Sabado, Oktubre 2, 2021

Paghahanap ng paksa

PAGHAHANAP NG PAKSA

pansin ni misis, bagot na ako't tula ng tula
nabo-boring na raw ako kaya katha ng katha
subalit ang totoo'y wala rin kasing magawa
kaysa sa kwarto'y nakaupo lang o nakahiga

dahil di basta makalabas, babalik sa kwarto
matapos magsaing, kumain, maglinis ng plato
titingin sa paligid, hanap ng maikukwento
titingala sa kisame, at may paksa na ako

ah, ganyan ang buhay ng nagka-covid na makata
habang nagpapagaling, may umuugit sa diwa
mula sa karaniwang bagay, may naitutula
paksa'y inilalarawan sa mumunting salita

tulad ng namungang tanim malapit sa pintuan
na paksa na sa tula't kinunan ko ng larawan
pagkat pag nahinog na ito'y aming mauulam
at di na bibili ng gulay, pipitasin na lang

tula muna ng tula habang mahina pang sukat
at sa aking kwadernong itim ay sulat ng sulat
sa nagbabasa ng tula ko'y maraming salamat
kahit paano'y gumaan ang ramdam kong mabigat

- gregoriovbituinjr.
10.02.2021

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.