Biyernes, Hulyo 31, 2020

Bukrebyu: How Much Land Does A Man Need, ni Leo Tolstoy

BUKREBYU
How Much Land Does A Man Need by Leo Tolstoy
Munting sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Nabili ko ang aklat na “How Much Land Does A Man Need” ni Leo Tolstoy sa Fully Booked sa Gateway, Cubao, noong Pebrero 24, 2018 sa halagang P80.00. Isinalin ito sa Ingles, mula sa Ruso, ni Ronald Wilks. Ang aklat na iyon ang ika-57 aklat sa kabuuang 80 aklat ng Penguin Classics. Umabot ang aklat ng 64 pahina, na may dalawang maikling kwento. Ang una nga ay ang nabanggit ko, na may 21 pahina, at ang ikalawa’y ang What Men Live By, na akda rin ni Tolstoy, na umaabot naman ng 31 pahina, mula mp. 23-53.

Ang kwento ay binubuo ng siyam na kabanata. Ang bida rito ay si Pakhom, isang magsasakang naghangad magkaroon ng maraming lupain.

Noong panahong iyon, nagpasya ang isang kasera sa nayon na ibenta ang kanyang mga ari-arian, at ang mga magsasaka roon ay bumili ng halos lahat ng lupaing kaya nilang bilhin. Si Pakhom mismo ay bumili ng ilang lupain, at sa pamamagitan ng pagtatrabaho ay nabayaran niya ang kanyang mga utang at nabuhay ng komportable. Pumunta pa siya ng ibang lupain upang bumili pa ng mas maraming lupain. Paniwala niya, pag marami siyang lupain, hindi na siya matatakot sa demonyo.

Hanggang makilala ni Pakhom ang mga Bashkirs, na mga simpleng tao lang na maraming lupain.  Nais niyang bilhin ang lupa ng mga ito. Sa halagang isang libong rubles, lalakarin ni Pakhom ang lupa mula sa simula o tinatapakan niya hanggang makarating muli sa simula bago magtakipsilim, at ang mga naabot niya ang kanyang magiging lupain. Subalit pag hindi siya nakarating sa simula bago magtakipsilim, mawawala na ang kanyang pera’t hindi magkakaroon ng lupa. Kaya naglakad siya hangga’t kaya niya. Nang dapithapon na’y nagmadali siya upang makaabot sa pinagsimulan niya. Subalit sa kanyang pagod, siya’y tumumba’t namatay. Inilibing siya ng kanyang mga kaibigan sa isang libingang may anim na talampakan, na siyang sagot sa katanungang binanggit sa pamagat ng kwento.

Isa ito sa mga sikat na akda ni Tolstoy. At kung may pagkakataon ay isasalin ko ito sa wikang Filipino upang mas mabasa ng nakararami pa nating kababayan.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hulyo 16-31, 2020, pahina 16.
* Nalathala rin sa isyung ito ng Taliba ng Maralita, pahina 20, ang tulang: 

Gaano karaming lupa ang kailangan ng tao?

pamagat pa lang ng aklat, nakakaintriga na
anong sagot sa tanong? ito ba'y pilosopiya?
"How much land does a man need?" ay pamagat at tanong pa
na magandang akda ni Leo Tolstoy mula Rusya

tanong bang ito'y tungkol sa pribadong pag-aari?
ilang lupa ang dapat mong ariin kung sakali?
libu-libong ektarya ba sa puso mo'y masidhi?
dahil ba sa lupa kaya maraming naghahari?

ilan bang lupa ang kailangan ng isang tao?
bibilhin? aagawin? palalagyan ng titulo?
pinalalayas ba ang dukha para sa negosyo?
at kapag yumaman na, sa pulitika'y tatakbo?

di ko pa tapos basahin ang nobela ni Tolstoy
sa pamagat pa lang, mapapaisip ka na tuloy
ilan na bang dahil sa lupa'y lumuha't nanaghoy?
ilan ang naging playboy, ilan ang naging palaboy?

pag wala ka bang lupa, ang buhay mo na'y hilahod?
kaya pribadong pag-aari'y itinataguyod?
ideyang pyudal? magkalupa ba'y nakalulugod?
o lupa'y kailangan mo sa libingan mo't puntod?

- gregbituinjr.
04.29.2020

Tanaga sa SONA 2020

TANAGA SA SONA 2020

may panibagong laban
muli ang sambayanan
isasabatas naman:
parusang kamatayan

na binanggit sa SONA
tila ba tayo’y nganga
tila balewala na
ang hustisya sa masa

niligaw tayong lubos
sapagkat paksa’y kapos
para bang nakaraos
walang coronavirus

gayong ito ang dapat
unahin at maungkat
o masyadong mabigat
kaya sa paksa’y nalingat

nasa isip ay tokhang
nitong pangulong halang
kaya bitay at pagpaslang
ang naisip ng hunghang

karapatang pantao’y
di na nirerespeto
tila ba ang gobyerno’y
buong sinakmal nito

kaya paghandaan din
ang labang susungin
hirap mang kalabanin
itong hari ng lagim

magkaisa ang dukha
at uring manggagawa
labanan ang kuhila
na dapat nang bumaba

tanaga - tulang may pitong pantig bawat taludtod

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hulyo 16-31, 2020, pahina 20.

