Sabado, Agosto 9, 2025

Huwag magyosi sa C.R.

HUWAG MAGYOSI SA C.R.

ang paalala'y napakasimple: 
"Please no smoking. (Huwag magyosi.)
Fire alarm may trigger." sisirena
ang alarm na may usok, may sunog

minsan, ang pahinga ng marami
mula sa trabaho ay magyosi
kapag break time, yosi break din nila
animo'y nagsusunog ng baga

pag nangamoy usok, ang detector
ay magpapakawala ng tubig
uunahan sakaling may sunog
ay maapula agad ang apoy

bakasakali babaha sa mall
at maaabala ang sinuman
basa ang maraming kagamitan
tutukuyin ang may kasalanan

kaya paalala'y ating sundin
para rin sa kapakanan natin
upang di maalarma ang lahat
sundin ang babala at mag-ingat

- gregoriovbituinjr.
08.09.2025

* kuha ang litrato sa isang C.R. sa mall

Sabalo

SABALO

Una Pahalang, agad nasagot
ang tanong: Nangingitlog na Bangus
batid ng buhay organisador
na kalsada iyon sa Malabon

bukambibig nga iyang Sabalo
ng isang lider na kilala ko
iyon ang kanyang iniikutan
upang masa'y pagpaliwanagan

ng mga isyu ng maralita:
pabahay, klima, basura, baha
batay sa isda ang mga ngalan
ng mga tabi-tabing lansangan

kaya Sabalo'y nasagot agad
sa palaisipang nabulatlat
sabalo'y bangus na nangingitlog
pag batid mo ang wikang Tagalog

- gregoriovbituinjr.
08.09.2025

* palaisipan mula sa Abante Tonite, Agosto 5, 2025, p.7

Plastik at baha

PLASTIK AT BAHA

kayraming plastik palang nagbabara
na pinagtatapunan ng basura
sa mga imburnal kaya may baha
sa iba't ibang daluyan ng tubig
sa lugar pang inihian ng daga

kayrami ring plastik ang nagsasabi:
"Bawal magtapon ng basura dito!"
ngunit kapitbahay siya'y bistado
na madalas magtapon ng basura
sa imburnal malapit sa kanila

kailan matitigil ang ganito
kung tao mismo'y walang disiplina
pag nagka-leptospirosis, kawawa
ang mga mapapalusong sa baha
ingat po, ingat, mga kababayan

dapat pang ipaalam pag nagbara
ang imburnal nang dahil sa basura
ay magbabaha, kawawa din sila
tao'y maging disiplinado sana
subalit ito'y pangarap na lang ba

- gregoriovbituinjr.
08.09.2025

* litrato mula sa editorial cartoon ng pahayagang Bulgar, Hulyo 31, 2025, p.3

Biyernes, Agosto 8, 2025

Guro at maestro

GURO AT MAESTRO

tila may gender ang kaibahan
ng guro't maestro, kainaman
nang makita sa palaisipan
bagamat dapat ay wala naman

walang gender ang guro, puwede
kay mam - babae, kay sir - lalaki
subalit pag maestra - babae
ang maestro naman ay lalaki

halos magkatabi sa pahalang
tawag sa guro, ang sagot ay "MAM"
tawag sa maestro ay "SIR" naman
tila guro'y pangkababaihan

gayong may mga lalaking guro
na mahusay ding tagapagturo
o lumikha ng krosword nahulo
na sa mga salita'y maglaro

- gregoriovbituinjr.
08.08.2025

* krosword mula sa pahayagang Bulgar, Agosto 8, 2025, pahina 11

Kasaysayan ng broadsheet

KASAYSAYAN NG BROADSHEET

buwis daw noong unang panahon
ng diyaryo'y binabatay pala
ayon sa pamahalaang Briton
sa bilang ng kanilang pahina

laksang pahina, malaking buwis
at naisip ng nasa diyaryo
konting pahina, konti ring buwis
kaya pinalaki nila ito

buti sa Pilipinas, di ganyan
dahil tabloid pa rin ay kayrami
buting magbasa ng kasaysayan
kahit gaano tayo ka-busy

salamat sa historyang ganito
at ang kagaya kong manunulat
sa mga nabasa'y natututo
magbuklat, bulatlat, mamumulat

- gregoriovbituinjr.
08.08.2025

* ulat mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Hulyo 18, 2025, pahina 5

Huwebes, Agosto 7, 2025

Pagtahak

PAGTAHAK

lakad ng lakad
hakbang ng hakbang
tahak ng tahak
baybay ng baybay

kahit malayo
kahit mahapo
saanmang dako
ako dadapo

ang nilalandas
ko't nawawatas
bayang parehas
lipunang patas

pawang pangarap
kahit mailap
kahit maulap
nais maganap

- gregoriovbituinjr.
08.07.2025

Miyerkules, Agosto 6, 2025

Balitang welga

BALITANG WELGA

panig ba ng unyon ay naibulgar?
o ng manedsment lang sa dyaryong Bulgar?
nabayaran kaya ang pahayagan?
upang nagwelgang unyon ay siraan?

