Martes, Mayo 31, 2022

Tagimpan

TAGIMPAN

pawang ilusyon, pulos tagimpan
na sa ating mata'y mapanlinlang
iyon ang tingin mo pag minasdan
subalit sa kanya'y iba naman

totoo'y iba sa iyong malay
namamalikmata ka bang tunay
ibang naisip kaysa nanilay
may kuro-kuro'y di mapalagay

minsan, depende kung nasaan ka
ang kita ng iba'y di mo kita
kaya di agad makapagpasya
kaya problema'y suriin muna

ang akala mong magandang dilag
pulos kolorete pala't libag
tila siya'y may satagabulag
muntik nang ang puso mo'y mabihag

akala mo'y lolo mo'y naroon
iyon pala ang sa kanto'y maton
akala mo'y kung sinong simaron
kukursunadahin ka paglaon

akala mo'y pera na ang hawak
aba'y naging bato pa ang linsyak
kausap mo pala'y ibang utak
buti na lang, di ka napahamak

minsan, mandaraya ang paningin
ibubulid ka pala sa dilim
damhin ang di sukat akalain
lalo't tagimpan nang di manimdim

- gregoriovbituinjr.
05.31.2022

tagimpan - ilusyon, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 1202

Linggo, Mayo 29, 2022

Pagmumuni

PAGMUMUNI

nakatitig muli sa kawalan
nakatingala sa kalangitan
nangyayari sa kasalukuyan
ay may ugnay sa kinabukasan

ang tubig sa aplaya'y mababaw
ramdam ng katawan ko ang ginaw
unang punta ko lang sa Anilao
ngunit kayrami ko nang nahalaw

aralin sa dinaluhang pulong
sa zero-waste na malaking tulong
nakasalamuha'y marurunong
nagbahagi ng kanilang dunong

dinig ko ang alon sa aplaya
tila dinuduyan ang pandama
buti na lang, kasama ang sinta
nagtampisaw doong buong saya

- gregoriovbituinjr.
05.29.2022

Sa Anilao

SA ANILAO

gumaling sa tubig ng Anilao
ang matagal kong inindang pilay
sa balikat, kaytagal nang ngalay
na akin ngayong naigagalaw

O, maraming salamat sa dagat
sa nakagaling na tubig-alat
naitataas na ang balikat
na dati'y masakit kung iangat

at sa wakas ay nailatag ko
sa pulong ng zero waste ang isyu
lalo na't yosibrik kong proyekto
nang malutas ang upos na ito

kahit papaano'y may pumansin
proyekto kong munti'y dininig din
sa ka-adbokasya'y naitanim
ang isang isyung dapat lutasin

imbitado'y si misis sa pulong
at ako'y salimpusa lang doon
subalit sumama na sa layon
na yosibrik man ay makatulong

O, Anilao, salamat pong muli
sa pulong natalakay ang mithi
balikat pa'y gumaling ng sidhi
habang masid, kariktan mong lunti

- gregoriovbituinjr.
05.29.2022

* dumalo ang makatang gala sa dalawang araw na pulong ng Zero Waste Philippines, Inc. (ZWPI) sa Anilao, Mabini, Batangas, Mayo 28-29, 2022
* litratong kuha ni misis

Sabado, Mayo 28, 2022

Tag-ulan na

TAG-ULAN NA

kagabi, ngayong gabi
umulan ng malakas
sa bubong ay kaytindi
tila ba nandarahas

misis ay nagbunganga
nang nagkalat ang plastik
na basurang binaha
sa kalsadang nagputik

nagugulumihanan
sa nasalantang gamit
binaha kasi naman
tiyan na'y naghihigpit

ngayon nga'y tag-ulan na
kaya kita'y mag-ingat
baka maabutan pa
ng tabsing na kay-alat

- gregoriovbituinjr.
05.27.2022

Gamugamo

GAMUGAMO

pinatay ko ang ilaw sa silid
nang gamugamo'y nangaglipana
kaya di na sa atin nalingid
na ulang matindi'y daratal na

ganoon sila, aking napansin
binuksan ko ang ilaw sa banyo
kawan silang nagsisuguran din
at bombilya'y pinutakting todo

lumabas muna ako ng bahay
kayrami rin sa ilaw ng poste
tila nagpipyesta silang tunay
sa nadamang laya ngayong gabi

at maya-maya lang ay umulan
naisipan kong agad umuwi
ang bubong ay nagkakalansingan
nagtungong banyo upang umihi

kawang gamugamong naroon
animo'y naglanguyan sa timba
o nangalunod ang mga iyon
anong kanilang ibinabadya

- gregoriovbituinjr.
05.27.2022

Huwebes, Mayo 26, 2022

Sumpa

SUMPA

nanumpang gagawin daw ang lahat para sa bayan
ngunit buwis na dalawang bilyon, di mabayaran
ganyan ba, ganyan ba ang gagawin para sa bayan?
hanggang diyan ba'y puno rin ng kasinungalingan?

"ikaw kaya ang magpresidente" ang sasabihin
nagbabanal-banalan ang kilalang sinungaling
"ikaw kaya ang may Tallano gold" sabihin mo rin
"upang tulad mo boto'y mabili rin naman namin"

"may ebidensya ka ba? ilabas mo, dalian mo
kung walang maipakita'y tumahimik ka, gago!"
"lumaban man kami'y wala kaming pulis, sundalo
na pwede mong utusan laban sa mamamayan mo"

"kung wala pala kayong ebidensya, manahimik
kung ayaw ninyong mga mata ninyo'y magsitirik"
galit niyang sabi, ito ang tugon nami't hibik:
"di kami tatahimik kung diktadura'y ibalik!"

datapwat wala pa ring tiwala ang sambayanan
sa anak ng pinatalsik noon sa Malakanyang
patuloy at mahigpit na magmamatyag ang bayan
nang panahong kasumpa-sumpa'y di magbalik naman

