Sabado, Disyembre 13, 2025

Pagdalo sa talakayan hinggil sa dystopian fiction

PAGDALO SA TALAKAYAN HINGGIL SA DYSTOPIAN FICTION
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Lumahok ako kanina sa forum na Writing Dystopian Fiction, sa booth ng Adarna House sa Gateway Mall sa Cubao, na ang tagapagsalita ay si Ginoong Chuckberry Pascual. 

Ilan sa aking mga nakuhang punto o natutunan: 
1. Ang Dystopian pala ay tulad sa Armaggedon.
2. Kabaligtaran iyon ng utopian, na ang Utopia ay magandang lugar, ayon sa akda ni Sir Thomas More. Ang dys ay Griyego sa masama o mahirap, at ang topos ay lugar. Dystopia - masamang lugar.
3. Tatlong halimbawa ang tinalakay niyang dystopian fiction, ang pelikulang Hunger Games, ang pelikulang DIvergence, at ang nobelang 1984 ni George Orwell.
4. Ang dystopian fiction ay inimbento ni John Stuart Mill noong 1898.
5.. Paano pag sa Pilipinas nangyari, o Pilipinas ang setting, lalo na;t dumaan tayo sa pandemya, bakuna, anong mga pananaw, bakit di pantay ang lipunan.
6. Ekspresyon ito ng takot at pag-asa pag nawasak ang mundo
7. Sa pagsusulat, mabuting magkaroon ng character profile. Edad, uring pinagmulan, kasarian, pamilya, kaibigan, kapaligiran.
8. Itsura ng mundo - araw-araw na pamumuhay, tubig, pagkain, damit, teknolohiya, kaligtasan mula sa panganib
8. Uri ng gobyerno - totalitarian, batas, kultura, pagbabago sa ugali o pananaw
9. Di nakikita - mga lihim, kasinungalingan, kadiliman at kasamaan, pagkabulok ng lipunan
10. Banghay - normal na dystopia, watda o silip sa hindi nakikita, detalyeng magbibigay ng bagong pananaw sa pangunahing tauhan, anong desisyon ng bida - lalaban o uurong?, new normal - ang mundo pagkatapos ng pagbabago
11. Paano pa rin mananatiling tao, na may dignidad
12. Personal journey ang pagsusulat, may maituturo hinggil sa istruktura ng pagsusulat ngunit hahanapin mismo ng manunulat ang sarili niyang estilo

Nagtaas ako ng kamay ng ilang beses sa open forum:
1. Tinukoy ko bilang halimbawa ang RA 12252 na magandang gawing dystopian fiction, dahil ginawa nang batas na pinauupahan na sa dayuhan ng 99 na taon ang lupa ng bansa
2. Anong kalagayan ng bayan? Binanggit kong naisip ko bilang dystopian fiction ang mga tinokhang, na bumangon at naging zombie upang maghiganti, na ayon sa tagapagsalita, ay magandang ideya
3. (Hindi ko na naitanong dahil ubos na ang oras?) Paano kung ang kasalukuyang gobyerno ay puno ng kurakot? Pag-iisipan ko kung paano ang dystopian fiction na aking isusulat.

Nang matapos ang talakayan ay book signing na ng kanyang libro sa mga dumalo roon at nakinig.

Natabig ng dagâ ang bote

NATABIG NG DAGÂ ANG BOTE

masasabi bang binasag
ng dagâ ang boteng iyon
o di sinadyang natabig
kaya bumagsak sa sahig

mula roon sa bintanà
ay nakita ko ang dagâ
mabilis na tumatakbo
nang marating ang lababo

binugaw ko, anong bilis
niyang tumakbo't umalis
ang boteng natabig naman
sa sahig agad bumagsak

boteng sa uhaw pamatid
ay natabig ng mabait
ano kayang pahiwatig
baka ingat ang pabatid

- gregoriovbituinjr.
12.13.2025

Alahoy!

ALAHOY!

parang wala nang kabuhay-buhay
yaring buhay kapag naninilay
para bang nabubuhay na bangkay
na hininga'y hinugot sa hukay

may saysay pa ngâ ba yaring búhay
kung sa tula't rali nabubuhay
mabuti yata'y magpakamatay
nang sinta'y makapiling kong tunay

tula na lang ang silbi ko't tulay
tula'y tulay sa di mapalagay
sa mundô ba'y ano pa ang saysay
kung nabubuhay lagi sa lumbay

wala bang magpapayo? Alahoy!
wala bang kaibigan? Alahoy!
wala na ba ang lahat? Alahoy!
ako nga ba'y patay na? Alahoy!

