Sabado, Hulyo 29, 2023

Kwento - SONA na naman, sana naman...

SONA NA NAMAN, SANA NAMAN…
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa halos tatlong dekada na ay sumasali pa rin sina Igme at Isay sa mga kilos-protesta. Ani kumpareng Inggo nila: “Ano bang napapala natin sa pagdalo sa mga kilos-protesta? Nagbago ba ang buhay natin?”

Kaya napatanga sa kanya sina Igme at Isay. “Bakit ba ganyan na ang tono mo ngayon? Parang ikaw ang nagbago? Hinahanap mo pa rin ba na yumaman ka, gayong kakarampot lang naman ang sinasahod mo diyan sa pinapasukan mo?” ang sagot naman ni Isay.

“Mabuti nga na sumasama tayo sa kilos-protesta sa SONA upang ipakita ang tunay na kalagayan ng bayan kumpara sa ulat ng pangulo na pag-unlad kuno ng bayan. Na kesyo lumaki raw ang GDP subalit di naman ramdam ng mamamayan. Isang kahig, isang tuka pa rin ang mga maralita. Kontraktwal pa rin ang mga manggagawa.” ang tugon ni Igme.

“Subalit di pa rin naman nagbabago ang buhay natin?” ani Inggo.

“Magbabago ba ang buhay natin kung ang polisiya ng pamahalaan ay para sa negosyo, para sa mayayaman, para sa mga bilyonaryo? Hay, kaya tayo sumasama sa kilos-protesta sa SONA ay upang ipahayag natin na balintuna sa kalagayan ng bayan ang iniuulat ng pangulo, kundi para sa kanilang magkakauri lamang.” ani Igme.

Sumabad muli si Isay sa malumanay na paraan. “Kung ayaw mong sumama sa pagkilos sa SONA, huwag kang sumama. Kami na lang. Nais pa rin naming makiisa sa masa na matagal nang pinagsasamantalahan ng uring mapang-api. Ito ngang si Igme, kaytagal naging kontraktwal na dapat regular na sa kumpanya nila noon, hindi niya naipagtanggol ang sarili niya  laban sa kasong illegal dismissal dahil hindi siya noon sumali sa unyon. Bagamat pilit pa rin siyang ipinagtanggol ng unyon. Ang ganyang kaso ang hindi nireresolba ng pamahalaang ito. Ayos lang sa kanila ang kontraktwalisasyon dahil pabor iyon sa mga kapitalista.”

Napaisip si Inggo. “Kung sabagay, tama kayo. Subalit nangangako naman ang bagong pangulo na reresolbahin ang 6.5 milyong backlog sa pabahay. Baka mabiyayaan tayo roon.”

“Asa ka pa.” sabi ni Isay. “Ang balita namin, vertical ang itatayong pabahay, parang condo, at ang palakad diyan, dapat ay kasapi ka ng Pag-ibig upang may pambayad ka sa pabahay na milyon kada yunit. May pera ka bang pambayad? Hindi pangmaralita ang pabahay na iyon, kundi negosyo. Hindi serbisyo sa tao. Ninenegosyo na naman nila tayo.”

“Subalit gaya nga ng sinabi ko, taon-taon na lang ang SONA, kailan pa tayo titigil sa ganyang pagkilos?” muling sabi ni Inggo.

Agad namang sumagot si Igme, “Kaytagal na nating pinag-usapan iyan.  Kikilos tayo, hindi lang sa SONA, kundi sa Mayo Uno, Araw ng Kababaihan, Karapatang Pantao, at iba pa, basta may isyu ang bayan. Hindi para sa maralita ang mga nagdaang gobyerno kundi para lagi sa negosyo at sa mga kauri nilang mayayaman. Kaya nga ang polisiya nila ay taliwas sa kagustuhan ng mamamayan. Diyan pa lang sa usapin ng kontraktwalisasyon, mataas na bilihin, ang hindi maampat na land grabbing na hanggang ngayon ay hindi maipasa-pasa ang National Land Use Act, dahil asawa ng isang senador ang isa sa kilala nating land grabber, aba’y aasahan mo pa bang magbabago ang buhay natin. Ang dapat sa kanilang uring mapagsamantala sa maliliit ay ibinabagsak. Ayon nga sa awiting Tatsulok, ‘at ang hustisya ay para lang sa mayaman.’ At hindi tayo papayag na magpatuloy ang ganyan, lalo na para sa ating mga anak, apo, at sa mga susunod na henerasyon.”

Napatungo si Inggo. Maya-maya’y napatitig kay Igme, “Pilit ko pa ring inuunawa ang sinasabi ninyo. Habang sa utak ko ay para bang nangangako na naman ng matatamis ang pangulo tulad ng iba pang nakaraang pangulo.”

“Bente pesos na ba ang sangkilong bigas? Aba’y nang minsang  kumain tayo sa mall, trenta pesos na ang isang tasang kanin, asa ka pa rin sa pangako ng pangulo? Hanggang kailan ka kontraktwal?” Ani Isay.

Napatungo na naman si Inggo. “Sabagay, tama kayo. Nauunawaan ko na. Sasama ako sa inyo sa pagkilos sa SONA.”

Si Isay muli, “Makikinig tayo sa tunay na kalagayan ng bayan ayon mismo sa bibig ng mga manggagawa at kapwa natin maralita. Tayo pa rin namang magkakauri ang uugit ng ating kasaysayan at kinabukasan natin at ng ating mga anak. Magpalit-palit man ang pangulong para sa mga kapitalista, hindi pa rin magbabago ang buhay natin.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hulyo 16-31, 2023, pahina 18-19.

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.