Martes, Pebrero 27, 2024

Ang aklat ng mag-asawang mangangatha

ANG AKLAT NG MAG-ASAWANG MANGANGATHA
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Araw ng mga Puso ngayong taon nang mabili ko ang aklat na ito, na nang mabasa ko ay doon ko lamang nalaman na mag-asawa pala sila ng higit limampung taon. Ang aklat na pinamagatang "2 - Tula: Manuel Principe Bautista, Sanaysay: Liwayway A. Arceo" ay nabili ko sa Popular Bookstore sa Tomas Morato sa Lungsod Quezon sa halagang P200.00. Inilathala ito ng University of the Philippines Press noong 1998. May sukat bna 5" x 8", na ang kapal ay 1/2", naglalaman ito ng kabuuang 224 pahina, kung saan ang 198 na pahina ang inilaan sa tula't sanaysay, habang 26 na pahina naman ang naka-Roman numeral kung saan naroon ang Nilalaman, Paunang Salita, Pasasalamat, at iba pa.

Narito ang pagpapakilala sa aklat na matutunghayan sa likod na pabalat:

"ANG AKLAT"

"Dalawang aklat sa isa: mga tula at sanaysay na pawang nalathala sa pang-araw-araw na Isyu (1995-1996), Ito ang 2 - mula sa dalawang premyadong manunulat na kapwa kolumnista sa nasabing pahayagan at ipinagmamalaki ang mayabong at malalim na mga ugat sa Tundo, Maynila."

"ANG MGA AWTOR"

"Sina MANUEL PRINCIPE BAUTISTA (1919-1996) at LIWAYWAY A. ARCEO (1924- ) ay magkatuwang din sa buhay, at bago yumao si MPB ay ipinagdiwang nila ang kanilang Gintong Anibersaryo ng kasal (31 Enero 1996). Si MPB, na higit na kilala sa pagiging makata, ay may nauna nang katipunan ng kanyang mga piling tula, Himig ng Sinag (1997). Samantala, si LAA, na malikhaing manunulat at may anim nang aklat ng malikhaing katha at ilan nang nobela, ay ito ang unang koleksyon ng sanaysay."

"Ang pagsusulat (mula noong 1935) ay bahagi lamang ng buhay ni MPB: 45 taon siyang kabilang sa isang bangko ng pamahalaan, una ay karaniwang kawani hanggang maging pinuno. Ang pagsusulat ay buong buhay ni LAA: 57 taon na siyang aktibong propoesyonal na manunulat, bukod sa pagiging editor."

"Ang paghahati nila sa buhay ay nagbunga ng anim na supling na pawang propesyonal - Florante, Isagani, Celia, Flerida, Ibarra, at Jayrizal. Ngunit ang bunso lamang ang sumunod sa kanilang mga yapak: kasalukuyang editor ng isang newsmagazine, bagamat sa Ingles. Ang puno ng kanilang pamilya ay maraming mabulas na sanga - 18 apo na propesyonal na ang tatlo at 3 apo sa tuhod."

Ang nagbigay ng Paunang Salita sa aklat ay ang premyado ring manunulat na si Ginoong Roberto T. Añonuevo.

Hinati ang nilalaman sa dalawang bahagi. Ang mga tula ni Manuel Principe Bautista, na naglalaman naman ng anim na hanay ng mga tula, na hinati sa mga sumusunod:
(1) Ang Makata - may limang tula
(2) Ang Makata, Sa Diyos - may tatlong tula
(3) Ang Makata, Sa Bayan - may walong tula
(4) Ang Makata, Sa Kapwa - may labindalawang tula
(5) Ang Makata, Sa Panahon - may limang tula
(6) Ang Makata, Sa Iba Pa - may siyam na tula

Sa kabuuan, may apatnapu't dalawang tula sa kalipunan si MPB.

Ang ikalawang bahagi naman ng aklat ay pawang mga Sanaysay ni LAA, na hinati naman sa mga sumusunod:
(1) Ang Babae Bilang Manunulat - may limang sanaysay
(2) Ang Babae Bilang Kaanak - may labindalawang sanaysay
(3) Ang Babae Bilang Inampon ng Diyos - may apat na sanaysay
(4) Ang Babae Bilang Tao at Tagamasid - may walong sanaysay
(5) Ang Babae Bilang Alagad ng Wika - may tatlong sanaysay

Sa kabuuan, may tatlumpu't dalawang sanaysay sa kalipunan si LAA.

Mabuti't natagpuan ko ang aklat na ito, dahil ang mga ganitong aklat ay bihira lang, at di basta matatagpuan sa karaniwang bilihan ng aklat. Kumbaga, klasiko ang aklat na ito ng mag-asawang manunulat. Nag-alay ako ng tula para sa kanila.

SA MAG-ASAWANG MANGANGATHA

tunay na pambihira ang ganitong aklat
ng mag-asawang makata at manunulat
klasiko na ito't panitikang panlahat
mga paksa'y pangmasa't kayang madalumat

kakaiba rin ang hagod ng kanyang tula
na binigyang saysay ang pagiging makata
sa mga sanaysay nama'y isinadiwa
kung ano ang babae bilang kanyang paksa

masasabi ko'y taospusong pagpupugay
sa makata't sa asawang mananalaysay
ang inyong pinamana'y pawang gintong lantay
para sa sunod na salinlahi't kalakbay

sa inyong dalawa, maraming salamat po
akda'y naisaaklat na't di maglalaho

02.27.2024

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.