Martes, Disyembre 29, 2020

Maikling Kwento: Pangangaroling

PANGANGAROLING
Maikling kwento ni Greg Bituin Jr.

"Tay, marami na namang mangangaroling ngayon kasi malapit na po ang Pasko. Nais kong sumama sa mga kaibigan ko sa pangangaroling." Ito ang sabi ni Utoy sa kanyang ama minsang pauwi na sila galing sa pamamalengke.

"Alam mo, anak, nakikita ko nga na kahit sa mga dyip pag papasok ako sa trabaho ay marami nang nangangaroling. Tutugtog ng dala nilang tambol, kasama ang anak na nakatali ng balabal nila sa balikat, aawit ng pamasko, at hihingi ng limos. Hindi na iyon ang nakagisnan kong Pasko."

"Bakit po, Tay?"

"Kasi, sa amin noon, pupunta kami sa bahay-bahay na parang manghaharana. Barkadahan kami, nakasuot ng disente, at pagtapat sa bahay ng kakilala namin ay aawit kami ng kantang 'Sa may bahay'. Natutuwa naman ang inaawitan namin kaya nagbibigay sila ng malaki-laking halaga bilang pakikiisa sa diwa ng kapaskuhan. Ibang-iba ngayon, anak, na kaya ka lang namamasko ay dahil hirap ka sa buhay. Tulad ng nakikita ko pag papasok ako at uuwi galing sa trabaho. Hindi gayon ang nais kong pasko, bagamat para sa kanila, malimusan lang sila ay malaking bagay na dahil nagugutom ang kanilang pamilya. Kung sasama kang mngaroling, dapat hindi ka mukhang namamalimos. Anak, ang diwa ng kapaskuhan ay pagbibigayan, pagmamahalan, hindi pamamalimos. Bagamat hindi naman masamang manlimos. Masama lang tingnan."

"Ano po ba, 'Tay, ang dapat naming gawin pag mangangaroling. Baka pag maganda ang suot namin, sabihin sa amin, patawad. Baka hindi pa maniwala na namamasko kami."

"Mamasko ka, anak, sa mga ninong mo, sa mga kakilala natin. Palagay ko, anak, huwag kang basta tumapat lang sa bahay ng kung sino. Dapat, anak, ang pangangaroling ay hindi parang nanghihingi tayo ng limos. Kahit mahirap lang tayo, anak, nais kong makita pa rin nila at maramdaman din natin na may dignidad pa rin tayo bilang tao. Taong nirerespeto at hindi minamata ng ibang tao. Iyon lang naman, anak."

"Salamat po, Tay, sa payo ninyo. Sabihan ko ang mga kalaro ko na kung mangangaroling kami ay mag-ayos din po kami ng suot, para po di kami magmukhang kawawa na walang pera. Salamat po, Tay."

“Salamat din, anak, at nauunawaan mo ang nais kong sabihin. Ingat lagi kayo ng mga kalaro mo sa pangangaroling, at huwag sana kayong makikipag-away, ha. Isipin mo lagi ang diwa bakit kayo nangangaroling.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Disyembre 16-31, 2020, pahina 14.

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.