Huwebes, Nobyembre 29, 2018

Pahayag hinggil sa RA 9507 na anti-maralita

ITAGUYOD ANG KARAPATAN SA PANINIRAHAN!
HOUSING CONDONATION AND RESTRUCTURING ACT OF 2008,
PAHIRAP SA MARALITA!

Balita ang isyung bantang padlocking at ejectment ng mga bahay sa relokasyon ng hindi nakakabayad sa kanilang buwanang obligasyon. Upang maiwasan ang nasabing problema, inalok ng NHA ng bagong "tulong" ang mga naninirahan sa relokasyon. Ang solusyon: Pumaloob ang mga maralitang pamilya sa Kondonasyon at Pagreistruktura ng pagkakautang.

Ano ba itong condonation and restructuring program?

Ang sinasabing solusyon ang laman ng Republic Act (RA) 9507 o Socialized and Low Cost Housing and Restructuring Program na ipinasa ng Senado noong Agosto 27, 2008 at ng Mababang Kapulungan ng Kongreso noong Agosto 26, 2008, at nilagdaan ni dating pangulong GMA noong Oktubre 13, 2008. Binigyan ng 18-buwang palugit ang lahat ng mga may pagkakautang at noong Pebrero 13, 2010 ay natapos na ang palugit.

Layunin ng programa na solusyunan ang lumalaking problema ng hindi pagbabayad sa mga proyektong pabahay ng pamahalaan at maging mekanismo ang paglalapat ng disiplina sa lahat ng mga may pagkakautang sa pabahay.

Ang KONDONASYON ay pumapatungkol sa pagbabawas at pagkaltas sa interes at multang ipinataw dahil sa di pagbabayad sa takdang panahon. Samantalang ang PAGREISTRUKTURA naman ay pumapatungkol sa pagsasaayos ng bagong kwenta ng bayarin at mga bagong kondisyon sa kontrata.

Sa madaling salita, ito ay DAGDAG-BAWAS na programa sa usaping pabahay. Babawasan ang kasalukuyang obligasyon ng mga maralita sa relokasyon (penalty, delinquency fee, at diskwento sa interes) at pagkatapos ay lalagumin ang naturang pagkakautang kasama ang halaga ng prinsipal na pinatawan ng bagong interes, na siyang bubuo sa reistrukturadong utang na babayaran.

Tunay na pangtulong ba ito sa mga aralita sa mga relokasyon at resettlement areas?

HINDI! Umaalingasaw ang katotohanang ang sumatotal ng programang KONDONASYON at REISTRUKTURANG utang sa pabahay ay mas mataas na bayarin sa mas malaking panahon ng pagbabayad. Paano ngayon nakatulong ang programa? Kung sa P250 kada buwan ay hindi tayo makapagbayad, paano pa ang reistrukturadong bayarin na sa pinakamababa ay umaabot sa P600 kada buwan?

Ikalawa, labas sa mataas na bayarin, nakasaad din sa programa na hindi nito sakop ang mga pamilyang hindi nakabayad kahit minsan. Nasa 80-90% ng mga aralitang nasa relokasyon at resettlement ang hindi nakabayad kahit minsan dahil sa pagkabigo ng gobyernong ibigay ang programang pagkabuhayan. Kaya kung tutuusin, ang programang ito ay programa rin ng malawakang pagpapalayas sa mga maralitang pamilya sa mga relokasyon at hindi totoong pantulong.

Ikatlo, dudulo pa rin ito sa malawakang padlocking at ejectment ng mga maralitang papaloob sa programa dahil maliwanag na nakasaad sa batas na ang sinumang hindi makababayad sa loob ng tatlong buwan ay papailalim pa rin sa padlocking at ejectment.

Sa madaling salita, maging bahagi man o hindi ng programa ang isang maralitang pamilya, walang ibang kinabukasan ang mga ito kundi ang mapalayas sa kanilang mga tahanan. Ang maralitang pamilya sa ilalim ng programang kondonasyon at pagreistruktura ay maihahalintulad sa isang bibitayin na pinahaba lamang ng panahon ngunit sa dulo ay bibitayin pa rin.

DAPAT TUTULAN at HUWAG TANGKILIKIN ang RA 9507 at programa nitong KONDONASYON AT PAGREISTRUKTURA sa ating bayarin sa pabahay.

Ito ang dapat nating maging tindig sa programa dahil malinaw na dagdag pahirap ito at instrumento lamang para sa malawakang pagpapalayas sa mga mahihirap na nasa relokasyon.

Ang mga laman at probisyon ng RA 9507 ay lumalabag sa ating Konstitusyon na nagtitiyak na obligasyon ng pamahalaan ang pagbibigay ng abotkaya at disenteng paninirahan sa mga maralita. Panggigipit sa maralita ang laman at intensyon ng batas at hindi pagpapagaan sa kahirapan. Hindi nito sinasagot ang tunay na dahilan ng kawalan ng kakayahan ng maralitang bayaran ang kanyang buwanang bayarin - ang kawalan ng tiyak na trabaho at kabuhayan.

Ang mga relokasyon at resettlement ay itinayo upang paglakagan ng mga maralitang napaalis sa mga komunidad upang bigyang daan ang mga proyektong pangkaunlaran. sa madaling salita, isang serbisyo ang pabahay sa relokasyon. Ngunit sa RA 9507, binabago nito ang pananaw na ang pabahay ay isa nang negosyo.

HUWAG PUMASOK SA PAIN NG CONDONATION AND RESTRUCTURING PROGRAM!

TIYAK NA KABUHAYAN, HINDI KONDONASYON!

