Sabado, Pebrero 22, 2020

Atake sa Senado: Sina Ka Eddie Guazon at Fr. Pete Montallana

Atake sa Senado
SINA KA EDDIE GUAZON AT FR. PETE MONTALLANA
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kapwa kilalang lider sila ng kani-kanilang panahon. Kapwa sila may kaugnayan sa maralita. Pareho silang prinsipyado, determinado, palaban, kagalang-galang, magiting. Subalit pareho rin silang inatake habang nagsesesyon sa Senado habang ipinaglalaban ang mga maliliit at api sa lipunan. Ang isa'y tuluyang namatay at ang isa'y pinalad na nabuhay.

Si Ka Eddie Guazon ang unang pangulo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) na naitayo tatlo't kalahating dekada na ang nakararaan. Namatay siya habang nasa pagdinig ng Senado kaugnay sa mga nagaganap na demolisyon. Doon sa Senado ay inatake siya ng cardiac arrest habang pinabubulaanan ang testimonya ng isang pulis. Dinala siya sa Philippine General Hospital subalit hindi na siya umabot ng buhay.

Si Fr. Pete Montallana ay aktibo sa Save Sierra Madre Network Alliance, Inc. (SSMNAI) at sa Stop Kaliwa Dam (SKD) campaign. Nitong nakaraan lang, nabalitaan kong dinala siya sa ospital habang nasa pagdinig sa Senado kaugnay sa proyektong Kaliwa Dam na mahigpit din niyang tinututulan. Dinala siya sa klinik at sa kalaunan ay sa ospital, at siya'y inoperahan. Sa ngayon, siya'y nagpapagaling.

Hindi ko na naabutan pang buhay si Ka Eddie Guazon pagkat 1989 siya namatay. Subalit inipon ko ang mga kasaysayan ng KPML na inilagay ko sa blog na aking binuo. Pati ang kanyang mga larawang nalathala sa isang magasin ng pagpupugay sa kanya at ang nag-iisang kwadro ng kanyang litratong nasa tanggapan ng KPML ay aking nilitratuhan upang mailagay sa blog. Kaya pag kailangan ng kasaysayan ng KPML, datos, pahayag, sa blog ng KPML ito makikita. Ako naman ay napunta sa KPML bilang staff noong 2001 hanggang Mayo 2008. At muling nagbalik sa KPML bilang halal na sekretaryo heneral nito noong muling maglunsad ito ng kanyang pambansang kongreso noong Setyembre 16, 2018.

Una ko namang nakadaupang palad si Fr. Pete noong 2009 nang makasama ako sa 148-kilometrong aktibidad na tinaguriang "Lakad Laban sa Laiban Dam". Nagsimula ito sa bayan ng Gen. Nakar sa lalawigan ng Quezon, hanggang sa Maynila mula Nobyembre 4 hanggang 12, 2009. Alam din ni Fr. Pete na ginawa ko ang Filipino translation ng Laudato Si mula Hunyo 24, 2015 hanggang sa ito'y matapos noong Setyembre 16, 2015. Isinalin ko ito sa kahilingan ng mga nakasama ko sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na sina Yeb Saño at Rodney Galicha.

Kilala ni Fr. Pete ang KPML kung saan ako ang kasalukuyang sekretaryo heneral. Nang malaman niyang KPML ako ay agad niya akong tinanong kung saang KPML ba ako. Isa kasi si Fr. Pete sa nagbuo ng grupong SILAI o Sikap-Laya, Inc., isang grupo ng maralita kung saan dito napunta ang ilang pamunuan ng KPML-National Capital Region and Rizal chapter (NCRR), nang ang mga lider nito'y nawala sa KPML-NCRR noong Setyembre 2012. Nasa Thailand ako noon nang mawala sila, at pagbalik ko sa Maynila'y nabalitaan ko na lang ang paghihiwalay. Nakita ko roon sa SSMNAI ang ilang dating lider ng KPML at Zone One Tondo Organization (ZOTO) na ngayon ay nasa SILAI.

Si Fr. Pete ay nakadaupang palad din ng aking asawang aktibo rin sa kilusang makakalikasan sa ilang pagtitipon. Kaya nabahala kami nang malaman namin ang nangyari sa kanya. Kung may pagkakataon ay dadalawin namin siya.

