Lunes, Oktubre 29, 2018

Kwento - Pagbabalik ng Taliba, pagbabalik sa Taliba


PAGBABALIK NG TALIBA, PAGBABALIK SA TALIBA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Higit isang dekada na rin nang mawala ako bilang staff ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) noong Marso 2008, at nakabalik lamang sa KPML nang mahalal na sekretaryo heneral nito noong Setyembre 16, 2018.

Kaya nang mahalal ako’y agad kong sinabi kay Ka Pedring Fadrigon, ang pambansang pangulo ng KPML, na muli kaming maglabas ng dyaryo ng KPML, ang Taliba ng Maralita.

“Sige, Greg, ilathala muli natin ang Taliba ng Maralita,” ani Ka Pedring, “ikaw naman ang dating gumagawa niyan. Ikaw na humawak diyan.”

“Okay po, mas maganda po kung may kolum kayo, Ka Pedring.” Sabi ko, na sinang-ayunan naman niya.

Kaya isinama na namin sa plano ang paglalathala ng Taliba. Kung noon ay isang beses kada tatlong buwan, o apat na isyu ng Taliba kada taon, ang balak ko ay isang beses sa isang buwan upang labingdalawang isyu ng Taliba sa loob ng isang taon. Palagay ko’y kaya naman dahil sa dami ng paksang matatalakay at dami ng laban at isyung kinakaharap ang maralita.

Ang kasanayan ko bilang manunulat mula sa kampus o sa kolehiyo bilang editor ng pahayagan ng mag-aaral, hanggang sa paglalabas ng dalawang isyu ng magasing Maypagasa ng Sanlakas, hanggang sa pagsusulat at pagle-layout ng pahayagang Obrero ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), hanggang sa magasing Ang Masa ng Partido Lakas ng Masa (PLM), marami na rin akong karanasan bilang isang dyarista. Bukod pa ang hilig sa pagkatha ng maikling kwento at tula, alamat at pabula, at marahil sa mga susunod na panahon ay maging isang ganap na nobelista. Nais kong kumatha ng nobelang ang bida ay ang uring manggagawa. O mas pinatatampok ay ang kolektibong pagkilos ng sambayanan.

Isang maramdaming tagpo para sa akin ang ipahawak sa akin muli ang pagsusulat at paglalathala ng Taliba ng Maralita, dahil natigil na ang paglalathala ng Maypagasa, Obrero at Ang Masa, at tanging ang Taliba ng Maralita na lamang ang aking pinagsusulatan sa ngayon kaya sabi ko sa sarili ko, paghuhusayin ko ang pagsusulat dito.

Isa sa mga maikling kwentong nalathala ko sa Taliba ay ilang ulit nang nilathala sa dyaryo. Pinamagatan iyong “Ang Ugat ng Kahirapan”. Una iyong nalathala sa nalathala sa Taliba ng Maralita sa isyu ng Hulyo-Setyembre 2003, na higit labinglimang taon na rin ang nakararaan. Nalathala rin iyon sa pahayagang Obrero ng BMP, bandang 2007 o 2008 (wala na akong sipi niyon), sa magasing Ang Masa ng Partido Lakas ng Masa (PLM) noong Oktubre 2011, at sa muling paglathala ng Taliba nitong Setyembre 2018, sa nakaraang isyu lang.

Ang una ngang Taliba ng Maralita na ginawa ko ay ang isyung Abril-Hunyo 2001, ilang buwan matapos paslangin si Ka Popoy Lagman, na dating pangulo ng BMP. Ang pagtalakay sa kanya ng isang tagasugid na tagahanga ay nalathala sa Philippine Daily Inquirer noong Pebrero  14, 2001, na isinalin ko sa wikang Filipino, at siyang tampok na balita sa isyung iyon. Sa pahina 4 din ng isyung iyon ay isinulat ko naman ang talambuhay ni Ka Popoy Lagman.

Malaking bagay na nakabalik ako sa Taliba ng Maralita, dahil nga wala na akong pinagsusulatang pahayagan sa kasalukuyan, dahil hindi na rin sila nagtuloy. At dito sa Taliba, bilang bagong sekretaryo heneral ng KPML, ay pag-iigihan ko na ang bawat pagsusulat ng sanaysay, pahayag ng KPML, pananaliksik ng mga balita’t batas hinggil sa isyu ng maralita, maikling kwento at tula. Kaya asahan ninyo ang aking pagsisikap upang mapabuti ang ating munting pahayagan ng maralita.

Baka rito sa Taliba ng Maralita ko masulat ang pangarap kong nobelang naiisip kong sulatin, isang nobelang hinggil sa maralita, manggagawa, mga api, at pinagsasamantalahan sa lipunan. Nobelang kakampi ng masa para sa karapatang pantao at panlipunang hustisya.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Oktubre 2018, pahina 18-19.

Kwento - Sa relokasyon, may poso, walang tubig, may poste, walang kuryente

SA RELOKASYON, MAY POSO, WALANG TUBIG, MAY POSTE, WALANG KURYENTE
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Napag-uusapan nang madalas ng mga maralita ang kalagayan sa mga relokasyon. Akala nila’y tutuparin ng pamahalaan ang mga pangako nito pag nadala na sila sa relokasyon, subalit kabaligtaran pala ang lahat.