Linggo, Hulyo 26, 2020

Mula 1 metro'y naging 1.5 metrong physical distancing

Mula 1 metro'y naging 1.5 metrong physical distancing

nakapagpalitrato na sa isang karatula
na physical distancing ay isang metrong distansya
ngayon naman, aba'y isa't kalahating metro na
isipin mo kaya bakit ito'y nadagdagan pa

magmula isang metro'y naging isa't kalahati
marahil ito'y isa ring pagbabakasakali
mas matindi ang ikalawa, dama'y di mawari
kalahating dagdag ba'y dahil meron pang nasawi?

tunay ngang kayraming namatay sa coronavirus
kung susuriin ang mga nailabas nang datos
anong paliwanag? ang isang metro kaya'y kapos?
dinagdag bang kalahati'y upang malubos-lubos?

isang metro, isa't kalahati, o dalawa man
ang mahalaga'y ating isinasaalang-alang
ang agwat upang sa sakit ay di magkahawaan
kaya ingat lagi, siguruhin ang kalusugan

- gregbituinjr.

Munting pagtalakay hinggil sa teorya ng alyenasyon ni Marx

Munting pagtalakay hinggil sa teorya ng alyenasyon ni Marx
Nalathala sa tatlong bahagi sa tatlong isyu ng Taliba ng Maralita
Maikling salaysay ni Greg Bituin Jr.

I

May sinulat noon si Karl Marx hinggil sa teorya ng alyenasyon, o yaong pakiramdam mo’y hindi ka na tao kundi bahagi ng makina. O pagkahiwalay mo sa reyalisad bilang isang taong may dignidad at karapatan. Sinasabing ang salitang alyenasyon ay tumutukoy sa “pagkakahiwalay ng tao mula sa kanyang sarili at mula sa kanyang mga kakayahan”.

Ang sinulat ni Marx ay tumutukoy sa manggagawa, hindi pa sa katauhan ng isang tao. Pag-isipan natin at aralin ito, lalo na sa konteksto ngayong maraming manggagawa ang nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19. Marami ang pinabalik sa trabaho subalit wala namang masakyan patungong trabaho. Sa Negros, tinanggal ang mga manggagawang nagtanong lang kung sasagutin ba ng kumpanya ang kanilang ospitalisasyon sakaling sila’y magkasakit pagkat pinapasok sila ng wala man lang mass testing.

Ayon kay Marx, may apat na batayan ng alyenasyon. Ito ang (a) alyenasyon ng manggagawa; (b) alyenasyon ng manggagawa mula sa gawain sa produksyon; (c) alyenasyon ng manggagawa mula sa  kanilang esensya bilang tao o ispesye; at (d) alyenasyon ng manggagawa mula sa ibang manggagawa. 

Ipinaliwanag ni Marx kung paano, sa ilalim ng kapitalismo, mas maraming tao ang umaasa sa kanilang "lakas-paggawa" upang mabuhay. Sa kasalukuyang lipunan, kung nais ng taong kumain, dapat siyang magtrabaho at makakuha ng sahod. Kaya, kung sa pagkahiwalay ng manggagawa ay nagiging animo’y "alipin siya ng paggawa", ang manggagawa ay dobleng nakahiwalay: "una, may natatanggap siyang isang bagay sa paggawa, iyon ay nakatagpo siya ng trabaho. Masaya nga niyang sinasabi: “Sa wakas, may trabaho na ako!” Ikalawa, tumatanggap na siya ng sahod.

Ang teyoretikal na batayan ng alyenasyon sa loob ng kapitalismo'y ang manggagawa ang laging nawawalan ng kakayahang matukoy ang kanyang buhay at kapalaran kapag tinanggalan ng karapatang mag-isip ng kanilang sarili bilang direktor ng kanilang sariling mga aksyon. Naramdaman ko ito noon bilang makinista ng tatlong taon sa isang metal press department. Basta pinagawa ang trabaho, kahit di mo nauunawaan, gagawin mo. Bakit ba ang isang proseso'y lagi kong ginagawa araw-araw, habang ang iba'y ibang proseso ng iisang produkto. Lalo na sa assembly line.

Mas mauunawaan mo pa ang buhay ng isang artisano, na kanyang ginagawa ang isang produkto't kanyang ipinagbibili sa kanyang presyo. Sa kapitalismo, ang kapitalista ang bibili ng iyong lakas-paggawa, hindi sa presyo mo, kundi sa presyong itinakda nila. Kaya para kang ekstensyon ng makina. Ito'y dahil na rin sa kumpetisyon ng mga kapitalista, kung saan ay hindi saklaw ng manggagawa. Basta magtrabaho ka at suswelduhan ka.

Ang disenyo ng produkto at kung paano ito ginawa ay tinutukoy, hindi ng mga gumagawa nito (ang mga manggagawa), ni ng mga konsyumador ng produkto (ang mga mamimili), kundi ng uring kapitalistang bukod 

sa kinikilala ang mano-manong paggawa ng manggagawa, ay kinikilala rin ang intelektuwal na paggawa ng inhinyero at ng tagadisenyo nito na lumikha ng produkto upang umayon sa panlasa ng mamimili upang bilhin ang mga kalakal at serbisyo sa isang presyong magbubunga ng malaking kita o tubo.

Bukod sa mga manggagawa na walang kontrol sa disenyo-at-paggawa ng protokol, kontrolado ng kapitalista ang manu-mano at intelektwal na paggawa kapalit ng sahod, kung saan ang nakikinabang sa kongkretong produkto ay ang mga bumili, at ang kapitalistang kumita.

II

Mabuti pa raw noong panahon ng mga artisano. Gumagawa ang artisano ng produkto na gustong-gusto niyang gawin, may sining, pinagaganda, pinatitibay, upang pag ibinenta niya'y kumita ng malaki. Subalit iba na sa panahon ng kapitalismo.

Sa kapitalistang mundo, ang ating paraan ng pamumuhay ay batay sa palitan ng salapi. Kaya wala tayong ibang pagpipilian kundi ibenta ang ating lakas paggawa kapalit ng sahod.

