Biyernes, Marso 31, 2023

Palaisipan sa numero

PALAISIPAN SA NUMERO

kaysarap sagutan ng Aritmetik at Sudoku
subukan mo rin ang palaisipan sa numero
eh, di ka naman nagbibilang ng poste o troso
kundi ang utak mo'y iyo lang ineehersisyo

sa Aritmetik, apat na kahon lang ang sagutan
sa dalawang gitnang kahon, dalawang integer lang
sa unang kahon ay produkto ng dalawang iyan
sa ikaapat na kahon ay sumatotal naman

sa Sudoku ay may padron, walumpu't isang kahon
isa hanggang siyam na numero'y ilagay doon
numero'y h'wag ulitin, pababa't pahalang iyon
gayon din ang gagawin sa blokeng tatluhang kahon

pinakapahinga ko na sa maraming gawain
dama'y pampagaan sa mabibigat na tungkulin
paglipat ng pokus mula sa tambak na sulatin
minsan nga, sa gabi'y makakatulugan mo na rin

lohika lang ang paganahin at sadyang kaysaya
sa ilang saglit lang ay malulutas mong talaga
subukan mo rin, ehersisyong kaiga-igaya
para kang nag-aayos ng samutsaring problema

- gregoriovbituinjr.
03.31.2023

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.