Linggo, Disyembre 27, 2009

Huwag Matakot sa Anay

Huwag Matakot sa Anay
ni anthony barnedo
12.22.09
23:27:50

Paano ka magkakabahay kung takot ka sa anay?
Sa anay na sumisira sa haligi nitong bahay
Bahay na siyang dapat maging kanlungan nitong buhay
Buhay na nahihirapan sa sistemang pumapatay.

Paano ka magkakabahay kung takot ka sa anay?
Sa anay ng lipunan na puro pasarap sa buhay
Kahit nadudusta na ang maralitang walang malay
Pangungulimbat sa sambayanan ang talagang pakay.

Paano ka magkakabahay kung takot ka sa anay?
Huwag hayaang ang anay sa atin ay lumuray
dignidad ay ipaglaban mula sa bakal na kamay
Karapatan sa paninirahan, makamit ng pantay.

(Tulang may labing anim na pantig bawat taludtod.)

Biyernes, Disyembre 25, 2009

kwento - Sayang ang Relief - ni Anthony Barnedo

SAYANG ANG RELIEF
ni Anthony Barnedo

Anim na buwan matapos masunugan ang kanilang lugar, bakas pa rin ang isang gabing bangungot na dumaan sa kanyang buhay at sa buhay ng mga kapitbahay niya. Anim na buwan ang lumipas ngunit di pa rin maalis sa isip ni Dencio ang halos apat na oras na pagtupok ng apoy sa kabahayan ng kanilang lugar.

Halos tapos na ang itinayo nilang bahay. Pagkatapos ng sunog, tulad ng mahigit isang daang pamilya na nasunugan na unti-unti na ring nakakapagpatayo ng istruktura ng kanilang bahay malibas sa iilang pamilya na halos wala talagang perang pantustos para sa pagpapagawa ng bahay.

Gayunpaman, balisa pa rin siya, di niya mawari kung paano makakaalpas sa ganitong klaseng trahedya. Siya lang ang inaasahan ng pamilya niya. Maliit pa ang apat niyang mga anak, wala namang trabaho ang asawa niya na maaari niya sanang makatulong sa paghahanapbuhay. Magkakasya ba ang sahod niya sa kumpanyang kanyang pinapasukan samantalang tatlong daan at limampung piso lang ang kanyang gana. Bukod sa mababang sahod ay apat na araw sa isang linggo ang kanyang pasok. Ang paliwanag ng kumpanya ay naapektuhan ng resesyon sa ibang bansa ang kanilang ini-export na produkto.

Halos tumulo na ang kanyang luha sa pagninilay-nilay ng mga problema na dumarating sa kanyang buhay. Iniisip pa rin niya ang sunog, ang kinabukasan ng kanyang mga anak, ang maysakit niyang ina, ang nagbabadyang pagdausdos ng ekonomya at magiging epekto nito sa kanyang trabaho, ang kinatitirikan ng kanilang bahay. Ang kanilang bahay ay minana niya sa kanyang mga magulang. Nangangamba siya na gamitin na ng may-ari ang lupa na kinatitirikan ng bahay nila.

Maya-maya pa'y may naulinigan siyang ingay sa labas ng kanilang bahay. Nasa ikalawang palapag siya. Sumilip siya sa bintana upang alamin kung saan nagmumula ang ingay. Napansin niya ang isang tanod na pinagkukumpulan ng kanilang mga kapitbahay. Nabosesan niya ang kanyang pinsan na isa sa nakapaikot sa tanod.

"Para saan po iyan?" usisa nito.

"Mamimigay ang barangay ng gocery at bigas sa lahat ng nasunugan," mabilis na sagot ng tanod.

"A, hindi pa pala tapos ang relief," sabi ng isang ginang.

"Ganon na nga po," ang tanod muli. "At malamang po, hanggang sa susunod na taon bago mag-eleksyon ang mga biyayang ito."

"A... kaya pala, galing sa pulitiko," ang pinsan niyang si Noel. "Salamat naman at naalala nila ang lugar na ito."

Natatawa siya sa ganoong usapan. Maalala lang ba ang kanilang lugar kapag may trahedyang nangyari. Naibulalas niya. "Kung hindi pa nasunugan! Hindi naman namin kailangan ang relief goods!"

Sa ganoong tagpo habang pababa siya ng hagdan mula sa itaas na bahagi ng kanilang bahay ay siya namang pagpasok ng kanilang pinsan mula sa labas ng bahay.

"O, sino ang kausap mo diyan?" nakangiting tanong nito.

"Sino ang kakausapin ko?" seryosong tugon niya.

"Tsk. Tsk. Tsk." Naiiling ang kanyang pinsan. "Easy, maaga kang tatanda niyan."

Bahagya siyang napangiti. Naisip niya na napahiya siya kung bakit ganuon ang pagtanggap niya sa naunang tanong ng pinsan. Siguro nga'y masyado niyang iniisip ang mga problema.

"Eto ang tiket nyo mula sa barangay. Mamimigay daw bukas ng alas-otso ng umaga." Ang tiket na inabot sa kanya ng kanyang pinsan ang magsisilbing stub para sa mga grocery at bigas na ipamimigay sa mga nasunugan.

Pinagmasdan muna niya ang stub bago magsalita. "Kailangan pa ba natin 'to?" Ang kanyang tanong ay tumutukoy sa relief na ipamimigay ng barangay.

