Huwebes, Nobyembre 19, 2009

Rx: EO 803

Rx: EO 803
ni Noel Manzano
Setyembre 19, 2009

Ang maralita'y nabubuhay
na isang kahig, isang tuka
Sa kanyang bayan, naninirahan
ng walang sariling lupa
Minsan sa estero, riles
ilalim ng tulay at kalsada
Makatarungan bang tawaging
iskwater? Pilipino siya!

Gobyerno'y sumasakit ang ulo
sa lahat ng maralita
Kaya't siya ay nag-isip
at nang sakit ng ulo'y mawala
Nakaimbento ng medisina
matinding 'virus' nagawa
Sakit ng ulo nila'y mawawala
Cancer naman sa maralita!

Paano na ba 'to? Ang naglilingkod
naghuhudas talaga
Akala mo'y tulong! Karapatan
buong puso niyang ginigiba
Serbisyong pabahay ay ginawang
negosyo sa maralita
E, pagbibigay sa dayuhan
pag-aalinlangan ay wala!

* Si Noel Manzano ay isang lider-maralita at taga-Maynila.

Sistema

SISTEMA
ni Maria Lita Dimang
Hulyo 19, 2008

I.
Ang kalabisan ay kalabisan
Di maaaring ang para sa bayan ay para sa iyo
Ang lahat ay para sa lahat
Pantay-pantay
sa distribusyon
sa pagkilala

II.
Ang pagkamulat ay pagkamulat
Di sinasabi, iniutos ng basta-basta
Ang pag-aaral ay itinitimo para sa bayan
Sa pantay-pantay
pag-aadhika
pagsasapuso.

III.
Ang pagkilos ay pagkilos
Di nagtataeng bolpen sa paghakbang
Ang kapangyarihan ay sa mamamayan
di sa ganid na iilan
May prinsipyo
itinitindig
isinasadiwa.

IV.
Ang sistema ay sistema
Di baluktot na pagtingin sa masa
Ang pang-aabuso sa karapatan ay wakasan na
Rebolusyonaryong sosyalista
di komandista
di diktadura

* Si Maria Lita Dimang ay isang ginang na nakatira sa isang komunidad sa Maynila

Martes, Nobyembre 3, 2009

Ang Sigaw ng Dukha - tula ni Crisanto Evangelista

ANG SIGAW NG DUKHA
tula ni Crisanto Evangelista

(Handog sa “Kapisanang Damayang Mahirap”, alang-alang sa ikalawang taon ng kanyang pakikitunggali sa larangan ng pag-aagaw-buhay; ang tula'y may 18 pantig bawat taludtod, at may caesura sa ika-6 at ika-12)

I
Mga binibini, mga piling sama at kaginoohan:
Yamang pinipita! Ang Sigaw ng Dukha! na dito’y isaysay
Naito’t tanggapin at sa buong puso’y kusang inialay
Ang tinig na paos, ang bisig na pata, ang damdaming buhay
Ng anak-dalitang nabili na halos ang diwa’t katawan
Makasagot lamang sa paghihikahos at sa kailangan.

II
Tanggapin nga ninyo, mga binibini’t mga piling sama
Na aking ilahad ang buong damdaming ating nadarama,
Ang larawang buhay na kalarolaro at kasamasama,
Ang paghihikahos na kasalosalo’t kaagaw tuwi na,
Sa bawat paghanap, sa bawat paglikha ng ililigaya,
Sa bawat paglasap, sa minsang pagtikim ng igiginhawa.

III
Ikaw na nasunod sa atas ng iyong pinapanginoon
Kayong yumuyukod at di nagkukuro sa habang panahon
Akong lumalasap ng pagkasiphayo at pagkaparool,
Tayong lahat ngani, na kinabagsakan ng pula’t linggatong,
Tayo ang may likha, tayo ang may sala ng lahat ng iyon,
Pagkat kundi tayo napaaalipi’y walang panginoon.

IV
Kung tayo’y natutong lumikha sa ating ipananandata
Kung ikaw at ako’y natutong tumutol at di tumalima,
Kung tayong mahirap, tayong manggagawa’y natutong kumita
Ng punglong pangwasak, ng kanyon at saka mga dinamita
Disin ay putol na ang pangaalipin at ang panggagaga
Sa ating mahirap, niyang pinagpala ng masamang mana.

V
Kung ikaw ay hindi naghangad mataas sa dapat kalagyan,
Kung kayo ay hindi natutong humanap ng kapangyarihan,
Kung tayo ay hindi nagtanim ng sama at nagawayaway
Disi’y hindi nila tayo nabusabos at napagkaitan
Ng laya, ng puri, ng buhay at saka iwing karapatan,
Disi’y pantaypantay tayong nagsasama ngayo’t nabubuhay.

VI
Kung sa pasimula ay natuto tayong lumikha’t nagtatag
Ng mga Samahang katulad nga nitong “Damayang Mahirap”
Kung tayo’y nagimpok ng paglilingapan at pagtinging wagas
Sa loob ng mga kapisanang laan sa ating mahirap
Disi’y malaya na tayong tinatanghal at karapatdapat
Sa harap ng Bayan, sa gitna ng Bansa, ng lahat at lahat.

