BACLARAN
tula ni Edelio De los Santos
Tahanan ng diyos ay 'di kalayuan,
may mga mag-anak, higaa'y bangketa,
katabi'y sugalan nilang mayayaman.
Amoy-palikuran, ugong ng lansangan,
sa lupa ang langit ay hindi makita,
tahanan ng diyos ay 'di kalayuan.
Sa sidhi ng hangad masidlan ang tiyan,
dangal niyang taya, barya ang kinita,
katabi'y sugalan nilang mayayaman.
Kung buhay magbiro, papatak ang ulan,
hahanap ng silong ang basang pamilya,
tahanan ng diyos ay 'di kalayuan.
Sa kulob at erkon na mga sasakyan,
ang tingin sa kapwa, hawig ng basura,
katabi'y sugalan nilang mayayaman.
Sa gilid ng panghi't tuwid daw na daan,
pag-unlad ng bansa'y huwad na pag-asa,
tahanan ng diyos ay 'di kalayuan,
katabi'y sugalan nilang mayayaman.
Natitipon dito ang iba't ibang sulatin hinggil sa mga isyu ng maralita, tulad ng karapatan sa pabahay, paglaban sa demolisyon, kahirapan, ang adhikaing pagbabago ng sistema, pagsusulong ng sosyalismo, at iba pa; inilathala bilang aklat na "KOMYUN: Katipunan ng Panitikang Maralita", na nakapaglathala na ng dalawang aklat (Unang Aklat - Disyembre 2007, Ikalawang Aklat - Disyembre 2008), at inilathala ng Aklatang Obrero Publishing Collective.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Tungkol sa Akin
- kolektib
- Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento