Lunes, Abril 26, 2021

Huwag maging palabusakit

HUWAG MAGING PALABUSAKIT

sa tungkulin nati'y huwag maging palabusakit
na sa inumpisahang mulat ay biglang pipikit
tila ba kinabukasan ay ipinagkakait
kapara'y ningas-kugon na gawaing walang bait

kapit lang sa inumpisahan at pakatutukan
ang inyong napagplanuhan at napagkaisahan
kaya ba hindi magawa'y wala pang pondo iyan
pondo'y paano pinlano nang umusad naman

huwag maging palabusakit, huwag ningas-kugon
sa mga plano'y tiyaking isip ay nakatuon
anong kalakasan o kahinaan ninyo ngayon
sinong dapat magpatupad, sinong kikilos doon

sayang lahat ng napag-usapan, plano't gawain
kung pagiging palabusakit ang paiiralin

- gregoriovbituinjr.

palabusakit -[Sinaunang Tagalog] paggawa sa simula lamang, 
mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 889

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.