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Espesyal SONA issue, Hulyo 2019, p. 6

Huwebes, Hulyo 11, 2019

Komprehensibong larawan ng kahirapan na dapat ugatin

KOMPREHENSIBONG LARAWAN NG KAHIRAPAN NA DAPAT UGATIN
ni Ka Pedring Fadrigon

ANG KAGUTUMAN BUNGA NG PAGBALEWALA SA PAGPAPAUNLAD NG AGRIKULTURA. Ang ating pamahalaan ay nahirati na lamang sa pag-angkat ng produkto sa labas o sa ibang bansa. 3.1 milyon ng ating populasyon ang nagugutom mula noong 3rd quarter ng 2018 dahil sa kitang mababa pa para sa pangangailangan sa pagkain. Dapat ang reporma sa lupa para sa mga magsasaka para walang magugutom.

KAKULANGAN SA MAIINOM NA MALINIS NA TUBIG. Batay sa datos, 55 Pilipino ang namamatay araw-araw dahil sa hindi malinis na tubig at 20 milyon ang walang basic sanitation facilities. Nang dahil sa pribatisasyon, ang ating mga tubig na dumadaloy sa mga bukirin mula sa kabundukan at dati ay libre, ay nilagay na sa bote at pinababayaran na sa sangkatauhan. Dati ay libre ang mga halaman sa tubig na ating inaani, ngunit ngayon, dagdag bayarin na o gastos ng manggagawa sa bukid ang bayad sa irigasyon.

WALANG ABOTKAYANG PABAHAY ANG GOBYERNO NA MATITIRAHAN. Ang pitong milyong (7M) backlog sa pabahay at milyon ding maralita ang nanganganib na mapalayas sa mga relokasyon dahil sa hindi makabayad sa pabahay. Patuloy hanggang sa kasalukuyan ang pagdagsa ng mga maralitang naghahanap ng katiyakan sa paninirahan. Ang batayan ay ang 7M backlog ng pamahalaan sa pabahay dahil sa korapsyon at governance.

KAWALAN NG TRABAHO O HANAPBUHAY. Batay sa LFS (Labor Force Survey), ang Pilipinas ang may pinakamataas na bilang ng walang trabaho sa Southeast Asia. Kung mayroon mang trabaho ay hindi sapat ang kinikita dahil sa baba ng sahod. Sa Metro Manila, ang arawang sahod lamang ng manggagawa ay P537 (2019), na malayo sa kahilingan ng mga manggagawa na P750 minimum wage. Mayorya ng mga trabahador ay kontraktwal at walang mga benepisyo.

KAKULANGAN SA BATAYANG SERBISYO SA PANGANGAILANGAN SA KALUSUGAN. Malaki ang bilang ng mamamayang walang akses sa basic health care, lalo na ang mga nasa malalayong lugar ng ating bansa. Batay sa mga datos, 11 hospital beds lamang sa bawat 10,000 Pilipino noong 2014, at 1 doktor lamang sa bawat 33,000 pasyente o may mga karamdaman.

LUMALAKI ANG BILANG NG MGA OUT-OF-SCHOOL YOUTH. Dahil sa kahirapan at kakulangan din sa mga pasilidad sa mga paaralan, 10% ng mga Pilipino na edad 6-24 ay out-of-school youth. Makikita natin ito sa mga lansangan, mga naglalako ng kung anu-ano. Ang ilan ay natututong gumawa ng masama. Ang ilan ay makikita mo sa lansangan at napasama na sa mga batang hamog, kalaban ng mga naghahanapbuhay na drayber at pasaheros.

KAKULANGAN SA MGA PROGRAMANG MAY KAUGNAYAN SA SOCIAL PROTECTION. Tulad ng mga livelihood. 4 out of 5 senior citizens ay walang benepisyo sa retirement o pension, dapat ay magkaroon sila ng social protection. Ang social protection ay mga patakaran at mga programang makababawas sa kahirapan.

WALANG MALUSOG NA KAPALIGIRAN. Mula noong 2015 hanggang sa kasalukuyan ay mayroong 274 natural disasters na umapekto sa milyun-milyong Pilipino. Hindi lamang ito natural na kalamidad kundi kasama na rin ang man-made calamities, dahil sa di maayos na urban planning at waste displacement.

DISPLACEMENT AT ARMED CONFLICT AT IBA PANG ANYO NG KARAHASAN. Naoobliga ang mga mamamayang lumikas mula sa kanilang mga lugar para umiwas sa kaguluhan. At karamihan ay sa lungsod ang kanilang pinupuntahan. Ayon sa datos, 87,000 ang lumikas noong 2017 at 523 munisipalidad ang pinanggalingan dahil sa gera. Mayroon ding mga dinemolis ang mga tirahan sa mga danger zones, tulad ng ilalim ng tulay, basurahan, riles ng tren, at mga sirang sasakyan.

