Sabado, Oktubre 3, 2009

sapagkat hindi delubyo ang kanyang pangalan

sapagkat hindi delubyo ang kanyang pangalan
(sa mga sinalanta ng bagyong ondoy)

ni emmanuel v. dumlao


siya ang alon na naghatid ng sanlaksang putik

at nagpabulwak sa dagat ng ating hinagpis,

pero hindi delubyo ang kanyang pangalan;

titigang maigi, titigan ang kanyang mukha

at tuntunin ang bukal ng ating mga luha:



mga kalansay na bahay at gumuhong pader,

naghambalang na puno at poste ng kuryente,

nagkalat na damit, laruan, tabla, at yero,

nakabalandrang ref, kompyuter, at kotse;

hindi delubyo ang kanyang pangalan.



walang babala, dumarating siyang rumaragasa,

lahat nang mahagip, nililingkis, walang pinipili,

naghahasik ng takot kahit saang sulok.

titigang maigi, titigan ang kanyang mukha

at tuntunin ang bukal ng ating mga luha:



dinggin ang taghoy, masdan ang mga bangkay;

hindi delubyo ang kanyang pangalan.

tawagin natin siyang munting plastik

o latang ipinaanod natin sa tubig-kanal;

hindi delubyo ang kanyang pangalan.



tawagin natin siyang mall at subdibisyon

na kumamkam sa puwang na dapat niyang daluyan,

tawagin natin siyang basurang iniluluwa

ng lokal at dayuhang planta at pagawaan;

hindi delubyo ang kanyang pangalan.



titigang maigi, titigan ang kanyang mukha

at tuntunin ang bukal ng ating mga luha.

Siya ang yamang-bayang ibinubulsa

ng tiwali’t mandarambong na politiko;

kaya tawagin natin siyang kasakiman,

kaya tawagin natin siyang kapabayaan;



sapagkat hindi delubyo ang kanyang pangalan.

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.