"Hindi mo kailangan?" patanong na sagot ng pinsan niya.

"Ang ibig kong sabihin ay kung mas kailangan ba natin ang mga tulong na 'yan o mas may higit na kailangan pa tayo," paglilinaw niya.

"Lahat ng tao ay mas may higit na pangangailangan. Kung ito ay hindi natin paghihirapan o pagtatrabahuhan ay walang magbibigay sa atin nito. Kahit gobyerno, di kayang ibigay ang iyong pangangailangan," ani Noel.

"Ang ibig sabihin ay kung anong merong kakayahan kang kumita ay hanggang doon na lang."

"Ang ibig kong sabihin ay kung tamad ka ay hindi ka mabubuhay," madiin ang pagkakabigkas ni Noel sa salitang "tamad".

Natawa siya sa tinuran ng pinsan. Inisip niya kung ilan ang tamad sa Pilipinas at ang dami ng di umuusad ang buhay. Makikita nga ang iskwater sa lahat ng estero ng Paco. Ibig sabihin, tamad sila. Dumarami ang "side car boy" na nagtitiyaga sa sampung pisong pasahe ng bawat biyahe ng pasahero. Ilan ngang kapitbahay nila ay kumikita lang ng seventy pesos sa maghapong pamamasada. Tama ba 'yan? Ano ba ang sukatan ng pagiging masipag para makamit ang sapat na pangangailangan?"

"Tatawa-tawa ka diyan. Sayang ang relief goods, sabay na tayong kumuha bukas ng umaga." Tinapik nito ang kanyang balikat hudyat ng pagpapaalam nito palabas ng bahay.

"Sandali lang," pigil niya kay Noel, "Buksan mo muna iyang kulay asul na balde," utos niya bago pa man makalabas ito ng bahay.

"Bakit?" nagtatakang tanong nito na naibaling ang mata sa tinukoy ni Dencio.

"Basta buksan mo lang," aniya.

Binuksan ni Noel ang isang malaking balde. Halos puno ito ng bigas.

"Sa kabilang kahon na katabi ng balde na 'yan ay puro instant noodles ang laman. Tapos, sa maliit na balde na pinagpatungan ng kahon na iyan ay puro delata ang laman. May sardinas, corned beef at pork 'n beans."

"Ibig sabihin, hindi mo na kailangan ang relief," ito naman ang tatawa-tawa. " Hanggang saan aabot ang mga iyan?"

Bago magsalita si Dencio ay may inilabas ito sa bag na kinuha niya sa pagkakasabit sa dingding ng bahay. "Pagmasdan mo itong isang box ng vitamins. Mula ito sa isang multinational foundation."

"Multinational foundation," napahalakhak si Noel.

"Isang foundation na pag-aari ng isang multinational na businessman," natatawa rin siya.

"O, ano naman ang istorya sa likod ng vitamins na 'yan."

"Natatandaan mo ba ang signature line nito sa commercial ads sa TV?"

"A, bawal magkasakit!"

"Isang daan ang lamang vitamins ng box na ito. Ibinigay ito two months ago. Dalawang buwan ay may sixty days. E, di may matitira pang thirty-nine capsules ng vitamins kung araw-araw kong iniinom ang mga vitamins na ito."

"O, ano naman ang punto de bista mo?"

"Ngayon, tingnan mo ang label ng vitamins." Iniabot niya ang isang banig ng vitamins sa kanyang pinsan. "Twenty-three days na lang, expire na ang vitamins na iyan."

"Mage-expire na nga ito." Kagyat na natigilan si Noel.

"HIndi lang 'yan, lahat ng noodles at delata ay malapit na ring mag-expire."

Inusisa rin ni Noel ang mga delata at noodles. Iiling-iling ito sa natuklasan. "Ipapakain nila ito sa atin?" ang reaksyong iyon ang hudyat sa pagkakaintindi nito sa nais ipahiwatig ni Dencio.

"Maaaring ang mga iyan ay sobrang produkto ng mga kumpanya na hindi na nabibili sa merkado. Napakasakit isipin na saka lang ipamimigay sa atin bilang tulong kung kelan hindi na nila pakikinabangan. Paano kung walang nangyaring sunog? Saan kaya mapupunta ang mga produktong iyan?" Ang mga bagay na iyon ang madalas naglalaro sa isipan ni Dencio. Talaga nga bang nalugi ang karamihang kumpanya dahil sa recession na naganap sa Amerika. Napakalaki ng epekto nito sa kanyang pamilya.

"Sayang ang mga ito kung itatapon lang natin ito sa bandang huli."

"Mas kailangan ba natin ang relief o mas may iba pa tayong kailangan?" tanong niya sa pinsan.

"Sa tingin ko, maraming problema ang talagang di nabibigyan ng pansin ng gobyerno natin," seryosong sabi ni Noel. "Siguro nga hindi natin kailangan ang relief... mas kailangan natin ang agarang solusyon sa lumalalang problema ng kahirapan."

Kinabukasan, mahaba ang pila sa tapat ng barangay. Nakamikropono ang kapitana. Nagsilbi siyang emcee sa maikling programa bago ipamigay ang relief.

Hanggang may dumating na convoy ng mga sasakyan. Makikilala agad kung sino ang dumating, paano'y naka-imprenta sa gilid ng isang van ang pangalan ng isang konsehal.

Pagkatapos ng maikling programa at pagsasalita ng nangangakong konsehal ay ipinamahagi na ang mga relief goods sa mga pamilyang biktima ng sunog.

Sa kahabaan ng pila ay naroon ang magpinsang Dencio at Noel. Sa napakainit na sinag ng araw ay nagsisiksikan ang mga tao sa pagkuha ng munting biyaya mula sa konsehal.

"E, ano kung nagsisiksikan at mainit," katwiran ng isang ale.

"Sayang ang relief, dito lang naman namin sila napapakinabangan," katwiran naman ng isang ginoo.

Huwebes, Disyembre 10, 2009

Juan Boluntaryo

Juan Boluntaryo
ni Sanyto Sederia

Si Juan Tamad ay naghahangad ng pagbabago
Ngunit hindi alam kung paano gagawin ito
Makakamit lamang ang pagbabago
Kung ang lahat ay tulad ni Juan Boluntaryo

Si Juan Boluntaryo ay may layunin
Pinapangarap na lipunan para sa atin
Pantay ang lahat walang api at alipin
Walang pag sasamantala sa pag gampan ng gawain

Kumilos ng walang alinlangan
Kapalit ay hindi inaasahan
Sa papuri at pasasalamat ay lubos ang kasiyahan
Pagkat ang pagtulong ng walang kapalit ay karangalan
Kung nais ninyo ng pagbabago
Kumilos at sumabay kayo
Sa agos ng buhay pagsasakripisyo
Tumulad tayo kay juan Boluntaryo

Miyerkules, Disyembre 9, 2009

Himlayan ng Maralita

Himlayan ng Maralita
ni Ding B. Manuel
KPML Child’s Rights Advocates

Dito
Nakahimlay
Ang mga kabahayang
Inalsan ng mga bibig, mata
Paa, kamay
Upang bigyan-daan
Ang panapal
Sa bawa kilometrong
Daraanan ng mga de-gulong
At sa bawat limpak
Na pampakapal sa bulsa.
Dahil walang puwang
Sa ngalan ng kaunlaran
Ang lipon ng mga guhuing
Kabahayan nakakaiirita
Sa mga matang-bulag.
Subalit,
Sa himlayan ring ito
Muling mabubuhay
ang mga kaluluwang
bunuklod ng panaghoy, dalit,
sigaw, galit
upang ipaglaban
ang dangal nila’t
karapatan.

Kariton - ni Ding B. Manuel

Kariton
ni Ding B. Manuel
KPML Child’s Rights Advocates

Gumugulong
Ang tagpi-tagping
Buhay
Ng basurang humihinga,
Nakikipaghabulan
Sa agos ng sanga-sangang
Kaligaligan
Nakikipagbuno
Sa alon ng walang katiyakang
Daluyong.

Minsang hihinga,
Madalas ay hindi,
Subalit patuloy
Sa paggulong
Upang sa paglatag
Ng karimlan
Ay maging himlayan
Ng napatang basahan.

Huwebes, Nobyembre 19, 2009

Rx: EO 803

Rx: EO 803
ni Noel Manzano
Setyembre 19, 2009

Ang maralita'y nabubuhay
na isang kahig, isang tuka
Sa kanyang bayan, naninirahan
ng walang sariling lupa
Minsan sa estero, riles
ilalim ng tulay at kalsada
Makatarungan bang tawaging
iskwater? Pilipino siya!

Gobyerno'y sumasakit ang ulo
sa lahat ng maralita
Kaya't siya ay nag-isip
at nang sakit ng ulo'y mawala
Nakaimbento ng medisina
matinding 'virus' nagawa
Sakit ng ulo nila'y mawawala
Cancer naman sa maralita!

Paano na ba 'to? Ang naglilingkod
naghuhudas talaga
Akala mo'y tulong! Karapatan
buong puso niyang ginigiba
Serbisyong pabahay ay ginawang
negosyo sa maralita
E, pagbibigay sa dayuhan
pag-aalinlangan ay wala!

* Si Noel Manzano ay isang lider-maralita at taga-Maynila.

Sistema

SISTEMA
ni Maria Lita Dimang
Hulyo 19, 2008

I.
Ang kalabisan ay kalabisan
Di maaaring ang para sa bayan ay para sa iyo
Ang lahat ay para sa lahat
Pantay-pantay
sa distribusyon
sa pagkilala

II.
Ang pagkamulat ay pagkamulat
Di sinasabi, iniutos ng basta-basta
Ang pag-aaral ay itinitimo para sa bayan
Sa pantay-pantay
pag-aadhika
pagsasapuso.

III.
Ang pagkilos ay pagkilos
Di nagtataeng bolpen sa paghakbang
Ang kapangyarihan ay sa mamamayan
di sa ganid na iilan
May prinsipyo
itinitindig
isinasadiwa.