Ayon kay Marx, dahil dito, ang manggagawa "ay hindi nakakaramdam ng kontento at hindi nasisiyahan, dahil hindi malayang malinang ang kanyang pisikal at lakas ng isip ngunit pinapatay ang kanyang katawan at nasira ang kanyang isipan. Kaya't naramdaman lamang ng manggagawa ang kanyang sarili sa labas ng kanyang trabaho, at ang kanyang trabaho ay naramdaman sa labas ng kanyang sarili". 

Dagdag pa niya, "Dahil ang paggawa ay panlabas sa manggagawa, hindi ito bahagi ng kanilang mahahalagang pagkatao. Sa panahon ng trabaho, ang manggagawa ay malungkot, hindi nasisiyahan at natutuyo ang kanilang enerhiya, ang trabaho ay "pumapatay sa kanyang katawan at nasira ang kanyang isip". Ang nilalaman, direksyon at anyo ng produksiyon ay ipinataw ng kapitalista. Ang manggagawa ay kinokontrol at sinabihan kung ano ang gagawin dahil hindi nila pagmamay-ari ang paraan ng paggawa."

Ang isipan ng tao ay dapat na malaya at may kamalayan, sa halip ito ay kinokontrol at pinamunuan ng kapitalista, "ang panlabas na katangian ng paggawa para sa manggagawa ay lilitaw sa katotohanan na hindi siya sarili ngunit ibang tao, na hindi ito pag-aari, na sa loob nito, siya ay hindi, hindi sa kanyang sarili, kundi sa iba pa. Nangangahulugan ito na hindi siya malaya at kusang makalikha alinsunod sa kanyang sariling direktiba dahil ang porma at direksyon ng paggawa ay pagmamay-ari ng ibang tao.

Ang halaga ng isang tao ay binubuo sa pagkakaroon ng pag-iisip ng mga dulo ng kanilang mga aksyon bilang mga napakahalagang ideya, na naiiba sa mga aksyon na kinakailangan upang mapagtanto ang ideyang isinubo lang sa kanila.

Maaaring tukuyin ng tao ang kanilang mga hangarin sa pamamagitan ng isang ideya ng kanilang sarili bilang "ang paksa" at isang ideya ng bagay na kanilang nalilikha, "ang bagay". Sa kabaligtaran, hindi tulad ng isang tao, hindi natutukoy ng hayop ang sarili bilang "paksa" o ang mga produkto nito bilang mga ideya, "ang bagay". Kumbaga'y hindi nila naiisip ang mangyayari sa hinaharap, o isang sadyang intensyon. Sapagkat ang Gattungswesen ng isang tao (likas na katangian ng tao) ay hindi umiiral nang nakapag-iisa ng mga tiyak na aktibidad na nakondisyon ng kasaysayan, ang mahahalagang katangian ng isang tao ay maisasakatuparan kapag ang isang indibidwal — sa kanilang naibigay na pangyayari sa kasaysayan — ay malayang ibigay ang kanilang kalooban sa mga panloob na pangangailangan na mayroon sila na ipinataw sa kanilang sarili sa pamamagitan ng kanilang imahinasyon at hindi ang panlabas na hinihiling na ipinataw sa mga indibidwal ng ibang tao.

Ayon pa kay Marx, anuman ang pagkatao ng kamalayan (kalooban at imahinasyon) ng isang tao, ang pagkakaroon ng lipunan ay nakondisyon ng kanilang pakikipag-ugnayan sa mga tao at mga bagay na nagpapadali ng pamumuhay, na sa panimula ay nakasalalay sa pakikipagtulungan sa iba, sa gayon, ang kamalayan ng isang tao ay natutukoy nang magkakaugnay (sama-sama), hindi subjectively (nang paisa-isa), dahil ang mga tao ay isang hayop sa lipunan. 

Sa kurso ng kasaysayan, upang matiyak na ang mga indibidwal na lipunan ay inorganisa ang kanilang mga sarili sa mga pangkat na may iba't ibang kaugnayan sa paraan ng paggawa.

Isang uri o pangkat ang nagmamay-ari at kinokontrol ang paraan ng paggawa samantalang ang isa pang uri sa lipunan ay nagbebenta ng lakas-paggawa.

Gayundin, nagkaroon ng isang kaukulang pag-aayos ng likas na katangian ng tao (Gattungswesen) at ang sistema ng mga pagpapahalaga ng uring nagmamay-ari at ng uring manggagawa, na pinapayagan ang bawat pangkat ng mga tao na tanggapin at gumana sa nabagong katayuan ng quo ng paggawa- relasyon."

III

Itinuturing ng kapitalismo ang paggawa bilang isang komersyal na kalakal na maaaring ibenta sa kumpetisyon ng merkado ng paggawa, sa halip na bilang isang nakabubuong aktibidad na sosyo-ekonomiko na bahagi ng kolektibong pagsisikap na isinagawa para sa personal na kaligtasan at pagpapabuti ng lipunan. 

Sa isang kapitalistang ekonomiya, ang mga negosyong nagmamay-ari ng mga paraan ng paggawa ay nagtatag ng isang kumpetisyon ng pamilihan ng paggawa na nangangahulugang katasin sa manggagawa ang lakas-paggawa sa anyo ng kapital. 

Ang pagkamada ng kapitalistang ekonomiya ng mga ugnayan ng produksiyon ay nagtutulak sa panlipunang tunggalian sa pamamagitan ng pagtrato sa manggagawa laban sa manggagawa sa isang kumpetisyon para sa "mas mataas na sahod", at sa gayon ay maiiwasan ang mga ito mula sa kanilang kaparehong interes sa ekonomiya; ang epekto ay isang maling kamalayan, na kung saan ay isang anyo ng kontrol na ideolohikal na isinagawa ng kapitalistang burgesya sa pamamagitan ng pangkulturang hegemonya nito.  

