Sabado, Abril 18, 2020

Ang unang taludtod bilang pamagat ng tula


ANG UNANG TALUDTOD BILANG PAMAGAT NG TULA
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Maraming tula ng maraming makata ang walang pamagat, at nang mamatay na sila, ang ginawa ng mga nag-aral ng kanilang mga tula, ang unang taludtod ang ginawang pamagat.

Ganoon din ang ginawa ko sa ilan kong tulang di ko maapuhap ang mas angkop na pamagat, kaya ang unang taludtod ng tula ang ginawa kong pamagat. Sila marahil ay di talaga nila nilagyan ng pamagat. Ako naman ay walang maisip na mas magandang pamagat.

Isa sa kilala kong gumagawa nito ay si William Shakespeare (26 Abril 1564 (bininyagan) - 23 Abril 1616), na ang mga soneto niya umano'y walang pamagat sa orihinal. Marahil ay ganoon talaga ang ginagawa nila noong kanilang panahon. Ang mga nagtipon naman ng kanyang mga soneto'y nilagyan na lang ito ng bilang. Soneto 1, Soneto 18, Soneto 150. Kahit ang Italyanong si Petrarch  (Hulyo 20, 1304 - Hulyo 19, 1374) ay napansin kong wala ring pamagat ang kanyang mga tula, at ginawa ring pamagat ng mga nagrebyu sa kanya ang unang taludtod ng kanyang tula.

Hindi ganito ang mga tula ng idolo kong si Edgar Allan Poe, na may tiyak siyang pamagat, tulad ng The Raven at Annabelle Lee.

Dahil kung bilang lang ang pamagat, hindi agad malalaman ng tao kung alin ba ang kanyang nabasang tulang hinangaan niya. Kailangan pa niyang saliksikin at basahin ang mga soneto hanggang sa matagpuan niya ang kanyang hinahanap.

Marahil ang ginawa ng mga tagapaglathala o tagalimbag ng aklat ng mga tula, upang mas madaling mahanap sa Talaan ng Nilalaman o Table of Contents ang mga tula, ay ginamit ang unang taludtod ng tula bilang pamagat. At pati na ang mga nagrerebyu o nagsusuri o kritiko ng tula ay ginamit ang unang taludtod ng tula upang mas madali ang paghahanap ng nasabing tula.

Tingnan natin ang sikat na Soneto 18 ni Shakespeare, na ang unang taludtod ay "Shall I compare thee to a summer's day?", at ang aking malayang salin.

Sonnet 18: Shall I compare thee to a summer’s day?
by William Shakepeare

Shall I compare thee to a summer’s day?
Thou art more lovely and more temperate:
Rough winds do shake the darling buds of May,
And summer’s lease hath all too short a date;
Sometime too hot the eye of heaven shines,
And often is his gold complexion dimm'd;
And every fair from fair sometime declines,
By chance or nature’s changing course untrimm'd;
But thy eternal summer shall not fade,
Nor lose possession of that fair thou ow’st;
Nor shall death brag thou wander’st in his shade,
When in eternal lines to time thou grow’st:
So long as men can breathe or eyes can see,
So long lives this, and this gives life to thee.

MAITUTULAD BA KITA SA ISANG TAG-ARAW? (Soneto 18)
ni William Shakespeare
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.

Maitutulad ba kita sa isang tag-araw?
Ikaw na kaibig-ibig at katamtaman
Niyayanig ng habagat ang sintang usbong ng Mayo
At napakaikli ng tipanan natin sa hiram na tag-araw:

Minsa’y napakainit ng pagkinang ng mata ng langit
Kadalasa’y lumalamlam ang kanyang gintong silahis:
At paminsa’y bumababa ang bawat kapusyawan
Pagkakataon man o di-maayos na pagbabago sa kalikasan

Ngunit di magmamaliw ang iyong walang hanggang tag-araw
Mawala man ang tangan mo sa kaaya-ayang sarili
O maghambog man ang kamatayang nakalambong sa kanila
Umusbong ka sa walang hanggang panahon.

Hanggat ang mga tao’y humihinga, o mga mata’y nakakakita
Hanggat nabubuhay ito, at ito’y nagbibigay-buhay sa iyo.