- gregoriovbituinjr.
12.13.2025

* Alahoy! - mula sa Diksiyonaryong Adarna, p.21

Kapoy

KAPOY

walâ na bang makatas sa diwà
ng makata't di na makatulâ?
bakit pluma'y tumigil na sadyâ?
ang unos ba'y kailan huhupà?

ilang araw ding di nakákathâ
kwento't tula'y di na makagawâ
leyon at langgam man sa pabulâ
may delubyo kayang nagbabadyâ?

di makapag-isip? namumutlâ?
gayong naglulutangan ang paksâ
sa lansangan, dibdib, libog, luhà,
tuhod, ulo, ere, dagat, bahâ

panga, pangat, pangatlo, pawalâ
talampakan, basura, bahurà
talapihitan, dukhâ, dalitâ
palatuldikan, makata'y patdâ

labas na, makatang maglulupâ
sa iyong silid, yungib o lunggâ
hanggang pagkatulala'y mapuksâ
at kapoy ay tuluyang mawalâ

- gregoriovbituinjr.
12.13.2025

Biyernes, Disyembre 12, 2025

Pagtatása at Pagtatasá (Assessment and Sharpening)

PAGTATÀSA at PAGTATASÁ
(Assessment and Sharpening)

pag natapos ang plano at mga pagkilos 
ay nagtatàsa o assessment nang maayos
kung ang pagtatasá o sharpening ba'y kapos?
at nakinabang ba ang tulad kong hikahos?

kaya mahalaga ang dalawang nabanggit
kung pagtatása o sharpening ba'y nakamit?
sa pagtatasá o assessment ba'y nasambit?
anong mga aral ang dito'y mabibitbit?

mga plinano'y di dapat maging mapurol
sa planong matalas, di sayang ang ginugol
sa assessment ba'y ano kayang inyong hatol?
buong plano ba'y naganap? wala bang tutol?

tingnan mo lang ang tuldik sa taas ng letra
at ang salita'y mauunawaan mo na 
kayâ ngâ ang pagtatása at pagtatasá
sa bawat organisasyon ay mahalaga

- gregoriovbituinjr.
12.12.2025

Ayokong mabuhay sa utang

AYOKONG MABUHAY SA UTANG

ayokong mabuhay na lang
upang magbayad ng utang
tulad sa kwentong "The Necklace"
nitong si Guy de Maupassant

subalit kayraming utang
na dapat ko pang bayaran
ako'y nabubuhay na lang
upang magbayad ng utang

kayâ buô kong panahon
sa bawat galaw ang layon
paano bayaran iyon
buong buhay ko na'y gayon

habang kayraming kurakot
mga pulitikong buktot
kaygandang buhay ng sangkot
silang sa bayan ay salot

ikinwento ni Maupassant
sadyang wala ka nang buhay
kumikilos parang patay
nabubuhay parang bangkay

di matulad kay Mathilde
Loisel sa akdang "The Necklace"
yaong nais ko't mensahe
sa kapwa ko't sa sarili

sa tulad kong pulos utang
tama ka, Guy de Maupassant:
ang nabubuhay sa utang
ay wala nang kasiyahan

- gregoriovbituinjr.
12.12.2025

* litrato mula sa google

Tulawit: KAMI'Y DATING BILANGGONG PULITIKAL

Tulawit: KAMI'Y DATING BILANGGONG PULITIKAL
(kinathâ upang awitin)

kami'y dating bilanggong pulitikal
na adhikain sa bayan ay banal
na layunin sa bayan ay marangal
na may taglay na disiplinang bakal

kumilos upang lumayà ang bayan
sa kuko ng dinastiya't gahaman
sa pangil ng buwaya at kawatan
sa sistemang bulok at kaapihan

tinuring na kaaway ng gobyerno
at kinulong sa gawa-gawang kaso
gayong naging aktibistang totoo
nang di pagsamantalahan ang tao

nilabanan ang bulok na sistema
panawaga'y panlipunang hustisya
nilabanan ang sistemang baluktot
kalaban ngayon ay mga kurakot

tuloy ang laban tungong pagbabago
itayô ang lipunan ng obrero
lipunang patas, pantay, makatao
lipunang walang kawatan at trapo