nang ako'y naging manggagawa dati
pabrikang KAWASAKI ay katabi
ng pabrikang noo'y pinasukan ko
doon sa Alabang, pabrikang PECCO

kaya ang laban ng kanilang unyon
sa kalooban ko'y malapit iyon
sa tarangkahan nga ng Kawasaki
papasok upang magtrabaho kami

nawa ang panig din ng nagwewelga
sa Bulgar ay maibalita sana
di lang ang panig ng nagnenegosyo
kundi't higit ang panig ng obrero

- gregoriovbituinjr.
08.06.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Agosto 6, 2025,  pahina 2
* PECCO - Precision Engineered Components Corporation

Bigla ang pagbuhos ng ulan

BIGLA ANG PAGBUHOS NG ULAN

bigla ang pagbuhos ng ulan
habang paalis sa tahanan
animo'y may bagyo na naman
at magbabaha ang lansangan

may parating na namang unos?
lalo na't kaytindi ng buhos
tila sa kutis umuulos
buti't sa bubong di pa tagos

aalis ba? o magpahinga?
magtipa muna sa gitara?
katatapos ko lang maglaba
at malinisan ang kusina

ay, ayoko ngang managasa
ayokong lumusong sa baha
ang lepto ay iwasang sadya
ulan din mamaya'y huhupa

- gregoriovbituinjr.
08.06.2025

* mapapanood ang munting bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/16eL4GdcZd/ 

Bawang juice

BAWANG JUICE

nag-init ng tubig sa takure
at naglagay ng bawang sa baso
di naman ako nagmamadali
mamayang tanghali pa lakad ko

madaling araw pa nang magising
nagtrabaho na sa pagsusulat
nagutom, nagluto, at kumain
bawang ay tinanggalan ng balat

sa baso, butil nito'y nilagay
nagbanto ng mainit na tubig
at ininom habang naninilay
ang nawala kong sinta't pag-ibig

pampalakas nga raw ang bawang juice
subalit dapat huwag madalas
hanggang sa ito'y aking maubos
ay, kaysarap nitong panghimagas

- gregoriovbituinjr.
08.06.2025

Iskor sa pagsusulit: 7/50

ISKOR SA PAGSUSULIT: 7/50

nakita ko lang sa pesbuk
sipnayan ang paksa nito
pagsusulit o pagsubok
paano gawan ng grado

upang di naman magdamdam
ang lagpak na estudyante
iniskwerut ang iskoran
at baka raw makabuti

ang iskor sa biglang tingin
mataas, isa lang mali
ngunit iskor, bagsak man din
na wala sa kalahati

damdamin ng mag-aaral
ay isinaalang-alang
ganyang guro'y magtatagal
inpirasyon ang nilinang

iskwerut ang pagiiskor
na ginawa nitong guro
sa mag-aaral ay motor
nang magsikap at lumago

- gregoriovbituinjr.
08.06.2025

* sipnayan - kahulugan ay matematika
* litrato mula sa pesbuk

Martes, Agosto 5, 2025

Batang babae, pinatay ng 13-anyos

BATANG BABAE, PINATAY NG 13-ANYOS

hubo't hubad ang batang babae
nang makita sa bakanteng lote
siya pala'y napatay sa sakal
ng trese anyos, karumal-dumal

anong pait ng kanyang sinapit
sa kamay ng taong nagmalupit
at kung ako ang ama ng bata
tiyak magagalit akong sadya

nang pinaslang sa sakal ang anak
bukas niya'y sa putik nasadlak
dapat lang mapanagot sa krimen
ang suspek na lumikha ng lagim

yaong mimimum age of criminal
responsibility, o ang MaCR
trese anyos ay di pasok sadya
kahit ginawa'y kasumpa-sumpa

maging sa Child in Conflict with the Law
ay di pasok ang suspek na ito
mababa sa edad disi-otso
na hanggang kinse anyos daw ito

isang panawagang dapat dinggin
katarungan sa biktima'y kamtin
at ang suspek sa nagawang krimen
batay sa batas ay pagbayarin

- gregoriovbituinjr.
08.05.2025

* ulat mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Abante Tonite at Bulgar, Agosto 5, 2025
* Juvenile Justice and Welfare Act of 2006
SEC. 6. Minimum Age of Criminal Responsibility. 

Lunes, Agosto 4, 2025

Anong pamalit sa kanin?

ANONG PAMALIT SA KANIN?

anong magandang kainin
na ipampalit sa kanin?
sabihin mo nga sa akin
baka payo mo'y magaling

mataas daw ang sugar ko
e, rice-based na bansa tayo
kanin ng kanin, totoo
mula pa nang bata ako

mais ba'y nakabubusog?
kamote ba'y pampalusog?
tulad ng gulay at itlog?
ano ang magandang sahog?

anong alternatibo ba?
nang mabago ang sistema
nang sugar di tumaas pa
kung walang kanin, ano na?

turan mo, O, kaibigan
ang wastong pamalit diyan
alin ang pangkalusugan?
at ako'y iyong tulungan!

