Biyernes, Hunyo 9, 2023

Libro't tsesbord ang sangkalan sa pagtuturnilyo

LIBRO'T TSESBORD ANG SANGKALAN SA PAGTUTURNILYO

wala nang makitang sangkalan ng patungang tabla
upang pagpantayin ang butas na sadyang nakamarka
para sa bookshelf upang maturnilyuhan talaga
kundi tsesbord at librong isa-isa kong kinuha

maraming salamat sa mga gamit kong nagkalat
na animo'y nagboluntaryong tumulong nga't sukat
diksyunaryo, aklat ng kwento, nobela't alamat
trabaho'y dumali, nag-iisa man akong pangkat

marahil, ginagawa ko'y alam ng mga libro
at ng tsesbord na sa bookshelf sila'y ilalagay ko
upang maging permanenteng tahanan nila ito
kaya tinulungan na ako sa pagtuturnilyo

kayraming karakter na naiisip ang makata
upang maisama sa mga kakathaing akda
salamat sa kanila't pagtulong nila'y dakila
maya-maya lang bookshelf ay mayayari nang sadya

mamayang gabi'y makakatulog silang mahimbing
o habang ako'y himbing, naglalaro sila't gising
bookshelf na tahanan nila'y nanamnaming magaling
pagkat naisalansan sila't di na marurusing

- gregoriovbituinjr.
06.09.2023

* mapapanood ang bidyo sa: https://fb.watch/l2Pctqv_Se/

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.