ANG RELOKASYON AY SERBISYO, HINDI NEGOSYO!

Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)
Zone One Tondo Organization (ZOTO)
Nobyembre 14, 2018

Martes, Nobyembre 27, 2018

Kwento - Huseng Batute, Asedillo at ang wikang Filipino


HUSENG BATUTE, ASEDILLO AT ANG WIKANG FILIPINO
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa paglalathala nating muli ng pahayagang Taliba ng Maralita bilang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), nais nating kilalanin ang isa sa mga magigiting na makata ng bayan - si Jose Corazon de Jesus o Huseng Batute. Nasa wikang Filipino ang ating pahayagan. Nasa wikang madaling maunawaan ng ating mga kapwa maralita. Kaya yaong mga Pinoy na Ingleserong nangungutya sa wikang Filipino na wikang bakya ay dapat nating tuligsain. Kaya mahalaga ang muling pagkilala, bukod sa makatang si Gat Francisco Balagtas, kay Huseng Batute, na siyang unang Hari ng Balagtasan noong 1925.

Napagkwentuhan nga namin iyan ng lider-maralitang si Mang Isko, na tumutula rin naman. Sabi niya sa akin, “Alam mo, Igor, dapat namang kilalanin din ng pamahalaan ang kahalagahan ni Jose Corazon de Jesus bilang tagapagtanggol ng wikang Filipino. Nabasa mo ba ang tula niya laban sa isang gurong Amerikana? Tinuligsa niya iyon ng patula dahil kinagagalitan nito ang mga estudyanteng nagta-Tagalog.”

“Anong magandang mungkahi mo?” Tanong ko.

“Aba’y sa Nobyembre 22 ay kaarawan niya, maanong magdeklara naman ang pangulo na kilalanin si Huseng Batute sa kanyang kaarawan. O kaya ay kilalanin ang kanyang kaarawan bilang Pambansang Araw ng Pagtula, Tulad ng pag Abril ay sinisimulan ng bayan ang Buwan ng Panitikan sa mismong kaarawan ni Balagtas, Abril 2. Bagamat dapat Abril 1 hanggang Abril 30 ang Buwan ng Panitikan. Ang Abril 1 kasi ay April Fool’s Day. Kaya ang pagsalubong lagi sa Buwan ng Panitikan ay sa kaarawan ng ating dakilang makatang si Balagtas.” Ani Mang Isko.

“Maganda po ang inyong mungkahi. Tulad rin pala iyan ng naging karanasan ni Teodoro Asedillo, na isang guro sa Laguna, bago nakilalang rebelde. Tinuruan niyang maging makabayan ang mga estudyante niya, at pinagalitan siya ng punong gurong Amerikano dahil sa pagtuturo ng wikang Filipino, kaya siya tinanggal.” Sabi ko sa kanya.

“Maalam ka pala sa kasaysayan,” tugon ni Mang Isko. “Baka mas magandang buksan natin sa isang talakayan ang usaping ito. Pagkilala kina Jose Corazon de Jesus at Teodoro Asedillo bilang mga bayani ng wika. Mungkahi kong magpalaganap tayo ng kampanyang lagda upang ideklarang Pambansang Araw ng Pagtula ang kaarawan ni Batute, kasabay ng kampanyang pagkilala kina de Jesus at Asedillo bilang mga bayani ng wikang Filipino, na nauna pa kay Manuel L. Quezon, na siyang Ama ng Wikang Pambansa.”

“Sige po.” Tugon ko. “Napanood ko kasi ang pelikulang Asedillo ni Fernando Poe Jr., at nabasa ko ang talambuhay niya sa mga aklatan kaya po alam kong ipinaglaban niya ang ating wikang pambansa. Isusulat ko muna ang borador ng kampanyang lagda para sa dalawa. Tapos po ay magpatawag tayo ng pulong ng samahan. Yayain din natin ang iba pang samahan upang sumama sa kampanyang ito. Magpatawag na po tayo ng pulong sa Sabado.”

“Ayos iyan. Ipatawag mo na.” Sabi ni Mang Isko sa akin, kaya masigla kong ginampanan ang para sa akin ay makasaysayang usapin.

Pagdating ng araw ng Sabado, ikalawa ng hapon, nagsidatingan na ang mga lider at kasapian ng samahan. Sinimulan ko ang usapin.

“Nag-usap kami ni Pangulong Isko upang maglunsad tayo ng isang malawakan at makasaysayang kampanya. Lalo’t marami rin sa inyo ay paminsan-minsang gumagawa ng tula. Una, kampanyang lagda upang ideklarang Pambansang Araw ng Pagtula ang kaarawan ni Huseng Batute at gawing bayani ng wikang Filipino sina Jose Corazon de Jesus at Teodoro Asedillo sa pagtatanggol ng ating wika laban sa mga dayo.”

Tumugon si Mang Igme, “Okay iyan. Subalit dapat dalhin natin sa Malakanyang ang panawagang iyan bukod pa sa paggawa ng panukalang batas ng ating mga kongresista at senador. Magandang layunin iyan.”

Si Aling Isay, “Nasaan na ang mga papel para sa kampanyang lagda upang masimulan na natin. Ang galing ng inyong naisip. Kahit matanda na ako’y naaakit muling tumula, at ipagtanggol ang wikang Filipino, lalo na sa nagtanggalng kursong ito sa kolehiyo.

Natapos ang pulong na masigla ang bawat isa, dahil alam nilang para sa bayan at sa kultura at kabayanihan ang kanilang bagong layunin.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Nobyembre 2018, pahina 16-17.

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.