- gregoriovbituinjr.
08.04.2025

Pagninilay

PAGNINILAY

samutsaring alalahanin
pa ring nasa diwa't damdamin
makailan ngang iisipin
ang sintang nawalay sa akin

ngunit ayokong kalimutan
ang kanyang naiwang larawan
sa puso't bawat panagimpan
pagsintang mapagkailanman

sa bawat kwento't paglalakbay
sa lakarang mahabang tunay
sa bawat tula'y siyang tulay
sa madalas na pagninilay

nawa'y kamtin pa ang pangarap
makasama sa writer's workshop
makatuntong sa alapaap
maging nobelista nang ganap

- gregoriovbituinjr.
08.04.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/1Br1W7TsLG/ 

Linggo, Agosto 3, 2025

Napagkamalan tulad ni Kian

NAPAGKAMALAN TULAD NI KIAN

naalala ko muli si Kian
delos Santos na napagkamalan
siya'y agad daw pinaputukan
dahilan ng kanyang kamatayan

nagmakaawa ang binatilyo
na sinabi'y "huwag po, huwag po
may pasok pa ako bukas", ngunit
siya pa'y walang awang pinaslang

ulat sa Bulgar, napagkamalan
binatilyong edad labingsiyam
John Andrei Despi Dahlen ang ngalan
na sa ulo ay pinaputukan

may nagtanong kung nahan si 'Daga'
tinuro ng tambay ang biktima
anya, "hindi po ako 'yun kuya"
subalit pinaslang pa rin siya

nawa'y maimbestigahang tunay
ang ganyang ulat na sinalaysay
mabatid ang dahilan ng pakay
at bigyang hustisya ang namatay

- gregoriovbituinjr.
08.03.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Agosto 3, 2025, p. 2

Sabado, Agosto 2, 2025

Higit P17 Trilyong utang ng bansa

HIGIT P17 TRILYONG UTANG NG BANSA

labimpitong trilyong piso na pala
ang utang ng Pilipinas kong mahal
ito ang napabalita talaga
kaya ba mga bilihin na'y mahal?

isandaan labing-anim na milyong
Pinoy na itong ating populasyon
utang na hinati sa bawat tao
ay halos sandaan limampung libo

ano nang gagawin, kamanggagawa
ibebenta'y kaluluwa ng bansa
paano na ba ang kinabukasan
nitong bayan, ng lupang tinubuan

sana'y may makasagot nitong tanong
lalo't may Freedom from Debt Coalition
sa utang paano tayo lalaya?
may magandang bukas pa ba ang bansa?

kwenta:
P117,267,000,000,000 / 116,869,595 Pinoy
P147,745.87 bawat Pinoy

- gregoriovbituinjr.
08.02.2025

* populasyon ng Pilipinas, mula sa kawing na https://www.worldometers.info/world-population/philippines-population/ (as of 10:49 am)
* ulat mula sa pahayagang Sagad, Agosto 1, 2025, p.2

Lola, inakalang mangkukulam, pinaslang

LOLA, INAKALANG MANGKUKULAM, PINASLANG

panahon pa ba ng pamahiin
kultura'y may mangkukulam pa rin
tulad ng napaulat na krimen
lola'y pinatay at sinunog din

pinagpapalo yaong matanda
ng tangkay ng niyog hanggang siya'y 
mawalan ng malay, tinabunan
ng tuyong dahon at sinilaban

karumal-dumal ang inihasik
o may mental health problem ang suspek
o sugapa pa sa gamot, adik
kaya kung kumilos ay may saltik

sa imbestigasyon ng pulisya
iniwanan siya ng asawa
kaya depresyon ang danas niya
subalit idinamay si lola

hustisya sa matandang pinaslang
na pinagbintangang mangkukulam
sana hustisya'y kanyang makamtan
at ang suspek ay maparusahan

- gregoriovbituinjr.
08.02.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar at Pilipino Star Ngayon, Hulyo 31, 2025

Biyernes, Agosto 1, 2025

Minsan, umaawat ang napapatay

MINSAN, UMAAWAT ANG NAPAPATAY

umawat lang sa away, nasaksak pa
nandamay pa ang kainuman niya
kayhirap kung sa inuman, may away
ang umawat, siya pa ang napatay

sa ganyang away, huwag nang manood
tumawag na lang ng barangay tanod
batid nila paano ba aawat
at magdepensa upang di masilat

kaya sa inuman, maging alerto
baka mag-iba ang timpla ng ulo
ng kainuman at mapagbalingan
ka't maging dahilan ng kamatayan

ingat lagi sa ganyang pagbabarik
baka iba ang sa iyo'y ibalik
makiramdam, tagay mo man ay konti
buti nang magpaalam at umuwi

- gregoriovbituinjr.
08.01.2025

* ulat mula sa pahayagang Sagad, Agosto 1, 2025, p.2

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.