- gregoriovbituinjr.
05.26.2022

Inuman

INUMAN

naroon ako sa tunggaan
at nakipagbalitaktakan
ng ideya ng kasawian,
ng kasiyahan, ng kawalan

habang kabalitaktakan ko'y
kung anu-anong binabato
aba'y di naman bote't baso
kundi ideya sa diskurso

bakit ba puso'y nangangatal
pag nakita'y dalagang basal
bakit may nagpapatiwakal
sa pag-ibig nagpakahangal

patuloy ang aming pagtungga
nang paksa'y mapuntang kaliwa
na makatao ang adhika
ang kanan ba'y pasistang sadya

ang tanggero'y nawiwili rin
sa marami naming usapin
bago mag-uwian, nagbilin
bayaran ang ininom namin

- gregoriovbituinjr.
05.26.2023

Dignidad

DIGNIDAD

wala sa pagsasalita ng Ingles ang dignidad
kundi sa pagpapakatao't kabutihang hangad
kaygandang payo ni Lola Flora ay inilantad
ni Carlo Dalisay, sa burol nito'y inilahad

ang dignidad ay nasa pakikipagkapwa-tao
di iyon nakikita sa pagiging Inglesero
kunwa'y may pinag-aralan, Ingles doon at dito
ngunit ganid, sa Ingles nanghihiram ng respeto

kapwa Pinoy ang kaharap ngunit pa-Ingles-Ingles
nasaan na ang dignidad kung ganito ang nais
mayabang, palalo, sukaban, ah, nakakainis
sa Kartilya ng Katipunan, ito:y nagkahugis

kamahalan ng tao'y wala sa pagkahari nga
o sa pagkapari, tangos ng ilong, puting mukha;
kahit laking gubat, batid lang ay sariling wika
ngunit nakikipagkapwa'y may dignidad ngang sadya

ang payong iyon ni Susan Roces kay Coco Martin
ay magandang aral para sa henerasyon natin
ang Kartilya't payo ni Susan pag sinabuhay din
tunay na malaking tulong sa bayan at sa atin

- gregoriovbituinjr.
05.26.2022

Miyerkules, Mayo 25, 2022

Nilay

NILAY

naroong makata'y tumatagay
habang nakaupo't nagninilay
kailan kakamtin ang tagumpay
nang maitayo'y lipunang pantay

makata'y matipid mang bumarik
puso'y punong-puno ng himagsik
mga alaala'y nagbabalik
nang mabuting binhi'y naihasik

madalas na ulo'y nakasubsob
habang kumakatha nang marubdob
mistulang kalabaw na naglublob
sa putikan ng maraming kutob

nalasing na ang makatang gala
subalit patuloy sa pagkatha
habang alak sa nguso'y bumula
buti na lang ay di nasungaba

- gregoriovbituinjr.
05.25.2022

Hintay lang

HINTAY LANG

nagsusumamo ang kanyang mata
"Hintay lang" ang sabi ko sa kanya
matapos kumain ay nagpasya
ulo ng isda'y binigay ko na

ganyan ako sa mga alaga
aso man iyan o kaya'y pusa
askal, aspin, kahit asong gala
animo'y kaibigan kong sadya

nakakatuwa't nakakainis
kumakain kang sapat, di labis
baka makagat ka pa't may rabis
sa huli ka na lang bubungisngis

kay-among mukhang iyon na'y sapat
upang bigyan ng makabubundat
aso'y sadyang kaibigang tapat
kaya ating alagaang sukat

- gregoriovbituinjr.
05.25.2022

Bagong tibuyô

BAGONG TÍBUYÔ

punô na ang isa kong tíbuyô
bago'y pinag-iipunang buô
upang sa dusa'y di mapayukô
ilang buwan man bago mapunô

kailangan kasing pag-ipunan
ang kalusuga't kinabukasan
ang edukasyon ng kabataan
at paghahanda sa katandaan

dapat talagang makapag-ipon
upang may maihanda paglaon
sakaling kailanganin ngayon
may pandagdag, di man sapat iyon

pagbabakasakali ngang sadyâ
itong bagong tibuyong ginawâ
magtíbuyô ta nang may mapalâ
upang anumang mangyari'y handâ

- gregoriovbituinjr.
05.25.2022

tíbuyô - Tagalog-Batangas sa wikang Kastilang alkansya

Martes, Mayo 24, 2022

Ang kwento ng nuno

ANG KWENTO NG NUNO

mahirap maghanap ng karayom sa dalampasigan
yaong sabi ng nuno sa apo kamakailan
kahit na isa kang mananahi sa kapatagan
maliban kung may dala ka na mula patahian

namimilosopo rin paminsan-minsan ang nuno
upang mabigyang aral ang apong nakatalungko
pinagmamasdan ang alon sa di naman malayo
kanyang nuno'y pinakinggan ng buong diwa't puso

nagkwento ang nuno ng karanasan niya noon
mula bata, magbinata, mag-asawa paglaon
sinariwa ang mga saya't dusa ng kahapon
ng digma, ng unos, ng pagtutunggali sa alon

kanya bang mga kwento'y karunungang masasabi?
upang sa panahon ngayo'y may aral at may silbi?
lumang panahon ba'y ating basta isasantabi?
o hahalawan ng aral ang karayom ng sastre?

- gregoriovbituinjr.
05.23.2023

Lunes, Mayo 23, 2022

Manggagawa

MANGGAGAWA

manggagawa, mundo'y likha ninyo
kayo ang bumubuhay sa mundo
ngunit dahil sa kapitalismo
kayo'y api, kinawawa kayo

ito'y dahil kayo'y naisahan
nitong kapitalistang iilan
ginawa kayong tau-tauhan
kayo'y napagsasamantalahan

sa ganyan, huwag kayong pumayag
magkapitbisig kayo't pumalag
ang sistema kunwa'y di matinag
kaya kayo ang unang bumasag

kung wala kayo, walang Kongreso
walang gusali, tulay, Senado
Simbahan, at Malakanyang dito
walang pag-unlad kung wala kayo

binubuhay ninyo ang daigdig
ekonomya'y umunlad ng liglig
likha ninyo'y dapat isatinig
lipunang asam ay iparinig:

lipunan ng uring manggagawa
na ang pagsasamantala'y wala
walang kapitalistang sugapa
sa tubo, walang api't dalita