Bukod dito, sa kapitalistang moda ng produksyon, ang pilosopikong sabwatan ng relihiyon sa pagbibigay-katwiran sa mga relasyon ng produksiyon ay nagpapadali sa pagsasakatuparan ng pagsasamantala at pagkatapos ay pinalala ang pagkakaiba-iba (Entfremdung) ng manggagawa mula sa kanilang katauhan; ito ay isang sosyo-ekonomikong papel ng independiyenteng relihiyon bilang “opyo sa masa”.

Sa teoryang Marxista, ang Entfremdung (pag-iiba) ay isang nakapundasyong panukala tungkol sa pag-unlad ng tao tungo sa pagkilala sa sarili. Tulad ng paggamit nina Hegel at Marx, ang pandiwang Aleman ay entäussern ("upang masira ang sarili ng sarili”) at entfremden ("upang maging hiwalay") ay nagpapahiwatig na ang salitang "alyenasyon" ay nagsasaad ng paghiwalay sa sarili: na maiiwasan mula sa mahahalagang tao likas na katangian. Samakatuwid, ang pagkahiwalay ay kakulangan sa pagpapahalaga sa sarili, ang kawalan ng kahulugan sa buhay ng isang tao, bunga ng pagiging mapilit na mamuno ng isang buhay na walang pagkakataon para sa katuparan sa sarili, nang walang pagkakataon na maging aktuwal, upang maging isang sarili.

Sa akdang The Phenomenology of Spirit (1807) ay inilarawan ni Hegel ang mga yugto sa pagbuo ng tao ng Geist ("Espiritu"), kung saan ang mga kalalakihan at kababaihan ay umusbong mula sa kamangmangan patungo sa kaalaman, ng sarili at ng mundo. Sa pagbuo ng proporsyon ng espiritu-sa-tao ni Hegel, sinabi ni Marx na ang mga posteng ito ng pagiging ideyalismo - "espiritwal na kamangmangan" at "pag-unawa sa sarili" - ay pinalitan ng mga materyal na kategorya, kung saan ang "espiritwal na kamangmangan" ay nagiging "pag-iiba" at ang "pag-unawa sa sarili" ay naging pagsasakatuparan ng tao ng kanyang Gattungswesen (species-essence).

Sa Kabanata 4 ng The Holy Family (1845), sinabi ni Marx na ang mga kapitalista at proletaryado ay pantay na magkahiwalay, ngunit ang bawat uring panlipunan ay nakakaranas ng alyenasyon sa ibang anyo.

Kahit sa panahong ito ng pandemya, nakakaranas ang mga manggagawa ng alyenasyon, na para bagang hindi sila tao kung ituring kundi ekstensyon ng makina, na kung magkasakit ang manggagawa, ay parang piyesa lang sila ng makinang basta papalitan.

Nakita natin ito sa balita doon sa lalawigan ng Negros, sa Hiltor Corporastion na isang forwarding company, nang magtanong lang ang mga manggagawa kung matutulungan ba sila ng kapitalista kung sila’y magkakasakit, agad silang tinanggal sa trabaho. Ganyan kagarapal ang iho-de-putang mga kapitalista sa kanilang manggagawang nagbigay naman ng limpak-limpak na tubo sa kumpanya.

Hangga’t patuloy ang nararanasang alyenasyon ng manggagawa sa kanilang trabaho, dapat nilang maisip na kaya nilang kontrolin ang mga makina, at gamitin nila ito upang muling kamtin ang kanilang pagkataong nawala sa kanila nang maging mga manggagawa. 

Ang teorya ng alyenasyon ni Marx ay mahalagang paalala sa ating dapat tayong magsama’t magkapitbisig bilang kolektibong nakikibaka para sa ating katauhan.

* Ang tatlong serye ng artikulong ito ay nalathala sa tatlong isyu ng pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na pahayagan ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML). Ang I ay nalathala sa Taliba isyu # 35 (Hunyo 16-30, 2020), mp. 16-17; ang II sa Taliba isyu # 36 (Hulyo 1-15, 2020), mp. 16-17; at ang III ay sa Taliba isyu # 37 (Hulyo 16-31, 2020), mp. 18-19.
Magdagdag ng caption




Sabado, Hulyo 25, 2020

Patuloy na pagsusulat para sa madla

higit apat na buwan nang nakakulong sa bahay
'stay-at-home' daw sa lockdown, ngunit di mapalagay
di dapat patulog-tulog lang at magpahingalay
kundi gawin pa rin anong dapat habang may buhay

kwarantina man ay may matatanaw pang pag-asa
ganap pa ring tibak kahit wala man sa kalsada
mabuti't may Taliba, ang pahayagang pangmasa
pinagkakaabalahan nang dukha'y may mabasa

higit apat na buwan mang naroon sa tahanan
ay gumaganap pa rin nitong iwing katungkulan
nagpopropaganda sa abot ng makakayanan
nagsusuri ng isyu't pangyayari sa lipunan

mapabatid ang layunin ng uring manggagawa
magsulat bilang kawal ng hukbong mapagpalaya
manligaw upang prinsipyo'y yakapin din ng madla
magsaliksik, magsuri, magsulat, at maglathala

sige, sulat lang ng sulat habang may naiisip,
may nasasaliksik, at mga isyu'y nasisilip,
kakathain ang nasa puso't diwa'y halukipkip
hangga't may pluma, papel, at balitang mahahagip

- gregbituinjr.