- gregoriovbituinjr.
12.12.2025

* litrato mula sa google

Huwebes, Disyembre 11, 2025

Pipikit na lang ang mga mata ko

PIPIKIT NA LANG ANG MGA MATA KO

pipikit na lang ang mga mata ko
upang matulog ng himbing na himbing
napapanaginipa'y paraiso
na lipunang makatao'y kakamtin

aba'y kayganda ng panaginip ko
na para bang ako'y gising na gising
umalwan ang buhay sa bansang ito
ginhawa ng dukha'y natamo na rin

wala nang namamayagpag na trapo
walang dinastiya't oligarkiya
na nagpapaikot ng ating ulo
na masa'y dinadaan sa ayuda

lipunan na'y binago ng obrero,
ng mga aping sektor ng lipunan
pagpupugay sa uring proletaryo
pagkat binago ang sandaigdigan

pipikit na lang ang mga mata ko
kung sa pagbaka'y napagod nang ganap
kung nais nang magpahinga ng todo
kung natupad na'y lipunang pangarap

- gregoriovbituinjr.
12.11.2025

Di magsasawang magrali hangga't may api

DI MAGSASAWANG MAGRALI HANGGA'T MAY API

abang makata'y di magsasawang magrali
misyon: gálit ng masa'y gatungang matindi
lalo't sa katiwalian di mapakali
ngingisi-ngisi lang ang mga mapang-api

"Ikulong na 'yang mga kurakot!" ang hiyaw
dahil sa mga buktot na trapong lumitaw
tingni ang bansa, parang gubat na mapanglaw
para bang masa'y tinarakan ng balaraw

huwag magsawang magrali hangga't may api
hangga't may mga trapo pang makasarili
at dinastiya'y naghahari araw-gabi
panahon nang lipulin silang mga imbi

di dapat manahimik, tayo nang kumilos
laban sa korap na trapong dapat maubos
baguhin ang sistema'y misyon nating lubos
upang bayan ay guminhawa't makaraos

- gregoriovbituinjr.
12.11.2025

Ilang araw ding di nakatulâ

ILANG ARAW DING DI NAKATULÂ

binalak kong sa bawat araw ay may tulâ
sa mga nakaraang buwan ay nagawâ
ngunit ngayong Disyembre'y nawalan ng siglâ
ilang araw ding iba ang tuon ng diwà

huli kong tula'y ikalima ng Disyembre
nakatulâ lang ngayong Disyembre a-Onse
aking tinatása ang loob at sarili
bakit nawalan ng siglâ, anong nangyari?

naging abala sa Lunsad-Aklat? pagdalo
sa Urban Poor Solidarity Week, a-otso
sunod, International Anti-Corruption Day
a-Diyes ay International Human Rights Day

napagod ang utak, maging yaring katawan
mahabang pahinga'y dapat na't kailangan
ngunit pagkatha'y huwag nawang malimutan
ng makatang ang búhay na'y alay sa bayan

- gregoriovbituinjr.
12.11.2025

Sa ikaanim na death monthsary ni misis

SA IKAANIM NA DEATH MONTHSARY NI MISIS

kalahating taong singkad na nang mawalâ
si misis ngunit puso'y tigagal pang sadyâ
ako man ay abala sa rali't pagkathâ
na mukha'y masaya subalit lumuluhà

Hunyo a-Onse nang mamatay sa ospital
naghahandâ na sanang umuwi ng Cubao
uuwi kaming Lias ang bilin ng mahal
iba sa inasahan, mundo ko'y nagunaw

akala ko'y buháy siyang kami'y uuwi
alagaan siyang tunay ang aking mithi
subalit sa pagamutan siya'y nasawi
sinta'y walâ na't siya'y aming iniuwi

tigib pa rin ng luha yaring iwing pusò
subalit sa búhay, di pa dapat sumukò
kathâ lang ng kathâ kahit nasisiphayò
sa bayan at sinta'y tutupdin ang pangakò 