- gregoriovbituinjr.
05.23.2022

Kalikasan

KALIKASAN

ating kalikasan
at kapaligiran
ating alagaan
huwag pabayaan

upang salinlahi
at iba pang lipi
dukha't ibang uri
ay di mangahikbi

pagkat nawala na
kalikasang sinta
tila itinumba
ng kapitalista

at tusong hunyango
para lang sa tubo
paano mahango
ang mundong siphayo

kinalbo ang bundok
gubat ay inuk-ok
sa kita tumutok
sa bulsa sinuksok

gawin ang marapat
upang yaong bundat
sa tubo'y mapuknat
at maisiwalat

- gregoriovbituinjr.
05.23.2022

Pagtatanim

PAGTATANIM

tara, kita'y magtanim sa paso
ng binhing tagos sa diwa't puso
tara, kita'y magtanim ng puno
alagaan ng buong pagsuyo

tara, kita'y magtanim sa parang
ng binhi ng kalayaang asam
tara, kita'y magtanim sa ilang
ng binhi ng buti't may katwiran

pwede kayang magtanim sa gulong
habang sa trompa'y dinig ang bulong
subukan kung ito'y ikasulong
ng bayang problema'y patong-patong

ah, kaygandang gawa ang magtanim
lalo't lumago'y punong may lilim
tinikang rosas man ang masimsim
may ihahandog sa sintang lihim

tara, kita'y magtanim ng gulay
upang may maiulam sa bahay
di ba't ganito'y kaygandang pakay
upang walang magutom na tunay

balang araw ay may maaani
lalo't inalagaang mabuti
pagtatanim ay sadyang may silbi
sa bayan, sa pamilya't sarili

- gregoriovbituinjr.
05.23.2022

Linggo, Mayo 22, 2022

Kandila sa Bantayog

KANDILA SA BANTAYOG

sa Bantayog ay nagsindi't nagtulos ng kandila
kasama ng ibang sa mahal nila'y nangulila
hanggang ngayon, bayani, martir, mga iwinala
ay di nililimot, naririto't ginugunita

lalo't anak ng diktador sa halalan nagwagi
yaong damdamin sa diktadura'y namuo muli
animo'y muling nadama ang naranasang hapdi
ng mga kaanak ng iwinala't nangasawi

nagtulos ako ng kandila bilang pagpupugay
sa mga bayaning sariling buhay ang inalay
para sa lipunang makataong kanilang pakay
para sa lipunang patas, pangarap nilang tunay

ang kandila'y nauupos subalit naging tanglaw
upang panibagong pag-asa'y ating matatanaw
simbolong sa dumatal na karimlan ay may ilaw
panahon nang magkaisa, mag-usap, at gumalaw

- gregoriovbituinjr.
05.22.2022

* nasa Bantayog ng mga Bayani ang makatang gala, at nakiisa sa programang puno ng pagtatanghal ng tula, awit at talumpati, 05.21.2022
* may bidyo na mapapanood sa kawing na:
https://www.facebook.com/103909035577656/posts/132546902713869/?app=fbl

Pambura

PAMBURA

buburahin ba nila ang totoong kasaysayan
ng bayan upang isulat ang kasinungalingan?

buburahin ba nila ang naganap sa kahapon
upang mag-imbento ng bagong kasaysayan ngayon?

buburahin ba nila ang nakaraang nangyari
na kalagayan daw noong diktadura'y mabuti?

buburahin ba nila yaong totoong salaysay
na panahong yao'y walang iwinala't pinatay?

buburahin ba nila ang himagsik na sumilang
dahil sa galit ng bayan sa diktadurang halang?

anong klaseng pambura ang kanilang gagamitin
upang nakasulat na kasaysayan ay pawiin?

napupudpod din ang pambura sa dulo ng lapis
pag sa kasinungalingan madla'y di makatiis

di nila hahayaang mangyari ang mga ito
di payag burahin ang kasaysayan ng bayan ko

- gregoriovbituinjr.
05.22.2022

Sabado, Mayo 21, 2022

Halibyong

HALIBYONG

nagwagi nga ba dahil sa matitinding halibyong
o fake news nang mismong masa ang ginawang panggatong
daranasin bang muli ng baya'y pawang linggatong
kasinungalingang kunwa'y totoo ang uusbong

ah, sumasapit muli sa ating bayan ang dilim
nasa dapithapon tayo't mamaya'y takipsilim
matatalos ba natin bawat nakaamba't lihim
mangyayari bang muli ang nagbabantang rimarim

papayag ba tayong yurakan ang katotohanan
hawak nila ang pambura tungo sa kadiliman
anumang marapat gawin ay ating pag-usapan
nang di nila mapawi ang bakas ng  nakaraan

mga halibyong ay patuloy na labanan natin
pati nagbabantang historical revisionism
huwag nating hayaang ito'y kanilang baguhin
na kunwari'y di nangyari ang diktadura't lagim

- gregoriovbituinjr.
05.21.2022

* HALIBYONG - fake news, pagkukwento ng isang pangyayari subalit taliwas sa tunay na nangyari, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 426

Biyernes, Mayo 20, 2022

Usapan sa 2150

USAPAN SA 2150

tara, kunan natin ng litrato
yaong puno doon sa museyo
kawili-wili raw tingnan ito
nanlumo naman ang aking lolo

di kasi ito inalagaan
hanggang puno'y nawalang tuluyan
mundo'y kay-init, walang pagtamnan
ng punong sa init pananggalang

kung di nagpabaya ang ninuno
disin sana'y mayroon pang puno
paano na? ito na'y naglaho
O, tao, saan tayo patungo?