VII
Kung sa pasimula’y nakilala natin ang ating matuwid,
Kung itiniwala sa atin ang gawang dumama’t magmasid,
Kung tayo’y binigyan at saka sinanay sa gawang umibig
Disi’y hindi tayo alipin sa ngayon at tigib ng hapis;
Disi’y hindi tayo laging naglalayo at di naglalapit,
Tayo disin ngayo’y taong may pagasa’t may malayang bisig.

VIII
Maniwala kayong kung sa panimula tayo’y nagpipisan
Bumuo’t nagtatag ng lakas ng bisig at ng karapatan,
Nagbango’t yumari sa isang malaya at sariling bayan,
Niyong bayang salat sa masamang mana at sa kasakiman
Maniwala kayong kahapon ma’t ngayon, bukas, kailanman
Tatanghalin tayong may lakas na tao, may puri’t may dangal.

IX
Maniwala kayong kung sa unauna’t ating ilinayo
Ang masamang hilig ang pagiiringa’t pagbabalatkayo,
Pagtatangitangi’t ang nakasusuklam na sulsol at suyo,
Ang suplong na haling, ang lubhang mahalay na pagngusonguso,
Maniwala kayong tayo’y di lalasap niyong pagkabigo,
Tayo’y di dadama at makakakain ng pagkasiphayo.

X
Maniwala kayo mga piling samang ang paghihikahos
Imbing pagkadusta at pagkaalipin ng lubos na lubos
Ay di gawa lamang ng mamumuhunang mga walang taros
Kundi pati tayo, tayong sugatan ma’y di nagkakaloob
Na gumawa baga ng pagsasanggalang ng wagas at taos
Upang mapaanyo ang lakad ng lahat sa ikatutubos.

XI
Ngayon mga sama, tayo’y dumaraing sa lagay na dusta
Tayo’y nadadagi sa malaking buwis na sa ati’y likha
Ng Batas anilang kung kaya niyari, kung kaya nalagda
Ay sa kagalingan ng bayang mahirap at nagdaralita
Hindi baga ito’y katutubong hangad sa buktot na gawa?
Kapag paggugugol, pantaypantay tayo: Mayaman ma’t Dukha.

XII
Tayo’y dumaraing, laging humihingi ng kandiling tapat,
Sa pamahalaan, sa mamumuhunan, at sa lagdang batas
Nguni’t masdan ninyo kapag dumarating ang pagpapahayag
Ng di kasiyahan natin sa pakana’t masamang palakad:
Ang mamumuhunan, ang pamahalaan, at ang mga batas
Ang ating kalaban, ang sumasansala, ng ganap na ganap.

XIII
Ginigipit tayo ng nagtataasang halaga ng lahat
Sinisikil tayo sa mababang sahod at ng kasalungat
Tayo’y inaapi ng mamumuhunan sa gawa ng pilak
Binibiro tayo ng mga hukuman sa hatol na tuwas
At pati pa halos niyong lalong imbi tayo’y hinahamak
Nguni’t hindi mandin tayo gumagawa ng mga pangwasak.

XIV
Kung may damdamin ka’t kung dinaramdam mo ang lahat ng ito
Kung may nababahid na kamunting dangal sa puso mo’t noo,
Kung ikaw’y simpanan ng magandang gawa, gawang makatao
Walang lingong likod, kusa mong tunguhin ng taas ang ulo
Ng bukas ang dibdib, ang iyong kasama sa isang upisyo
At isumpa roong makikisama ka nang di maglililo.

XV
Isumpa mo roong magtataguyod ka ng ganap na layon
Na mamahalin mo, ang Palatuntunan at ang iyong Unyon
Gagawa ng lalong matapat sa lahat ng ikasusulong
Hindi magtatamad sa mga pagdalo sa tadhanang pulong
Kusang iwawaksi iyong katakata na higit na lasong
Nanatay sa mithi, nalikha ng sama’t pagniningas-kugon.

XVI
Saka pagkatapos na iyong maganap ang ganang tungkuli’y
Makikita mo nang unti unti namang ang lahat ng sakim,
Ang lahat ng sama na nakapagbigay ng dilang hilahil
Mga kabuktutan at pananakali na labis maniil
Parang napapawing usok na masangsang sa himpapawirin
At kasunod niya’y “Ang Sigaw ng Dukha” na sa sama’y lagim.

* Ang tulang ito’y binigkas ng maykatha sa lamayang idinaos ng “Damayang Mahirap” noong ika-23 ng Pebrero ng 1913.

Relief Pa - ni Anthony Barnedo

Relief Pa
ni Anthony Barnedo
Abril 11, 2009

Ang daming puti.
Ang daming singkit.
Nakakwelyong pari.
Nakabarong si Cong.
May sakang.
May sekretarya pa.

Dala-dalang relief,
noodles at sardinas.
Saku-sakong bigas,
may balde at kumot pa.
At may nagpakain ng lugaw.
Fiesta sa Barangay.

Nasaan ang Barangay?

Ang daming banig
hollow blocks at tent.
Si Mayor dumating.
konsehal nagpapansin.

Ang daming relief.
Ang daming relief.
Ang daming relief
na nag-expire na kahapon.

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.