Sabado, Hulyo 27, 2019

Bakit laging dapat lumaban silang maralita?

bakit laging dapat lumaban silang maralita?
dahil ba ang dama nila'y wala silang dignidad?
dahil dama nilang inaapakan silang lubha?
dahil ba isinilang na silang dukha at hubad?

dahil ba salat sa yaman, dapat silang apihin?
dahil ba walang pribadong pag-aari'y alipin?
dahil laging marusing basta sila gugulpihin?
dahil tahanan ay iskwater, tatapakan na rin?

dahil isinilang na salat, ito'y kapalaran?
dahil wala silang makain, ito katamaran?
dahil walang pinag-aralan, ito'y kamangmangan?
dahil kayrami nila, ito'y populasyon naman?

kaya may dukha, pribadong pag-aari ang sanhi
at siya ring dahilan kung bakit may mga uri
upang maibsan ang kahirapan, ang ating mithi
ay pawiing tuluyan ang pribadong pag-aari

- gregbituinjr.

Martes, Hulyo 23, 2019

Maralita at Kontraktwalisasyon

MARALITA AT KONTRAKTWALISASYON
Sinulat ni Greg Bituin Jr.

Pabor ba sa maralita ang kontraktwalisasyon dahil kahit papaano'y nakakasingit siya ng trabaho kahit 5-months, 5-months lang? Hindi naman magkalayo ang bituka ng manggagawa at maralita upang gustuhin ng maralita ang maging kontraktwal kaysa naman walang trabaho. Nais ba ng maralita ng mumo kaysa walang makain? Bituka ba at hindi karapatan kaya nais niyang maging kontraktwal? Sawa na siya sa 555 na sardinas, ngayon ay nais niyang magtrabaho ng 5-5-5 months bilang kontraktwal.

Maraming benepisyo at katiyakan sa trabaho (security of tenure) ang mga benepisyong hindi tinatamasa ng mga manggagawang kontraktwal. Na hindi rin tatamasahin ng maralitang naging manggagawang kontraktwal.

At ang maralitang kontraktwal ay magiging manggagawa na rin. At hindi niya maiiwasang mamulat bilang manggagawa bunsod ng labis na kaapihan at pagdurusa sa kalupitan ng mga kapitalista, at sa kalaunan ay maunawaan niya ang katumpakan ng makauring pagkakaisa at harapin ang mga hamon ng kasaysayan. Hanggang sa matanto ng maralitang kontraktwal na hindi lamang dahil sa kagustuhang magkatrabaho ay magbibingi-bingihan na siya sa karaingan  ng  kanyang  mga kapwa manggagawa.

Nanaisin tiyak ng maralitang naging kontraktwal na ipaglaban din, hindi lamang ang ilalaman ng kanyang tiyan, kundi ang karapatan nila bilang manggagawa.

Matatransporma sa kalaunan ang kamalayan ng maralitang kontraktwal upang yakapin niya ang kanyang uring pinagmulan - ang uring walang pag-aari kundi ang kanyang lakas-paggawa - ang uring manggagawa. 

Kaya hindi lamang pabahay at laman ng tiyan ang nasa kanyang isipan kundi ang karapatan niya sa loob ng pagawaan ay maipaglaban, at ang kanyang dignidad bilang tao (hindi makina) ay kanyang maipagtanggol at mapanghawakan.

* Nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Espesyal SONA issue, Hulyo 2019, p. 6

Huwebes, Hulyo 11, 2019

Komprehensibong larawan ng kahirapan na dapat ugatin

KOMPREHENSIBONG LARAWAN NG KAHIRAPAN NA DAPAT UGATIN
ni Ka Pedring Fadrigon

ANG KAGUTUMAN BUNGA NG PAGBALEWALA SA PAGPAPAUNLAD NG AGRIKULTURA. Ang ating pamahalaan ay nahirati na lamang sa pag-angkat ng produkto sa labas o sa ibang bansa. 3.1 milyon ng ating populasyon ang nagugutom mula noong 3rd quarter ng 2018 dahil sa kitang mababa pa para sa pangangailangan sa pagkain. Dapat ang reporma sa lupa para sa mga magsasaka para walang magugutom.

KAKULANGAN SA MAIINOM NA MALINIS NA TUBIG. Batay sa datos, 55 Pilipino ang namamatay araw-araw dahil sa hindi malinis na tubig at 20 milyon ang walang basic sanitation facilities. Nang dahil sa pribatisasyon, ang ating mga tubig na dumadaloy sa mga bukirin mula sa kabundukan at dati ay libre, ay nilagay na sa bote at pinababayaran na sa sangkatauhan. Dati ay libre ang mga halaman sa tubig na ating inaani, ngunit ngayon, dagdag bayarin na o gastos ng manggagawa sa bukid ang bayad sa irigasyon.

WALANG ABOTKAYANG PABAHAY ANG GOBYERNO NA MATITIRAHAN. Ang pitong milyong (7M) backlog sa pabahay at milyon ding maralita ang nanganganib na mapalayas sa mga relokasyon dahil sa hindi makabayad sa pabahay. Patuloy hanggang sa kasalukuyan ang pagdagsa ng mga maralitang naghahanap ng katiyakan sa paninirahan. Ang batayan ay ang 7M backlog ng pamahalaan sa pabahay dahil sa korapsyon at governance.