BALIK SA 2022

tumitindi ang banta ng klima
bagyo'y kaytindi kung manalasa
bundok at gubat ay nakalbo na
tuyot na ang lupang sinasaka

tara, magtanim tayo ng puno
diligan ito upang tumubo
kumilos tayo't magtagpo-tagpo
mag-usap ng puno'y di maglaho

gawin natin sa kasalukuyan
ang para na sa kinabukasan
ng sunod na salinlahi't bayan
tara, kumilos na, kaibigan

- gregoriovbituinjr.
05.20.2022

* tula para sa International Museum Day, 05.18.2022
* 2 litrato mula sa google

Huwebes, Mayo 19, 2022

Kahayupan

KAHAYUPAN

ang padatal bang bagong rehimen
ay mapangutya't mapang-alipin
matay ko mang nilayin, dibdibin
ay di ko pa matanto sa hangin

mababalik ba sa dating ayos
na karapatan ay binabastos
na mga dukha'y nabubusabos
ng sistemang di ka makaraos

yumayaman ang dating mayaman
at dukha'y lalong nahihirapan
paano ba haharapin iyan
kung sistema'y pulos kahayupan

marami bang muling mawawala
nagprotesta'y huhulihing bigla
karapata'y binabalewala
hustisya'y muling ikakaila

kahayupang ganyan ay masahol
ah, paghandaan ang pagtatanggol
magkaisa tayo sa pagtutol
laban sa kahayupang bubundol

sa atin, sa lupang tinubuan
kung lipunang makatao'y asam
may tungkulin tayong gagampanan
sa panahong kinakailangan

- gregoriovbituinjr.
05.19.2022

Tau-tauhan

 

TAU-TAUHAN

sa pagdatal ng bagong lipunan
masa'y magiging tau-tauhan
ba ng halimaw na dinuduyan
sa gintong nahukay ng sukaban?

bagong historya'y ipalalamon
sa diwa ng bagong henerasyon
babalewalain ang kahapon
ng bayang sa Edsa nagkatipon

isusubo'y tabletang mapait
upang sa ama't ina'y magalit
ni ayaw iparinig ang impit
ng masa sa rehimeng kaylupit

bagong kasaysayan ang pagkain
sa laksang diwang pabubundatin
ng historical revisionism
ah, nilulusaw ang diwang angkin

tila tinarak sa ating likod
ay matinding kamandag ng tunod
nais nilang tayo'y manikluhod
sa bagong poon na kunwa'y lingkod

bayang ito'y ipagtanggol natin
habang sinisigaw: Never Again!
at sa paparating na rehimen
ay muling ihiyaw: Never Again!

- gregoriovbituinjr.
05.19.2022

* litratong kuha ng makatang gala sa harap ng CCP, Roxas Blvd., 05.13.2022

Tula 101

TULA 101

nais kong matuto ng pagkatha
mula sa kilala kong makata
na ang layon at inaadhika
ay bayang may hustisya't paglaya

diona, tanaga, dalit, gansal
hanguin ang salitang may busal
at mga katagang isinakdal
upang ihampas sa mga kupal

na sa bayan ay nagpapahirap
pagsasamantala'y anong saklap;
habang buhay na aandap-andap
ng dukha'y mapaunlad, malingap

tugma't sukat na di makabikig
musa ng panitik ang kaniig
kahit na nagbibilang ng pantig
ang asam: obrero'y kapitbisig

lipunang makatao'y itayo
isulat ang nadamang siphayo
simbolo ng salita'y simbuyo
ng damdami't diwang di natuyo

iyan ang niyapos kong tungkulin
sa bawat taludtod na gagawin
sa mga saknong na lilikhain
kahit sa kangkungan pa pulutin

- gregoriovbituinjr.
05.19.2022

Miyerkules, Mayo 18, 2022

Pluma

PLUMA

buti, may tinta pa ang pluma ko
nakapagsulat pa sa kwaderno
ng samutsaring isyu at kwento
pati mga paksang napagtanto

tulad na lamang ng paglalakbay
singhalaga'y ang lugar na pakay
kahit na matagal kang nagbakay
ng masasakyan ay di sumablay

tulad din ng minsan kong pag-idlip
ay nasalubong ang di malirip
na mga katagang kung mahagip
ay maunawa ang naiisip

nakaupo pa rin sa bangkito
kahit naninilay ay singlabo
ng tubig sa kanal na mabaho
ngunit mayroon ding mabubuo

tulad na lang ng tula ng banal
o baka kaya'y katha ng hangal
magkumahog man ay di hiningal
sa pagtunganga'y nakakatagal

- gregoriovbituinjr.
05.18.2022

Lunes, Mayo 16, 2022

Sa Bantayog

SA BANTAYOG

sa Bantayog ng mga Bayani'y pasasalamat
pagkat isa kong tula'y ipinaskil nilang sukat
sa Museyo ng Manggagawà na kanilang likha
para sa Mayong tinuring na Buwan ng Paggawâ

pamagat ng tula'y "Lisa Balando, Unyonista"
talambuhay sa pabrika hanggang pinaslang siya
noong Mayo Uno, santaon bago mag-martial law
na sa paraang patula ay isinalaysay ko

napadalaw sa Bantayog dahil sa aktibidad
ano nga bang nangyari't bansa'y tila ba sumadsad?
ah, bakit nga ba nanalo ang anak ng diktador?
historical revisionism na ba'y imomotor?

ng parating na rehimen ng ikalawang Macoy
bayan ba'y malulunod muli sa laksang kumunoy?

