Linggo, Marso 1, 2026

AlTangHap

ALTANGHAP

ALmusal, TANGhalian, HAPunan - Altanghap
minsan o madalas, iyan ang kinakain
habang nagninilay, hinahabi'y pangarap
at sinusulat ng pluma'y isyung pambayan

kanina, inulam ko'y talbos ng sibuyas
kahalo'y kamatis at pinitpit na bawang
mayroon pang tuyong sapsap at tuyong biklad
pinagsabay ang almusal at tanghalian

iyon pa rin ang inulam ko ngayong gabi
pagkat kayrami, di naubos ng tanghali
altanghap na'y sadyang nakagawian dini
lalo't may pupuntahan at nagmamadali

ganyan ang buhay ng isang bálo tulad ko
mahalaga'y lamnan ang tiyan, walang sakit
mag-altanghap at tiyaking may ehersisyo
at makapagsulat pa rin, sulit na sulit

- gregoriovbituinjr.
03.01.2026

Daksipat pala'y teleskopyo

DAKSIPAT PALA'Y TELESKOPYO  

mayroon palang wikang Filipino
sa largabista o sa teleskopyo
subalit wala pa sa diksyonaryo
nang ito'y talagang saliksikin ko

kung ang matematika ay sipnayan
at ang aritmetika ay bilnuran
kaybuting daksipat ay natutunan
doon pa sa krosword na sinagutan

marahil galing ito sa Cebuano
dakô o malaki'y makikita mo
sa sipat o sinilip mong totoo
dakô at sipat, daksipat na ito

kuro-kuro ko'y dapat matiyak pa
salita'y saan nagmulâ talaga
hinanap ko ang etimolohiya
daksipat ay nasa Wikipedia na

pasya ko'y gamitin na ang daksipat
sa pagtulâ at kwentong isusulat
wikang sarili'y payabunging tapat
sa salitang ito, daghang salamat!

- gregoriovbituinjr.
03.01.2026

* mula sa palaisipan sa pahayagang Pang-Masa, Pebrero 24, 2026, p.7

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.