Lunes, Marso 3, 2025

Esensya

ESENSYA

matagal ko nang itinakwil ang sarili
upang sa uri at sa bayan ay magsilbi
lalo na't ayokong maging makasarili
sapagkat buhay iyong di kawili-wili

mabuti pa ngang magsilbi tayo sa masa
magsilbi sa maliliit, di sa burgesya
labanan ang mga kuhila't dinastiya
kahulugan ng buhay ay doon nakita

esensya ng buhay tuwina'y nalilirip
kapiling ng masa't dukhang dapat masagip
mula sa hirap, ginhawa ba'y panaginip?
tibak na tulad ko'y kayraming nasa isip

uring manggagawa, hukbong mapagpalaya
ang laging isinisigaw ng aking diwa
manggagawa't magsasaka ang mapagpala
na sana'y magtagumpay sa inaadhika

- gregoriovbituinjr.
03.03.2025

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.