- gregoriovbituinjr.
05.16.2022

Sa Solidaridad Bookshop

SA SOLIDARIDAD BOOKSHOP

kaisa ako ng Solidaridad Bookshop
sa pagbubuo ng samutsaring pangarap
para sa bayan at sa kapwa'y mapaglingap
lipunang makatao'y pinalalaganap

nabili ko rito'y librong mahahalaga
hinggil sa kasaysayan at literatura
hinggil sa sambayanan, sining at kultura
hinggil sa karunungang tunay na pangmasa

kinalakihan ko na ang bookshop na ito
pinuntahan na mula noong kolehiyo
sa pagbabasa'y natuto, nagpakatao
pinaglingkuran ang bayan, uring obrero

maraming salamat kay F. Sionil Jose
sa mga binahaging kaalaman dine
tumibay ang prinsipyo't ako'y nakumbinsi
magsulat para sa masa, di pangsarili

sadyang sulit ang pagbabasa't pagsisikap
sa mga aklat at kaalamang natanggap
muli, mabuhay ang Solidaridad Bookshop
salamat, noon pa'y natagpuan kong ganap

- gregoriovbituinjr.
05.16.2022

Talaghay

11. Talaghay - Resilience
* tara, gamitin na natin sa pagtulâ

noong panahon ng Yolanda
ay napakita raw na tunay
yaong resilience o talaghay
at doon tayo'y kinilala

ano naman ang opinyon mo
o pananaw o pagninilay
taglay nga ba ng Pilipino
itong resilience o talaghay

- gregoriovbituinjr.
05.15.2022

* saliksik mula sa kawing na:
https://www.esquiremag.ph/long-reads/features/50-beautiful-filipino-words-a00293-20210816-lfrm3

Linggo, Mayo 15, 2022

Magkatoto

MAGKATOTO

I

sa saknong bilang isangdaan apatnapu't siyam:
tila si Florante'y inabot na ng siyam-siyam
nakagapos sa puno't baka papakin ng langgam
nang dumating si Aladin, mabuti't di nasuklam

si Florante ay Kristyano, si Aladin ay Moro
subalit nangyari sa kanila'y tila pareho
sabi pa'y "taga-Albanya ka, at ako'y Persyano"
dagdag pa "ikaw ay kaaway ng baya't sekta ko"

"sa lagay mo ngayo'y magkatoto tayo" ang sabi
ni Aladin sa nakagapos doong si Florante
itinuring na katoto, kaibigan, kumpare
iniligtas si Florante sa leyong sisila dine

II

katatapos lamang ng halalan sa aking bayan
at tila ba may nagbabanta sa katotohanan
mawawasak nga ba ang historya't paninindigan
kinakaharap na ito'y paano lalabanan

sa panahon ngayon, nais kitang maging katoto
upang katotohanan ay ipaglabang totoo
historical revisionism ba'y makakapwesto
upang baguhin ang kasaysayan ng bansang ito

O, mga katoto, ano bang dapat nating gawin
upang magapi ang historical revisionism
aba'y tinding banta nito sa kasaysayan natin
iligtas ang bayan sa ganitong banta't usapin 

- gregoriovbituinjr.
05.15.2022
* litrato mula sa aklat na Florante at Laura, at sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 597

Sa dyip

SA DYIP

"kalimutan na ang mag-cellphone, wag lang ang pamasahe"
sa dyip na aking nasakyan, paalala sa marami
habang nasa tabi ng tsuper ang isang binibini
na gamit ang cellphone, dapithapon noon, maggagabi

sige, mag-cellphone ka, ngunit pamasahe'y bayaran na
animo sa isipan ko'y sinasabi kong talaga
baka bigla kang singilin ng tsuper, bababa ka na
"Hoy, bayad mo!' aba'y nakakahiyang masigawan ka

- gregoriovbituinjr.
05.15.2022

Sabado, Mayo 14, 2022

47 T-shirt

47 T-SHIRT

apatnapu't pitong t-shirt din ang nahagod namin
mula sa aming pinagawa't nag-iisang silkscreen
at ngayon, silkscreen na iyon ay nagretiro man din
na sa halalang ito'y sadyang nagsilbi sa atin

pitong Luke t-shirt ang tinatakan namin sa likod
labinglimang P.L.M. t-shirt ang aming hinagod
anim na mga pulang t-shirt naman ang sumunod
aba'y kaysayang maghagod kahit nakakapagod

sa Welfareville People's Assembly ay labingdalawa
may dalawang puting t-shirt mula kay Ate Emma
may dalawang puti't isang itim mula kay Willa
isama pa ang sando kong puti't sando kong pula

kung apatnapu't pitong Ronin kaya ang nagsuot
kasaysayan ba'y masasagip sa mga baluktot
maibabagsak ba natin ang mga trapo't buktot
sistemang bulok ba'y palitan ang agad na sagot

apatnapu't pitong t-shirt ang aming natatakan
nang makilala'y pambáto ng Manggagawa Naman
sa mga nagpatatak, salamat po ng lubusan
natalo man tayo sa halalan, TULOY ANG LABAN!

- gregoriovbituinjr.
05.14.2022

Pagboto

PAGBOTO

Mayo a-Nwebe, magkalayo kami ni misis ko
tuwing halalan, sa Maynila ako bumoboto
nasa probinsya naman ang maybahay kong totoo
magkahiwalay man, nagkakaisa sa pagboto

ninong namin sa kasal si Ka Leody de Guzman
na tumatakbo't pambáto namin sa panguluhan
sina Walden at Luke ang sigaw ng puso't isipan
sila'y ikinampanya't binoto naming tuluyan

nagkita kami makaraan ang dalawang araw
bigla akong sumaya't nakapiling ang maybahay
iba man sa iba ang pananaw at natatanaw
samahan namin bilang mag-asawa'y tumitibay

bagamat mga pambáto namin ay di nagwagi
lipunan ay patuloy pa rin naming sinusuri
si misis ay mahusay manindigan at pumili
at ang sistemang bulok ay ayokong manatili

- gregoriovbituinjr.
05.14.2022

Medyas na butas

MEDYAS NA BUTAS

ilang araw nang suot ang medyas
at talampakan ko na'y nagpaltos
kaya pala, medyas na'y nabutas
na ramdam sa suot kong sapatos

ganyan natalo si Pacquiao noon
kay Eric Morales, unang laban
medyas na butas, sinisi roon
na animo'y naghudas kay Pacman

mahirap maglakad kapag butas
ang medyas, baka paltos ang labas
mahirap kung namumuno'y hudas
ibebenta ka't di paparehas

medyas na'y palitan o tahiin
nang paltos ay maiwasan na rin
kapara'y sistemang bulok man din
dapat palitan, di lang ayusin