IV.
Ang sistema ay sistema
Di baluktot na pagtingin sa masa
Ang pang-aabuso sa karapatan ay wakasan na
Rebolusyonaryong sosyalista
di komandista
di diktadura

* Si Maria Lita Dimang ay isang ginang na nakatira sa isang komunidad sa Maynila

Martes, Nobyembre 3, 2009

Ang Sigaw ng Dukha - tula ni Crisanto Evangelista

ANG SIGAW NG DUKHA
tula ni Crisanto Evangelista

(Handog sa “Kapisanang Damayang Mahirap”, alang-alang sa ikalawang taon ng kanyang pakikitunggali sa larangan ng pag-aagaw-buhay; ang tula'y may 18 pantig bawat taludtod, at may caesura sa ika-6 at ika-12)

I
Mga binibini, mga piling sama at kaginoohan:
Yamang pinipita! Ang Sigaw ng Dukha! na dito’y isaysay
Naito’t tanggapin at sa buong puso’y kusang inialay
Ang tinig na paos, ang bisig na pata, ang damdaming buhay
Ng anak-dalitang nabili na halos ang diwa’t katawan
Makasagot lamang sa paghihikahos at sa kailangan.

II
Tanggapin nga ninyo, mga binibini’t mga piling sama
Na aking ilahad ang buong damdaming ating nadarama,
Ang larawang buhay na kalarolaro at kasamasama,
Ang paghihikahos na kasalosalo’t kaagaw tuwi na,
Sa bawat paghanap, sa bawat paglikha ng ililigaya,
Sa bawat paglasap, sa minsang pagtikim ng igiginhawa.

III
Ikaw na nasunod sa atas ng iyong pinapanginoon
Kayong yumuyukod at di nagkukuro sa habang panahon
Akong lumalasap ng pagkasiphayo at pagkaparool,
Tayong lahat ngani, na kinabagsakan ng pula’t linggatong,
Tayo ang may likha, tayo ang may sala ng lahat ng iyon,
Pagkat kundi tayo napaaalipi’y walang panginoon.

IV
Kung tayo’y natutong lumikha sa ating ipananandata
Kung ikaw at ako’y natutong tumutol at di tumalima,
Kung tayong mahirap, tayong manggagawa’y natutong kumita
Ng punglong pangwasak, ng kanyon at saka mga dinamita
Disin ay putol na ang pangaalipin at ang panggagaga
Sa ating mahirap, niyang pinagpala ng masamang mana.

V
Kung ikaw ay hindi naghangad mataas sa dapat kalagyan,
Kung kayo ay hindi natutong humanap ng kapangyarihan,
Kung tayo ay hindi nagtanim ng sama at nagawayaway
Disi’y hindi nila tayo nabusabos at napagkaitan
Ng laya, ng puri, ng buhay at saka iwing karapatan,
Disi’y pantaypantay tayong nagsasama ngayo’t nabubuhay.

VI
Kung sa pasimula ay natuto tayong lumikha’t nagtatag
Ng mga Samahang katulad nga nitong “Damayang Mahirap”
Kung tayo’y nagimpok ng paglilingapan at pagtinging wagas
Sa loob ng mga kapisanang laan sa ating mahirap
Disi’y malaya na tayong tinatanghal at karapatdapat
Sa harap ng Bayan, sa gitna ng Bansa, ng lahat at lahat.

VII
Kung sa pasimula’y nakilala natin ang ating matuwid,
Kung itiniwala sa atin ang gawang dumama’t magmasid,
Kung tayo’y binigyan at saka sinanay sa gawang umibig
Disi’y hindi tayo alipin sa ngayon at tigib ng hapis;
Disi’y hindi tayo laging naglalayo at di naglalapit,
Tayo disin ngayo’y taong may pagasa’t may malayang bisig.

VIII
Maniwala kayong kung sa panimula tayo’y nagpipisan
Bumuo’t nagtatag ng lakas ng bisig at ng karapatan,
Nagbango’t yumari sa isang malaya at sariling bayan,
Niyong bayang salat sa masamang mana at sa kasakiman
Maniwala kayong kahapon ma’t ngayon, bukas, kailanman
Tatanghalin tayong may lakas na tao, may puri’t may dangal.

IX
Maniwala kayong kung sa unauna’t ating ilinayo
Ang masamang hilig ang pagiiringa’t pagbabalatkayo,
Pagtatangitangi’t ang nakasusuklam na sulsol at suyo,
Ang suplong na haling, ang lubhang mahalay na pagngusonguso,
Maniwala kayong tayo’y di lalasap niyong pagkabigo,
Tayo’y di dadama at makakakain ng pagkasiphayo.

X
Maniwala kayo mga piling samang ang paghihikahos
Imbing pagkadusta at pagkaalipin ng lubos na lubos
Ay di gawa lamang ng mamumuhunang mga walang taros
Kundi pati tayo, tayong sugatan ma’y di nagkakaloob
Na gumawa baga ng pagsasanggalang ng wagas at taos
Upang mapaanyo ang lakad ng lahat sa ikatutubos.

XI
Ngayon mga sama, tayo’y dumaraing sa lagay na dusta
Tayo’y nadadagi sa malaking buwis na sa ati’y likha
Ng Batas anilang kung kaya niyari, kung kaya nalagda
Ay sa kagalingan ng bayang mahirap at nagdaralita
Hindi baga ito’y katutubong hangad sa buktot na gawa?
Kapag paggugugol, pantaypantay tayo: Mayaman ma’t Dukha.

XII
Tayo’y dumaraing, laging humihingi ng kandiling tapat,
Sa pamahalaan, sa mamumuhunan, at sa lagdang batas
Nguni’t masdan ninyo kapag dumarating ang pagpapahayag
Ng di kasiyahan natin sa pakana’t masamang palakad:
Ang mamumuhunan, ang pamahalaan, at ang mga batas
Ang ating kalaban, ang sumasansala, ng ganap na ganap.