Ito naman ang soneto 17 ni Shakespeare na isinalin ko rin sa wikang Filipino, sa pamamagitan ng tugma't sukat na may labingwalong taludtod, at may sesura sa ikaanim.

Sonnet 17: Who will believe my verse in time to come
By William Shakespeare

Who will believe my verse in time to come,
If it were fill'd with your most high deserts?
Though yet, heaven knows, it is but as a tomb
Which hides your life and shows not half your parts.
If I could write the beauty of your eyes
And in fresh numbers number all your graces,
The age to come would say 'This poet lies:
Such heavenly touches ne'er touch'd earthly faces.'
So should my papers yellow'd with their age
Be scorn'd like old men of less truth than tongue,
And your true rights be term'd a poet's rage
And stretched metre of an antique song:
But were some child of yours alive that time,
You should live twice; in it and in my rhyme.

SA TULA KO'Y SINO ANG MANINIWALA PAGDATING NG ARAW (Soneto 17)
ni William Shakespeare
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
18 pantig bawat taludtod

Sa tula ko’y sino / ang maniniwala / pagdating ng araw
Kung ito’y naglaman / ng sukdulang tayog / mong mga disyerto?
Gayunman ay alam / ng langit na iyon / ay isang libingan
Buhay mo’y kinubli’t / anumang bahagi / mo’y di pinakita.
Kung ganda ng iyong / mga mata’y akin / lang maisusulat
Sa sariwang bilang / ay bibilangin ko / ang lahat mong grasya,
Panahong daratal / ay magturing: ‘Yaring / makata’y humilig:
Haplos na panlangit / ay di hihipo ng / makamundong mukha.’
Tulad din ng papel / kong nanilaw na sa / kanilang pagtanda
Hahamaking tulad / ng gurang na walang / saysay kundi dila
Ang karapatan mong / sadya’y naturingang / poot ng makata
At pinag-unat na / sukatan ng isang / awitin nang luma:
Subalit ikaw ba’y / may anak nang buháy / nang panahong yaon,
Dapat kang mabúhay / ng dalawang ulit / doo’t sa’king tugma.

Ang iba naman ay isinalin ng walang pamagat. Inilalagay na lang ay Soneto at Bilang. Isang halimbawa nito ay ang Soneto 13 ni Petrarch, na malaya ko ring isinalin sa wikang Filipino. Si Shakespeare at si Petrarch ang dalawa sa pangunahing lumilikha ng soneto sa kani-kanilang panahon at sikat sa buong daigdig. Kaya may Shakespearean sonnet o English sonnet, at ang Petrarchan sonnet o Italian sonnet. 

Sonnet XIII. From Petrarch

OH! place me where the burning moon
Forbids the wither'd flower to blow;
Or place me in the frigid zone,
On mountains of eternal snow:
Let me pursue the steps of Fame,
Or Poverty's more tranquil road;
Let youth's warm tide my veins inflame,
Or sixty winters chill my blood:
Though my fond soul to Heaven were flown,
Or though on earth 'tis doom'd to pine,
Prisoner or free--obscure or known,
My heart, oh Laura! still is thine.
Whate'er my destiny may be,
That faithful heart still burns for thee!

Soneto XIII. Mula kay Petrarch
Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
16 pantig bawat taludtod

O, ilagay mo ako sa naglalagablab na buwan
Na pinagbawal humihip ang nalalantang bulaklak;
O ilagay mo ako sa napakalamig na lunan
Sa mga kabundukan ng nyebeng walang katapusan:
Hayaan mong hanapin ko'y hakbang tungong katanyagan,
O ang mas mahirap tahaking landas ng Kahirapan;
Paagusin ang pagkabatang kay-init sa'king ugat,
O animnapung taglamig sa dugo ko'y kumaligkig:
Kahit ang diwang ginigiliw sa Langit ay lumipad,
O kahit mawalan na ng saysay dito sa daigdig,
Bilangguan o kalayaan - di kilala o sikat,
Ang iwi kong puso, O, Laura! ay nasa iyo pa rin.
Kung saanman ang patutunguhan niring kapalaran
Patuloy pang mag-aalab ang pusong tapat sa iyo!

Ito naman ang tatlo kong tula nitong Abril 17, 2020, na ang pamagat at umpisa ng bawat taludtod ay nagsisimula sa titik G. Ang bawat pamagat ay batay sa unang taludtod ng bawat tula.