Isang metrong agwat na physical distancing



Isang metrong agwat na physical distancing

nadaanan din lang namin ang karatulang iyon
ay nagpakuha na ng litrato sa tabi niyon
bilang patunay ng isang metrong layo ang layon
ng physical distancing na pinatakaran ngayon

tunay ngang nais nating proteksyunan bawat isa
kaya kahit isang metro lang, layu-layo muna
bawal bumahin, bawal walang facemask sa tuwina
saanman, kalsada, palengke, botika, groserya

'No facemask, no entry' at 'one meter' dapat ang agwat
ng bawat isa, may physical distancing daw dapat
bagamat paalala upang di mahawang sukat
isang paalala iyong hangad kong maurirat

bakit isang metro, di dalawa, tatlo o lima
ito ba'y pagbabakasakali, di ko nabasa
tiyak kong may batayan ang isang metrong distansya
marahil pag ating inaral sa matematika

marahil isang metro'y sapat upang di mahawa
ng nakakadiring virus na naglipanang sadya
di man nabasa ang batayan kung saan nagmula
mahalaga, isang metro'y tupdin at maunawa

- gregbituinjr.
07.25.2020

Biyernes, Hulyo 24, 2020

Animo'y laro lang sa kanila ang pagpaslang

bakit animo'y paglalaro na lang ang pagpaslang?
ang kanilang kaluluwa ba'y pawang mga halang
sa akademya ba'y doon nasanay at nalinang?
ang kakayahan kaya sa dugo ng kapwa'y aswang?

karapatang pantao ba'y di na nirerespeto?
bakit ba naglalaway sa dugo ng kapwa tao?
wala ba silang pakialam sa due process of law?
dahil ba sila'y may baril, pakiramdam na'y macho?

ang kulturang tokhang na'y pinauso ng rehimen
kaya pinapaslang ang napagtitripang patayin
sa unang taon pa lang ay napuno na ng lagim
ang bayang itong kayraming inang nagsiluha rin

buhay ng minamahal ang kinuha sa kanila
kaya sinisigaw nila'y panlipunang hustisya
di laro ang pagpaslang, ang tindig ng mga ina
dapat parusahan ang maysala, managot sila

- gregbituinjr.

* Inihanda para sa State of the People's Assembly (SOPA) na ilulunsad ng Freedom from Debt Coalition (FDC) at mga kasapian nito, Hulyo 24, 2020. Kinatawan ako rito ng Ex-D Initiative bilang halal na sekretaryo heneral.

Kaming mga aktibista'y may prinsipyo't dignidad

kaming mga aktibista'y may prinsipyo't dignidad
kakampi ng dukha, tumutulong sa kapuspalad
nilalabanan ang burgesyang may utak-baligtad
dahil sakim at sariling interes lang ang hangad

aming itatayo'y isang lipunang makatao
na sa karapatan ng bawat tao'y may respeto
at walang pagsasamantala ng tao sa tao
kung saan bawat isa'y nagtutulungan sa mundo

hangga't may mga pagsasamantala sa lipunan
hangga't patuloy ang kahirapan at kaapihan
asahan ninyong patuloy pa rin kaming lalaban
asahan ninyong tibak ako hanggang kamatayan

kaming mga aktibista'y may prinsipyo't dignidad
na ipinaglalaban at sa masa'y inilalahad
ang kabulukan ng sistema'y aming nilalantad
dahil nais naming dukha'y isama sa pag-unlad

- gregbituinjr.

Huwebes, Hulyo 23, 2020

Pahimakas kay Ka Susan Quimpo


Pahimakas kay Ka Susan Quimpo

sa tapat ng Korte Suprema unang nakilala
si Mam Susan Quimpo, na isang kapwa aktibista

may rali roon tungkol sa paglibing sa diktador
sa Libingan ng mga Bayani, aba'y que horror

at binati niya ako matapos kong bumigkas
ng likha kong tula sa munting programang palabas

matapos iyon ay marami pang mga pagkilos
ang sinamahan upang huwag malibing si Marcos

sa Libingan ng mga Bayani pagkat di ito
bayani, anang taumbayan, "Marcos is No Hero"

maraming grupong nabuo, Block Marcos, Coalition
Against Marcos Burial, at iba pang organisasyon

kung saan tula ko'y binibigkas ko sa kalsada
pati na sa isang konsyerto doon sa Luneta

at naroon si Mam Susan, ngiti ang pasalubong
animo'y isang ate, tiya, o inang naroon

tawag nga niya sa akin ay si Greg, ang Makata
na nakangiting babati matapos kong tumula

isa sa awtor ng aklat na mamo-"move ka sa tears":
“Subversive Lives: A Family Memoir of the Marcos Years"

alagad siya ng sining, manunulat ng bayan
na tulad ko'y naghangad ding baguhin ang lipunan

siya't nagsalita sa dinaluhan kong seminar
sa Martial Law Chronicle Project doon sa C.H.R.

kinwento niya ang karumal-dumal na martial law
tunay na guro para sa karapatang pantao

di namin malilimot ang kanyang mga inambag
upang ipaglaban ang karapatang nilalabag

ngayong siya'y wala na, taos-pusong pagpupugay
kay Mam Susan Quimpo, tunay kang dakila, mabuhay!

- gregbituinjr.

* Si Mam Susan Quimpo (Pebrero 6, 1961 - Hulyo 14, 2020), kasama ang kanyang kapatid na si Nathan Gilbert Quimpo, ang awtor ng nabanggit na aklat

Miyerkules, Hulyo 22, 2020

Anong batayan ng isang metro sa social distancing?