ELITE RULE AT DI TUNAY NA DEMOKRASYANG PAMUMUNO. Ang isang epektibong pamamahala sa isang demokrasyang bansa ay dapat bigyang pahalaga ang partisipasyon ng kanyang mamamayan. At iyan ay nasa ating Saligang Batas (our right to effective and reasonable participation) sa lahat ng antas (economic, social at political). Titiyakin ng pamahalaan na ang boses ng maralita at mga nasa laylayan ay mapakinggan, hindi lang sa tuwing may eleksyon, kundi sa panahong pinag-uusapan ang ekonomya, pulitikal at sosyal na patakaran at mga programa. Subalit hindi ito demokrasya kung hindi pinakikinggan ang mamamayan. Kapag nagkumento ang maralita, siya ay kalaban. Kapag tumutol ka sa gusto ng pamahalaan, ikaw ay kalaban, kulong ka. Kapag di ka paawat, patay kang bata ka. Sa demokrasya sa bansa, ang kapitalista ang nagdidikta dahil magkauri sila ng mga elitista. Sa ating mga maralita, magkaisa tayo at sama-samang magsuri sa sistemang umiiral. Ang sanhi ng kahirapan ay ang mga maling sistema at kalakaran.

Ang sistemang kapitalismo ay palitan ng sosyalismo. Sapagkat sa kapitalismo, alipin tayo, squatter tayo, dominado tayo, at agrabyado. Sa mga asunto at hustisya, lagi tayong talo. Dahil sila ang may pera at koneksyon sa gobyerno. Sa kapitalismo, silang nasa tuktok, sa hotel at sa palasyo nakaluklok, samantalang tayo ay nasa sulok. Sa sosyalismo, walang mayaman at walang mahirap. Ang walang trabaho ay binibigyan ng trabaho ng walang mga kondisyon. Ang mga mag-aaral ay binibigyan ng pagkakataong makapag-aral ng libre. Ang mga mayroong karamdaman ay ginagamot sa mga libreng pagamutan. Ang mga yaman ng kalikasan ay nakasentro sa pamahalaan na lahat ay nakikinabang.

Iyan ang kaibhan ng lipunan sa kasalukuyan. Kaya sana'y maitanong natin sa ating mga sarili kung tama ang ating mga pagsusuri. Para hindi natin danasin pa sa mahabang panahon ang kahirapan, lalo na sa ating susunod na salinglahi.

* Nalathala sa kolum ni Ka Pedring Fadrigon, pambansang pangulo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), at nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng KPML, isyu ng Hulyo 1-15, 2019, p. 4-6.

Biyernes, Hunyo 21, 2019

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

MINSAN, SA ISANG DEMOLISYON
Maikling kwento ni Greg Bituin Jr.

Nakatunganga siya sa kawalan. Dumating siyang giba na ang kanilang tahanan. Wala nang tirahan ang kanyang pamilya. Ang kanyang bunso'y iyak ng iyak dahil marahil sa lamig ng gabi. Ang langit na ang kanilang kisame.

Kanina, nasa trabaho siya. Nakatutok maghapon sa makina. Walang obertaym kaya maagang nakalabas. Subalit nagyaya pa ang isang kasamahan. Tigalawang bote ng beer muna bago umuwi.

Pagdating sa inuuwian, nag-iiyakan, nagsisigawan, malalakas na boses ang kanyang nadatnan. Habang ang iba'y muli namang itinatayo ang kanilang nagibang barungbarong. Nagbabakasakaling maibalik ang buhay na nawala sa buong maghapon.

Inilagay niya sa pinggan ang binili niyang pansit upang pagsaluhan nilang mag-anak. Habang kanyang iniisip, anong kinabukasan mayroon ang kanyang mga anak sa lugar na iyon? Kailangan na ba nilang lumipat at ialis ang kanyang pamilya roon? Magiging makasarili siya kung iyon ang gagawin. Iiwan ang iba sa laban habang siya'y tatakbo sa kinakaharap na suliranin upang pamilya'y iligtas.

Ah, naisip niya. Dapat pag-usapan ng buong komunidad ang kanilang kalagayan at anong mga hakbang ang dapat nilang gawin. Hindi dapat magkawatak-watak para isa-isang iligtas ang kani-kanilang pamilya. Dapat ngang mag-usap na sila't magkaisa kung may relokasyon bang nakalaan? Kung paano ang gagawin kung gigibain silang muli? o magkaisang magmartsa ang buong komunidad sa tanggapan ng punong alkalde upang malutas ang kanilang problema sa paninirahan.

Tama. Ito ang kanyang gagawin. Sasabihan niya ang mga kapitbahay niyang magbuo na ng samahan ng nagkakaisang magkakapitbahay sa lugar na iyon. Dapat nilang pagkaisahin ang buong komunidad upang ipagtanggol ang kanilang karapatan sa paninirahan at para sa kinabukasan ng kanilang mga anak. Bukas na bukas din.

* Nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hunyo 16-30, 2019, p. 14

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.