Si Ipe, na dating mandaragat sa Navotas, at ang kanyang pamilya, ay nadala sa isang relokasyon sa Towerville, sa kabundukan ng San Jose del Monte sa lalawigan ng Bulacan. Bukod sa may kalayuan na, mahal pa ang pamasahe, nailayo pa sila sa pinagkukunan ng ikinabubuhay, Aba’y saan naman nila gagamitin ang kanilang mga bangka doon sa kabundukan?

Ani Ipe, nang minsang dinalaw ko sila sa Towerville, “Ang hirap dito sa kalagayan namin, dinala kami rito sa talahiban. Kami pa ang nagtabas ng mga damo, nagpatag ng lupa, hanggang matayuan ng bahay. Talagang literal na itinapon kami ritong parang mga daga. May nakita nga kaming poso rito subalit walang tubig. May mga poste ng kuryente subalit walang kuryente. Ang matindi pa, malayo ang palengke, na lalakarin mo pa ng ilang kilometro upang makabili. Buti nga sa ngayon, nagtayo ng munting tindahan si Mareng Isay kaya nakakabili na kami ng pangangailangan. Bagamat medyo mahal dahil kinukuha pa sa malayo.”

“Kaytindi po pala ng inyong nararanasan.” Sabi ko.

Naroon din si Isko, na agad sumabat sa usapan. “Siyang tunay, Igor, nagbago talaga ang buhay namin. Mula sa pagiging mandaragat ay nagmistula kaming pulubi ritong nanghihingi ng limos. Mabuti ‘t maayos ang pamumuno ni kasamang Ipe sa amin, kaya kami’y nagtutulungan dito. Sayang nga lamang ang aming mga bangkang pinaghirapan naming pag-ipunan upang makapangisda’t mapakain ang aming mga anak.”

“Tara muna sa tindahan ni Isay at nang makapagmeryenda,” yaya ni Mang Ipe. Tumango naman ako at sumunod.

“May kanton diyan, ipagluluto ko kayo,” ani Aling Isay. “Maigi’t napadalaw ka sa amin, Igor. Kaytagal na ring di tayo nagkausap. Kumusta na nga pala ang KPML?”

“Mabuti naman po. Nahalal po pala akong sekretaryo ng KPML nitong Setyembre. Si Ka Pedring pa rin po ang nahalal na pangulo.” Ang agad ko namang tugon.

“Alam mo, mahirap talaga ang mapalayo sa kinagisnan mong lugar.” Ani Aling Isay. “Kung di ako magtitinda-tinda, aba’y gutom ang aming aabutin dito ng mga anak ko.”

Patango-tango lamang ako sa kanilang ikinukwento, dahil dama ko na’y di na mapalagay. Bakit ganoon? Natahimik ako  ng ilang sandali. At nang magkalakas ng loob na akong magsalita ay saka ako nagtanong.

“Di po ba nakalagay sa UDHA, sinumang nilagay sa relokasyon ay may pangkabuhayan. Ano na pong nangyari roon?”

Napailing si Inggo, na kanina pa nakikinig, “Sa totoo lang, iyan din ang inaasahan namin. May pangkabuhayan. May trabahong magigisnan. Subalit wala, wala. Gaya nga ng nabanggit kanina ni Ipe, para kaming mga dagang basta itinaboy dito. Kami pa ang nagpaunlad ng komunidad na ito nang walang anumang tulong mula sa gobyerno.”

Iniabot na ni Aling Isay ang niluto niyang pansit kamton. Tigisa kami nina Mang Ipe, Isko at Inggo. Tahimik lang kaming kumain, habang nagpatuloy sa pagkukwento naman si Aling Isay.

“Malayo pa ang iskwelahan dito. Sana’y nag-aaral pa ang mga anak ko. Sana, may maitayo nang paaralan sa malapit upang makapag-aral muli sila. Pati ospital, para naman sa mga maysakit. Malayo din kasi ang health center na malapit. Nasa kabilang barangay pa.”

Hindi pa ako tapos kumain ay nakahanda na ang aking munting kwaderno at isinulat ko ang mga sinabi nila. Maya-maya’y narinig ko na lang sa radyo ni Aling Isay sa tindahan ang awitin ni Gary Granada, na pinamagatang Bahay.

“Parang pinagtiyap ng pagkakataon, kumakanta ng Bahay si Gary Granada,” sabi ko, “na para bang patunay ng mga sinabi po ninyo.”

“Ay, oo,” sagot ni Mang Ipe, “pag ninamnam mo ang kahulugan ng kantang iyan, parang kami noong nagsisimula pa lang dito.”

Maya-maya, nang matapos nang kumain ay nagpaalam na ako. “Tuloy po muna ako, pupuntahan ko pa po sina Ate Fely at si Neneng sa kanilang bahay. Mangungumusta rin po.”

“Sige, Igor, mabuti at nabigyan mo kami ng isyu ng pahayagang Taliba ng Maralita, at may mababasa kami tungkol sa mga ginagawa ng KPML. Pakikumusta mo na lang kami kina Ka Pedring.” Ani Aling Isay. “Ingat ka, at baka ka gabihin sa daan. Mahaba pa ang lalakarin mo.”

Tumango ako, “Salamat po, ingat din po kayo.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Oktubre 2018, pahina 18-19.

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.