Tula 1
GARAPALAN NA ANG NANGYAYARING KATIWALIAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

I
Garapalan na ang nangyayaring katiwalian
Gahaman at tuso'y napaupo sa katungkulan
Ganid na pawang pahirap sa laksang mamamayan
Garapata silang nasa likod ni Kalakian
Garote'y dapat sa tulad nilang taksil sa bayan

II
Gawa ng magulang upang anak ay di bumagsak
Gagapang upang mapagtapos lang ang mga anak
Garantiyang pag napagtapos ay labis ang galak
Ganansyang may kinabukasan, di naging bulagsak
Gantimpala na itong nagbunga rin ang pinitak

III
Gaygayin ang laot tungo sa pulo ng mabuti
Gaod sa balsa'y gamitin mong wasto't magpursigi
Gampanan ang misyon habang bawat mali'y iwaksi
Gagayak tungo sa islang walang mga salbahe
Galak ang madarama sapagkat wala ring peste

IV
Garalgal na ang pananalita't di makangawa
Garil ang tinig sa isyu't problemang di humupa
Gamol man siyang laging sakbibi ng dusa't luha
Gatla sa noo'y tandang marami pang magagawa
Gawin lagi sa kapwa kung anong mabuti't tama

Tula 2
GILIW, IKAW ANG MUTYA NIRING PUSONG SUMISINTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Giliw, ikaw ang mutya niring pusong sumisinta
Gitling man ay di namagitan sa ating dalawa
Giikin natin ang palay nang may buong pag-asa
Gilik sa palay ay iwasang mangati sa paa

Gipit man ngayon ay patuloy kitang nagsisikap
Giti man ang pawis sa noo'y laging nangangarap
Gitata sa sipag nang kaalwanan ay malasap
Ginhawang anong ilap ay atin ding mahahanap

Giray-giray man sa daan, tutupdin ang pangako
Giyagis man ng hirap ay di rin tayo susuko
Giwang sa adhika'y suriin nang di masiphayo
Ginisang anong sarap ay atin ding maluluto

Gising ang diwang di payag mapagsamantalahan
Giting ng bawat bayani'y kailangan ng bayan
Giit natin lagi'y wastong proseso't karapatan
Gibik na kamtin ng masa'y hustisyang panlipunan

Tula 3
GUNAM-GUNAMIN MO ANG SAKIT NA KASUMPA-SUMPA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Gunam-gunamin mo ang sakit na kasumpa-sumpa
Gustong madalumat pagkat di iyon matingkala
Guniguni'y tila baga may asam na adhika
Gugulin ay di na mawari pagkat walang-wala

Gutom at di makapagtrabaho ang nangyayari
Gugupuin ang kalusugan nating di mawari
Gulo ito kung namumuno'y tila walang silbi
Gutay-gutay na pamumuhay sa dusa'y sakbibi

Guhong mga pangarap sa dibdib na'y halukipkip
Gubat na ang lungsod na animo'y di na malirip
Gunggong ang tusong trapong sarili lang ang inisip
Guwang sa polisiya nila'y ating nahahagip

Gulat man ang masa sa sakit na nananalasa
Gulantang man ang bayan sa biglaang kwarantina
Gulilat man tayo sa aksyon ng trapong paasa
Gusot ay maaayos pag nalutas ang pandemya

Mayroon talagang mga tulang walang pamagat noong unang panahon, tulad ng mga soneto nina Shakespeare at Petrarch. At marahil ay magpapatuloy pa ito sa mga darating na panahon kung hindi lalagyan ng pamagat ng mga makata ang kanilang mga tula. Sa akin naman, nilalagyan ko ng pamagat upang mailagay sa blog, at madali para sa akin at sa iba kung ito'y hahanapin o sasaliksikin.

Subalit kung wala akong maisip na mas maayos o angkop na pamagat, na minsan ay nais kong iwanang walang pamagat, ay hindi maaari, pagkat sa blog ay dapat mayroon kang pamagat. Kaya ang unang taludtod ang ginagawa ko nang pamagat. Maraming salamat kina Shakespeare at Petrarch at marami akong natutunan sa kanila.

Pinaghalawan:

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.