XIII
Ginigipit tayo ng nagtataasang halaga ng lahat
Sinisikil tayo sa mababang sahod at ng kasalungat
Tayo’y inaapi ng mamumuhunan sa gawa ng pilak
Binibiro tayo ng mga hukuman sa hatol na tuwas
At pati pa halos niyong lalong imbi tayo’y hinahamak
Nguni’t hindi mandin tayo gumagawa ng mga pangwasak.

XIV
Kung may damdamin ka’t kung dinaramdam mo ang lahat ng ito
Kung may nababahid na kamunting dangal sa puso mo’t noo,
Kung ikaw’y simpanan ng magandang gawa, gawang makatao
Walang lingong likod, kusa mong tunguhin ng taas ang ulo
Ng bukas ang dibdib, ang iyong kasama sa isang upisyo
At isumpa roong makikisama ka nang di maglililo.

XV
Isumpa mo roong magtataguyod ka ng ganap na layon
Na mamahalin mo, ang Palatuntunan at ang iyong Unyon
Gagawa ng lalong matapat sa lahat ng ikasusulong
Hindi magtatamad sa mga pagdalo sa tadhanang pulong
Kusang iwawaksi iyong katakata na higit na lasong
Nanatay sa mithi, nalikha ng sama’t pagniningas-kugon.

XVI
Saka pagkatapos na iyong maganap ang ganang tungkuli’y
Makikita mo nang unti unti namang ang lahat ng sakim,
Ang lahat ng sama na nakapagbigay ng dilang hilahil
Mga kabuktutan at pananakali na labis maniil
Parang napapawing usok na masangsang sa himpapawirin
At kasunod niya’y “Ang Sigaw ng Dukha” na sa sama’y lagim.

* Ang tulang ito’y binigkas ng maykatha sa lamayang idinaos ng “Damayang Mahirap” noong ika-23 ng Pebrero ng 1913.

Relief Pa - ni Anthony Barnedo

Relief Pa
ni Anthony Barnedo
Abril 11, 2009

Ang daming puti.
Ang daming singkit.
Nakakwelyong pari.
Nakabarong si Cong.
May sakang.
May sekretarya pa.

Dala-dalang relief,
noodles at sardinas.
Saku-sakong bigas,
may balde at kumot pa.
At may nagpakain ng lugaw.
Fiesta sa Barangay.

Nasaan ang Barangay?

Ang daming banig
hollow blocks at tent.
Si Mayor dumating.
konsehal nagpapansin.

Ang daming relief.
Ang daming relief.
Ang daming relief
na nag-expire na kahapon.

Biyernes, Oktubre 9, 2009

Uring Maralita

URING MARALITA
ni Marcy Aquio, KPML-Navotas chapter
Daanghari, Navotas

Asawa ko ay isang uring manggagawa
Galing kami sa uring maralita
Umaga't hapon naglalako ng paninda
Asawa nama'y araw-araw sa pabrika.

Pero ano't wala pa ring napapala
Buhay namin, ganun pa rin talaga
Nananatiling isang kahig, isang tuka
Kinabukasan maisaing man lang ay wala.

Oo nga't ang buwis sa manggagawa'y inalis
Ngunit sa bilihin kinabit ng labis
Pagkain,gamot, damit, appliances
Lahat ay may buwis, nakakabuwisit.

Bakit ba ang gobyerno'y sadyang kaybangis
Sa maralitang punong-puno ng hinagpis
Bakit hindi kapitalista ang tugisin
Sa buwis, sila ang dapat pagbayarin.

Para sa anak ay nagtyaga't nagsumikap
Upang sa kolehiyo sila'y makatapak
Ngunit ito ay nabuo lang sa pangarap
Pagkat sa buhay kami'y hirap na hirap.

Sana naman munting hiling ay tugunin
Maralita nawa ay mabigyan ng pansin
At huwag naman sana kaming dadaanin
Sa mga pangakong napapako lang din.

Sabado, Oktubre 3, 2009

sapagkat hindi delubyo ang kanyang pangalan

sapagkat hindi delubyo ang kanyang pangalan
(sa mga sinalanta ng bagyong ondoy)

ni emmanuel v. dumlao


siya ang alon na naghatid ng sanlaksang putik

at nagpabulwak sa dagat ng ating hinagpis,

pero hindi delubyo ang kanyang pangalan;

titigang maigi, titigan ang kanyang mukha

at tuntunin ang bukal ng ating mga luha:



mga kalansay na bahay at gumuhong pader,

naghambalang na puno at poste ng kuryente,

nagkalat na damit, laruan, tabla, at yero,

nakabalandrang ref, kompyuter, at kotse;

hindi delubyo ang kanyang pangalan.



walang babala, dumarating siyang rumaragasa,

lahat nang mahagip, nililingkis, walang pinipili,

naghahasik ng takot kahit saang sulok.

titigang maigi, titigan ang kanyang mukha

at tuntunin ang bukal ng ating mga luha:



dinggin ang taghoy, masdan ang mga bangkay;

hindi delubyo ang kanyang pangalan.

tawagin natin siyang munting plastik

o latang ipinaanod natin sa tubig-kanal;

hindi delubyo ang kanyang pangalan.



tawagin natin siyang mall at subdibisyon

na kumamkam sa puwang na dapat niyang daluyan,

tawagin natin siyang basurang iniluluwa

ng lokal at dayuhang planta at pagawaan;

hindi delubyo ang kanyang pangalan.



titigang maigi, titigan ang kanyang mukha

at tuntunin ang bukal ng ating mga luha.

