Linggo, Abril 14, 2019

Ang papel ng papeles

ANG PAPEL NG PAPELES
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa isang hearing na aking nadaluhan minsan hinggil sa kaso ng isang lider-maralita, dumating ang mga arresting officers at may dalang warrant of arrest laban sa lider-maralitang napagbintangan. Ipinakita ng mga arresting officers ang warrant sa clerk of court bilang patunay na may arrest warrant ang nasabing lider-maralita. Sinuri ng clerk of court ang warrant, ngunit hindi inaresto ang akusado. Bakit? Nakita ng clerk of court na kumpleto ang detalye ng search warrant – nakalagay ang pangalan ng akusado, ang kaso, ang judge na pumirma, atbp. Ngunit xerox lamang ang arrest warrant, kaya sinabihan niya ang mga arresting officers na dapat ay certified true copy ang arrest warrant bago hulihin ang tao. Dahil dito, ang nasabing lider maralita ay hindi dinakip.

Sa kalakaran ng ating mundo ngayon, malaking bahagi ay papeles. Ang papeles ay anumang uri ng dokumento na nagpapatunay sa isa o maraming transaksyon o usapan. Ang mga halimbawa nito’y resibo, subpoena, sedula, lisensya, sertipiko, atbp.

Pagkapanganak pa lang, nariyan na ang birth certificate, isang papeles na nagpapatunay kung ano ang pangalan ng bata, kung saan at kelan siya ipinanganak, at sino ang tunay niyang mga magulang.

Meron ding certificate para sa binyag, kumpil, pagtatapos ng bata sa kinder, diploma, Nariyan din ang death certificate para sa mga namatay. Sa pangingibang-bansa ay naririyan ang visa at passport. Anupa’t umiinog ang ating mundo sa tambak na papeles. Sa madaling salita, dapat na may katunayan tayo ng anumang pagkakakilanlan o transaksyon upang hindi tayo maagrabyado sa anumang labanan.

Malaking bahagi ng laban ng maralita ay nakasalalay sa papeles. Sa usapin ng paninirahan, nariyan ang titulo ng lupa, resibo ng bilihan, notice for demolition, entry pass sa relocation site, atbp. Marami ang natatakot, napapalayas, o kung minsan ay namamatay, dahil sa kawalan ng papeles, at kung meron man ay pagmamaniobra naman ng malakas sa mahihina pagdating sa papeles. Halimbawa, sa Barrio Kangkong, marami ang natakot nang nakarinig na may dumating na sulat na nag-aatas umano ng demolisyon sa isang takdang panahon, gayong hindi muna ito nabasa at nasuri. Gayong ang nakasulat ay hindi demolisyon, kundi humihingi muna ng negosasyon ang may-ari, o kaya’y imbes na Barrio Kangkong ang idedemolis ay Barrio Kalabasa pala ang nakasulat, nagkamali lang ng pinadalhan. Noong 1997 sa Sitio Mendez, may demolition order na galing umano kay Mayor Mathay, pero nang suriin ang papeles, hindi iyon pirma ni Mathay at wala siyang inorder na demolisyon

Huwag tayong matakot magsuri ng papeles, dahil kadalasan buhay at kamatayan ang dulot nito ay di pa natin alam. Totoo ba ang Transfer Certificate of Title (TCT) na nasa kamay ng nagpapalayas sa inyo? Nasaliksik at nasuri nyo bang ang papeles ng nagpapalayas sa inyo ay mula sa Original Certificate of Title (OCT) hanggang sa nagpalipat-lipat na TCT? Dapat mabasa muna at masuri ng maigi ang buong papeles bago mag-panic. Para sigurado, puntahan at magsaliksik sa mga opisinang sangkot.

Hindi dapat matakot, malito, o magpanic ang sinuman, kapag nakatanggap ng anumang papeles. Ang dapat nating gawin ay suriin ito, pag-usapan ng nasasangkot, at iberipika sa kinauukulang ahensya kung gaano ito katotoo. Dahil kung hindi, baka mga manlolokong sindikato sa palupa ang magpalayas sa inyo, o kaya’y magbenta sa inyo ng lupa. Kaya ingat.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Abril 1-15, 2019, p.8-9

Kwento - Si Balagtas, ang Wikang Filipino at ang Buwan ng Panitikan

SI BALAGTAS, ANG WIKANG FILIPINO AT ANG BUWAN NG PANITIKAN
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nagsidalo ang ilang lider-maralita nang maimbitahan sila sa isang talakayan sa mismong araw ng kapanganakan ng Sisne ng Panginay na si Francisco Balagtas, may-akda ng walang kamatayang Florante at Laura, at ng Orozman at Zafira. Ang tema ng talakayan ay “Bakya Ba ang Wika ni Balagtas?” na pambungad sa pagbubukas ng Buwan ng Panitikan.

