Lunes, Enero 24, 2022

Pag-like

PAG-LIKE

nila-like ko basta lumitaw sa wall ko ang gawa
ng mga tulad kong nagsusulat o mangangatha
ipakita sa kanilang binabasa kong sadya
ang kanilang akda, sanaysay man, kwento o tula

pagkat pag walang nag-like, dama ko ang pakiramdam
parang di ka binasa ng friend mo o katsokaran
bagamat di mo intensyong basahin ka ninuman
kundi kumatha't maisulat ang nasa isipan

kaya nila-like ko agad pag gawa ng makata
upang ipadamang sila'y binabasa kong sadya
na may kaibigan din pala sila't tagahanga
na ninanamnam kong lubos ang kanilang inakda

ganyan ko nais ipakita ang suportang tunay
sa kapwa mangangathang wala mang birtud na taglay
subalit sa pagkatha'y nagsisikap, nagsisikhay
upang ihatid ang nasa loob nila't palagay

- gregoriovbituinjr.
01.24.2022

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.