Huwebes, Nobyembre 25, 2021

Samutsari

SAMUTSARI

namumutawi pa rin sa labi'y masalimuot
na katagang sa kaibuturan ko'y nagdudulot
ng samutsaring alalahanin at mga gusot
na dapat malutas, katanungang dapat masagot

kayhirap ng nag-aalala, kalabaw at baka
baka dumating ang unos, sabi ng magsasaka
baka dapat munang umuwi, maghanda-handa na
baka di na madalumat ang daratal na klima

isinilid ang sinampay, damit ay patong-patong
namitas ng mga gulay, nanguha ng balatong
pinagsisikapan ang bawat taludtod at saknong
upang di danasin ang anumang kutya't linggatong

paano ba kakathain ang dalit ng dalitâ
kung naunang kathain ang tanaga ng katagâ
paano nakatha ang talambuhay ng makatâ
kundi ang tala ng buhay ay naroon sa kathâ

- gregoriovbituinjr.
11.25.2021

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.