- gregoriovbituinjr.
05.14.2022

Biyernes, Mayo 13, 2022

Muling pagbabasa

MULING PAGBABASA

nais kong magbasa-basa, matapos ang halalan
kahit mag-isa, basahin muli ang kasaysayan
di lang kabisaduhin kundi ang maunawaan
bakit ganito o ganyan ang naganap sa bayan

historical revisionism ba'y papalaot na?
babaguhin ba ang kasaysayan para sa kanila?
iwawaksi ba ang totoong naganap sa Edsa?
at ipagmamalaki'y Golden Age ng diktadura?

dapat paghandaan ang mga labanang susunod
pag-isipang mabuti, di basta sugod ng sugod
dapat batid lumangoy, sumisid, nang di malunod
sa sagupaang ang kaalaman ang bala't buod

tara, muli tang magbasa ng ating kasaysayan,
panitikang proletaryo't aralin ang lipunan
bakit laksa'y mahihirap, sandakot ang mayaman
kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan

- gregoriovbituinjr.
05.13.2022

Lipunang Makatao: Sagot sa Kantang "Bagong Lipunan"

LIPUNANG MAKATAO: SAGOT SA KANTANG "BAGONG LIPUNAN"
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kampanyahan pa lang ay pinatutugtog na sa trompa o MPT ng BBM ang "Bagong Lipunan". Ang kantang pinauso noong panahon ng batas-militar, noong panahon ng diktadura. At ngayong malaki ang kalamangan ni BBM kay Leni sa halalan, at pag sumumpa na bilang pangulo si BBM, tiyak muling iilanglang sa himpapawid ang kanta ng diktadura - ang "Bagong Lipunan".

Nakakasuka, pag alam mo kung ano ang awiting iyon. Ideyolohikal, kanta ng panahon ng diktadura, noong panahong maraming paglabag sa karapatang pantao, maraming tinortyur, kinulong at iwinala na hanggang ngayon ay hindi pa nakikita. Kumbaga, labanan din ito ng kultura. Kaya balikan natin ang isa pang awiting mas nararapat na kantahin ng ating mamamayan, ang "Lipunang Makatao". Lagi itong inaawit sa mga pagtitipon ng manggagawa't maralita. Lagi itong inaawit ng grupong Teatro Pabrika sa mga pagkilos, bagamat karaniwang ang salitang "kaibigan" ay pinapalitan nila ng "manggagawa". Lagi namin itong inaawit. Lagi ko itong inaawit.

Dalawang magkaibang kanta - Bagong Lipunan at Lipunang Makatao. Anong klaseng lipunan nga ba ang nais tukuyin ng magkatunggaling awiting ito? Magkaibang liriko ng awitin. Kanta upang disiplinahin ang mamamayan. Awit hinggil sa kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan ng mamamayan. Dalawang magkatunggaling awit. Labanan ng mga uri. Kapitalista laban sa manggagawa. Burgesya laban sa dukha. Trapo laban sa tinuturing na basahan. Mapagsamantala laban sa pinagsasamantalahan. Mapang-api laban sa inaapi.

Mas matindi rin ang "Lipunang Makatao" kaysa "Bayan Ko" na sinulat ni Jose Corazon de Jesus. Ang lipunan ay pandaigdigan, hindi lang pambayan. Dapat palitan ang sistema ng lipunan, hindi lang paalisin ang dayuhan. Dapat lumaya sa pagsasamantala, hindi lang paglaya sa kuko ng agila o dragon.

Ang awiting "Lipunang Makatao" ay titik ni Resty Domingo na nagwagi ng unang gantimpala sa isang patimpalak ng awit noong 1988. Awitin itong makabagbag-damdamin pag iyong naunawaan ang ibig sabihin ng awit. Talagang titindig ka para sa prinsipyo ng isang lipunang malaya at makatao, isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao.

Bilang aktibistang makata, nais kong balikan, ituro, at ipabatid sa mga manggagawa't maralita ang awit na "Lipunang Makatao" bilang pangontra sa "Bagong Lipunan". Narito po ang liriko ng awit, na sinipi mula sa cover ng cassette tape album na pinamagatang "Haranang Bayan", na inihandog ng Teatro Pabrika sa pakikipagtulungan ng Philippine Educational Theater Association (PETA), na inilunsad noong mga unang bahagi ng 1990s.

Awit:
LIPUNANG MAKATAO

Solo:
Luha'y dumadaloy sa mugto mong mga mata
Larawan mo'y kalungkutan at kawalan ng pag-asa
Magagandang pangarap sa buhay mo'y di makita
Nabubuhay ka sa panahong mapagsamantala.

Koro:
Gumising ka, kaibigan, ang isip mo'y buksan
Dapat mong tuklasin ang tunay na kadahilanan
Bakit may naghihirap na gaya mo sa lipunan
At sa dako roo'y hanapin ang kasagutan.

Tama ka, kaibigan, sila nga ang dahilan
Ang mapagsamantalang uri sa lipunan
Likhang yaman natin, sila ang nangangamkam
Na dapat mapasaatin at sa buong sambayanan.

Koro:
Tumindig ka, kaibigan, tayo nang magpasya
Panahon nang wakasan ang pagsasamantala
Sa diwa ng layunin tayo'y magkaisa
Lipunang makatao'y itindig ng buong sigla
Buong Sigla.

(Instrumental)
(Acapela ng koro)
(Ulitin ang koro kasama ng instrumento)

Tumindig ka, kaibigan, tayo nang magpasya.

Huwebes, Mayo 12, 2022

Salin ng My Desiderata ni Ka Sonny Melencio

Ang Aking Ninanais (My Desiderata)
[Pasintabi kay Max Ehrmann (1872-1945)]
ni Ka Sonny Melencio

Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.

* Desiderata - wikang latin sa "desired things"

Mapoot ka sa kabila ng ingay at pagmamadali, at tandaan anong kapayapaan mayroon sa pagtutol.

Hangga’t kakayanin, huwag susuko, makitungo ng maayos sa lahat ng inaapi.

Sabihin mo ng malakas at malinaw ang iyong katotohanan; at makinig sa masa, maging sa api at walang alam; sila’y may kanya-kanyang pakikibaka at kwento.

