Biyernes, Hunyo 4, 2021

Sa kaarawan ng makatang Danilo C. Diaz

Kayrami mong bugtong na nais naming makatugon
O dapat ba naming sagutan ang katha mong bugtong
Habang pinagdiriwang mo ang kaarawan ngayon
Ay humahapon naman sa puno ang laksang ibon

Habang bugtong mo'y sinusuri, kahit walang sirit
Bawat mong bugtong ay mga kathang sa diwa'y sulit
Bawat tula mo'y may dangal para sa maliliit
Habang naglalantad ng katotohanang kaylupit

Tulad ng sastreng humahabi ng mga salita
Sinusukat muna ang telang tatahiing sadya
Karayom, sinulid, at makina'y inihahanda
Hanggang matahi ang kasuotang nais ng madla

Salamat sa iyong mga tula, makatang Dodie
Nawa sa pagkatha ay patuloy kang manatili
Tulad ng sastreng sadyang kayhusay sa pananahi
Sa kaarawan mo, ako'y naritong bumabati

- gregoriovbituinjr
06.04.2021

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.