- gregoriovbituinjr.
12.11.2025

Biyernes, Disyembre 5, 2025

Panagimpan

PANAGIMPAN

nanaginip akong tangan ang iyong kamay
ngunit nagmulat akong wala palang hawak
alas-tres ng madaling araw na'y nagnilay
kung anong kahulugang sa isip naimbak

aking sinta, mula nang ikaw ay pumanaw
nahihimbing akong kayraming nalilirip 
nararamdaman ko pa rin ang pamamanglaw
at sumasagi kang bigla sa aking isip 

narito akong ginagampanan ang misyon
at tungkulin dito sa bayang sinumpaan
batid kong ginagabayan mo ako ngayon
na payo'y huwag pabayaan ang katawan

di ko hahayaang ang masang umaasa
ay maiwanan na lamang sa tabi-tabi
salamat, sa panaginip ko'y dumalaw ka
habang ako'y nagsisilbing tinig ng api

- gregoriovbituinjr.
12.05.2025

* larawan mula sa google

Huwebes, Disyembre 4, 2025

Kanin at toyo lang sa pananghalian

KANIN AT TOYO LANG SA PANANGHALIAN

minsan, ganito lamang ang pananghalian
lalo na't walang-wala talagang pagkunan
minsan, maayos ang agahan o hapunan
pag nakaluwag-luwag, na bihira naman

maraming salamat sa nakauunawa
sa kalagayan naming mga walang-wala
mga maralitang madalas naglulupa
upang makausap lamang ang kapwa dukha

minsan, kanin at toyo; minsan, may kamatis
minsan nama'y tuyong hawot na maninipis
kung walang toyo o asin, madalas patis
ganyan ang tibak na Spartan kung magtiis

buti't walang sakit na siyang mahalaga
sa mga rali'y dumadalo pa talaga
katawan nama'y di pinababayaan pa
kumakain ng gulay, okra, kalabasa

- gregoriovbituinjr.
12.04.2025

Tungkulin nating di manahimik

TUNGKULIN NATING DI MANAHIMIK

batid mo nang korapsyon ang isyu ng bayan
subalit pinili mong manahimik na lang
huwag makisali sa rali sa lansangan
dahil tingin mo, ikaw lang ay madasaktan

ito na lang ang meron tayo: boses, TINIG
kung galit ka rin sa korapsyon, IPARINIG
ang mga kurakot ang nagpapaligalig
sa ating bayan, dukha'y winalan ng tinig

pakinggan natin ang lumalaban sa korap
si Catriona Gray, talumpati'y magagap
si Ka Kokoy Gan, na tinig ng mahihirap
si Atty. Luke Espiritu kung mangusap

dinggin mo ang tinuran ni Iza Calzado
na talumpati'y tagos sa pusò, totoo
pakinggan mo ang tinig ni Orly Gallano
ng lider-maralitang Norma Rebolledo

ilabas mo rin ang galit mo sa korapsyon
at likhain ang bagong kasaysayan ngayon
huwag nang manahimik sa silid mong iyon
makipagkapitbisig tayo't magsibangon

- gregoriovbituinjr.
12.04.2025

* litrato kuha ng makatang galâ sa Bahâ sa Luneta, Maynila, 11.30.2025

Pagsasabuhay ng pagiging pultaym

PAGSASABUHAY NG PAGIGING PULTAYM

ako'y isang tibak na Spartan
gaya noong aking kabataan
sinabuhay ang pagiging pultaym
bilang makata't tibak ng bayan

ang prinsipyo'y simpleng pamumuhay
pakikibaka'y puspusang tunay
sa ganyan ang loob ko'y palagay
sa prinsipyo ako pinatibay

pag sa pagiging tibak nawalâ
di na ako ang ako, tunay ngâ
sa anumang rali, laging handâ
pagkat lingkod ng obrero't dukhâ

di lang ako tibak sa panulat
kundi sa gawâ at nagmumulat
sa rali makikita mong sukat
kahit magutom o magkasugat

tumubo't laki sa aktibismo
ang makatang rebolusyonaryo
hangad ay lipunang makatao
na lahat ay nagpapakatao

ako'y ako, oo, ako'y tibak
sistemang bulok ay ibabagsak
pinagtatanggol ang hinahamak
kahit ako'y gumapang sa lusak