Tinalakay muna ng tagapagpadaloy na si Isko kung bakit ang Abril ay naging Buwan ng Panitikan. Ani Isko, “Ang Buwan ng Panitikan ay itinapat sa buwan ng kaarawan ni Balagtas at isinabatas noong 2015 ang  Proklamasyon Bilang 968. Ngayong taon naman, isinasagawa ang Buwan ng Panitikan 2019 sa temang Buklugan Panitikan, halaw mula sa buklog, isang ritwal ng pagbubuklod at pasasalamat ng mga Subanen. Ang buklog din ay isang estrukturang kawayan, malimit na umaabot ng 20 talampakan ang taas, may sahig na parang entablado, at ginagamit na sayawan at lundagan ng mga tao kapag may pagdiriwang.”

“Ah, kaya pala ganyan ang entablado, isa pala iyang buklog.” Ani Isay sa kasama niyang si Ingrid.

Si Isko uli, “Simulan natin ang ating palatuntunan sa katanungang Bakya Ba ang Wika ni Balagtas?”

Isa sa mga tagapagsalita ay si Mang Igme, na isang lider-maralita sa Pandacan. Ayon sa kanya, “Hindi bakya ang ating wika. Hindi porke mga inglesero ang nasa pamahalaan, eh, hindi na sila gumagamit ng ating wikang pambansa. Minamaliit ba ng mga ingleserong Pinoy na ito ang wika natin at tinatawag na bakya? Aba’y hindi na sila Pinoy kundi mga banyaga na. Aba’y umalis na sila sa pamahalaan! Hindi naman natin sila kailangan kung ganyan sila at minamaliit nila ang sarili nating wika!”

Sumabat si Igor, isang lider-maralita sa Sampaloc, Maynila, “Nilait na ng matagal na panahon ang ating wika kaya sinasabi nila itong bakya. Gamit lang daw ito ng mga katulong sa mansyon ng mga mayayaman, na pawang Ingles, kundi man Espanyol, ang sinasalita. Ako nga noon, sa elementarya, may parusa ka pag nag-Tagalog ka sa klase. Hindi lang parusa, kundi magbabayad ka ng piso. Aba’y malaking halaga na iyan noon. Nangyayari pa ba ito ngayon?”

Nagtaas ng kamay si Iska, “Danas ko rin iyan noon. Pagmumultahin ka ng guro pag nagsalita ka ng Tagalog sa iskul. Hay, naku!”

Si Igme muli, “Subalit karamihan sa atin dito ay maralita. Maralitang tinuturing na bakya ng mga nasa poder. Dukhang ang tanging alam lang ay sariling wika. Dapat makakumbinsi tayo ng mga mayaman o maykaya sa lipunan na nagsasalita ng wika ng madla, o kaya’y kongresista o senador na magpapasa ng batas na igalang ang ating wika.”

Sumabat si Ines, isang lider-kababaihan sa Quiapo, “Tandaan natin ang isang nakasaad sa Kartilya ng Katipunan, na natatandaan ko pa:  Sabi roon, ang kamahalan ng tao’y wala sa pagkahari, wala sa tangus ng ilong at puti ng mukha; wagas at tunay na mahal na tao, kahit laking gubat at walang nababatid kundi ang sariling wika.”

Napatango naman ang ilan sa sinabi ni Ines.

Nagtaas ng kamay si Inggo, mula sa isang maralitang pamayanan sa Tondo. Tinawag naman siya ni Isko. Ani Inggo, “Huwag nating sisihin ang mga inglesero dahil ipinakita lang nila ang asal nilang tunay sa atin. Huwag natin silang pag-aksayahan ng panahon. Ang mahalaga ngayon ay kung paano pa natin lilinangin at pauunlarin ang ating wikang pambansa. Ang mungkahi ko nga ay bigyang parangal natin ang mga tagapagtanggol ng ating wika, bukod kay dating Pangulong Manuel Quezon. Nariyan ang dating gurong si Teodoro Asedillo, at ang makatang si Jose Corazon de Jesus, na nakipaglaban sa mga Amerikano sa usapin ng wikang pambansa. Sila’y mga bayani ng ating wika.”

“Kayganda ng sinabi ni Inggo. Subalit paano iyan gagawin?” Ani Isko. “Ang mabuti pa’y lumiham tayo sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na dapat ay may mga bayani tayo sa sariling wika na titingalain natin, na ipinagtanggol nila noon ang ating wikang pambansa sa harap ng mga dayuhan. Kumausap na rin tayo ng mga kongresista at senador na maaaring magpasa ng batas hinggil dito.”

“Sinong magsusulat at lalagda.” Tanong ni Ines.

“Gagawin natin ang burador at lahat tayong narito ang pipirma.” Ani Isko. “Ayos ba sa inyo?” Nagtanguan naman ang mga lider-maralita.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Abril 1-15, 2019, pahina 18-19.

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.