Miyerkules, Abril 6, 2022

Tarp na baligtad

TARP NA BALIGTAD

bakit tarp ay baligtad, takot kaya sila roon?
takot dahil pambáto roo'y trapong mandarambong?
malakas daw sa surbey, baka manalong malutong?
maaari sanang maiayos ang tarp na iyon

aba'y naglagay nga ng tarp ng Manggagawa Naman
ngunit baligtad, parang sa araw lang pananggalang
aba'y ginawa lang trapal sa naroong tindahan
nadaanan ko lang ito kaya nilitratuhan

ito kaya'y simbolo ng tákot ng maralita?
sa punong bayan nila, na dala'y trapong kuhila
tila ba kandidato natin ay kaawa-awa
gayong kandidato'y kauri nating mga dukha

nasa lungsod iyon ng namumunong dinastiya
takot pa ang masa, na baka raw matukoy sila
baka sila'y di bigyan ni mayora ng ayuda
ganitong sistemang trapo'y dapat lang wakasan na

kung paniwala'y tama, huwag padala sa takot
dapat tapusin na ang panahong buktot-baluktot
wakasan na iyang dinastiya, trapo't kurakot
kung di ngayon, kailan pa sistema'y malalagot?

- gregoriovbituinjr.
04.06.2022

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.