KAWALAN NG TRABAHO O HANAPBUHAY. Batay sa LFS (Labor Force Survey), ang Pilipinas ang may pinakamataas na bilang ng walang trabaho sa Southeast Asia. Kung mayroon mang trabaho ay hindi sapat ang kinikita dahil sa baba ng sahod. Sa Metro Manila, ang arawang sahod lamang ng manggagawa ay P537 (2019), na malayo sa kahilingan ng mga manggagawa na P750 minimum wage. Mayorya ng mga trabahador ay kontraktwal at walang mga benepisyo.

KAKULANGAN SA BATAYANG SERBISYO SA PANGANGAILANGAN SA KALUSUGAN. Malaki ang bilang ng mamamayang walang akses sa basic health care, lalo na ang mga nasa malalayong lugar ng ating bansa. Batay sa mga datos, 11 hospital beds lamang sa bawat 10,000 Pilipino noong 2014, at 1 doktor lamang sa bawat 33,000 pasyente o may mga karamdaman.

LUMALAKI ANG BILANG NG MGA OUT-OF-SCHOOL YOUTH. Dahil sa kahirapan at kakulangan din sa mga pasilidad sa mga paaralan, 10% ng mga Pilipino na edad 6-24 ay out-of-school youth. Makikita natin ito sa mga lansangan, mga naglalako ng kung anu-ano. Ang ilan ay natututong gumawa ng masama. Ang ilan ay makikita mo sa lansangan at napasama na sa mga batang hamog, kalaban ng mga naghahanapbuhay na drayber at pasaheros.

KAKULANGAN SA MGA PROGRAMANG MAY KAUGNAYAN SA SOCIAL PROTECTION. Tulad ng mga livelihood. 4 out of 5 senior citizens ay walang benepisyo sa retirement o pension, dapat ay magkaroon sila ng social protection. Ang social protection ay mga patakaran at mga programang makababawas sa kahirapan.

WALANG MALUSOG NA KAPALIGIRAN. Mula noong 2015 hanggang sa kasalukuyan ay mayroong 274 natural disasters na umapekto sa milyun-milyong Pilipino. Hindi lamang ito natural na kalamidad kundi kasama na rin ang man-made calamities, dahil sa di maayos na urban planning at waste displacement.

DISPLACEMENT AT ARMED CONFLICT AT IBA PANG ANYO NG KARAHASAN. Naoobliga ang mga mamamayang lumikas mula sa kanilang mga lugar para umiwas sa kaguluhan. At karamihan ay sa lungsod ang kanilang pinupuntahan. Ayon sa datos, 87,000 ang lumikas noong 2017 at 523 munisipalidad ang pinanggalingan dahil sa gera. Mayroon ding mga dinemolis ang mga tirahan sa mga danger zones, tulad ng ilalim ng tulay, basurahan, riles ng tren, at mga sirang sasakyan.

ELITE RULE AT DI TUNAY NA DEMOKRASYANG PAMUMUNO. Ang isang epektibong pamamahala sa isang demokrasyang bansa ay dapat bigyang pahalaga ang partisipasyon ng kanyang mamamayan. At iyan ay nasa ating Saligang Batas (our right to effective and reasonable participation) sa lahat ng antas (economic, social at political). Titiyakin ng pamahalaan na ang boses ng maralita at mga nasa laylayan ay mapakinggan, hindi lang sa tuwing may eleksyon, kundi sa panahong pinag-uusapan ang ekonomya, pulitikal at sosyal na patakaran at mga programa. Subalit hindi ito demokrasya kung hindi pinakikinggan ang mamamayan. Kapag nagkumento ang maralita, siya ay kalaban. Kapag tumutol ka sa gusto ng pamahalaan, ikaw ay kalaban, kulong ka. Kapag di ka paawat, patay kang bata ka. Sa demokrasya sa bansa, ang kapitalista ang nagdidikta dahil magkauri sila ng mga elitista. Sa ating mga maralita, magkaisa tayo at sama-samang magsuri sa sistemang umiiral. Ang sanhi ng kahirapan ay ang mga maling sistema at kalakaran.

Ang sistemang kapitalismo ay palitan ng sosyalismo. Sapagkat sa kapitalismo, alipin tayo, squatter tayo, dominado tayo, at agrabyado. Sa mga asunto at hustisya, lagi tayong talo. Dahil sila ang may pera at koneksyon sa gobyerno. Sa kapitalismo, silang nasa tuktok, sa hotel at sa palasyo nakaluklok, samantalang tayo ay nasa sulok. Sa sosyalismo, walang mayaman at walang mahirap. Ang walang trabaho ay binibigyan ng trabaho ng walang mga kondisyon. Ang mga mag-aaral ay binibigyan ng pagkakataong makapag-aral ng libre. Ang mga mayroong karamdaman ay ginagamot sa mga libreng pagamutan. Ang mga yaman ng kalikasan ay nakasentro sa pamahalaan na lahat ay nakikinabang.

Iyan ang kaibhan ng lipunan sa kasalukuyan. Kaya sana'y maitanong natin sa ating mga sarili kung tama ang ating mga pagsusuri. Para hindi natin danasin pa sa mahabang panahon ang kahirapan, lalo na sa ating susunod na salinglahi.

* Nalathala sa kolum ni Ka Pedring Fadrigon, pambansang pangulo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), at nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng KPML, isyu ng Hulyo 1-15, 2019, p. 4-6.

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.