Sina Ka Eddie Guazon at Fr. Pete Montallana ay mga batikang lider. Maka-maralita. Makamasa. Ipinaglalaban ang karapatan ng maliliit. Ayaw nilang naaapi, ayaw nilang napagsasamantalahan ang mga maralita, at ang mga katutubo. Kapwa sila nasa Senado nang maganap ang mga insidenteng ikinamatay ng isa, at halos ikamatay ng isa pa.

Ito ang nakasaad sa talambuhay ni Ka Eddie Guazon sa artikulong may pamagat na Touched by his life: "On May 19, 1989, the urban poor lost a courageous and committed leader, Eduardo Guazon, Jr., who was then the national chairman of the Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), the largest urban poor aggrupation, died during a Senate Committee hearing on a spate of violent demolition operations. The urban poor leader suffered a cardiac arrest while vehemently objecting to the distorted testimony of a policeman and was proclaimed dead on arrival at the Philippine General Hospital. Even until death, Tatay (father) Eddie, as he was fondly called by his fellow urban poor, fought for the interest and the rights of the poor and would not let anyone trifle with truth and justice."

Ito naman ang nakasaad sa isang email na pinadala ng isang kasama sa pakikibaka: "Last Monday, Feb. 17, 2020, Fr. Pete was rushed to the hospital, after his blood pressure shot up to 180.  He was attending a Senate hearing on the Kaliwa Dam project, when he felt ill and was taken to the clinic and eventually rushed to the hospital.  He suffered a rupture in his blood vessel, and underwent emergency brain surgery yesterday, Feb. 18, 2020, at around 3:30 AM, at Our Lady of Lourdes Hospital in Sta. Mesa, Manila."

Dagdag pa: "Fr. Pete is still at the ICU and recovering.  He is conscious and responsive.  He is able to have short conversations, and is accepting visitors between 11:00 AM – 1:00 PM and 5:00 – 8:00 PM.  His blood pressure is still erratic, as of today Feb. 19, 2020, and he has been advised to stay at the ICU between 3-5 days, after which he can be transferred to a regular room.  From thereon, his situation will be evaluated on a daily basis."

Nawa'y lumakas at gumaling na si Fr. Pete sa kanyang karamdaman, at patuloy pa namin siyang makasama sa pakikibaka para sa maayos na kalikasan at upang hindi matuloy ang proyektong Kaliwa Dam na talaga namang malaki ang epekto sa kalikasan, sa kapaligiran, sa mga katutubo, sa lupaing ninuno, at sa ating bansa. Magpagaling po kayo, Fr. Pete, at marami pa tayong laban na dapat ipagwagi!

02.22.2020

Mga pinaghalawan:
http://kpml-org.blogspot.com/2009/05/touched-by-his-life-ka-eddie-guazon.html
email from Mr. Jaybee Garganera of Alyansa Tigil Mina (ATM) na pinadala sa e-group ng Green Thumb Coalition

Martes, Pebrero 11, 2020

Soneto sa dukha

Soneto sa dukha
(taludturang 2-3-4-3-2)

tinuturing kayong iskwater sa sariling bayan
sapagkat dukhang walang sariling lupa't tahanan

kaya tinataboy kayong animo'y mga daga
ng naghahari-harian at masisibang pusa
wala kasi kayong pribadong pag-aari, wala

dangal ng burgesya'y nasa pribadong pag-aari
yaman ng uring elitista'y pinagmamapuri
tuklasin mo, maralita, bakit may naghahari
pribadong pag-aari ang sanhi bakit may uri

suriin mo't pag-aralan ang takbo ng sistema
ng lipunang animo'y may totoong demokrasya
na paraan ng kapital upang magsamantala

maralita, di ka iskwater sa sariling bayan
lumaban ka't itayo ang makataong lipunan

- gregbituinjr.

Biyernes, Pebrero 7, 2020

Reoryentasyon ng KPML

REORYENTASYON NG KPML

A. ANG KPML

Ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lunsod (KPML) ay isang kumpederasyon ng iba’t ibang samahan ng mamamayan sa komunidad na naglalayong buklurin ang mga maralitang lungsod sa isang pananaw, paninindigan at layunin upang maging epektibong pampulitikang pwersa sa pagbabago ng kalagayan ng maralita sa lipunan.

Ang KPML ay isang kumpederasyong may pambansang katangian, kung saan ang mga samahang maralita mula sa iba’t ibang rehiyon, lalawigan, lungsod at bayan, ay maaring maging kasapi. Ito ay nagpapairal ng demokratikong sistema sa loob ng organisasyon kung saan ang mga opisyales ay halal at ang Saligang Batas, Alituntunin (By-Laws), mga resolusyon, mga programa at patakaran ay pinagtibay ng buong kasapian.