Iwasan ang maingay at agresibong trapo; nakakainis sila sa lahat. Kung ihahambing mo ang iyong sarili sa iba, ito’y upang matagpuan lamang ang pakikiisa sa kanila, dahil palaging may mas dakila’t mahusay na taong mababahaginan mo n mga pangarap at layunin.

Masiyahan sa iyong mga nakamit pati na rin sa iyong mga balakin. Panatilihing interesado sa kalagayan ng iba, gaano man kabigat at mahirap; tunay itong mapanghahawakan sa nagbabagong kapalaran ng panahon.

Mag-ingat sa iyong mga pampulitikang gawain, lalo’t puno ng panlilinlang at pandarambong sa daigdig. Ngunit hayaan itong nakahiwalay sa iyo sa kung anong makasariling katangian mayroon ito; nagsusumikap ang maraming tao para sa matataas na mithiin at prinsipyo, at saanpaman, ang buhay ay punong-puno ng pakikibaka at kabayanihan.

Maging tao ka sa iyong kapwa. Lalo na’t huwag magkunwang gumigiliw. Ni maging mapang-uyam sa pakikibaka; sapagka't sa harap ng lahat ng kapighatian at kawalang-kasiyahan, magiging kapara ng damo ang tagumpay.

Tanggapin mong mabuti ang payo ng mga mandirigma sa harap mo, isuko ang lahat ng walang kabuluhang bagay ng kabataan. Pangalagaan ang lakas ng iyong diwa upang malabanan ang anumang daratal na kasawian.

Datapwat huwag pahirapan ang iyong sarili sa madilim na akala. Maraming takot ang nagmula sa pagkapagod at pagkamakasarili.

Higit pa sa matinding disiplina, maging magalang sa iyong sarili at sa kapwa. Kayong lahat ay mga anak ng sansinukob, kung ihahambing sa mga puno at mga bituin; lahat kayo’y may karapatang maging naririto. Malinaw man ito sa iyo o hindi, ang lahat ng sangkatauhan at ang buong sansinukob ay dumaratal sa harap mo.

Kaya makiisa sa sambayanan, saan man sila matagpuan. At anuman ang iyong mga pinaghirapan at adhikain, sa mabigat na kaguluhan ng buhay, hanapin ang kapayapaan sa pakikibaka.

Linisin ito sa lahat ng kasamaan, pang-aapi, at karahasan, upang ito‘y maging magandang daigdig. Tumutol, makibaka, at maging masaya.

Mayo 2022
.
.
.
MY DESIDERATA
(Apology to Max Ehrmann)
by Ka Sonny Melencio

Go rage amid the noise and the haste, and remember what peace there is in resisting.

As far as possible, do not surrender, be on good terms with all the oppressed people.

Speak your truth loudly and clearly; and listen to the masses, even to the downtrodden and the ignorant; they all have their struggle and story.

Avoid loud and aggressive trapos; they are vexatious to everyone. If you compare yourself with others, it is only to find solidarity with them, for always there will be greater and better persons to share your dreams and goals.

Enjoy your achievements as well as your plans. Keep interested in others’ situation, however ardous and difficult; it is a real possession in the changing fortunes of time.

Exercise caution in your political affairs, for the world is full of trickery and thievery. But let this not bind you to what selfish virtue there is; many persons strive for high ideals and principles, and everywhere, life is full of struggle and heroism.

Be a human being for others. Especially do not feign affection. Neither be cynical about the struggle; for in the face of all adversity and disenchantment, victory will be as perennial as the grass.

Take kindly the counsel of fighters before you, surrender all trivial things of youth. Nurture your strength of spirit to combat sudden misfortune.

But do not distress yourself with dark imaginings. Many fears are born of fatigue and selfishness. 

Beyond a strong discipline, be gentle with yourself and with others. You are all children of the universe, no less than the trees and the stars; you all have a right to be here. And whether or not it is clear to you, all humanity and the entire universe are unfolding before you.

Therefore be in solidarity with the masses, wherever you face them to be. And whatever your labors and aspirations, in the grueling turmoil of life, find peace in the struggle. 

Cleanse it of all evil, oppression, and violence, so it will be a beautiful world. Resist, struggle, and be happy.

May 2022

Miyerkules, Mayo 11, 2022

Huwag makalimot

HUWAG MAKALIMOT

binagsak ng taumbayan ang diktadura noon
huwag tayong makalimot sa kasaysayang iyon
pinalaya ang bayan sa bangungot ng kahapon
muli nating gawin sa kasalukuyang panahon

huwag nating hayaang baguhin ang nakaraan
na rerebisahin nila ang ating kasaysayan
mga aral ng historya'y muli nating balikan
at ating labanan ang mga kasinungalingan

tuloy ang laban, di tayo basta magpapahinga
ating lalabanan ang pagrebisa ng historya
upang katotohanan ay di  mawawasak nila
upang kamtin ng bayan ang panlipunang hustisya

huli na ito, buhay ko na'y aking gugugulin
para sa manggagawa, upang tagumpay ay kamtin
para sa makataong lipunang pangarap man din
para sa katotohanan, ipaglalaban natin

- gregoriovbituinjr.
05.11.2022
* ang litrato'y selfie ng makatang gala sa Bantayog ng mga Bayani noong 02.25.2022, ika-36 na anibersaryo ng unang pag-aalsang Edsa

Martes, Mayo 10, 2022

Boto

BOTO

pinagmamalaki kong lubos
di ko ibinoto si Marcos
kahit sa buhay ako'y kapos
prinsipyo'y tinanganang taos

may pag-asa pa rin ang bukas
di man ito magkulay rosas
sa puso't diwa'y mababakas
binoto ko'y lipunang patas

oo, tapos na ang halalan
tumatak: Manggagawa Naman
di man nanalo si De Guzman
pagboto'y isang karangalan

tandaan n'yong pluma ko'y sigwa
lumaban sa trapo't kuhila
ibinoto ko'y manggagawa
at ang dignidad ng paggawa

di pa tapos ang laban, di pa
tuloy pa sa pakikibaka
tungong panlipunang hustisya
tungong pagbago ng sistema