Anong batayan ng isang metro sa social distancing?

bakit sa social distancing, ang layo'y isang metro?
ito'y narinig ko lang sa balita't mga tao
bakit di dalawa, tatlo, apat, lima, o pito?
anong matematikang batayan ng metrong ito?
upang virus ay masugpo o di mahawa nito?

pag bumahin ka ba'y di na aabot sa kaharap?
lalo't tinakpan agad ang ilong sa isang iglap
mahirap bumahin nang may facemask, baka malasap
mo'y sakit, lalo't sariling virus na ang nalanghap
kaya isang metrong agwat ba'y isa nang paglingap?

sa dyip ngayon, may plastik na harang sa katabi mo
saan man magpunta, dapat ba't laging isang metro?
magtungo ka man sa grocery, mall, botika, bangko?
maglakad sa bangketa, lumayo sa kasunod mo?
nasa palengke man o kumain sa turo-turo?

yaon bang nagka-COVID at namatay ba'y lumabag?
sa batayang isang metro, o sinabi ko'y hungkag?
libu-libo'y namatay, agwat ba'y may paliwanag?
hinahanap ko ang sagot upang di nangangarag
bakasakaling mahanap, ito'y malaking ambag

pagbabakasakali ba ang isang metrong agwat?
sa geometriya o pisika ba'y masusukat?
sana batayan nito'y may syentipikong dalumat
paliwanag sana'y makita't huwag malilingat
upang di naman tayo nagkakahawaang lahat

- gregbituinjr.
07.22.2020

Lunes, Hulyo 20, 2020

Simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka

niyakap ko nang panuntunan bilang aktibista
sa loob ng nagdaang higit dalawang dekada
ang simpleng pamumuhay, puspusang pakikibaka
para sa karapatan at panlipunang hustisya

panuntunang yakap-yakap ng buong puso't diwa
upang makapaglingkod sa manggagawa'y dalita
upang maging bahagi ng hukbong mapagpalaya
upang makiisa rin sa bawat laban ng madla

nais kong ipakita ang buo kong katapatan
sa prinsipyo't adhika ng niyakap kong kilusan
kaya nag-oorganisa ng masa kahit saan
nagsusulat, kumakatha para sa uri't bayan

puspusan ang pakikibaka't simpleng pamumuhay
habang nagpopropaganda, tula man o sanaysay
na tinitiyak ang linya at direksyon ng hanay
sa mga kasama, tuloy ang laban, pagpupugay

- gregbituinjr.
07.20.2020

Hindi tuwing last Monday ng July ang SONA

Hindi tuwing last Monday ng July ang SONA
Maikling sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Maraming nagsasabing tuwing last Monday ng July o tuwing huling Lunes ng Hulyo nagaganap ang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo ng Pilipinas. Subalit hindi tuwing last Monday ng July ang SONA.

Siyang tunay, mga kapatid. Mas eksakto, tuwing fourth Monday ng July nagaganap ang SONA. Pumapatak ito sa mga petsang Hulyo 22 hanggang 28.

At kung pumatak ito ng Hulyo 22, 23 o 24, may fifth Monday o ikalimang Lunes ng Hulyo, na pumapatak ng Hulyo 29, 30 o 31. Tanging Hulyo 25, 26, 27 at 28 lang maaaring pumatak ang last Monday of July.

Tulad noong nakaraang taon, Hulyo 23 ang SONA. Fourth Monday iyon at hindi last Monday ng July. Dahil Hulyo 30 ang last Monday ng July, 2019. Kaya mas tamang sabihin nating tuwing ikaapat ng Lunes sa buwan ng Hulyo nagaganap ang SONA, at hindi tuwing huling Lunes ng Hulyo.

Ngayong taon, pumatak ng Hulyo 27 ang SONA. At SONA naman ay... (anong wish mo?) 

07.20.2020

Pahimakas na tula para kay Ka Miles

Pahimakas na tula para kay Ka Miles

isang taas-kamaong pagpupugay kay Ka Milo
lider ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino
noon at nagsilbing sekretaryo heneral nito
magaling na lider, organisador, at obrero

dating estudyante sa Feati University
na tulad ko'y namulat bilang tibak sa Feati
magaling siyang magsuri, marahil pa'y cum laude
inalay ang buhay at sa uri't bayan nagsilbi

batikan siyang organisador ng manggagawa
matalisik magsulat ng mga isyu ng madla
malinaw, madaling unawain ang kanyang akda
bagamat malalim na puso't diwa'y tinutudla

minsan, nabalita sa dyaryo ang kanyang pangalan
na inaakusahang rebelde ng kapulisan
sumama ako, apat kami, puntang Caloocan
una'y sa presinto, di doon, kundi sa kulungan

ang hepe sa balita'y naroon, kausap nila
naiwan ako sa sasakyan, di na pinasama
matagal sila sa loob, buti't naayos nila
ang gusot na iyon, nangyaring aking naalala

sa tanggapan ng B.M.P.'y nakasamang matagal
pansin kong isang kamay niya'y laging nangangatal
minsan, nagkakasabay sa pagkain ng almusal
sa mga rali pag kasama siya'y tila Marcial

kay Ka Milo nga'y kapansin-pansin ang kanyang ngiti
natutunan sa kanya'y inaral ko ring masidhi
taos-pusong pasasalamat sa huling sandali
pagpupugay sa iyo, Ka Milo, hanggang sa muli

- gregbituinjr.
07.20.2020

Sabado, Hulyo 11, 2020

Mananatili akong tibak hanggang kamatayan

mananatili akong tibak hanggang kamatayan
at tutupdin ang misyon at tungkuling sinumpaan
tungkuling atang sa balikat na di iiwasan
bagkus ay gagampanan ng buong puso't isipan

kaya bilang propagandista'y kakatha't kakatha
angking pilosopiya'y iparating sa madla
itaguyod ang prinsipyong tangan sa kapwa dukha
baguhin ang sistemang bulok ang inaadhika

bawat sanaysay, tula't pahayag ay nakatuon
tungo sa minimithi't inaasam na direksyon
sa paggapi sa mapagsamantala't mandarambong
at kamtin ang hustisyang panlipunang nilalayon

payak na pangarap lang iyan ng tulad kong tibak
itinanim na binhi'y uusbong din sa pinitak
isipin paanong bulok na sistema'y ibagsak
upang manggagawa't dukha'y di gumapang sa lusak

- gregbituinjr.