Mula sa pambansang punong rehiyon kung saan unang itinayo ng maralita ang KPML, sa kasalukuyan ay may mga balangay at kasaping mga pederasyon at mga lokal na samahan sa Panay-Guimaras, Bacolod, Cebu, Bulacan, Cavite, Rizal, Laguna, Davao, sa kahabaan ng riles, at masigla ang mga ugnayan sa mga samahang maralita sa iba’t ibang probinsya sa Luzon, Mindanao, at Visayas.

B. BILANG PAMPULITIKANG KUMPEDERASYON

Noong panahon ng diktadurang Marcos, ang pakikibaka ng mga maralita ay kalat-kalat at kanya-kanya. Walang sentralisadong pagkilos kung kaya’t mula sa ganitong kalagayan, itinayo ang KPML bilang isang sentrong organisasyong pampulitika ng maralita, upang pagkaisahin at organisahin ang pakikibaka ng maralita sa isang sentralisadong pagkilos, di lamang sa usapin ng pabahay, kabuhayan, serbisyo at mga karapatan, bagkus hanggang sa pakikibaka laban sa kahirapan. 

Tumungo ang pakikibakang ito sa pagkakaroon ng pampulitikang kapangyarihan sa hangaring makamit ang isang ganap na pagbabago tungo sa lipunang may pagkakapantay-pantay.

C. KASAYSAYAN NG KPML

Halos kasabay na itinayo ng KPML ang mga samahang Balay Rehabilitation Center (Setyembre 27, 1985) at Families of Victims of Involuntary Disapperance (FIND) noong malagim na panahon ng batas-militar. At nang sumapit ang pag-aalsa ng mamamayan laban sa rehimeng Marcos noong Pebrero 22-25, 1986, nakiisa rito ang mga kasapian ng KPML, kasama ang maraming manggagawa't maralita.

Dalawang buwan matapos ang unang Pag-aalsang Edsa, nakipag-diyalogo noong Abril 10, 1986 ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod, sa pangunguna ng pangulo nitong si Ka Eddie Guazon, kay Pangulong Corazon C. Aquino at humiling ng moratoruym sa demolisyon, at upang magtatag ng isang Presidential Arm on Urban Poor Affairs (PAUPA), na isang ahensya ng pamahalaang tututok sa mga isyu ng maralitang lungsod. 

Noong Mayo 30 hanggang Hunyo 2, 1986, isa ang KPML na nagbuo ng National Congress of Urban Poor Organizations (NACUPO) na siyang naghain ng People’s Proposal sa Malacañang. Naglalaman ito ng mga pagsusuri sa mga suliranin ng mga maralitang lungsod, ng kahinaan ng umiiral na proyektong Low Cost Housing at naghain ng alternatibo sa gobyernong Aquino. Nagbunga ang mga konsultasyon at ang sagot ng gobyerno ay ang pagtatayo ng Urban Poor Task Force na sa kalaunan, sa pamamagitan ng EO82, ay itinayo ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) bilang ahenya ng pamahalaan na gagabay sa pagpapatupad ng mga patakaran at implementasyon ng mga programa para sa maralitang lungsod.

Nilagdaan ni Pangulong Aquino noong Disyembre 8, 1986 ang Executive Order Blg. 82 na lumikha sa PCUP bilang ahensyang may mandatong magsilbi bilang direktang ugnayan ng mga maralitang lungsod sa gobyerno sa pagbabalangkas ng patakaran at pagpapatupad ng programang tutugon sa pangangailangan ng mga maralita. 

Sampung araw matapos malagdaan ang batas na lumikha ng PCUP, naglunsad ng kongreso ang KPML noong Disyembre 18, 1986, kasama ang iba’t ibang samahang maralita na pinangunahan ng Zone One Tondo Organization (ZOTO), Coalition of Urban Poor Against Poverty (CUPAP) at ng Pagkakaisa ng Mamamayan ng Navotas (PAMANA) at ng iba pang samahang maralita. Lumawak ang KPML bilang sentrong pampulitikang organisasyon ng maralita.

Isinusulong ng KPML ang pakikibaka ng maralita para sa isang lipunang malaya at may pagkakapantay-pantay kasama ng iba pang samahang pangkomunidad. Binibigyang-diin nito ang pakikipaglaban ng maralita sa pabahay, hanapbuhay at serbisyong panlipunan.