- gregoriovbituinjr.
05.10.2022
(sa anibersaryo ng pagpaslang kay Gat Andres Bonifacio)

Biyernes, Mayo 6, 2022

Plataporma

PLATAPORMA NG ATING MGA KANDIDATO

minsan, isang hamon ang pagsusulat ng plataporma
ng patula, lalo na sa pantigang labinlima
upang maisagawa ito'y talagang binasa
ang plataporma ng ating kandidatong talaga

hinabi ang mga salita habang nakatitig
sa mga patay na letrang bubuhayin ng tinig
ng pasulat, ng pabigkas, ng pagkakapit-bisig
upang mabatid ng bayan ang isyu't ating tindig

disente't abot-kayang pabahay sa mamamayan
sapat na panlipunang serbisyong pangkalusugan
pagbaka sa diskriminasyon sa kababaihan
may kumprehensibo't sustenableng City Land Use Plan

abot-kaya ang presyo ng pangunahing bilihin
suporta sa mga kababaihan, single parent
suporta sa may kapansanan at senior citizen
murang tubig at kuryente sa mamamayan natin

buwagin ang mga manpower agencies na iyon
upang tiyak na matigil ang kontraktwalisasyon
buwagin ang liberalisasyon, deregulasyon
at pribatisasyon na dulot ng globalisasyon

tunay na security of tenure law ay gawin na
proteksyon sa unyon, karapatang mag-organisa
public protection guarantee sa mayorya ng masa
gobyerno ang magbibigay ng trabaho sa kanila

tuluyan nang tatanggalin iyang Regional Wage Board
upang obrero'y makatanggap ng pantay na sahod
sa lahat ng probinsya kapantay sa punong lungsod
sevenfifty national living wage ang isusunod

sa mga magsasaka'y ipamahagi ang lupa
sahod na nakabubuhay sa mga manggagawa
wealth tax sa mga bilyonaryo ay marapat lang nga
tapyasin ang yaman nila't makatulong sa madla

dapat ding i-repeal na ang Rice Tariffication Law
murang bigas, kita ng magsasaka'y masiguro
i-repeal din ang mapangyurak na Anti-Terror Law
at matiyak na karapatan ay nirerespeto

fossil-fuel phase out with just transition ay gagawin
upang krisis sa klima't kalikasan ay pigilin
upang magmura ang kuryenteng ginagamit natin
renewable energy, tulad ng solar, gamitin

ang SOGIE protection bill ay dapat maisabatas
gawing legal ang diborsyo sa bansang Pilipinas
idekriminalisa ang aborsyon, isabatas
ayusin din ang mga batas na kayraming butas

itigil ng limang taon ang pagbabayad-utang
upang gamitin ang pondo sa kagalingang bayan
Automatic Appropriation Law, i-repeal naman
mag-impose ng wealth tax sa limangdaang mayayaman

tuluyan nang i-repeal ang Oil Deregulation Law
gobyerno na ang magtakda ng presyo ng petrolyo
pagbawal sa dinastiya'y gawan ng enabling law
sa korte, appointing power alisin sa pangulo

ibalik, sadyang kahulugan ng party-list system
at bilang nito sa Kongreso'y dapat paramihin
pagkapantay ng kasarian ay palaganapin
magpatupad ng proce control sa presyo ng pagkain

ah, kayraming dapat gawin upang sistemang bulok
ng naghaharing uri't kapitalismo'y mauk-ok
ayon sa isang awit, dukha'y ilagay sa tuktok
subukan ang manggagawa't bayan ay di malugmok

- gregoriovbituinjr.
04.27.2022

* Unang nalathala sa aklat na 101 Red Poetry para kina Ka Leody, Walden, at sa kanilang line-up, mp. 96-97

Martes, Mayo 3, 2022

Dalawang aklat ng tula

DALAWANG AKLAT NG TULA

100 Pink Poems para kay Leni, ng 67 makata
101 Red Poetry para kina Ka Leody, Walden, at sa kanilang line-up, ng 6 na makata

dalawa itong magkaibang aklat ng tula
katha ng mga hinahangaan kong makata
marami man sa kanila'y nasa toreng garing
ilan nama'y dukha't manggagawa ang kapiling

tinatahak man nila'y magkakaibang landas
ay magkakampi sa asam na magandang bukas
kathang mula sa puso, nangangarap ng wagas
ng isang lipunang pamamalakad ay patas

di lipunan ng bilyonaryo't trapong kuhila
di bayang kapitalistang sa tubo sugapa
kundi bansang matitino ang namamahala
at marahil, gobyerno ng uring manggagawa

magkaiba man, may respeto sa bawat isa
may rosas ang bukas, mayroong tunay na pula
di dilim ng diktador, di kawalang pag-asa
kundi liwanag sa dilim, may bagong umaga

pagpupugay sa mga makatang naririto
iba'y idolo ko, ilan ay kaibigan ko
magkaiba man ng kulay, nagkatagpo tayo
sa panahong hanap nati'y matinong pangulo

- gregoriovbituinjr.
05.03.2022

Lunes, Mayo 2, 2022

Pagkatha

PAGKATHA

katatapos lamang ng Araw ng Paggawa
ngunit nagpasyang tumigil munang tumula
upang ipahinga ang katawan at diwa
sa mga landasing dinaanan ng sigwa

ah, wala munang tula sa buwan ng Mayo
magsisimula muling kumatha sa Hunyo
ngunit baka di matupad ang planong ito
pag Musa ng Panitik muli'y pumarito

payak na salita sa mutyang tinatangi
piling mga kataga sa bawat kong mithi
sa mga isyung pambayan, ano ang sanhi
maging handa't talasan din ang pagsusuri

hintay kong lagi ang bulong ng guniguni
tila sa balintataw ay may hinahabi
langay-langayan akong di maisantabi
pagkat sa uring manggagawa nagsisilbi

mabuhay ang mga katagang nasa isip
pagpugay sa mga salitang di malirip
wala man sa toreng garing ay masasagip
din ang makatang parikala'y halukipkip

- gregoriovbituinjr.
05.02.2022

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.