Martes, Agosto 29, 2023

Kwento - Rali ng maralitang taga-Malipay


RALI NG MARALITANG TAGA-MALIPAY
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ako sa mga sumama sa rali ng mga taga-Malipay sa isang araw nilang pag-iikot at pagpoprograma sa harap ng Senado, Kongreso at sa paanan ng Mendiola. Bunsod iyon ng nangyayari sa kanila na pagtanggal ng kuryente at ang buo nilang komunidad ay binakuran na ng pamilya ng isa sa makapangyarihan at mayamang angkan sa bansa.

“Dumudulog kami ngayon sa Senado upang mapaimbestigahan ang nagaganap sa aming lugar kung saan binakuran na ang aming pamayanan at tinanggalan pa kami ng kuryente kung saan wala na kaming ilaw sa gabi. Walang bentilador ang aming mga anak na kapag natutulog na’y nilalamok. Hindi na rin kami makapag-charge ng aming selpon dahilan upang hindi kami makontak ng aming mga kamag-anak.” Ito ang sabi ng isang lider-maralita habang tangan ang megaphone.

Binulungan din ako ni Ka Tek, ang bise-presidente ng aming samahan, “Pakinggan mo ang kanilang inilalahad. Talagang mula sa puso. Mula sa galit nila sa mga namamanginoon at nang-aagaw ng kanilang lupang tinitirahan.” Napatango na lang ako dahil totoo. Kita mong tahimik lang sila roon ngunit nanggagalaiti na sa galit bagamat nagpipigil.

Sigaw naman ng isang lider-maralita. “Karapatan sa paninirahan, ipaglaban!” At sinabayan din namin ang kanyang sigaw. “Karapatan sa paninirahan, ipaglaban! Karapatan sa paninirahan, ipaglaban”

Nagpa-receive din sila ng liham na humihiling na imbestigahan ng Senado ang nangyayari sa kanila. Subalit may agam-agam sapagkat isang Senador ang kalaban nila sa nasabing lupa at umano’y asawa ng isang talamak na land grabber. Sa isip-isip ko, hindi kaya harangin lang ang sulat? Gayunman, nagpatuloy sila sa pagkilos. Matapos iyon ay nagsilulan na kami sa mga sasakyan upang magtungo ng Mendiola.

Habang daan, napapag-usapan namin paano magpo-programa sa Mendiola, gayong alam naming di na pinapapasok sa makasaysayang tulay ng Mendiola ang sinumang nais magpahayag. 

Bukas ang Mendiola kung saan paroo’t parito ang mga sasakyan habang naglalakad naman papasok ang mga estudyante. Umakyat kami sa footbridge at pagdating sa paanan ng Mendiola ay agad nagladlad ng plakard, nagkapitbisig at nagprograma. Nais talaga ng mga maralita na matugunan ang kanilang problema, dahil buhay, gutom at kawalan ng tirahan ang kanilang kinakaharap. Para sa kanila, makasaysayan ang pagkilos na iyon. At naging bahagi kami ng nasabing kasaysayan.

Agad kaming hinarang ng mga pulis. Itinaboy sa labas ng paanan ng Mendiola. Mukhang napaganda pa ang pwesto, dahil sa mas maraming taong nagdaraan at nakasakay ang makakabasa ng aming mga plakard. At baka maunawaan nila ang aming mga ipinaglalaban.

Binigyan kami ng mga pulis ng labinglimang minuto para sa apat na tagapagsalita. Naglahad doon ng kanilang damdamin ang mga taga-Malipay. Habang ang mga kasama ay matatag na nagkakapitbisig.

Katanghaliang tapat na iyon. Matapos ang pagkilos sa Mendiola ay nagsikain muna kami. May baon ang ilan, habang kami’y kumain sa karinderyang malapit doon. Alauna na ng hapon nang lumarga kami.

Nang papunta na kami ng Kongreso ay nadaanan namin ang Commission on Human Rights o CHR. Bakit kaya hindi namin binigyan ng liham iyon? Sa isip-isip ko, baka dahil hindi na kaya sa buong maghapon ang lakarin. Matapos ang Kongreso ay pupunta pa sa Energy Regulatory Commission para hilinging ibalik ang kanilang kuryente.

Dumating kami sa panulukan ng Commonwealth Ave. at Batasan Ave. sa ganap na ikalawa ng hapon. Doon ay hinintay pa namin ang ibang kasamang umano’y nahuli ang sinasakyan. Pasado ikatlo ng hapon ay lumarga na kami. Mga limang sasakyan na lamang kami.

Sa South Gate ng Kongreso ay nagprograma agad kami habang sa North Gate naman nagtungo ang ilang kasama upang magpa-receive ng sulat. Sana nga ay maimbestigahan na, in aid of legislation, masulat ng midya, o kaya’y talagang maresolba na ang kanilang problema.

Hindi madali ang kanilang laban. Wala namang madaling laban. Ngunit ang ipinakita nilang pakikibaka sa ligal na paraan, pagtungo sa Senado, Malakanyang at Kongreso, ay nagbibigay inspirasyon sa iba pa na matutong ipaglaban ang kanilang mga karapatan sa paninirahan at mapahalagahan ang karapatan ng bawat tao.

Hindi na kami pumunta ng ERC dahil mag-aalas-singko na. Hindi na kami aabot. Gayunman, sana’y maipanalo nila ang kanilang laban.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Agosto 16-31, 2023, pahina 18-19.

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.