Bagamat nakapagpatayo ng ganitong ahensya para sa maralita, wala ni isa man sa nilalaman ng People’s Proposal ang nakamit, tulad ng ang dapat mamuno rito ay mismong galing sa hanay ng maralita. Walang habas na ipinapatupad ng pamahalaan ang marahas na demolisyon at ebiksyon ng mga maralita. Pagkaraan ng isang taon, nabuwag ang NACUPO at muling pinamunuan ng KPML ang pakikibaka ng maralita.

D. ANG KPML BILANG SOSYALISTANG SENTRO NG MARALITA

Sa kasagsagan ng pakikibaka sa loob ng kilusang masa, kung saan nagkaroon ng debate sa pagitan ng reaffirmist (RA) at rejectionist (RJ), pumanig ang KPML sa mga RJ. Kaya nang muling naglunsad ng ikalawang kongreso ang KPML noong Nobyembre 27, 1994 sa basketball court ng Stella Maris College sa Lungsod Quezon, niyakap na nila at pinagtibay ang sosyalistang oryentasyon ng KPML at ang KPML bilang sosyalistang sentro ng maralita.

Patunay dito'y inilagay mismo ng KPML sa kanilang Konstitusyon sa Artikulo II, Seksyon 4 na: "Bilang sosyalistang organisasyon, itinatakwil ng KPML ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon, dahil ito ang pinag-uugatan ng malaganap na kaapihan, kahirapan at pagsasamantala ng tao sa kapwa tao."


PILOSOPIYA NG ORGANISASYON

1. Ang gawain para sa panlipunang pagbabago ay nagsisimula sa sarili

2. Ang paghahanap sa karunungan, indibidwal at panlipunang pagbabago ay isang tuloy-tuloy na proseso

3. Ang maglingkod para sa pagsasakapangyarihan ng mamamayan at ang pakikibaka para sa karapatan ng mga maralita at mga serbisyong kailangan ipagkaloob. Mas gugustuhing makipaglaban para sa pagkakamit ng karapatan kaysa ang tumanggap ng limos.

4. Ang isang responsableng lider ay naglilingkod ng tapat sa organisasyon.

5. Ang pagbibigay-halaga sa gawain ng organisasyon at tungkulin sa pamilya ay hindi magkahiwalay.

6. Ang katotohanan at katarungan ang siyang kakatawan sa organisasyon

7. Ang pagkakaisa at pagtutulungan ng mga maralita ang siyang magtutulak sa organisasyon upang magpatuloy at magtagumpay.

8. Ang banta at panganib ay bahagi ng buhay ng mga maralitang lungsod.


BISYON SA LIPUNAN

Pangarap ng KPML ang isang lipunang may kaunlaran, na ang mamamayan ay may pampulitika at pang-ekonomiyang kapangyarihan, may katarungan at tunay na demokrasya, pagkapantay-pantay sa karapatan at kasarian, malusog na kalikasan, at maayos na kapaligiran


BISYON SA ORGANISASYON

Isang pambansang organisasyon ng mga maralita na kinikilalang nangunguna at tumitindig sa kapakanan ng mamamayan na may malakas na impluwensyang pampulitika at may programang pangkabuhayan na nagtataguyod ng maayos na serbisyong panlipunan.


MISYON

Maging isang pampulitika at pang-ekonomiyang sentro na namumuno para sa karapatan at kaunlaran ng mga maralita sa pamamagitan ng mga programang magbibigay at magtitiyak ng mga serbisyong panlipunan sa kanyang sektor.


MGA HANGARIN

HANGARING PAMPULITIKA

Pagbubuo ng isang malakas na kilusang maralita para sa pag-establisa ng kapangyarihang pampulitika

HANGARING PANGSOSYO-EKONOMIKO

Kamtin ang pagtindig sa sariling lakas at pagsusulong ng pag-angat ng kabuhayan, pangangalaga sa kapaligiran at kalikasan, at pagkkaroon ng pang-ekonomiyang kaunlaran na may pagsasaalang-alang, at pagkapantay-pantay ng kasarian.

HANGARING PANG-ORGANISASYON

Mapagana, mapalakas at mapakilos ang sariling dinamismo ng sentrong nasyonal, mga rehiyon, pederasyon, tsapter at lokal na samahan bilang pampulitika at pang-ekonomiyang organisasyon ng mga maralita.

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.