Siya ang yamang-bayang ibinubulsa

ng tiwali’t mandarambong na politiko;

kaya tawagin natin siyang kasakiman,

kaya tawagin natin siyang kapabayaan;



sapagkat hindi delubyo ang kanyang pangalan.

Huwebes, Hulyo 30, 2009

Con Ass - ni Ka Ruel Pelimiano

CON ASS
ni Ka Ruel V. Pelimiano
ZOTO-Caloocan Chapter

Salot!! Salot ng bayan
Mga ipinanukalang batas
Ng mga kongresistang gahaman

Ginagamit nila ang kanilang kapangyarihan
Maipatupad lang ang kanilang kagustuhan
Sila'y walang pakialam
Masa man ay masagasaan

Hindi mo pa ba alam?
Na ito'y pahirap sa mamamayan
Na ang resulta'y kahirapan
Kawalan ng pangkabuhayan
kawalan ng karapatan

Pagtataksil sa bayan
Wala silang pakialam
Mabulok man ang lipunan
Masunod lang ang kanilang kagustuhan

Kasakiman sa yaman ng bayan
Silang mga trapong kaisipan
Tumindig ka, masang sosyalista
Ipagtanggol ang karapatan

Tumindig ka, bayan
Ipaglaban ang karapatan
Dapat nating wakasan
Ang kanilang kabaliwan

Tumindig ka, bayan
Rebolusyon ang kailangan

Martes, Mayo 19, 2009

Labanan ang Demolisyon - ni greg bituin jr.

LABANAN ANG DEMOLISYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ang bahay ng maralita’y dinedemolis
ng mga taong sadyang walang kasingbangis
maralita’y lagi na lang pinaaalis
sila’y dinudurog na akala mo’y ipis

hindi ba’t pabahay ay isang karapatan
ng lahat ng tao, ng bawat mamamayan
ngunit bakit tinatanggalan ng tahanan
dinadala sa lalo’t lalong kahirapan

ano bang klaseng gobyerno mayroon tayo
pinababayaang mawasak ang bahay mo
winasak pati buhay, pamilya’t trabaho
demolisyon nga’y parang pagpugot ng ulo

ang sigaw nami’y hustisya sa maralita
may karapatan kami kahit mga dukha

Biyernes, Mayo 8, 2009

Oda sa mga bata

ODA SA MGA BATA

inagaw na sandaling para sana maglaro
at dahan-dahan luha'y namumuo
sa mga matang tinakasan ng saya
lungkot ang gumuhit sa mukha

tahimik.
'di dapat marinig kahit paghibik
baka abutin pa'y patpat na pamalo
tatalikod na lang papasok ng bahay
at hayaang mangibabaw ang 'di pagsuway

nasaktan. ang batang isipan.
nagtampo. naghinanakit.
sa murang isip natutong magalit
sa munting kasiyahang sandaling ipinagkait
sa hiling na 'di nakamit
sa mga laruang inagaw pilit
mula sa angking mga kamay na maliit
inagaw ng mga kalarong pilyo't sigang paslit

hanap ay pagdamay.
kahit ang murang isip mauunawaan
kapag puso ang nangusap
at madama ang pagkalinga sa gitna ng pagdaramdam
madali na lang namang manumbalik ang ngiti
mga tatlong patong ng kinalaykay na ice cream
doon sa isang matamis na barkilyos ng kamusmusan
o kaya bagong laruan
o kendi
o damit
pansuhol kung kanilang banggit
siguradong mapupunit
ang ngiting madali lang naman talagang iguhit
lalo ng mapag-arugang kamay
ng walang kapagurang nanay

kay tamis gunitain
sa tuwing mapapatingin
itong pagal na mga mata
sa mga musmos na bata sa kalsada
na ang pampahid madalas sa sipon
ay ang sariling siko o braso o kamay
na nanlilimahid sa dumi ng lipunang
akala ata'y paraiso niya't palaruan

sa iglap balintataw ay mapupuno
alaala sa utak kong umaalma ng ng paghinto

bata...

itulot mong makita ko
ang aking pagkukulang
sa pamamagitan ng kawastuhang nasisilay
ng mga mata mong wala pang muwang

at sa muli't-muli turuan mo akong
matutong lumuha, magalit, at ngumiti
sa tamang pagkakataon, oras, at sandali

iyo ang ngayon at bukas
habang akin ang kahapong tumatangis
hawak mo ang lahat sa iyong isipa't pandama
habang humuhulagpos na ang katuparan
ng pangarap kong numinipis

ipaalala mo
ipaalala mo...

...na minsan naging bata din ako.

Sabado, Abril 25, 2009

Pilipino ay Alipin? Tama ba o mali?

PILIPINO AY ALIPIN? TAMA BA O MALI?
ni Ka Pedring Fadrigon, pambansang tagapangulo, KPML

Mahirap aminin o tanggapin ang isang bagay na naipukol kaninuman kung hindi talaga maunawaan kung bakit may mga pagtingin ang iba sa inyong kaanyuan ay alipin. Kung hindi mo nauugat ang mga nakaraan o kasaysayan at ang kasalukuyan, wasto na magalit ka sa kausap mo o sa nagsasalita nito.

