Lunes, Pebrero 20, 2023

Napagnilayan sa Teresa

NAPAGNILAYAN SA TERESA

di ka ba iiyak pag nakita mong sinisira
ang tahanan mong inalagaang buong tiyaga
ang kalikasang kayo yaong tagapangalaga
ang kabundukang nag-alay ng buong pagpapala

di ka ba tatangis pag nalaman mong winawasak
ang inyong lupaing ninuno ng mga may pilak
ang kagubatang kuhanan ng pagkain ng anak
ang mga kapwa katutubo'y laging hinahamak

di ka ba luluha pag namasdan mong tinitibag
ang inyong lupain at kayrami nilang paglabag
gayong sa Kaliwa dam ay di kayo pumapayag
na sa proyektong ito kayo'y di napapanatag

di ka ba magagalit na buhay ninyo'y sinadsad
sa ngalan ng tubo at ng sinasabing pag-unlad
wasto lamang na proyektong ito'y inyong ilantad
at paninindigan ng katutubo'y mailahad

di ka ba mapopoot sa mga dating pinuno
na kapalit ng pera, kayo'y ipinagkanulo
na salinlahi't kultura'y nagbabantang maglaho
dahil sa kanilang kagagawan sa katutubo

di ka ba kikilos hangga't may natitirang oras
upang labanan ang sistemang di pumaparehas
upang ipagtanggol ang kalikasang dinarahas
puno man ng sakripisyo ang inyong dinaranas

di ka pa ba kikilos para sa kinabukasan
ng susunod na salinlahi't ng kasalukuyan
sabay nating isigaw: Itigil ang Kaliwa Dam!
iparinig natin sa mundo: No To Kaliwa Dam!

- gregoriovbituinjr.
02.20.2023
* kinatha habang nagpapahinga sa aming tinuluyang simbahan ng Saint Rose of Lima Parish, na tinulugan sa Teresa, Rizal

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.