- gregoriovbituinjr.
12.04.2025

Pagtindig sa balikat ng tandayag

PAGTINDIG SA BALIKAT NG TANDAYAG

"If I have seen further, it is by standing on the shoulders of giants. (Kung mas malayò pa ang aking natanaw, iyon ay dahil sa pagtayô sa balikat ng mga tandayag.)" ~ Isaac Newton 

isa iyon sa natutunan kong prinsipyo
mula sa agham na hanggang ngayon, dala ko
sa rali man o pagkathâ ng tula't kwento
sa paglalakad man ng kilo-kilometro
sa paglalakbay man habang sakay ng barko
sa pangibang bayan sakay ng eroplano

nasa balikat ng tandayag o higante
nakatayong kaytatag, búhay man ay simple
kayraming paksa'y yakap sa araw at gabi
kayraming isyu kayâ sa bayan nagsilbi
sa mga walang-wala, laging sinasabi:
sistema'y baguhin, nang walan inaapi

nakatindig pa rin ako ng buong tapat
sa balikat ng tandayag at nagmumulat
sa masa na pakikipagkapwa'y ikalat
dapat ikulong na 'yang mga rapong bundat
na pondo ng bayan ang kanilang kinawat
bitayin sila kung kulong ay di na sapat

- gregoriovbituinjr.
12.04.2025

* litrato mula sa google

Miyerkules, Disyembre 3, 2025

Naharang bago mag-Mendiola

NAHARANG BAGO MAG-MENDIOLA

naharang bago mag-Mendiola
matapos ang mahabang martsa
mula Luneta sa Maynilà
araw ng bayaning dakilà

subalit di kami natinag
mahaba man yaong nilakad
mga barb wire ang nakaharang
container pa'y nakahambalang

takot na ang mga kurakot
bantay saradong mga buktot
habang masa'y nagsidatingan
kurakot, ikulong! hiyawan

"PNP, protektor ng korap!"
at mga trapong mapagpanggap
sigaw iyon ng masang galit
mga kurakot na'y ipiit

- gregoriovbituinjr.
12.03.2025

* bidyo kuha noong 11.30.2025
* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/1GYjGbj1yK/ 

Buti't may tibuyô

BUTI'T MAY TIBUYÔ

kulang ang pamasahe kahapon
mula Cubao patungong Malabon
upang daluhan ang isang pulong
buti't nagawang paraan iyon

di ako nanghingi kaninuman
di rin nakabale sa sinuman
talagang walang mahihiraman
buti't mayroong mapagkukunan

sa aking tibuyô o alkansya
na pinag-iipunan tuwina
doon muna nanghiram ng pera
dagdagan na lang pag umalwan na

minsan ganyan ang abang makatâ
upang marating pa rin ang madlâ
sa pulong na dinaluhang kusà
di umabsent sa misyong dakilà

- gregoriovbituinjr.
12.03.2025

* ang tibuyô ay salitang Batangas sa Kastilang alkansya

Paglahok sa rali

PAGLAHOK SA RALI

bakit di ka pupunta sa rali?
dahil lang wala kang pamasahe?
kung ako, sisimulang maglakad
nang makarating at mailadlad
ang plakard na laman yaong isyu
ng bayan, at makalahok ako
sa rali, wala mang pamasahe
gagawan ng paraan, ganire
o ganyang sanhi, walang alibay
lalakarin ang mahabang lakbay
mahalaga ang prinsipyong tangan
pamasahe'y gawan ng paraan
mahalaga'y lumahok sa rali
kahit kapos pa sa pamasahe
ikulong na 'yang mga kurakot!
lahat ng sangkot, dapat managot!

- gregoriovbituinjr.
12.03.2025

* kasama sa litrato si David D'Angelo, dalawang beses na tumakbong Senador
* salamat sa kumuha ng litrato, kuha noong 11.30.2025 sa Luneta

Bahâ sa Luneta, 11.30.2025

BAHÂ SA LUNETA, 11.30.2025

bahâ sa Luneta
ng galit na masa
laban sa kurakot
at lahat ng sangkot

bumaha ang madlâ
upang matuligsâ 
yaong mga buktot
na nangungurakot

sa kaban ng bayan
imbes paglingkuran
ang masa, inuna
ay sariling bulsa

ikulong ang lahat
ng trapong nabundat
sila'y panagutin
sa ginawang krimen

ang nakaw na pondo
ibalik sa tao
trapong mandarambong
ay dapat ikulong

- gregoriovbituinjr.
12.03.2025

* ang litrato'y kuha ng makatang galâ

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.