Masarap ang pag-aralan ang puna, palalimin, paano sumibol ang mga puna at pag-aralan kung ito ay makatutulong na maunawaan kung bakit naging alipin ang turing sa Pinoy o Pilipino. Ito'y oportunidad na ipaglaban at kundinahin ang naglikha ng mga dahilan kung bakit ganoon ang pagtingin sa mga Pinoy. Dito ay maaaring makita ang mga dahilan kung bakit ganoon ang pagtingin sa mga Pinoy. Dito ay maaaring makita ang mga dahilan. Mula dito ay magkaisa ang lahat para baguhin ang inuulat na kalagayang naglalagay sa pagkutya sa ating mga uri.

Pwede tayong magsimula sa pananakop ng mga prayle o mga Kastila. Ano ang nangyari sa mga Pilipino mula sa primitibo komunal na sistema. Binasag ang pagkakapantay-pantay ng trato ng tao sa kapwa tao nang pasukin ng Kristyanismo at pagsamantalahan ang "kamangmangan" ng mga Pinoy sa pamamagitan ng pagkamkam ng mga Kastila sa lupain ng mga katutubo. Sa takbo ng panahon ng pananakop ng mga dayuhan, ang mga indio, na tawag noon sa Pilipino, ay nagsimulang maging alipin ng mga mayayamang panginoong maylupa at mga kapitalista. Pagkatapos ay sinakop din ang Pilipinas ng dayuhang Amerikano. Ano ang nangyari, inalipin ng mga kapitalista ang mga manggagawa. Hindi binabayaran ng tama ng mga kumpanyang Amerikano ang lakas-paggawa ng mga kababayan nating Pilipino.

Di pa rin nawawala ang pang-aalipin ng mga Kano hanggang sa kasalukuyan dahil ultimo mga namumuno sa bansa ay sunud-sunuran pa rin sa dikta ng Kano. Kayang utusan at diktahan ng Amerika ang pangulo ng Pilipinas, kasabwat ang iba pang mga alipin ng pamahalaan. Huwag tayong umangal sa tawag na alipin, dahil ito ang katotohanan.

Ang pamahalaan mismo ang nagtulak sa milyong Pilipino na alipinin at babuyin ng kanilang mga amo sa ibayong dagat, dahil wala itong magawa upang magkaroon ng trabaho sa sariling bayan. Ano ang ibig sabihin, o ano ang tawag sa ganitong nangyayari sa ating mga mamamayan. Wala itong pinag-iba sa mga squatters na bansag sa mga mahihirap na dumagsa sa kalunsuran noong 1950s, at pinalitan lang ang termino ng urban poor o under privilege para gumanda pakinggan, pero ang katotohanan ay squatter pa rin. Ngayon, ang tawag nila sa mga nangingibang-bayan ay OFW (overseas Filipino workers), pero alipin pa rin sa tunay na kalagayan. Sapagkat mutsatsa at mutsatso rin ang tawag sa kanila.

Masakit tanggapin ang maging alipin. Masakit na tanggapin na iskwater ka sa sarili mong bayan. Masakit na tayo'y kutyain ng iba. Dapat nating maunawaang tayo'y nasa lipunan ng kapital. Kung sino ang may salapi at kayamanan ang siyang mga amo na makapangyarihan. Sila ang mga amo, tayo ang utusan.

Ngayon, mga kasama, mga kababayan, tama ba si Cheap Tsao, ang Instik na nagsulat ng artikulong ang mga Pinoy ay alipin? O mali? Kung inakala nyo na tama si Cheap Tsao, di ba dapat pasalamatan siya at nakita nyo ang katotohanan? At kung tayo'y alipin ng sistemang umiiral, dapat ba tayong manatili dito sa kasalukuyang kalagayan? Di ba sapat mag-isip ng isang alternatibong ipapalit sa kasuka-sukang sistemang matagal nang nagpapahirap sa bayan?

Pag-aralan natin ang lipunan. Pangarapin natin at hanapin ang lipunang may pagkakapantay-pantay ang lahat ng tao, may hustisya para sa lahat, may kalayaan, may dignidad, walang mahirap, walang mayaman, walang inaapi, walang nang-aapi dahil sa lintik na pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon na siyang dahilan ng laksa-laksang kahirapan ng napakaraming tao.

Walang ibang kasagutan sa kahirapan at kaapihan kundi buwagin ang sistemang kapitalismo. Walang ibang kasagutan kundi sosyalismo. Ang sistemang sosyalismo ay pinatunayan na ng kasaysayan ng mga bansang lumaya mula sa pangil at kuko ng kapitalismo. Isa na rito ang bansang Cuba, at ang sumunod pa, tulad ng Venezuela, Bolivia, at iba pa. Malaki ang kaibahan ng sistemang ito kaysa salot na kapitalismo. Sa batas ng kapitalismo ay kasakiman a tubo ang pinaiiral, pagkakamal ng pera at paghuthot sa yaman ng isang bansa. Walang pakialam ang kapitalista sa buhay ng mga tao pagkat ang turing sa tao ay kalakal o mga makina na pinatatakbo nila sa kaunti at kakarampot na sahod. Mga alipin ang turing sa mga manggagawa na kayang sakalin o maitapon na lamang kung wala nang silbi.