Huwebes, Hulyo 9, 2020

Ang katwiran ng bituka

Ang katwiran ng bituka

anila, binigyan na ng bahay ang maralita
nang sa iskwater at barungbarong daw makawala
subalit nang nasa relokasyon na'y biglang-bigla
ibinenta ang bahay, bumalik sa dating lupa

ang ibang nakakaalam ay napapailing lang
lalo't di maunawaan ng kinauukulan
bakit muling pumaroon sa dating karukhaan
di pa ba sapat ang pabahay nilang inilaan

kung tinanong muna nila ang mga maralita
kung bahay ba ang problema kaya mukhang kawawa
upang tamang kalutasan sa problema'y magawa
at di sila itaboy sa malayong parang daga

bakit sila mahirap, hanapin ang kasagutan
bakit bahay na binigay ay kanilang iniwan
pagkat di sapat ang bahay kung walang kabuhayan
kayhirap kung danasin ng pamilya'y kagutuman

sa pinagtapunan sa kanila'y walang serbisyo
mag-iigib sila sa sapa o malayong poso
walang kuryente kaya di makapanood dito
mabuti kung may maayos kang de-bateryang radyo

ospital ay kaylayo, paano pag nagkasakit
walang palengke, paano ka kaya magpapansit
wala ring masasakyan, maglalakad ka sa init
sa daang baku-bako, pawis mo'y tiyak guguhit

walang paaralan, saan mag-aaral ang anak
malayo ang bayan, kilo-kilometrong di hamak
tila kayo dagang sa relokasyon itinambak
may pabahay nga, ngunit gagapang naman sa lusak

makakain ba nila ang ibinigay na bahay
di sapat ang may tahanang doon ka humihimlay
paano kung pamilya'y magutom, doon mamatay
kaya unahin ang katwiran ng bitukang taglay

mabuting may makakain, tahanan mo ma'y dampa
ang pamilya'y di magugutom, di kaawa-awa
dapat lagi kayong busog upang di namumutla
kahit bumalik sa iskwater na kasumpa-sumpa

iskwater kasi'y masakit sa mata ng mayaman
at ito'y inayunan naman ng pamahalaan
dahil daw walang bahay, bahay din ang kalutasan
di nakurong dapat unahin ang kalam ng tiyan

tinawag silang mahihirap dahil hirap sila
tinawag silang dukha dahil walang-wala sila
walang pribadong pag-aari, sarili lang nila
di bahay ang problema, kundi kakainin nila

busog kung may pagkukunan lang ng ikabubuhay
ito ang sa pamahalaan ay dapat manilay
at kung may trabahong sapat, di problema ang bahay
mabibili pa ang pagkaing may sustansyang taglay

ang katwiran ng bituka'y huwag balewalain
sa batas at patakaran, ito'y laging isipin
at sa relokasyon, di dapat mahal ang bayarin
ibatay sa kakayahan ng naninirahan din

pabahay, ikabubuhay, serbisyong panlipunan
sa mga negosasyon ay magkasamang tandaan
tatlong sangkap upang maralita'y di magbalikan
sa dating tirahang sa kanila'y pinag-alisan

- gregbituinjr.
07.09.2020

Maikling kwento: Pagdaluhong sa karapatan

Pagdaluhong sa karapatan
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Hulyo 1, 2020

"Alam nyo, naulit na naman pala ang nangyari kay Winston Ragos, iyon bang sundalong sinita ng limang pulis noong Abril at binaril ng walang laban ng isang pulis," sabi ni Mang Kulas na naggugupit sa barberya.

"Oo nga, Mang Kulas. Narinig ko rin sa balita kanina," sabi ng estudyanteng si Roberto na ginugupitan ni Mang Kulas.

"Bakit? Anong nangyari? Hindi ko yata narinig sa radyo kanina..." sabat naman ni Mang Lando na isa ring barbero.

"Aba'y pinagbababaril ng mga pulis ang apat na sundalo ng walang laban. Nangyari sa Sulu. Isang major, isang kapitan, at dalawa pang sarhento ang pinaslang, ayon sa balita. Galit na galit nga ang pamunuan ng Philippine Army. Rubout daw," paliwanag ni Mang Kulas.

"Grabe na talaga ang nangyayari sa bayan natin. Sundalong walang laban pa ang pinaslang ng mga pulis. Tapos, sasabihin, nanlaban. Kung sila nga ay di nagkakakilanlanan na umabot pa sa patayan, paano pa ang simpleng mamamayang mapapagkamalan?" ang komento naman ni Mang Lando. "Lalo na ngayong nais isabatas ang Anti-Terror Bill?"

"Dapat nga po huwag maisabatas iyang Terror Bill, dahil marami na tayong batas laban sa krimen. Dadagdagan pa ng mapanggipit na batas sa ating kalayaang magpahayag at yaon bang 'dissenting opinion'." Sagot naman ni Roberto.

