LABANAN ANG MGA TRAPO’T DINASTIYA
Maikling kwento ni Greg Bituin Jr.
Kampanyahan na naman para sa pambansang halalan, at mamimili muli ang mga tao kung sino sa mga trapo ang muling magsasamantala sa kanila. Ganyan naman palagi, tuwing eleksyon. Walang mapagpilian ang mga tao kundi iyon at iyon ding apelyido. Pulos mga nagpayaman sa pwesto. Pulos mayayaman, pulos pabor lagi sa kapitalista, pulos suportado ng mga bilyonaryo. Paano na ang mga maralita?
Ang mga mayayamang pulitiko, naaalala lang ang mga maralita pag malapit na ang halalan. Kabilang kasi ang mga maralita sa mga botante kaya nga sinasabing sikat ang mayoryang maralita pag eleksyon dahil lagi silang nililigawan ng mga pulitiko.
Babayaran lang ng limang daang piso bago magbotohan kapalit ng tatlong taon sa lokal at anim na taon sa pambansa. Malaking bagay nga naman sa maralita ang limang daang piso dahil may pambili na sila ng bigas, may maisasaing, may pantawid gutom ang pamilya kahit sa isang araw lang. Oo, kapalit ng isang araw na kaligayahan ay anim na taon namang dusa. Dahil sa panahon lang naman ng eleksyon sila kilala ng kani-kanilang ibinoto. Walang pakialam ang mayayamang trapo sa kanila maliban sa bilang, maliban sa sila’y numero sa bilangan ng balota.
Sabi nga ni Mang Igme, “Botohan na naman! Iboto naman ninyo ang manok ko. Malaki maitutulong nito sa atin balang araw.”
Sabi naman ni Aling Tess, “Itong manok ko ang iboto ninyo, huwag iyan. Mas magaling ito, at madaling malapitan kung kailangan. Subok ko na ito. Sa kanya nga nanggaling ang endorsement para makapunta kami at magamot sa ospital. Siya na iboto natin. Tiyak na may kasangga tayo.”
Ayon naman sa binatang si Ignacio, “Totoo po ba ang Tallano gold? Mababayaran nga ba ang utang ng Pilipinas pag siya ang ibinoto ko?”
“Huwag kang maniwala riyan, hane,” sabad ni Aling Tikya, “pawang peknyus ang mga iyan upang mauto tayo na iboto siya.”
“E, sino po ang dapat iboto? Pare-pareho lang naman sila, di ba? Mga pulitikong magnanakaw sa kaban ng bayan? Anong mapapala natin sa mga iyan? Matagal nang namamayagpag apelyido nila sa pwesto. Pulos pamilyang dinastiya na ang namumuno sa atin. Guminhawa ba ang bayan? Hindi ba’t ganito pa rin tayo, isang kahig, isang tuka. Kaya bakit natin iaasa sa kanila ang ating kinabukasan. Dapat wala nang mga trapo at mga dinastiyang iyan na pinagsasamantalahan lang ang maliliit na gaya natin. Kaya kung may iboboto tayo, dapat iyong mga kauri natin, yung mga nakakaunawa sa atin, sa kalagayan natin, at nakaranas din ng anumang naranasan natin. Kaisa natin sa isip, puso, at bituka. ‘Yung kauri natin. Basta huwag na mga trapo’t dinastiya.” Mahaba ang litanya ni Mang Pilo na ikinatuwa naman ng ilang mga nakausap.
“E, sino nga ba? Kung kauri ba natin, mahirap din ang kandidato. Kauri natin, eh. Kung meron talaga, aba, subukan natin. Magbakasakali tayo? Sino po kaya? Mayroon kayang babangga sa pader?” Banat naman ng binatang si Ignacio.
“Bakit hindi natin subukan ang tumatakbong lider-manggagawa sa pagkapangulo, si Ka Leody De Guzman. Siya ang chairman ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), isa sa pinakamalaking organisasyon ng mga manggagawa sa bansa. Subukan din nating ipanalo sa pagka-Senador si Atty. Luke Espiritu, na presidente naman ng BMP. Si Ka Walden Bello, na pangulo ng Laban ng Masa (LnM), sa pagka-Bise Presidente ng bansa. Matatagal na silang nakikibaka sa lansangan para sa pangarap nating lipunang makatao, at daigdig na masagana, at walang pang-aapi at walang pagsasamantala ng tao sa tao. Sila ang mga kauri nating bumabangga sa pader ng mga trapo. Idagdag pa natin sina Roy Cabonegro at David D’Angelo sa Senado,” maagap na sagot ni Mang Pilo.
“Sige po, subukan po natin sila. Sana po, Mang Pilo, makausap din natin sila, kasi itatanong ko kung anong magagawa nila sa mga kontraktwal na manggagawa, tulad ko,” sabat naman ni Arnulfo.
“Aba, isa sa plataporma nina Ka Leody ang pagwawakas sa salot na kontraktwalisasyon. Sabi nga ni Atty. Luke sa debate sa telebisyon na tiyak na napanood ng mga kapitalista, “Manpower agencies are parasites. They should be abolished.” Mga linta raw na sumisipsip sa pawis at dugo ng mga manggagawa iyang manpower agencies, na wala namang ambag sa produksyon. Ang mga ganyang programa ang nais natin, para sa masa, at para sa mga kauri natin. Matagal na tayong pinaglalaruan ng bulok na sistemang ito, na tawag nila ay neoliberal. Kawawa tayo pag mga trapo’t dinastiya na naman ang mga mamumuno sa atin.” Sabi pa ni Mang Pilo.
“Baka pwede, mag-iskedyul tayo ng pulong bayan sa ating lugar na sila ang imbitado. At ito na ang gagawin natin. Abangan lang natin kung kailan natin sila maiiskedyul, mga kasama.” Pagtatapos ni Mang Pilo.
* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Abril 1-15, 2022, pahina 16-17.