Subalit may kaibahan sa lipunang sosyalismo, ang sistema ay walang pagsasamantala. Sapagkat ang yaman ng bansa ay nasa kamay ng gobyerno at pantay ang pamamahagi sa kanyang mamamayan. Halimbawa na lang ang edukasyon. Sa kasalukuyang sistema ay negosyo imbes na serbisyo ang edukasyon - mataas ang tuition fee, miscellaneous fee, at iba pang bayarin. Subalit sa sistemang sosyalismo, ang edukasyon ay libre dahil ito'y serbisyo. Ang medikal ay libre, ang pabahay ay libre at mga serbisyong panlipunan, sapagkat ang likas na yaman ay pinamamahalaan ng sosyalistang pamahalaan. Walang dahilan para magnakaw at magsamantala dahil ibibigay ng lipunan ang iyong mga batayang pangangailangan. Sa lipunang sosyalismo, wala nang tatawag sa Pinoy na mga alipin, mutsatsa, atsay, sapagkat ang lahat ay ganap na tao na, malaya. Kaya't dapat lamang tayo ay magising, mamulat at magsuri. Ang lahat ay magkaisa na sumigaw ng: "Ibagsak ang lipunang kapitalismo! Isulong ang sosyalismo!"

Ating palawakin at abutin ang lahat ng sulok ng Pilipinas at palaganapin ang oryentasyon ng sosyalismo. Palakasin ang kampanya nito para tuluyan nang itakwil ang makahayop at mapang-aliping sistemang kapitalismo.

Viva sosyalismo! Mabuhay ang mamamayang Pilipino!

Miyerkules, Marso 25, 2009

Hindi Maunawaang Habag

Hindi Maunawaang Habag
ni Anthony Barnedo
Pebrero 28, 2009

Sa pakikipagtunggali
sa pag-abot sa yamang hari
Sa di mabilang na pag-agos
ng pawis
Mula sa kalamnan,
sa kaibuturan ng katawan
Maitawid lang
ang nagmumurang sikmura.

Sa dapit hapon,
tila isang sisiglang liwayway
Magwawala, ipagbibili
unti-unti ang kaligayahan
Ng aliw, ng ngiti,
sa nangingilid na luha
Hayok sa putikang
kanyang kinasasadlakan.

Habang ang gabi ay iindayog
sa umiirap na kislap
At ang himig ay magsisimulang
maging lagim na musika
At ang dakilang Mabini
ay magiging saksi ng biktima
Ang biktima ay mula sa sistema
ng mang-aapi, ng naaapi.

Habang ang hanggang saan
na umaasa sa pag-asa
Mananatiling wasak at
butas-butas na liwanag
Hanggang ang habag
ay hindi maunawaan
Mananatili ang yapak
sa dusa at tanikala.

Sa produkto ng kapangyarihan,
sa produkto ng kahangalan
Habang ang tiwali ay tiwali,
patuloy ang pagsasamantala
Samurang katawan,
sa pinagsawaang katawan
Hindi kikilos, hiondi kakain
walang diskarte, walang haplos ng kaginhawaan.

At ang damdaming naghahanap
ng kasagutan
Sa di maipaliwanag na
kakarampot na kaligayahan
Ay aagawin pa, ay sisikilin pa
at ang uod ay mula sa lipunan
At ang nabubulok
ay yaong nasa kapanyarihan.

"Ang ideya ay mula sa pakikipagkwentuhan sa isang kaibigang
nagtratrabaho sa pagbibigay ng aliw bilang 'Macho Dancer'."

Miyerkules, Marso 11, 2009

Kababaihan sa Krisis ng Lipunan

KABABAIHAN SA KRISIS NG LIPUNAN!
ni Malu Pontejos, KPML staff

Sinaunang panahon ang babae kasama sa moda ng produksyon
naranasan kahit saglit ang pagka-pantay-pantay sa lipunan
nakaranas na ang pag-alaga sa anak ay buong komunidad
kasama sa desisyon ginagawa sa proteksyon ng kabuhayan

nang matuto ang tao na gumawa ng masisilungan o bahay
nag-alala sino ang maiiwan , napilitan si buntis na maiwan
bilang tulong sa kapares na magbantay ng hayop o bahay
ang siste nagupo sa mga gawaing bahay , alaga sa pamilya .

ok lang naman sana , isip kasi na makatutulong naman
resulta bumaba ang pagkilala sa kanyang papel ginagampanan
mahirap din ang maglaan ng mahabang oras at libre pa
walang kita sa sarili nakaasa sa kasama sa buhay

hindi na inaalintana ang pagkukutya ng lipunan
patuloy sa paggampan sa kabila ng kahirapan sa buhay
lumiit ng lumiit ang baon ng asawa sa pag-uwi
gumawa ng paraan paano makakatulong sa pangangailangan.

ang ganitong hakbang o papel sa lipunan hindi nakita
Pero kung susuriin talaga kitang-kitang ang ebidensya
ang magluwal ng buhay at magpalaki ng anak para sa henerasyon
angkin talino sa aspeto nito ay mahalagang ambag sa lipunan.

May karanasan nagpakita ng gilas ang babae
si tandang sora , si melchora, gabriela , kahit si maria
ang babae rin ay may kakaysanan at kakayahan
Bigyan muli ng panahon at pagkakataon para sa sarili at lipunan.

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.