Dagdag pa niya, "Nabalita pang 122 kabataan pala ang napaslang ng walang proseso dahil sa War on Drugs, kabilang na sina Danica Mae Garcia, limang taon, at Althea Barbon, apat na taon."

"At ano naman ang kaugnayan niyan?" tanong ni Mang Kulas.

"Para bang polisiya na ng mga pulis ang pumaslang, dahil iyon naman ang sabi ng Pangulo. Ubusin lahat sa ngalan ng War on Drugs. Kaya paslang lang sila ng paslang, tulad ng pagpaslang sa mga sundalo. Kaya dapat huwag maisabatas ang Anti-Terror Bill, dahil baka maraming pagdudahan at mapaslang ng walang due process." Paliwanag pa ni Roberto.

"Kaisa mo ako riyan. Tama ka. Sana'y respetuhin ang karapatang pantao ng bawat mamamayan," sabi naman ni Mang Lando. "May pagkilos pala bukas laban sa Anti-Terror Bill. Nais mo bang sumama? Magkita tayo rito bukas ng alas-otso ng umaga."

"Kung wala pong gagawin, susubukan ko pong sumama. Salamat po sa paanyaya."

"Pupunta tayo sa CHR ground. Doon gagawin."

"Sige po. Salamat po, Mang Kulas, sa gupit. Ito po ang bayad."

"Salamat din sa paliwanag mo. Ingat."

Hulyo 2, 2020

Nagkita-kita sina Roberto at Mang Lando sa Bantayog ng mga Bayani. Doon sila magsisimulang magmartsa patungo sa CHR ground. Sa Commission on Human Rights nila napiling gawin ang pagkilos dahil maaaring di sila galawin pag dito nila ipinahayag ang  kanilang  damdamin  laban  sa Anti-Terror Bill, na instrumento ng rehimen, na maaaring yumurak sa kanilang karapatang magpahayag, at akusahang terorista dahil lumalaban umano sa rehimen. 

Maya-maya lang ay nagmartsa na sila patungong CHR at doon ay nagdaos sila ng maikling programa, may mga talumpati at awitan.

Hulyo 3, 2020

Nabalitaan na lang nina Roberto sa telebisyon na pinirmahan na pala ng pangulo ang Anti-Terror Act of 2020, na mas kilala ngayon bilang Terror Law.

Hulyo 4, 2020

Agad na nagsagawa ng mga pagpupulong ang iba’t ibang grupo upang kondenahin ang anila’y batas na maaaring yumurak sa karapatang pantao. Ang petsang napagkaisahan nila ay Hulyo 7, 2020, kasabay ng ika-128 anibersaryo ng pagkakatatag ng dakilang kilusan ng Katipunan. Dito’y ipapahayag nila na ang Terror Law ang huling tangka ng rehimen upang depensahan ang administrasyon nito laban sa ngitngit ng mamamayan sa mga kapalpakan nito na mas inuna pa ang pagsasabatas ng Terror Law gayong walang magawa upang lutasin ang COVID-19. 

Naghahanda na rin ang mamamayan upang depensahan ang bayan laban sa ala-martial law na karahasan sa hinaharap.

* Ang maikling kwentong ito'y unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hulyo 1-15, 2020, pahina 18-19.

Martes, Hulyo 7, 2020

Nasa malayong lugar man, patuloy sa pagbaka

Nasa malayong lugar man, patuloy sa pagbaka

nasa malayong lugar man, patuloy sa pagbaka
nasa kanayunan man, narito't nakikiisa
sa sama-samang pagkilos ay nais kong sumama
tulad ng dati, nang ako'y nasa kalunsuran pa

malayo man sa lungsod, pagkat narito sa bundok
isyu ng bayang sa hininga'y nakasusulasok
ay nababatid, kaya muli ngayong lumalahok
bilang tungkulin sa bayan, buti na lang may pesbuk

nais kong lumuwas subalit wala pang biyahe
nananatiling mailap ang anumang diskarte
di makapagpaalam lalo't walang pamasahe
di basta aalis ng walang paalam, di pwede

kahit narito'y kumikilos para sa layunin
malayo man, pinagpapatuloy ang adhikain
sa abot ng makakaya'y gagawin ang tungkulin
para sa bayan, sa uri, at kapwa dukha natin

- gregbituinjr.
07.07.2020

Mensahe sa ika-128 anibersaryo ng Katipunan

Mensahe sa ika-128 anibersaryo ng Katipunan

ngayong araw ay muling sariwain ang Kartilya
ng Katipunan, na sa bayan ay isang pamana
isabuhay ang Kartilyang itong inakda nila
bilang pagpupugay sa mga bayani ng masa

ang buhay na di ginugol sa dakilang layunin
ay damong makamandag o kahoy na walang lilim
oras ay mahalaga, mahusay itong gamitin
sinumang mapang-api'y dapat nating kabakahin

sinumang naaapi'y ipagtanggol nating todo
bilin pa nila'y makipagkapwa't magpakatao
wala sa kulay ng balat, tangos ng ilong ito
alagaan ang babaeng kawangis ng ina mo

mahalagahin mo ang saloobin mo't salita
na dapat mong tupdin pagkat salita'y panunumpa
puri't karangalan ay huwag binabalewala
bawat sinaad sa Kartilya'y isapuso't diwa

pagpupugay sa anibersaryo ng Katipunan
isabuhay natin ang Kartilya nitong iniwan
bilang pag-alala sa kanilang kadakilaan
upang kamtin ng bayan ang asam na kalayaan

- gregbituinjr.
07.07.2020

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.